You are on page 1of 2

Ibong Adarna

Isang engkantadong ibon.  Ito ay nagpapahinga sa punong may mga pilak na dahon kung
sumasapit ang hatinggabi.  Umaawit ito ng pitong beses at sa bawat awit nito ay nag-iiba
ng anyo ang kanyang mga plumahe.  At sinumang naghihintay sa kanya ay napipilitang
makatulog sa pitong ulit na pag-awit na ginagawa niya.  Pagkatapos ng pitong awit ay
magbabawas ang Ibong Adarna bago matulog.  Mahiwaga ang kanyang awit at
nakapagpapagaling ng anumang karamdaman sa sinumang makadinig nito, ngunit ang
mapatakan ng kanyang dumi ay nagiging bato.  

Haring Fernando
Kinikilalang isang haring makatarungan at makatuwiran.  Hinahangaan nang labis ang
kanyang mahusay na pamamahala sa Berbanya dahil sa payapang namumuhay ang mga
mamamayan sa maunlad na kaharian.

Reyna Valeriana
Ang butihing asawa ni Don Fernando at ina ng tatlong magigiting na prinsipe ng
Berbanya na sina Don Pedro, Don Diego, at Don Juan.  Ang kanyang kahinahunan ay
lalong nagdulot ng kabutihan upang ang Hari ng Berbanya ay higit na maging
makatarungan at matalino sa pamamalakad sa kaharian.

Don Pedro
Ang panganay na anak ng Hari at Reyna ng Berbanya.  Isa siyang magiting na
mandirigma.  Likas ang angking galing at talino na taglay ng isang prinsipeng
tagapagmana ng korona, subalit likas din ang kanyang angking kabuktutan at ang lihim
na inggit.  Naghahangad na sumunod na maging hari ng Berbanya.

Don Diego
Ang pangalawang anak ng Hari at Reyna ng Berbanya.  Isang prinsipeng sunud-sunuran
sa kapatid na si Don Pedro.  Tulad ng panganay na kapatid, siya ay bihasa rin sa
paghawak ng armas.  Bagama’t may angking talino sa pamumuno at may kakayahan ding
tanghaling tagapagmana ng korona ay naging sunud-sunuran si Don Diego sa panganay
na kapatid kaya’t nawalan ng sariling desisyon.  Si Don Diego ay nalilihis ng landas dahil
sa kabuktutan ni Don Pedro.

Don Juan
Ang pinakanatatanging prinsipe, ang bunsong anak ng hari at reyna.  Siya ang prinsipeng
matuwid at nagmana ng pagiging makatarungan at makatuwiran ng amang hari.  Likas sa
puso ang kabutihan kaya’t nagawang linlangin ng dalawang kapatid na may buktot na
hangarin.  Ang likas na kabutihang taglay ang nagligtas kay Don Juan sa mga
kapahamakang nasusuungan.

Iba pang tauhan:

Matandang leproso
Ang matandang may mahigpit na bilin na makipagkita muna si Don Juan sa ermitanyo na
naninirahan sa isang kuweba sa Bundok Tabor bago pa man niya pangahasang hulihin
ang Ibong Adarna.

Ermitanyo
Ang matandang nagpayo kay Don Juan ng mga kailangan niyang gawain para mahuli ang
engkantadong Ibong Adarna.

Donya Juana
Ang kapatid ni Donya Leonora at prinsesang iniligtas ni Prinsipe Juan mula sa higanteng
nagbabantay sa kanya.

Donya Leonora
Ang bunsong kapatid ni Donya Juana at iniligtas ni Don Juan mula sa serpyenteng may
pitong ulo na tagapagbantay niya.

Haring Salermo
Hari sa kaharian ng Delos Cristal (Kaharian ng mga Kristal) at ama ni Donya Maria
Blanca. May taglay na mahikang itim.

Donya Maria Blanca


Ang prinsesa ng Reyno Delos Cristal.  May taglay ding kapangyarihang mahika na higit
pa sa kanyang ama na si Haring Salermo.

You might also like