You are on page 1of 6

Rosal ni Mayette Bayuga

Naging ugali kong mag-alay ng bulaklak kay Birheng Maria simula ng sabihin ni Sister
Guada na ang mga masipag mag-alay ng bulaklak sa Birhen ay mananatiling malinis at kagalan-
galang. Labintatlong gulang lang ako at nasa unang antas pa lamang ng pag-aaral sa Colegio de
la Immaculada Corazon. Kaya lang, dahil gusto kong mapansin ng lahat na ako’y isang mabuting
bata, sinunod ko si Sr. Guada.

Nag-iisang eskuwelahang katoliko sa bayan ng Boac ang Colegio. Itinayo ito noong
panahon ng mga kastila at ang unang mga guro ay mga madreng Portuges. Sabi ng mga
matatanda ay matangkad, mapuputi at matatangos ang ilong ng mga nasabing madre. Mga
batang babae lang ang tinanggap nito sa paaralan dahil ang pangunahing itinuturo nila maliban sa
pagdarasal ay pananahi,pagbuburda, ang pagtugtog ng piyano at ang pangangalaga sa katawan.
Sa pag-asang maging kagaya ng mga madreng Portuges ang kanilang mga anak, halos lahat ng
may mga sinasabing pamilya sa bayan ay sa Colegio pinag-aral ang mga anak na babae.

Sa aking panahon ng pag-aaral ay marami nang pagbabago sa Colegio. Ang pananahi at


pagbubuda ay naging bahagi na lang ng araling Sining Pangkabuhayan. Hindi na rin kami
hinahasa sa pagtugtog ng piyano. Ang isang luma’t malaking piyano na maaring siyang ginamit
ng mga naunang mag-aaral ay isinantabi na lang sa loob ng silid dalanginan, may makapal na
takip at ginagamit na lang sa mahahalagang okasyon. Ang pangangalaga naman sa katawan,
kasama ang kalinisan ng kaluluwa ay naging bahagi na ng sermon ni Sr. Guada tuwing
pagkatapos ng pagtaas ng bandila sa umaga. Maaring ang mga pagbabagong ito ay dala ng
pagbukas ng pinto ng Colegio sa mga mag-aaral na lalaki. O maaring sinadya ang pagbabago
upang makapasok ang mga lalaking mag-aaral. Hindi na rin matatandang Madreng Portuges ang
nagtuturo sa amin, napalitan na ng mga madreng pilipina ang karamihan ay matataba kagaya ni
Sr. Guada.

Bulubundukin ang Boac. Ang Colegio ay sa taas ng isang gulod nakatayo. Ang gulod na
ito’y nasa dulo ng isang magkakrus na daang nagsisimula sa malapit sa aming bahay sa Isok. Sa
paanan ng gulod ay nagsisimula ang isang mahabang hagdang batong paakyat sa mga silid-
aralan, na ang pagkakasunod-sunod ay iniaayon sa antas ng pag-aaral. Nasa dakong tuktok ang
halamanang namumutiktik ang kapal ng iba’t ibang klaseng bulaklak.
Simula nang maging principal si Sr. Guada, bago pa man ako naging isa sa mga mag-aaral ng
Colegio, ginawa niyang solusyon sa paaralan ang pagpapaganda ng halaman sa pamamagitan ng
pagpupuno dito ng mga malalaking halaman. bawat mag-aaral ay inaatasan magtanim at mag-
alaga ng tatlong uri ng halaman sa mga itinalagang halamanan. Tuwing umaga, sa kanyang
sermon ipinapaalala ni Sr. Guada upang magsilbing inspirasyon na darating ang araw na lahat ng
bulaklak na iaalay sa Birheng Maria tuwing sasapit ang kanyang mahalagang kapistahan ay
mangagaling sa halamanan at ang bulaklak ay magiging tunay na mga alay, dasal na pinagpala
ng sariling kamay ng mga mag-aaral.

Tatlong taon ng principal si Sr. Guada nang tumuntong ako sa Colegio pinatupad na ang
kanyang pangarap na mapuno ng bulaklak ang halamanan. Sinimulan na ng isang ritwal na
ginagawa sa tuwing sasapit ang mga kapistahan ng Birheng Maria. Ang kakaibang pag-aalay ng
bulaklak sa Birheng Maria ay nagaganap sa madaling araw. Sabi ni Sr. Guada isang matandang
sakripisyo pangkalinisan ng aming kaluluwa ang ritwal. Sisimulan iyon sa pagtitipon ng lahat ng
mag mag-aaral ng puno ng hagdang bato, kung saan inaayos ng pares-pares, at ang bawat isa ay
nasa tamang lugar na, ang silid dalanginan ay tinutogtog ang piyano at sa saliw nito ang mga
mag-aaral ay kakanta ng Ave, Ave, Ave Maria……… Habang umaakyat sa halamanan. Pipitas
kami ng bulaklak sa halamanan at aakyat, pababa sa kabilang dako ng gulod patungo sa
kinaroroonan ng groto, na nasa dulo ng isang katarikang hagdang bato. Nagtitipon kaming lahat
sa ibaba ng grotto upang manalangin, pagkatapos ay aakyat na nag bawat pares at iaalay sa
Birhen ang mga sariwang bulaklak.

Kahit pangkaraniwang araw ay hinihikayat kami ni Sr. Guada na mag-alay ng bulaklak sa


Mahal na Birhen. Ipinapalala rin niya na dapat ay pipiliin naming ang pinakamagandang
bulaklak, dahil ang mga ito’y sumasagisag sa aming sarili. Ang mga buko daw ay tanda ng
kawalang pagmamahal.

Isang umaga, nakasalubong ko si Sr. Guada nang ako’y papunta sa groto, kipkip sa aking
mga palad ang tatlong bulaklak ng rosal na basa ng hamog. “Magandang umaga po, Sister,” bati
ko sa kanya. Ngumiti siya at sinabi, maraming magagandang rosas sa halamanan, Isay, dagdagan
mo iyang mga rosal mo,” Umiiling ako. “Talaga pong rosal ang gustong kong iaalay na bulaklak,
Sister.” ang saot ko. Siya naman ay umiiling “Pero madali iyang malanta” sabi niya. “Gusto ko
po ang kaputian ng rosal,” sabi ko. “hindi ba meron namang puting rosas?” tanong niya
nakangiti. “Meron nga po. pero ang rosal po ay mabuti at walang tinik. Naiiba po ang rosal sa
pangkaraniwan. Para sa akin, ang rosal ang pinakamagandang ialay sa Birhen.” Matigas ang
pagtatagol ko sa aking paboritong bulaklak kaya tumungo na rin si Sr. Guada at nagtuloy na ako
sa groto.

Isang beses sa loob ng isang linggo, nag aalay ako ng rosal sa Mahal na Birhen. Buong
puso akong umaasa na magiging malinis at kagalang-galang ako sa habambuhay tulad ng sinabi
ni Sr. Guada. Hindi ko naman maintindihan ang nais niyang sabihin.
Nangangalahati na ang buwan ng Setyembre nang matuklasan ko ang isang tagong lugar sa itaas
na bahagi ng halamanan, halos nasa tuktok na ng gulod. Isang mahabang kumot ng Bermuda
grass ang nagpapayungan mga nagsasalimbayang makakapal na dahon ng gumamela at santan.
Para bang sadyang isaayos ang tagong lugar na iyon, malinis at malambot ang Bermuda parang
laging nauupuan. Mula noon, palagi na akong naglalagi sa kubling lugar na iyon upang magbasa
at magmuni muni. Hindi ko ipinaalam kanino man sa takot kong may umagaw sa aking pag iisa.
Isang hapon, habang tahimik akong nagbabasa, nakarinig ako ng mga yapak na papalapit.
bumulagasa akin ang gulat na mukha ni Evelyn Noche, isang mag-aaral sa ikatlong antas. Aba,
ikaw si Dalisay Dias diba? sabi niya, “ako nga” sagot ko naman. naku, anong ginagawa mo
dyan? tanong niya. Nagpapalipas ng oras habang hinihintay kong tumunog ang batingaw, muli’y
sagot ko. Ang tapang mo naman! Hindi mo ba alam na noong isang linggo lang ay may pinatay
na malaking ahas si man Pedro dyan?’ Madiin niyang sabi. “Hindi ko alam iyon”. Wala akong
nabalitaang ahas dito.” pabigla akong sumagot dahil sa inis na nanakot niyang boses. Ngayong
alam mo nang may ahas na gumagala diyan, mag-iingat ka na! At lumakad na siyang pababa
agad naman akong sumunod.

Maganda si Evelyn Noche. Siya ay matangkad, matangos ang ilong at hanggang beywang
ang maaalong buhok. Kung hindi nga lang kayumanggi ang kulay ng kanyang kutis ay siya ang
nailalarawan kong itsura ng magandang madreng Portuges na unang naging guro ng Colegio.
Mahusay kasi sa pagtugtog ng piyano si Evelyn at madalas, siya ang tumutogtog nito kapag may
okasyon o kaya’y kung kapistahan ng mahal na Birhen.

Kahit naiinis ako sa sinabi ni Evelyn nagkaroon rin naman ako ng takot. Paano nga kung
may ahas sa tagong lugar?” Alam kong kapag may nangyari sa akin ay mananagot ang Colegio.
Dahil gusto kong patunayan sa sarili ko na mabait na bata, hindi na ako bumalik doon.
Aywan ko naman kung bakit kung kalian pa ako nawalan nang lugar na mapagmumuni-munihan,
ay saka naman ako napuno ng maraming agam-agam. Sa bawat araw, iba’t ibang bagay tungkol
sa aking sarili ang gumugulo sa aking isip at napapaalinlangan sa buo kong katawan. Nagsimla
kong mapansin na may dalawang bukol nang nag-uunahang lumaki sa aking dibdib. Nagsimula
na rin akong magkahilig sa pagbabasa ng mga librong punong-puno ng malalagkit romansahan
ng lalaki’t babae. At sa gabi kung nanunuot ang ginaw sa manipis kong pantulog, nagsimula
akong mangarap na may mainit na kamay na humahaplos sa buo kong katawan. Hindi ko
maipaliwanag ang mag bagay na iyon. Takot akong magkuwento kahit kanino dahil baka ako
pagtawanan. Itinuloy ko pa rin ang pagdadala ng mga rosal sa Mahal na Birhen., ngunit
nagsimula na akong magtanong kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging malinis at
kagalang-galang. Hinila ang mga paa kong bumalik ako sa tagong lugar pagkatapos ng klase
isang araw ng Oktubre. Gusto kong mapag-isa. Iilang hakbang na lang ako nang maramdaman
kong may tao doon. Bumulaga sa akin ang ilang hibla ng mahaba’t maalun-along buhok at
makinis na kayumangging balat.

Hindi nag-iisa si Evelyn Noche sa tagong lugar kasama niya si Manny Adams, ang most
valuable player ng koponan ng basketball ng colegio. Amerikano ang ama ni Manny(higit na
kilala sa tawag na Adams) kaya naman litaw na litaw ang kanyang pagiging mestiso. Halos lahat
ng mga babae sa Colegio ay kinikilig sa kaguwapuhan niya. Marami ang nagsasabi na bagay sila
ni Evelyn Noche at doon sa tagong lugar, nakakanlungan ng nagsasalimbayang gumamela at
santan, ilang hakbang mula sa pang-alay sa Birheng Maria, pinatunayan ni Evelyn at Adams na
sila nga’y bagay sa isa’t isa. Walang pakialam sa paligid, masusing pinag-aaralan nila ang
katawan ng isa’t isa, nagmamadali ang mga kamay, nag-uunahan ang mga kilos. Kung may ahas
na gumgapang sa paanan ni Evelyn, ni hindi niya iyon mararamdaman.
Dahan-dahan akong humakbang palayo at nagtuloy sa halaman. Pinagpapawisan ang malagkit
ang buo kong katawan. Pumitas ako ng isang rosal at unti-unting pinigtal ang mga talulot nito,
saka isinabog paitaas, pilit pinaabot sa langit habang ang mga ito’y naman’y tuloy tuloy na
nagbabagsakan sa lupa. Kinabukasan ay humanap ako ng lugar kung saan maari akong
magkanlong habang tinatanaw ko ang tagong lugar. Isang matabang punong niyog ang aking
nakita.
Araw-araw ay mula noon, habang ang mga kaklase ko’y nag uunahang makababa sa
hagdang bato kapag inihudyat na ang oras ng pag uwi , dahan dahan naman akong naglalakad,
kunwari’y papunta sa grotto, upang sa ilang saglit ay unti-unting umakyat papunta sa kabilang
bahagi ng gulod at sa likod ng pinakamatabang niyog ay maupo at manood ng natatanging
palabas.

Nagdaan ang ilang linggo. Nagpatuloy ang maliligayang pag-iisa nina Evelyn at Adams.
Habang sa bawat araw ay nakakaisip sila ng bagong paraan ng pagsamba sa kanilang laman,
natuto naman ako ng iba’t ibang paraan na panonood. Bawat isang haplos ni Adams, bawat isang
halinghing ni Evelyn, ay nagbukas sa akin ng libo’t isang pintuan ng langit.
Tanaw na tanaw ko sila mula sa aking kinauupuan at tanaw ko rin ang malalagong rosal sa
halamanan na nang panahong iyon ay nagngangalit na namumulaklak, siguro’y ipinaaalala na
nakalimutan ko na ang pag-aalay sa Birheng Maria.

Buwan ng Disyembre, sa aking kinauupuan sa likod ng matabang punong niyog ay


hinampas ng malakas na hangin ang aking buhok pagkatapos ay naramdaman ko ang malalaking
patak ng ulan sa aking balikat. Agad akong tumayo upang humanap ng masisilungan. Maaring sa
pagmamadali ko’y nakatapak ako ng isang tuyong dahon, o isang baling sanga, hindi ko alam…..
Mula sa tagong lugar, tumayo si Adams at nagkasalubong ang aming mga mata. Halos tumigil sa
pagtibok ang aking puso. Matagal na katahimikan. Pakiramdam ko’y nakabaon ang mga paa ko
sa lupa. Umagos ang ulan sa aking katawan – sa buhok, leeg, tumagos sa uniporme at binasa ang
dalawang bukol sa aking dibdib. “P…………………………ka! P………………………….ka!”
Umalingawngaw sa buong halamanan ang sigaw ni Adams. Tumakbo ako ng mabilis na mabilis.
Nabasa ang makinang na sahig ng opisina ni Sr. Guada sa magkahalong tubig-ulan at ihi na
umagos sa aking katawan. Ipinahatid niya akong pauwi sa kanyang sekretaryang si Ana
Nataranta si Lola nang makita akong basing basa at luhaan. Mabuti na lang at napaniwala siya ni
Ana na naabutan lang ako ng ulan habang pauwi. Agad akong naligo, nagbihis at saka nagkulong
sa loob ng aking kwarto. Ngunit hindi ako napakali.

Orasyon na. Nagbabadya ang kampana ng simbahan. lumabas ako ng kwarto nakita kong
nakaluhod na si lola sa harap ng altar, taimtim na nagrorosaryo. Pinupuno ng gumagaralgal
niyang boses ang buong bahay. Maingat akong humakbang papalayo sa altar, lumampas sa sala
atbalkonahe at tuloy-tuloy nang lumabas sa tarangkahan. Wala nang ulan. Wala na ring tao sa
magkakurus na daang papunta sa Colegio sa itaas ng gulod. Tahimik. Para bang lahat ng mga tao
sa Isok ay nakaluhod sa harap ng kanilang mga latar- pinapanalangin ang aking kaluluwa.
Lumakad ako…. sa una’y dahan-dahan, pabilis ng pabilis, hanggang tumakbo na ako papunta sa
Colegio. Pakinwari ko’y napakataas ng hagdang bato, para bang hindi ko makakayang akyatin
ngunit unti unti akong umakyat, humahangos, humhingal. Nangangalahati na ako nang marinig
ko ang boses ni Evelyn nananaghoy, nagmamakaawa. Gusto kong puntahan siya, yakapin. Gusto
kong lumuhod at magmakaawa kay Sr. Guada para sa kanya at para sa aking sarli…. ngunit
nakasara ang pintuan ng opisina ni Sr. Guada. Umakyat ako sa halamanan para magkanlong sa
makakapal na dahon ng rosal. Nangunguluntoy ang mga rosal, pawing nakatungo ang mga
bulaklak, siguro’y dahil sa lakas ng ulang nagdaan. Pumitas ako ng isang rosal, bukadkad na
iyon, mukhang ilang araw nang nakapagsabog ng bango at nasaid na ang kabuturan.
Maliliit ang aking mga hakbang ngunit tiyak ang patutunguhan. Sapo ko sa aking dibdib ang
palanta nang bahagi ng gulod kaya nadulas ako. Hinagip ng malagkit na putik ang aking
kaliwang paa at nahila akong pababa. Tumilapon ang rosal na nakulapulan ng putik at pinilit
ayusin ang ilang nagliyagis nitong talulot.

Iilang hakbang na lang ang layo ko sa paanan ng grotto nang marinig ko ang malakas na
pasakalye ng piyano. Kasabay ng pag-akyat ko sa matarik na hagdang bato, malinaw na
pumailanlang ang mga himig ng Maria…., kumanta ako una’y pabulong, nang lumaoy
mataginting at ang tunog ay dinala ng hangin kung saan.
Latag na ang takimsilim. Ang buong buro ay yakap na ng nag-aagawang dilim at liwanag.
Lumuhod ako sa harap ng imahen ng mahal na Birhen at tumitig sa maganda niyang mukha.
Wala akong nakitang galit doon, o panunumbat, ni pagtatampo.
Maaliwalas ang kanyang mukha, may bahagyang ngiti, puno ng pag-ibig. Sa unang pagkakataon,
naiintindihan ko ang ibig sabihin ng pagiging malinis at kagalang-galang – mga katangiang
nakalarawan sa magandang mukha ng Birhen. Gusto ko sanang magsalita, sumigaw sabihin ang
lahat ng aking mga lihim sa mahal na Birhen. Ngunit kahit isang kataga ay walang lumabas sa
aking bibig. tumayo ako at inilagay sa nakakrus na palad ng Birhen ang aking rosal lanta man at
putikan, iyon ang pinakamagandang bulaklak na naialay ko sa kanya.

You might also like