You are on page 1of 5

DULAANG FILIPINO CSSH-ABFIL

Republic of the Philippines


Fatima, General Santos City
KOLEHIYO NG AGHAM PANLIPUNAN AT HUMANIDADES
DEPARTAMENTO NG FILIPINO
Unang Semestre - Akademikong Taon 2020-2021

PANGALAN: Arianne U. Jenotan SEKSYON: N12.1

ASIGNATURA: PAN154 - Dulaang Filipino PETSA: 10-28-20

Miss Granny
Akdang pampelikula ni: Jinky Laurel
sa direksyon ni: Joyce E. Bernal

Ang pelikulang Miss Granny ay isang adaptasyon mula sa orihinal nitong gawa
na pelikula sa Korea noong 2014. Ito ay isang uri ng komdeya, drama, pantasya, at
musikal na nalikha nang dahil sa malikot na imahinasyon ng manunulat na si Jinky
Laurel at naisapelikula ito sa direksyon ni Joyce Bernal. Ito ay maayos na
naisabuhay at naipalabas sa mga sinehan noong ika-22 ng Agosto, 2018.

Ang kuwentong ito ay pumapatungkol sa isang matandang babae, na si Feliza


“Fely” Malabaño (Nova Villa) na nabigyan ng pangalawang pagkakataon na bumalik
sa kanyang dating itsura at edad noong panahon ng kaniyang kabataan (Sarah
Geronimo), pagkatapos niyang magpakuha ng litrato sa isang mahiwagang studio
(Forever Young Studio) na malapit sa babaan ng bus. Nung una ay gulat na gulat
siya sa nanyari pero sa hindi katagalan ay tinanggap niya ang kapalarang ito. Sa
pagbabago ng kanyang katauhan ay nagpakalayo layo muna siya sa kaniyang
pamilya upang makaiwas sa problemang dinulot niya sa asawa (Lotlot de Leon) ng
kaniyang anak na si Ramon (Nonie Buencamino). Sa hindi inaasahang pagkakataon,
nakita ni Jeboy (James Reid) si Odrey/batang Fely (Sarah Geronimo) na kumakanta
sa entablado ng isang pagkainan na patok sa mga matatanda, kung kaya't ito ang
nag udyok kay Jeboy na kunin si Odrey bilang bokalista ng kanilang banda. Sa
pagtatanghal ng grupo sa iba’t ibang lugar ay nadiskubre ni Lorenz (Xian Lim) ang
angking galing sa pagkanta ni Odrey at inalok niya ang grupo na gumanap sa harap
ng entablado at ipapakita ito sa telebisyon na naging dahilan ng kanilang pagsikat.
Kasabay nito ay ang pagtuklas ni Bert (Boboy Garovillo) na si Odrey at Fely ay iisa.
Napabilang ang bandang Malabaño sa isang paligsahan na gaganapin sa malaking
DULAANG FILIPINO CSSH-ABFIL

entablado kung kaya't silang lahat ay nasasabik sa araw na 'yon. Pagdating ng araw
na iyon, naaksidente si Jeboy at nagdulot ito ng pagiging emosyunal ni Odrey. Kahit
ganoon ang nangyari ay ipinagpatuloy nila ang pagtatanghal at ipinangako niyang
aawitin niya ang ginawang kanta ng kaniyang apo. Pagkarating ni Odrey sa ospital
ay sinakripisyo niya ang sariling kasiyahan sa pagiging dalaga maisalba lang ang
apo niya sa bingit ng kamatayan at dahil doon, unti-unti nang bumalik sa dating anyo
ang kaniyang katauhan. Sa huling bahagi ng pelikula, makikitang nasa loob sila ng
entablado at pinapanuod nila (Ramon, Angie, Bert, at Fely) ang pagtatanghal nina
Jeboy (James Reid) at Hannah (Ataska Mercado) ang bagong bokalista ng banda,
na may ngiti sa kanilang mga labi.

Sa kabilang dako, kung bibigyan natin ng pansin ang pagkakagawa sa pelikulang


ito, makikitang ang punong kaisipan nito ay pasalaysay, pantematiko, at
pang-estetiko. Masasabing ito ay pasalaysay sapagkat lahat ng sangkap sa isang
kuwento ay naroroon--tauhan, tagpuan, suliranin, tunggalian, kasukdulan at wakas,
sapagkat, hindi malinaw at malalimang naipakita ang suliranin at rason o likod na
istorya sa kaniyang pagiging segurista lalo na sa pagluluto na nagdulot ng hindi
magandang pagsasama nila manang Fely at sa manugang na si Angie (Lotlot de
lLeon). Pantematiko naman dahil ipinapakita rito ang partikular na saloobin ng
bidang si Fely tungkol sa pagiging pabigat niya sa pamilya dahil sa problemang
umiiral sa pagitan nila ng kanyang manugang. Bukod pa rito, isinasalarawan ng
pelikukang Miss Granny ang realidad na kadalasang nangyayari sa iilang matatanda
sa lipunan na kung saan, napagdesisyunan ng sariling anak na sila ay ipapaubaya
sa tahanang para sa mga may edad o home for the aged sa kadahilanang hindi na
sila maaalagaan ng sariling anak o makaiwas sa pagkakaroon ng suliranin sa
kanilang tahanan. Kung kaya’t, lumalabas dito ang perspektiba o pananaw ng isang
matanda sa kaniyang mararamdaman sa pangyayaring iyon. Karagdagan pa, ang
pagpapahalaga sa pamilya at pagsasakripisyo ng pansariling interes para sa ikabuti
ng pamilya katulad ng pagsasakripisyo ni manang Fely sa kanyang pangarap na
maging sikat na mang-aawit kahit binigyan na siya ng pagkakataon na mamuhay
nang panibago at ang sakripisyo nito bilang isang mapagmahal na ina, na hindi
sumusuko sa laban ng buhay at gagawin ang lahat ng makakaya para mabigyan
lamang ng magandang buhay ang kanyang anak. Isa pa, ito ay may punong kaisipan
DULAANG FILIPINO CSSH-ABFIL

din na pang-estetiko sapagkat, tumatagos ito sa puso’t isipan ng mga manonood


dahil sa mga aral at importansyang aspeto sa buhay na ipinapakita sa pelikula. Isa
sa mga patunay ay ang mga aral at pagsasabuhay sa mga lumang kanta na hindi
maalis sa isipan ng manonood, reaksyon habang nanonood, at ang samu’t saring
adaptasyon ng iba’t ibang bansa sa pelikulang Miss Granny na nangangahulugan
popular ito sa interes ng mga manonood.

Sa paraang ginamit naman ng manunulat sa pagpapahayag o paglalahad sa


pagbubuo ng mga pangyayari, eksena, at tagpo ay ginamitan nila ito ng pagbabalik
tanaw sa mga naging karanasan na paghihirap ni Fely de Leon, mataguyod lang ang
anak noong panahon ng kanyang kabataan, habang umaawit siya sa tanghalan
nang emosyonal na kanta upang maging epektibo at dama-damang ang eksenang
ito sa mga manonood. Binahiran din nila ang banghay ng twist na kung saan,
bumalik sa pagiging bata si manang Fely at pinalitan niya ang kanyang pangalan ng
Odrey de Leon na ginampanan naman ni Sarah Geronimo at sa pagiging bata, mas
nakilala niya ang kanyang apo na si Jeboy (James Reid) sa hilig nito sa pagbabanda
kung kaya’t pumayag si Odrey na maging bokalista ng grupo at ang pagtupad niya
sa kanyang pangarap na maging isang mang-aawit. Dahil sa pangyayaring
pagkawala ni Fely pansamantala, napagtanto ni Ramon (Nonie Buencamino) ang
sobrang pagmamahal ng kaniyang ina sa kanya doon sa eksenang pumasok siya sa
silid-tulugan ng kanyang nanay Fely at tiningnan ang mga lumang litrato nilang
dalawa noon. Pati ang mga anggulo ng kamera ay naaayon din sa kung ano ang
dapat gagawing emosyon at kilos sa isang eksena.

Sa dayalog at pagganap ng mga aktor/artista, kuha na kuha nila ang mga


kinakailangang emosyon na makikita sa partikular na eksena lalo na si Sarah
Geronimo na gumanap bilang batang Fely. Naaayon sa kanyang karakter lalo na sa
kanyang nagiging emosyon sa eksena ang kaniyang mga kasuotan. Mapapansin
natin na gamay niya ang pag-arte at pagkilos nang pagiging matanda at ang ugali ng
karakter sa kuwento na kinagiliwan naman ng mga manonood. Isa pa, sa pelikulang
ito natin napatunayan na talagang mahusay na mang-aawit si Sarah Geronimo na
sakto rin sa karakter niya sa kuwento dahil may puso’t kaluluwa itong kumanta
--malaman. Kapansin-pansin din ang pag arte ni Nova Villa na isang mabuting ina at
DULAANG FILIPINO CSSH-ABFIL

mapagmahal sa kanyang pamilya. Siya rin ay segurista sa mga sangkap pagdating


sa pagluluto ng anomang putahe na kakitaan ng katarayan sa kilos at sa tono ng
boses. Sa unang bahagi pa lamang ng pelikula, ipinakita niya na tila wala nang
nagmamahal sa kanya dahil sa mga dayalogong binitawan niya. At iba pang mga
artistang ipinakita ang galing sa pag-arte katulad nina Nonie Buencamino (Ramon)
bilang pag-asa ni Manang Fely na magsumikap sa buhay, James Reid (Jeboy)
isang binatilyong naghahangad na maging sikat at ang lider ng bandang Malabaño,
Xian Lim (Lorenz) ang nakadiskubre sa talento ni Odrey (Sarah) at nagpasikat sa
bandang Malabaño , Lotlot de Leon (Angie) asawa ni Ramon na mayroong hindi
pagkakaunawaan sa pagitan nila ni Manang Fely na nagdulot ng pagkakasakit nito,
Boboy Garovillo (Bert) ang tanging kaibigan na pinagkakatiwalaan ni Manang Fely
at naging manliligaw niya sa huli, Kim Molina (Minnie) malisyosang anak ni Bert,
Ataska Mercado (Hannah) nakababatang kapatid ni Jeboy at ang naging bokalista
ng kanilang banda sa huli, at iba pa.

Sa paraan ng pagpapahayag o paglalahad sa pagbubuo ng mga dayalog, ang


mga manunulat ay gumamit ng iba’t ibang kumbensyon, isa na dito ay ang
Kumbensyong monologue na isang paraan ng pagsasalita ng tauhan habang
matamang nakikinig ang iba. Isa sa mga halimbawa nito ay sa eksenang pagkanta ni
Odre (Sarah Geronimo) sa tanghalan at sa harap ng maraming tao, makikita at
maririnig naman na ang tauhan lang ang nagsasalit o kumakanta ng dayalogong
mayroong indayog at tono habang ang mga kawani ng produksyon at madla ay
nakikinig sa mala-anghel nitong boses at namangha. Nagpapakita ito ng kagalingan
ng isang artista sa pag-arte at kung paano niya binigyan ng buhay ang mga dayalog
o iskrip sa loob ng pelikula.

Gayunpaman, ang buong kuwento ng Miss Granny ay may pangkalahatang


kaisipan na pumapatungkol sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak at
pamilya nito. Marahil ay dahil sa kung paano nagsakripisyo ang isang ina para sa
ikabubuti ng kapakanan ng kanyang pamilya. Katulad na lamang ni Fely de Leon na
ginawa niya ang lahat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak at
maitaguyod ang buhay nila sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan.
Samakatuwid, ipinapahiwatig ng pelikula na iba talaga ang pagmamahal ng isang ina.
DULAANG FILIPINO CSSH-ABFIL

Dagdag pa, magsumikap lamang sa buhay hanggang sa ang mga hangarin ay


maabot.

Sa kabuuan, kahanga-hanga ang mga bida, artista, direktor, at mga tauhan sa


likod ng pelikulang ito sapagkat, napakaganda ng daloy ng kuwento na dapat
panoorin ng mga Pilipino. Natitiyak akong maantig ang inyong puso sa bawat eksena
at dayalogo ng pelikula tungkol sa pagmamahal sa pamilya at kung gaano
magmahal ang isang ina sa kaniyang anak. Layunin din ng pelikulang ito na
magbigay ng inspirasyon sa mga tao na magsumikap at pahalagahan ang mga
bagay na mayroon tayo lalo na ang buhay na ibinigay ng maykapal.

You might also like