You are on page 1of 13

Higaonon: Wikang Kakambal ng Kalikasan

Ni: Chem Pantorilla

Iba-iba nag paliwanag sa pinagmulan ng salitang Higaonon. Ayon kay Levita


(1996), galing ito sa gaon na nangangahuluganng bundok. Sa maikling pakli,
“taong-bundok” o “taong taga-bundok”. Ayon naman sa UNAHI Mindanao, sa
tatlong mahahalagang kataga nagmula ang pangalan ng tribo – higa(buhay) ,
goan(bundok), at onon (tao), samakatwid, taong namumuhay sa buhay na bundok.
Sa papel ni Tangian (2010), ang higa salitang Binukid na nangangahulugang
“pinagkukutaan” at ang non naman ay taguri sa “taong taga-itaas”. Kung
pagdurugtunginnatin ang dalawa, makabubuo tayo ng “pinagkukutaan ng mga
taong taga-itaas”. Ang “itaas” ditto ay tumutukoy sa mataas na lugar gaya ng
bundok at burol. Maliban sa pagkakakilanlang ito ng tribo, Higaonon din ang
tawag sa kanilang wika. Para sa mga taga-Minadanao, kilala ang pangkat na ito
bilang lumad.

Lumad

Lumad ang taguri sa isang taong “sumilang at nabuhay sa isang lugar”


(grown in place) . ditto kabilang ang mga Higaonon na bahagi ng 18 tribong
iginagalang na indihenos o likas na Mindanaon at hindi nakonvert sa Islam. Dati
silang naninirahan sa mga kapatagan ngunit ayon sa kasaysayan ay napilitang
tumungo sa pusod ng kagubatan dahil sa kalupitan ng tao at modernisasyon.
Pinaniniwalaang binubuo ng 8 hatalugan (pangkat) ang Higaonon na nasa
Bukidnon, Misamis Oriental, Agusan del Norte, Agusan del Sur at Lanao. Bagaman
magkakalayo, kapansin-pansing magkakatulad ang kanilang kasaysayan kung
ihahambing sa iba pang lumad tulad ng Tiruray, Manobo, Bagobo, Blaan,
Talaandig at Suban-on. Hanggang sa kasalukuyan, pinananatili pa rin nila ang
sariling komyunal na pananaw sa paggamit ng lupa, kapatiran, ritwal,
karunungang gayan, kwentong bayan at awitinf bayan.

Kung sisiyasatin natin ang pinagmulan, masasabing sakop ng orihinal na


angkan ng proto-Philipping o proto-Austronesian istak ang mga Hiagonon. Mula
sila sa Timog Tsina libo-libong taon na ang nakraraan. Mas una sila rito sa bansa
kaysa sa mga Ifugao na bumuo ng kilala nating hagdan-hagdang palayan o “rice
terraces” sa mga bulubunduking bayon, pulo ng Luzon. Mapayapa ang
pamayanang Higaonon na matatagpuan sa mga komunidad na nakaluklok sa mga
tuktok ng kabundukang nakapalibot sa Sentral Mindanao gaya ng Bundok
Katanglad at Gabunan.

May humigit-kumulang 400,000 ang populasyon ng Higaonon sa


kasalukuyan at nahahatipa rin sila sa tatlong kategorya tulad ng mga sumusunod:
1) primitibong komunidad na naninirahan sa kasukalan ng kagubatan at patuloy
na sumusunod nang walang pagbabago sa “Bungkatol Ha Bulawan Daw Nang Ka
Tasa Ha Lana”, ang kanilang bibliya ng mapayapang pakikipamuhay sa kapwa; 2)
pinaghalong komunidad ng mayoryang di-Higaonon at lihitimo o taal na Higaonon
na naninirahan sa bukana ng mga kabundukan at/o kagubatan; at 3) naasimilang
komunidad ng mga Higaonon sa kapatagan at baybaying bayan. Itinuturing nila na
silay Higaonon ngunit bahagi na ng mayoryang nagsisikap tumugon sa
globalisasyon at mundo ng elektroniko.

Ayon sa kasaysayan, nakapalibot sa 8 malalaking ilong ang mga pamayanan


ng indihenos na liping ito. Maiisa-isa natin ang mga ito gaya ng sumusunog: ilog
Tagaloan, ilog ng Pulangi, Ilog Agusan, Ilog Gingoog, Ilog Linugos, Ilog Balantukan,
Ilog Odiongan at Ilog Cagayan de Oro. Pawing mapayapa at palakaibigan ang mga
Higaonon;. Sumusunod sila sa kanilang hinirang na mga Datu na pawang hinog na
sa idad, may angking talino at bihasa sa pamamahala, edukasyon at
pananampalataya. Ang Datu ang gumagabay, sumusubaybay at may ganap na
awtoridad sa pagdaraos ng lahat ng ritwal. Sila rin ang tagahatol sa nagkakasala
sa “Buntakol Ha Bulawan Daw Nang Ka Tasa Ha Lana” (Hangarin ng Pagkakaisa,
Pag-ibig at kapayapaan). Ito ang kabuuang batas ng buhay at pakikipamuhat ng
bawat indibidwal na Higaonon.

Nakatala sa kanilang katutubong panitikang Dasang [da-sang] ang salaysay


ng kanilang mga kaugalia’t paniniwala na maaaring basahin sa loob ng 8 araw at 8
gabi sa pamamagitan ng Dumagondong (banal na asemblea). Unang maririnig mula
rito ang “pangkalahatang batas ng pag-ibig at kapayapaan”. Ipinaliliwanag ditto
ang balangkas ng pamayanang Higaonon kabilang na ang mga dapat gampanang
Tungkulin ng isang Datu. Para s akanila, ang kahulugan ng Datu [da-tu] ay guro
na tagapag-ingat ng mga batas ng tribo sa iba’t ibang larangan ng buhay mula pa
sa pinakamatandang panahon. Sinasakop niya ang 8 angkang namumuhay sa 8
ilog sa Mindanao. Mayroong Datu sa Agrikultura (Imbabasok), Datu saPangangaso
(Panumanod), Datu sa Panananggol (Alimaong), Datu sa Paggalang sa Tubig
(Bulalakaw), Datu sa Pananalapi (Pamahandi), Datu sa Kalusugan (Mananambal),
Datu sa Kabuhayan ( Pamumuhu), Datu sa Ritwal ( Salikot), Datu sa Pagdarasal
(Palayag), Datu sa Banal na Asemblea (Dumalundong Baylang) at Datu sa
Pagtatala (Giling).

Wika ng Kapayapaan

Kapag binabanggit ang wikang “Higaonon”, sinumang Higaonon ay palaging


umaalala sa mga katagang nakaukit sa salasila (batas ng tribo), ang “Buntakol Ha
Bulawan Daw Nang Ka Tasa Ha Lana” na pinakamataas na tunguhin ng bawat
katutubo sa lahing ito. Nagpapahalaga ito sa pagkakaisa at kapayapaan. Isinasaad
sa bawat titik nito ang pag-ibig at pagpapahalaga sa kapwa upang makamit ang
katiwasayan at maligayang buhay. Ito ay maihahambing sa Bibliya ng mga
Kristiyano. Ganito ang mga tampok na ktagang mababasa rito: 1) Impakatugol
intugon na hadi ug to sa lidason sang pamalihi-makagaba. Huwag kang susway sa
batas – mula pa ito sa iyong mga ninuno, mamalasin ka o ikamamatay mo; 2) Hadi
yo ag lidasa alan na itugon – Huwag mong lalabagin ang banal na mg auto ng ating
tradisyon; 3) Hadi ka Lumalabaw. Huwag kang maging maksarili dahil
nakmamatay iyon; 4) Hadi nog ilingi so duna – Huwag mong ihahambing ang sarili
sa iba; 5) Hadi kag kasina – Iwasan mong mainggit sa iyong kapwa; 6) Manayo ka
ag ila ka.Humingi ka at magbigay ka; 7) Palangga-a no sa mga duma no. Mahalin
mo ang iyong kapwa; 8) Maging kauyagin kaw Ho Maayad. Mamuhay kang
mapayapa. Iwasan mo ang pakikipag-away. Kung may kapayapaan, may pag-ibig;
9) Miglupong kaw/mig-iling kaw. Pantay-pantay ang lahat ng tao sapagkat nilikha
silang lahat ng Diyos; 10) Paliman kaw alan ing-ila Ho Magbabaya. Makinig ka sa
sinuman, sa lahat. Ang karunungan ay handog ng Diyos sa matatanda, sa bata, at
maging sa mga kababaihan.

Sa pundo de bista ng bawat Higaonon, ang buong tribo ay isang pamilya na


dapat subaybayan ng mga Datu sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Marami
ang miyembro ng mga angkang kadalasa’y nananahan malapit sa kakahuyan,
yungit at malalaking ilog ng Mindanao.

Mahalagang ibilang sa diksyunaryong Filipino ang mga tampok nilang salita


na humuhuni ng pagkakaisa, pag-ibig at kapayapaan sapagkat kakambal ang mga
ito ng kalikasang patuloy na nilalapastangan o dinidinbuho ayon sa iba’t ibang
panlasa ng makabagong sibilisasyong elektroniko. Sa pag-iingat ng disyunaryo,
mababakas ng mga tao sa hinaharap ang larawan ng daigdig ng kalikasan sa lupa,
sa tubig, sa himpapawid at maging ang makukulay na karanasan ng indihinos na
pamayanang tulad ng Higaonon.

Kultura

Ang kasaysayn ng mga Higaonon ay kapilas ng dinanas ng iba pang Lumad


na pawang nasa ibabaw ng mga kabunbdukansa Mindanao. Ito ang dahilan kung
bakit mahalagang bigyang pansin ang kanilang wika. Kinatawan nila ang mga
pamayanang malayo sa sentro ng sibilisasyon sa kapatagan sa ibaba. Ang yaman
ng kanilang kultura ay malinawq na matatagpuan sa knailang wika na nagbibigay
pansin sa yaman ng lupa na sumasakop sa kanilang daigdig at tubig sa mga ilog
na nasa kanilang paligid.

Minamahal nila ang kayamanang taglay ng kalikasan na para sa kanila ay


Diyos lamang tanging nagmamay-ari, si Magbabaya. Kasama niya ang mga ispiritu
na nananahan sa gaun (lupang malayo sa dagat) at kaulo (bukal na pinagkukunan
ng tubig), sa mga puno at kalawakan, bato,mga liyang (yungib na may tubig),
burol, kapakuan (sapa na maraming halamang pako). Kinikilala nila ang mga
ispiritu na tagabantay ng kalikasan. Ang pagpapanatili sa katahimikan ng paligid
ay isang paggalang sa mga ispiritu. Ito ang dahilan kung bakit ang sinumang
panauhin (di-Higaonon) na nais dumalaw at manatili sa pamayanan ng tribo ay
dapat maunang humingi ng pahintulot sa Agungala (nakatatandang Higaonon).
Ang paghingi ng pahintulot ayhudyat sa pagsasagawa ng pamuhat (ritwal) bilang
handog sa mga ispiritu ng kalikasan. Maliban sa ritwal na ito, maaari ring
magkaroon ng ritwal sa paggagamot, sa pagtatanim, pagtataboy sa peste, paggapi
sa kaaway, atbp.

Pamuhat/Ipu (ritwal) para sa kapayapaan

Kaugnay ng paggalang at pagpapanatili ng kapayapaan ang pagsasagawa ng


iba’t ibang ritwal sa kumba (banal na lugar) ng komunidad. Pinaniniwalaan nilang
sa mga sagradong lugar na ito nananahan ang mga ispiritung sumusubaybaysa
bawat indibidwal ssimula sa kaniyang pagsilang. Taon-taon, may takdang petsa ng
pagsamba sa pamamagitan ng mga natatanging pamuhat. Kapag dumarating ang
Pista sa Lasang (Piyesta sa kagubatan) na ginaganap sa bundok Gabunan,
nagtutungo ang mga Higaonon suot ang kanilang pagkakakilanlang damit sa tribu
(na may matitingkad na kulay asul, pula at puti) at nag-aalay ng kadilayan (ritwal
sng pasasalamat) para sa buong taong kasaganaan.

Daigdig ng Tribo

Binubuo ng kapuluan, masinsing mga punongkahoy, mga mamamayang


nagtatangi sa mga kulay pula, puti at asaul, mga bahayang yari matitibay na
mulawin, bundok, batisan, mga hayop pansaka at pananim ang daigdig ng
Higaonon. Kaugnay nito, mahigpit na ipinagbabawal ng mga katutubo ang
pagputol ng mga puno. Kalapastangan ito sa mga ispiritung nagtbabantay ng
kalikasan at alinmang paglabag sa batas ng kalikasan ay may katapat na
kaparusahang mula sa langit.

Sa pananaw ng isang Higaonon, anglupa ay hindi maaaring bilhin o ipagbili


sapagkat pag-aari ito ni Magbabaya.

Nagmula sa lupa ang buhay. Handog ito ng Diyos sa lahat ng tao. Anumang
nagmumula sa lupa ay tumutustos ng buhay. Ang kapirasong papel na
nagpapatunay ng pagmamay-ari ng lupa ay isang kalapstanganan ng sibilisasyon
sa tribo lalo na kung kasama ang mga ‘banal’ na lugar na pinagdarausan ng iba’t
ibang uri ng ritwal.

Sa mga pagkakataong nagkakaroon ng sigalot hinggil sa lupa, ang konseho


ng mga Datu ang nagsisikap humanap ng solusyon. Mas madaling natatapos ang
mga kaso ng hidwaan sa lupa sa ganitong paraan.

Ang konsepto ng “Datu” ay pagpapahalaga sa isang “ama” ng tahanan at


hindi sa aspetong panrelihiyon. Kapag humarap na ang Datu at nakinig sa
magkabilang panig ng nag-aaway na individwal o angkan, ang buong pamayanan
ay masusing nagmamasid at matiyagang naghihintay ng hatol. Ang hatol,
kadalsan, ay pagpapalit ng tirahan sa isang pamilya. Samantala, binabayaran ng
nakaangat sa buhay ang anumang puno o pananim sa iiwan sa lupain.

Bago umalis, nagsasagawa ng ritwal ang pamilya upang mapanatili ang


kaayusan at kapayapaan sa buhay. Nangangahulugan ito ng pagpatay ng putting
lamok, (ang dugo nito ay idinidilig sa lupa) at pagpapakain sa mga taong iiwanan
ng mag-anak. Sa kabilang dako, ang kabilang panig na iiwan ay nararapat
maghandog sa mga tagapag-ingat na ispiritu saksi ang mga kapitbahay upang
maging masagana ang buhay at makaiwas sa “gaba” (malas).

Isang kapansin-pansing pagbabago, masasabi na ring pag-unlad, ang


pagiging kapitan ng barangay ng mga “datu” sa maraming pamayanan sa
Bukidnon, dala marahil ng malakas na pagbabago sa tradisyunal na komunal na
konsepto ng tribo sa mmaraming aspeto ng lipunan.

Wika
Masalimuot ang naging kasaysayan ng tribong ito na kapamilya ng iba pang
lumad. Dahil ditto at sa lawak din ng kanilang domeyn ay nagkaroon ng
pagkakaiba-iba sa bigkas at baybay ang kanilang wika, bagaman, pawang nasa
ilalim pa rin ng taguring ‘Binukid’.

Batay sa pananaliksik na ginawa ng tagapanayam, kasama ang isang katutubong


Higaonon, dumanas ng iba-ibang karanasang pangkasaysayan ang wikang
Higaonon na naging sanhi ng pagbabago sa alpabeto tulad ng sumusunod: a)
pagkawaglit ng mga katutubo pagkatapos ideklara ng gobyerno na “pambpublikong
lupain” ang mga “gaop” (lupa ng mga ninuno) noong panahon ng Amerikano.
Lumipas ang ilang panahon, pinarentahan ito sa “Agusan Cocpnut Company”
isang sanay ng “American – Philippine Company”. Ginawa itong pastulan, kauna-
unahang pastulan sa Bukidnon na tinatawag na Rancho Diklum. Binuo lamang
ang 5 lugar ng relokasyon noong 1915. Noong 1920, nirentahan ng “Philippine
Corporation” ang 20,000 ektarya ng mga lupaing ideneklara ni Gov. Gen Dwight F.
Davies na reserbasyon para sa Hukobong Pandagat; b) noon 1935, pinahintulutan
naman ni Pangulong Quezon ang “National Development Company (NDC)” na
rentahan ang mga lupain sa halagang piso sa bawat ektarya; c) noong 1988, sa
tulong ng batas sa reforming pang-agrikultura, isinalin sa Del Monte Employees
Agrarian Reform Cooperative ang napakalawak na lupain ng mga ninuno ng
Higaonon; d) ang pag-unlad ng kabuhayan sa Hilagang Bukidnon ay nagdulot ng
pagdagsa ng mga istranghero mula sa iba’t ibang panig ng Luzon at Visayas. Labis
itong nakaapekto sa wikang Higaonon.

May lantad at di lantad na kahulugan ang maraming salita wa wikang


Higaonon. Ito ay dahil itinatago ng tribo ang walang pagpapahalagang pag-usal ng
mga natatanging salita na napakahalaga sa kanila tulad ng mga pangalan ng banal
na lugar lalo na yaong mga inuusal sa panahon ng ritwal at mga banal na
asemblea. Sa kabilang dako, nais kong banggitin ang tinatanggap na alpabeto sa
kasalukuyan. Ang alpabetong ito ang resulta ng mga daluyong sa pagbabagong
wika (language change).

Ang alpabetong Higaonon ay kinabibilangan ng 20grafema at 22 tunog: 5


patinig (a,e,I,o,u), 15 katinig (b,k,d,g,hl,m,n,ng,p,r,s,t,w,y), 1 pambihirang tunog e
na kung bibigkasin ay [o]; halimbawa nito ay atep (bubong) at getek (tiyan); at
impit na maririnig sa mga salitang gaya ng tunlu, at kumu. Ang karaniwang tunog
ng [e] tulad ng /e/ sa salitang /elepante/ ay naririnig lamang sa mga tiyak na
pangalan ng taong dayo gaya ng Efren o Remy. Hindi matatagpuan ang mga hiram
na tunog ng c, f, j, q, v, x, at z sa wikang ito. MAliban diyan , nagpapalitan ang mga
tunog d,l, at r sa ilang mga piling salita tulad ng /hadi/ (huwag) sa /hari/ at
/idung/ (ilong sa /irong/.

Malapit sa kagubatan kundi man mismong kagubatan ang kanlungan ng


tribong ito. Sapat na itong dahilan kung bakit maraming salitang pangkalikasan
ang maaari nilang maiambag sa pambansang wikang Filipino.

Agil-il [a-gil-il] pngn. – isang uri ng kuliglig na humuhuni tuwing nag-aagaw ang
dilim at liwanag; insektong pangdapit-hapon; babala na may darating na hindi
kanais-nais na balita; pahiwatig ng hindi mabuting mangyayari sa hinaharap. Iba
pang singkahulugang salita ay takuling at gayang-gayang.

Magpapayaman ng talasalitaang Filipino ang pagdaragdag ng salitang ito sa


diksyunaryo maging sa talakayang pangklase tulad ng panitikan dahil sa
denotasyon at konotasyon nito.

Agulanga [a-gu-la-nga] pngn. Iginagalang na nakatatandang babae o lalaki sa


tribo; awtoridad; sumbungan ; takbuhan para humingi ng payo sa anumang
suliranin sa buhay.

Agutay [agu-tay] – isang uri ng punong saging na pataas ang bunga at paboritong
kainin ng unggoy.

Alumo [a-lu-mo] pdw. Paraan ng pakikipagkasundo sa kaaway sa pamamagitan ng


paghingi ng tawad sa pinagkasalaan at pagriritwal na may alay na putting manok.
Hindi ito karaniwang pakikipagbati dahil nangangailangan ito ng pagsasagawa ng
isang ritwal.

Nararapat itong mapabilang sa diksyunaryong Filipino upang


Mapahalagahan ang mga karapatan , kaugalian at paniniwalang galing sa mga
kababayang indihinos. Mahalagang kalapin natin sa akademya ang mga
talasalitaang pangkapayapaan ng iba’t ibang tribo tungo sa pagpapanatili ng
kapayapaan at pa-iwas sa sigalot sa hinaharap. Paano natin mapatutunayan sa
mga maliliit na tribong ito sa Pilipinas na sila’y ating pinahahalagahan,
pinagmamalasakitan at minamahal kung wala silang nakikita/naririnig na salitang
buhat sa kanilang wika sa anumang talakayan lalo na sa mga usapin ng pag-
uunawaan at kapayapaan. Kapg magiging bahagi ng bokabularyong Filipino ang
mga salitang pangkapayapaan tulad ng alumo ng mga Higaonon, masasabi kong
hindi iilap ang mga tribong oito sa pagsunod sa mga batas ng republika ng
Pilippinas.

Apo [a-po] pngn. – lolo o lola; ispiritu ng iginagalang ng ninunong namatay na;
kaluluwa ng banal na ninunong Higaonon; iniidolong ispiritu ng ninunong matagal
nang namayapa. Masasabing hindi ito kaugnay sa konsepto ng mga ilokano na
pinatutungkol ang salitang ito sa Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Mainam
itong ibahagi sa diksyunaryong Filipino upang maging karagdagang kahulugan o
sense ng leksikong ito. Sa mga Higaonon,kailangang bigkasin ito ng pormal at may
matiim na paggalang. Tuwina ay inuukol it okay Apo Suminamang, nabuhay na
isang mangingisda at walang naging lisyang payo sa lahat ng taong lumapit sa
kanya. Kahit na sinong humingi ng kanyang opinion ay umunlad sa buhay.
Minsan raw ay nagpakita rito ang diwata at niyaya niyong alamin ang bukal ng
tubig na pinanggagalingan ng ilog Bayug. Natunton nila ang talon ng Limunsudan
sa barangay Rogongon, lungsod ng Iligan. Iyon ang pinakamataas na talon sa
lungsod. Dahil sa nangyaring iyon ay naklagtas raw ang lungsod ng Iligan sa
malaking baha. Naniniwala ang mga Higaonon na hanggang sa kasalukuyan ay
patuloy silang binabantayan ng marami at iba-ibang Apo na sina Apo
Palakampana, may ugaling palu-paluin ang kawayan upang hindi bumaha sa
kapatagan; si Apo Pamulaw, pumipigil sa mahabang tagtuyot kaya patuloy na
umaani nang masagana ang mga magsasaka sa mga bundok sa palibot ng lungsod
ng Iligan; wala namang pahinga ang pagnganga ni Apo Pamulaw na nganga upang
palagi nang maganda ang panahon. Pansining mahalaga ang pagnganga sa
anumang pamuhat o ritwal.

Kaugnay nito nais kong tawagin ang inyong pansin sa sinabi Mercado (1998)
sa kanyang mga isinulat kaugnay ang paniniwala ng mga Mangyan sa Mindoro.
Aniya:

Kapag ang tao raw ay namatay, ang kanyang kataway sasanib sa


alabok at magiging kaisa ng kalikasan. Sa ganitong pananaw, mahalaga talagang
igalang ang kalikasan sapagkat naroon ang ating mga minahal na ninuno.
Samakatwid, banal at sagrado ang kalikasan.

Ganito rin ang paniniwala ng mga Higaonon, ang paggalang nila sa


kalikasan ay tanda ng kanilang pagmamahal sa mga mahal nilang nagsiyao na.

Ambubunaw – punongkahoy na may bungang parang lansones. Paboritong kainin


ang bunga nito ng unggoy.

Apusaw [a-pu-saw] pngn. – halamang tulad sa gabi na tumutubo sa tubigang lugar


na namumulaklak ng kulay puti at maaaring ilutong tulad sa gulay; halamang-
gamot; gamot na pampababa ng lagnat; halamang-gamot na nagpapahupa ng
masinsing pag-ubo.

Ang halamang ito ay matatagpuan lamang sa mga tubigang di gaanong


nasisikatan ng araw tulad ng lugar malapit sa kuweba. Iginigulay ang bulaklak ng
halamang ito na parang gabi at may malalapad na dahona. Ang kulay puting
bulaklak nito ay inihahalo sa bas-oy o nilagang o nilagang sarisaring gulay na
may tanglad, kamatis, sibuyas at kapirasong luya.

Anibung [ani-bung] – maliit na punongkahoy na parang niyog.

Bagani [ba-ga-ni] png-u. – matapang na kawal; marangal na mandirigma; hindi


natatalong kawal; katumbas ng heneral sa sandatahang hukbo ng Pilipinas .

Bagyang [bag-yang] –isang punong ay malalapad na dahon na maaaring gamiting


pansamantalang bubong ng isang bahay na kubo sa kamutihan o kamaisan.

Bakusan [baku-san] – isang uri ng ahas na walang lason at kinakain ng mga


katutubo.

Baloy [ba-loy] pngn. – halamang may malalaking dahon na pinatutuyo at


ginagawang banig; uri ng halamang tumutubo sa latian; isang halamang
kapamilya ng gabi .

Pinalawak ng ganitong talasalitaan ang mga katawagang pangkultural sa


bansa kaya’t mahalagang mapabilang ito sa diksyunaryong Filipino.

Binaki [bi-na-ki] pngn – isang uri ng suman na niluto mula sa mais na dilaw;
suman na mais na may mantikilya; nilagang mais na kinudkod at ibinalot sa balat
ng mais; suman sa Bukidnon. (tagbaki-gumawa; agbakiki-gagawa; migbakiki-
gumagawa); [binakion – p-uri. Mais na tamang-tama lang para gawing binaki];
singkahulugan ng pintos- Higaonon-Rogongon.

Ang salitang ito ay mula sa salitang-ugat na baki na nangangahulugang


palaka sa Cebuano. Kapansin-pansin ang sining sa pagbubukas ng sumang ito
bago kainin sapagkat nakatiklop ang balat ng mais na waring katawan ng isang
palaka.

Buuy [bu-uy] pngn. lola sa tuhod; ina ng iyong lola; asawa ng ama ng iyong lola.

Ang antigong panawag na ito sa Higaonon ay walang katumbas sa Tagalog o


sa iba pang wika sa Pilipinas. Kasiya-siyang mapabilang ito sa diksyunaryong
Filipino upang mapalawak ang mga katawagang pampamilya.

Gitamod [gi-ta-mod] pngn. – saling bibig na mga kaugalian at pananampalatayang


Higaonon mula sa magulang at Baylan, (katumbas ng pari sa katoliko). Kabilang
dito ang pinagdaang kasaysayan ng tribo mula pa sa sinaunang panahon.
Maitutumbas rin ito sa dangal ng lahi, katarungan, paggalang sa kalikasan.
Walang nasusulat na dokumentong maaaring magpatunay nito subalit kapag
binanggit ang salitang ito ay tutugunan ng paggalang ng isang Higaonon. Ang
isang bahagi ng kahulugan nito samakatuwid ay “sagradong batas” lihim na koda”,
banal na salaysay, pangaral, katutubong kodigo ng mabuting asal at wastong pag-
uugali; iba pang tawag: nanangen – salingbibig na mga kwento; dilay – binibigkas
na aralin.

Sa wikang Filipino ay walang katumbas ang gitamod. May kuwentong bayan


na tumutukoy sa mga saling-bibig na kuwento, karunungang-bayan na hinggil
naman sa mga salig-bibig na pangaral sa pamamagitan ng tugmaang taludtod
ngunit kung patungkol sa mga batas ay wala tayong masasabing saling-bibig na
tradisyon at/o batas sa alinmang panig ng bansa. Sa Bibliya, mababanggit ang
“Awit ni Moises” Song of Moses (Exodo 15:1-18) na naglalahad ng pinagdaanan ng
mga Israelita pagtawid nila sa dagat na Pula (Red Sea). Tuwing inaawit iyon sa
paglipas ng panahon ay nanunumbalik ang marubdob na pananampalataya ng
mga Israelita na unti-unting nahahalina sa impluwensya ng ibang
pananampalataya.

Ilian [ili-yan] pngn. – tagong lugar na pinupuntahan sa panahon ng digmaan;


kanlungan; lugar ng taguan kapag may lumulusob sa tribo; taguan; ulosanan

Iligan [i-li-gan] pngn – daanan pababa sa bundok; gilid na pababa ng bundok; gilid
ng matarik na bundok; singkahulugan ng salitang ludosanan na patungkol sa
landas na dapat daanan kung bababa sa alog (baba ng bundok) o pupunta sa
lugna (silong) mula sa sampaw (itaas ng burol) o sa pulo (itaas ng bundok); isang
lungsod sa Lanao del Norte at kilalang ‘syudd ng mga Talon’ sapagkat mahigit
dalawampung talon ang matatagpuan dito kabilang na ang kahali-halinang Maria
Cristina Falls; ilig – etimolohiya ng salitang Iligan.
Nararapat lamang ibilang ang salitang ito sa mga lexeme ng diksyunaryong
Filipino sapagkat isa itong pagkakakilanlan ng mga Pilipinong naninirahan sa
Mindanao.

Ipuan [i-pu-an] png. – tao na pinag-aalayan ng ritwal; ang taong dahilan sa


pagsasagawa ng ritwal. Ang salitang ito ay mula sa salitang ugat na ipu na
nangangahulugang ritwal. Kadalasan, sanhi ng hindi maipaliwanag na
pagkakasakit, isinasagawa ang ritwal sa paghingi ng tawad ng ipuan; kinatawan ng
nagkasakit na siyang dahilan kung bakit magri-ritwal; manok na puti na
ihahandog sa ritwal.

Kaamulan [kaa-mu-lan] pngn. – asemblea ng piyestang kultural; panahon ng


pagsasayaw ng mga Higaonon na nakasuot sa katutubong damit na nagtatampok
ng mga kulay puti, asul at pula; piyesta ng Higaonon tuwing Mayo ng taon;
taunang pagtitipon ng lahat ng tologan (pangkat) ng mga Higaonon sa Malayalay,
Bukidnon. Katumbas ito ng sinulog, sa Cebu, Diyandi sa Iligan, Panagbenga sa
Baguio atbp.

Sa tulong ng AMBAGAN, maayos na maitatala ang lahat ng mahahalagang


terminong kultural sa bansa tulad ng kaamulan ng Higaonon.

Kapu-un [ka-pu-un] pngn. – pinagmulan ng lahi; henesis; simula sa lipi; maaari


itong angkan o salaysay ng pagsisimula ng angkan na tinutunton upang malaman
ang nakaraan o pinagdaanang buhay o kasaysayan.

Sa palagay ko ay walang isang salitang tulad nito sa Filipino na may gayung


kahulugan ng pagtunton sa pinagmulan ng lahi ng isang tao kaya’t mahalag itong
mapabilang sa diksyunaryong Filipino.

Kaya-kaya [ka-ya-ka-ya] – punong kahoy na kung mamunga ay mula ibaba


hanggang sa dulo ng puno nito. Ginagawang laruan ng mga bata ang bunga nito.

Kumba [kum-ba] pngn. – sagradong lugar sa kagubatan na pinagriritwalan; banal


na lugar para sa pag-aalay; pinagriritwalan; tiyak na lugar ng pag-aalayan ng
pagkain para sa mga ispiritu. Kasingkahulugan ito ng salitang limunsudan na
patungkol sa sagradong pook na mayroong bukal ng tubig.

Nagsimula ang pagriritwal noong ika-16 na dantaon kung kailan naging


kaugalian ng matandang Higaonon ang pag-aalay ng bigas, nganga, tabako at
katutubong puting manok sa tanging lugar kung saan nagpaparamdam ang Diyos
na si Magbabaya. Kapag isinagawa raw ito sa pamamagitan ng seremonya na
pangungunahan ng Baylan na may dalang alak at baryang handog kay
Magbabaya, maririnig nila ang “kakaibang wika” na inuusal ng baylan. Sa gayong
paraan nagpaparamdam ang pinaghandunan ng sagradong ritwal. Kapag
sinaniban, ang wikang ginagamit raw ng Baylan ay Latin. Ang kumba ay
matatagpuan sa pinakapusod ng kagubatan sa Tambulan. Ipinagbabawal na
puntahan ito ng mga hindi taal na Higaonon. Madalas na idinaraos na ritwal dito
ay ang ritwal ng pasasalamat at paghingi ng pahintulot para mangaso o pumatay
ng hayop sa gubat. Katumbas ito ng templo ng Diyos sa wikang Filipino.
Ang salitang simbahan au umuukit ng denotasyong “gusaling banal” at
konotasyong “pormal” at “banal na lugar” sa isip ng mga kristiyanong katoliko.
Para sa mga protestante, ang salitang katumbas nito ay “kapilya” at sa iglesya ni
kristo ay “sambahan”. Sa kabilang dako, sa mga miyembro ng Dating Daan, hindi
ang mga ito kundi ang “coordinating center” ang pinakatagpuan sa pagsamba. Ang
konseptong banal na lugar ay hindi gaanong bahagi ng kanilang isip sapagkat ang
mahalaga ay hindi ang lugar kundi ang akto ng pagkakatipon-tipon.

Nais kong sabihing mainam na isama at mapabilang sa wikang Filipino ang


salitang kumba dahil tumutukoy ito sa partikular na pook at hindi gusali tulad ng
simbahan.

Kung babalikan natin ang naging kasaysayan ng tribong ito, malalaman


nating kinuha ng pamahalaan ang malawak na lupain kabilang na ang mga kumba
ng Higaonon. Ano kaya ang naging damdamin nila nang ideklarang “pampublikong
lugar” ang buong lawak ng mga lupaing iyon? Ang pagpapahalaga sa wika ay
pagpapahalaga sa kultura. Kung talagang gusto natin ng tunay na kapayapaan,
hindi English kundi mga wikang Indihenos sana ang dapat pag-aralan. Hindi Ingles
kundi katutubong wika ang nararapat ang gamitin sa mga hapag pangkapayapaan
sa pagitan ng pamahalaan at mga natibong humihingi ng pansin. Hindi Ingles
kundi wika ng kadugo nating mga Pilipinong hindi sanay mag-Tagalog at Filipino
ang nararapat umiral sa peace dialogus sa buong bansa.

Kolubi [ko-lu-bi] – isang uri ng punongkahoy na mababa at ang bunga ay


matatagpuan sa lupa katabi ng puno.

Lab-o [lab-o] – isang uri ng kamoteng di pangkaraniwan na kinakain ng mga


Higaonon.

Limbay [lim-bay] pngn. – balangkas ng mga araling kultural kabilng na ang


salasila (batas ng tribo) na dapat isaulo ng isang Higaonon; mga bagay na dapat
tandaan at isabuhay mula sa kabataan hanggang tumanda na; awiting baying
Higaonon (Higaonon-Rogongon).

Walang tiyak na talasalitaang tumutukoy sa mga liksyon o araling


pangkultura tulad ng limbay ng wikang Higaonon kaya mahalagang mapabilang ito
sa diksyunaryong Filipino.

Liyang [li-yang] pngn. – yungib na may tubig; kuweba na may bukal ng tubig;
masukal ngunit matubig na tagong lugar; tinutubuan ng mga pako at apusaw.

Lugimit [lu-gi-mit] – isang uri ng punongkahoy na ang bunga ay kinakain ng ibon.

Magnana-u [mag-na-na-u] png. – gurong iginagalang sa tribo, tagapayo,


konsultant, tagapamayapa; tagapamagitan; tagapag-ayos sa kaguluhan o anumang
sigalot.

Mahalagang mapabilang ito sa wikang Filipino sapagkat walang katumbas


ang salitang ito sa wikang Filipino.
Manggad [mang-gad] pngn. – tawag sa mamahaling gamit; gamit

Inisip ko sa simula na hindi na ibilang ito sa mga iuulat ko ngayon ngunit sa


pagtitimbang-timbang ko, nadisisunan kong imungkahi rin ang salitang manggad
sa bokabularyong Filipino sapagkat walang katumbas ito sa iba pang wika maliban
kung may sasalungat sa nakikinig ngayon. Manggad ang tawag sa hindi murang
gamit. Ang salitang mahal ay pangkalahatang taguri sa maraming paksa at hindi
para sa gamit lamang.

Manlulunda sa Kinaiyahan [man-lu-lu-da sa kina-iya-han] pngn. – ang ispiritung


nagbabantay sa iba’t ibang aspeto ng kalikasan tulad nina 1) Pinag-aso, ang
manluludang nagbabantay sa kahayupan; 2) Bulalakaw o Tagabusay, ang
manluludang tagapangalaga sa mga tubig, batis at ilog; 3) Ibabasuk o Tagabugta,
ang manluludang nangangalaga sa mga pananim; 4)Tagabalite, ang manluludang
nangangalaga sa mga puno at kagubatan; 5) Tagabato, ang manluludang
nangangalaga sa mga bato; 6)Tagabalito; ang manluludang nangangalaga sa yunib;
at 7) Tagaliyang, ang manluludang nangangalaga sa loob ng yunib. Naniniwala ang
isang Higaonon na katulad ng mga anghel sa langit, may ranggo ang bawat ispiritu
tulad ni San Roque na santong nagbabantay sa mga aso, sa Higaonon, naroon si
Manluluda Pinag-aso. Kung papasok ang isang tao sa yunib, halimbawa, at
makikitang may bukal doon, nararapat lamang kausapin niya si Tagaliyang,
umusal ng dasal, maghandog ng nganga, barya, bigas at puting manok upang
makaiwas sa sakit sanhi ng pagtampalasan sa katahimikan ng lugar na iyon.

Oway [o-way] – punong kahoy na payat at kapag pinutol at pinatuyo ay maaaring


gawing basket; iba pang tawag – balagon.

Padedeng [pa-de-deng] pngn. – invisibol na nilalang na nakatira sa puno ng balite;


masamang ispiritu na nakatira sa malalaking punongkahoy upang magbigay ng
sakit sa tao; ispiritung nagbibigay ng sakit sa tao kapag ginambala niyon ang
kalikasan nang walang pahintulot sa mga diwata. Nagbibigay buyag sa taong
lapastangan, maingay, burara, walang pagmamahal sa kalikasan; sanhi ng sakit
na hindi maipaliwanag ang sanhi tulad ng biglang sakit ng ulo at walang tigil na
pagsusuka; padedeng – [pdw] papunta.

Mahalagang mapabilang ito sa Filipino upang magkaroon ng isang salitang


panumbas sa masamang ispiritu na nananahan sa mga punong kahoy. Kahawig
ito ng maligno ngunit kung ang padedeng ay nakatira lamang sa mga
punongkahoy, ang malign ay pangkalahatang panumbas sa mga nilalang na hindi
nakikita.

Pagbaton-baton [ pag-baton-ba-tu-na] pndw. – makipagpalagayang-loob;


makipagkasundo; makipag-ugnay tungo sa kapayapaan; singkahulugan ng
tampoda – makipag-ayos; pagbaton – pdw. Buhatin, ialsa.

Ang talasalitaang ito ay may higit na kahulugan kaysa karaniwang


pagpapalagayang-loob sapagkat dito ay hindi lamang sa salita kundi lalo’t higit sa
kilos dapat ipakita ang pakikiisa at pagpapanatili ng kapayapaan sa kapwa at
kalikasan. Sa pagdanas ng kapayapaan, naniniwala ang isang Higaonon na
kailangang igalang ng isang indibidwal ang kanyang kapwa at ang kalikasan.
Importanteng kalapin nating mga Pilipino, unawain at isaulo ang mga salitang
kaugnay sa kapayapaan upang mapanatili natin ang magandang palagayan sa
kapwa sa bawat tribo sa ating pitong libo, sandaa’t pitong isla (7,107).

Pait-pait [pa-it] pngn. – isang uri ng maliit na isda na kulay puti at abo na
nabubuay sa ilog tabang na ipinakakain sa bagong panganak na ina para maging
masustansiya ang gatas na sususuhin ng sanggol.

Maaaring ibilang ito sa diksyunaryong Filipino upang magkaroon ng varayti


ng mga katawagang kultural kaugnay ng mga isda.

Pulot [pu-lot] pngn. – isang maliit na puno na may dagtang ginagamit sa


panghuhui ng isda.

Sudsod [sud-sud] pngn. – isang uri ng damong malapad na tumutubo sa matubig


at kubling lugar; damong pinatutuyo at ginagawang banig; sudsud pdw.
Magbungkal ng lupa (sudsudano – bungkalin; agsudsod – magbubungkal.
Singkahulugan - paghinalap)

Tagabito [taga-bito] pngn. – ispiritung nagbabantay sa labas ng kuweba at sa


palibot nito; bantay-kuweba; nagpapanatili sa katahimikan ng paligid sa
kagubatan; kasama ni Tagaliyang na nasa loob naman ng kuweba nagbabantay;
salitang-ugat – bito pngn. Bagay na pagalaw-galaw at nakikipaglaro sa hangin.

Tagaliyang [taga liyang] pngn – tumutukoy sa ispiritung nag-iingat sa loob ng mga


kuweba sa kagubatan; pinag-uukulan ng ritwal sa kagubatan kapag nagpaplanong
mangaso; inuusalan ng ritwal ng Baylan upang hindi magkasakit/mapinsala ang
sinumang papasok sa gubat. Mahalaga ito na mapabilang sa mga archaic /
antigong katawagang Filipino upang makita ng babasa ang yaman ng ng leksikong
may ganitong uri sa kultura natin. Hindi ko alam kung mayroong ganitong
katawagan o katumbas nito sa mga wika sa Luzon at Visayas. Nakikini-kinita kong
magandang proyekto ang alamin ang mga leksikong nagkakawangis sa nga tribo sa
bansa upang masiyasat ang intelligibility ng mga ito at masuri ang relasyong
leksiko-istandistika rungo sa pagbuo ng modyul sa literasi.

Wala pang iisang salitang naglalarawan sa isang kuweba tulad ng salitang


Liyang ng mga Higaonon na tumutukoy sa kuwebang may bukal at nilalagusan ng
tubig. Mahalaga itong mapatala sa hanay ng mga salitang Filipino tngo sa
pagpapayaman ng wikang pambansa.

Tangkul [tang-kul] pngn – instrumentong pangmusikang yari sa kawayan na may


taling lubid; kultural na instrumentong pangmusika sa Higaonon; pinagmulan ng
pangalan ng isang bayan sa Bukidnon, ang Tangkulan; kawayang instrumentong
pangmusika tulad ng kubing.

Mahalagang mapabilang ito sa diksyunaryong Filipino upang maingatan ang


yaman ng wika sa iba’t ibang laeangan tulad sa musika na kumakatawan sa mga
Pilipino sa buong bansa.
Mahalagang maitala ito sa diksyunaryong Filipino sapagkat sa pagtasa ng
mananaliksik ay wala pang gayong katawagan sa anumang wika sa bansa.

Konklusyon

Nakasalalay sa yaman ng kalikasan ang mga salitang kultural ng lahing


Higaonon. Kapag naglaho ang kalikasan, marahil, maglalaho na rin ang wika ng
tribong ito. Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay matatagpuan sa kanilang oral at
nakasulat na kasaysayan. Sa tunguhin ng kapayapaan, isang pangangailangan
ang paggalang sa kalikasan na bumubuo ng kanilang daigdig at wika.

Ayon kay Dr. Erlinda Burton, isang Antropologong Kultural ng Xavier


University, sa Cagayan de Oro, “strip a tribe of its language and you lose its
identity”. Marahil, ito na ang kabuuan ng lahat ng nais kong sabihin sa harap
ninyo ngayon. Ang wika ng Higaonon ay mahalagapara mapanatili ang kailang
identidad. Magagawa ito sa pamamagitan ng paggalang sa kalikasan na siya nitong
sandigan.

Assalamu allaikum. Sumaatin pong tanan ang kapayapaan.

You might also like