You are on page 1of 6

Ang nobelang Smaller and Smaller Circle ay ang unang nobela na isinulat ng

isang Pilipinong manunulat na si F.H. Batacan. Ito ay isang nobela patungkol sa isang
mamamatay tao sa bayan ng Payatas, isang lugar kung saan pinaninirahan ng mga
mahihirap na tao na mayroong pangit na sistema ng pamamahala at kung saan laganap
ang korapsyon. Sa nobelang ito mababasa na pinapatay ang mga batang lalaki at
iniiwan na lamang ito ng salarin sa tambakan. Ang kwentong ito ay magpapaikot kung
paano makikilala ng dalawang pari, sina Father Gus Saenz at Father Jerome Lucero,
ang salarin.
Ang istorya ay nagsimula anim na buwan matapos ang unang nangyaring
pagpaslang pagkatapos ay babalik ito sa ikaapat na buwan matapos ang unang
pagpatay. Dito ipinakita kung paano napasali ang dalawang pari sa paghahanap kung
sino ang tunay na salarin sa nobela.
Sa mga unang bahagi ng nobela, nakaramdam ako ng pagkabagot sapagkat
parang boring ang nobelang ito ngunit nang magsimula na sa paghahanap sa salarin
ay unti-unti na akong nakaramdam ng kasabikan sa mga susunod na mga pangyayari
sa istorya. Tila ito’y kaabang-abang na hindi mo na nanaising bitiwan ang iyong libro at
ipagpatuloy na lang ang pagbabasa hanggang sa ito ay iyong matapos. Sa simula pa
lamang ng istorya, magagalit ka na agad sa salarin dahil sa kakaibang pamamaraan
nito ng pagpatay at ang lalo pang magpapakagalit sa iyo ay ang pagpuntirya nito sa
mga kabataan.
Mayroong mga salitang nakapaloob sa bilog na noong una ay hindi ko
maintindihan. Ang mga nakasulat dito ay hindi kadugtong ng mga pangyayari sa bawat
kabanata. Sa mga bilog na ito inihahayag ng salarin ang kaniyang mga saloobin at mga
pakiramdam na mangyayari. Nasa halos kalahati na ako nang napagtanto ko na ang
mga salitang nakapaloob sa bilog ay ang ay ang punto de vista ng salarin. Ang ilan sa
mga salitang saloobin ng salarin ay maaaring makapagpaantig sa puso ng mga
mambabasa. Ang bawat salitang kaniyang binanggit ay napakahalaga sapagkat ito
lamang ang paraan na kahit papaano ay mapasok ng mga mambabasa ang punto de
vista ng salarin sa nobela.
Mapapaisip ka talaga kung sino ang salarin ngunit mabibigo lamang sapagkat
mali ang iyong inaakala. Maiirita ka rin sa mga tauhan na akala mo kung sinong
magaling ngunit mali naman. Maging sa mga taong matataas ang antas sa lipunan ay
makakaramdam ka ng galit sapagkat mas pinapaboran nila ang mga sa tingin nila ay
mapapakinabangan
Ang ginawang pagsulat ng manunulat ay simple lamang. Ang mga salitang
ginamit ay hindi malalalim kung kaya’t ito’y madali lamang mauunawaan. Maganda ang
pagkakagawa ng may akda sa nobelang ito kahit na ito ang una niyang ginawang
nobela. Ngayon lang ako nakabasa ng isang misteryosong nobela na ang mga
tumutulong sa paghahanap sa salarin ay mga pari. Kadalasan ay mismong mga
propesyonal sa larangang ito ang mababasa sa ibang istorya.
Mababasa sa nobela ang iba’t ibang pangyayari na makikita dito sa ating bansa.
Ang bayan ng Payatas ay sumasagisag sa ating bansa na mayroong hindi tama na
sistema. Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng mga pagtatago sa istatistika ng
mga krimen na lumalaganap. Hindi maayos na pagtupad ng mga pulis sa kanilang mga
tungkulin. Kawalan ng pakialam ng mga mamamayan sa mga krimen pero mataas na
pakialam kung ito ay patungkol sa pera. Pinapakita rin na sa isang trabaho, mas
pinapaboran ang mga taong may magagandang panlabas na anyo kumpara sa mga
taong magagaling talaga sa kanilang ginagawa.
Ang mga tauhan sa nobela ay mayroon ding iba’t ibang katangian na
sumasagisag sa iba’t ibang uri ng tao sa lipunan.
Si Father Gus Saenz ay nagpapakita na may mga taong ang nais lamang ay ang
kabutihan para sa mga mamamayan. Naniniwala rin siya na nakagawa man ng
masama ang isang tao ay may mabuti pa ring nakapaloob dito.
Si Father Jerome Lucero ay isa sa mga tao na mayroong simpatiya sa mga
taong may mapait na karanasan sa buhay lalong-lalo na sa mga bata.
Si Joanna Bonifacio ay sumasagisag sa mga taong may angking galing at talent
sa piling larangan na hindi naman napagtutuunan ng pansin sapagkat mas pinipili ng
lipunan ang may magandang mukha.
Si Councilor Cesar Mariano ang isa sa mga tao na nagpapatunay na hindi lahat
ng mga politiko ay masama lagi ang hangarin. Mayroon ding mga mabubuting politiko
na may pakialam sa mga nangyayari sa kaniyang nasasakupan.
Si Attorney Benjamin Arcinas ay sumasagisag sa mga tao na may matataas na
pangarap sa buhay sapagkat nakaranas nang matinding kahirapan noong nasa
kabataang edad pa lamang. Dahil sa kagustuhang mapaangat ang antas sa buhay ay
naging masikap siya sa kaniyang mga ginagawa sa buhay. Ngunit dahil sa kaniyang
pangarap ay masyado siyang kinain ng kasamaan na nakalimutan na niya kung ano ba
talaga ang dapat at tamang gawin. Siya rin ang isa sa mga nagpatunay na maaari pang
bigyan ng ikalawang pagkakataon ang iba’t ibang uri ng tao na nakagawa ng mga
kamalian sa buhay.
Si Assistant Director Philip Mapa ay isa sa mga tao na sa simula ay kakampihan
ka ngunit kapag ikaw ay bumagsak ay tatalikuran ka na lamang. Isa siya sa mga tao na
kung tawagin natin ay plastik na walang hangad kung hindi ang sariling
kapakinabangan.
Si Director Lastimosa ang isa sa mga taong iyong maaasahan. Siya ang tutulong
sa iyo upang makamit ang hustisya na nais mong makamit. Tutulungan ka niya para
mapatalsik at maisiwalat ang kasamaan.
Sina Isabelo Gorospe at Father Ramirez ang mga uri ng tao na talaga namang
kamumuhian natin. Ang kanilang mga ginawa sa mga kabataan ay talaga namang
nakakapanggigil at nakakagalit. Ang mga taong ito ang nararapat na makulong sa selda
at hindi na dapat hayaang makalaya pa. Ang mga ganitong uri ng tao ay hindi na
nawawala. May mga tao talaga na magsasagawa ng mga kasamaan lalong-lalo na
kung alam nilang ang mga taong ito ay walang laban sa kanila.
Si Cardinal Rafael Meneses ay sumasagisag sa mga tao na walang ginawa kung
hindi itago ang katotohan at hayaang mamalagi ang kasinungalingan.
Sa nobela ay ipinakita rin ang iba’t ibang uri ng mga magulang dito sa lupa.
Mayroong magulang na sobra-sobra ang pagpapahalaga at pagmamahal sa anak
katulad ni Edith Solis. Mayroon ding katulad ni Binang na hindi nagkaroon ng tsansa na
maipakilala ang sarili na tunay na magulang ng kaniyang anak. Mayroon ding magulang
na naging masama man ang ugali ng kaniyang anak ay hindi pa rin maipagkakaila ang
pag-alala kapag ito ay napapahamak na tulad ni Lolita Bansuy. Ang mga magulang
naman ng salarin ay ang mga magulang na hindi masyadong iniintindi ang anak. Mas
iniisip pa ang sasabihin ng ibang tao kaysa sa tulungan ang sariling anak. Maaaring sa
huli ay nagbago nga sila ngunit hindi rin maaalis na isa sila sa dahilan kung bakit naisip
gumawa ng salarin ng kasamaan. Ang hindi nila ginawang pagtatanong sa tunay na
kalagayan ng anak kahit batid nila na mayroon itong kianakaharap na problema sa
buhay. Marami pang ibang uri ng pagiging isang magulang ang ipinakita sa nobela
ngunit iyan lamang ang mga tumatatak sa aking puso’t isipan.
Ang mga mamamayang nakatira Payatas ang sumasagisag sa mga Pilipino na
nakararanas ng matinding kahirapan sa buhay. Sila ang mga taong kadalasan ay isang
kahig, isang tuka. Sila ang mga taong umaasa lamang sa basura ng ibang tao para
pagkakitaan o hindi kaya’y para gawing pagkain. Nakakalungkot lamang isipin na may
mga taong nakararanas ng ganitong uri ng kahirapan.
Kadalasan na sa mga uri ng istorya na ang mga kontrabida ay mayroong mga
masasamang nakaraan na nagiging dahilan kung bakit sila nakagagawa ng mga
kasamaan. Ang nobelang ito ay walang kaibahan. Sa mga unang parte ng nobela ay tila
ako’y galit na galit sa salarin dahil sa walang awa niyang ginagawang pagpaslang sa
mga bata ngunit dahil sa mga dahilang sinabi ay tila nasaktan ako para sa kaniya. Ang
mga pangyayaring iyon ang isa sa mga nagpapatunay na hindi lahat ng masama ay
masama talaga. Iyong iba ay mayroon lamang naranasang malubha na naging dahilan
ng mga kasamaan nila. Katulad ni Father Saenz, naniniwala ako na maaari pang
magbago ang mga taong masasama. Maaari pa silang maging mabuting tao kung
bibigyan lamang ng pagkakataon.
Sinabi sa nobela ang mga katagang, “Not everyone can be saved.”. Kung
titingnan sa totoong buhay, ang mga katagang ito ay talagang nagsasaad ng
katotohanan. Kahit anong pilit nating ayusin ang mga taong sira na, maaaring hindi na
natin sila maaayos sapagkat maaaring hindi talaga ito para sa kanila o maaaring huli na
ang lahat para sila ay ayusin pa. Masakit man pakinggan ang mga katagang ito pero
hindi nito mababago ang katotohanan.
Ang nobelang ito ay isa sa mga nabasa ko na talaga namang masasabi mong
maganda talaga. Sinasabi sa nobela na ang mga serial killers ay mayroon lamang sa
ibang bansa ngunit ngunit ang ginawa ng salarin sa mga bata ang sumasalungat dito.
Maaaring isa ka rin sa katulad ko na nagandahan man ngunit hindi nagustuhan ang
naging wakas ng salarin sa istorya. Ang sinapit ng salarin ay nakapagparanas sa akin
ng awa at sakit. Umaasa ako na maaari pa siyang magbago at maaari pa siyang
magkaroon ng pag-asa sa buhay. Dito sa bahaging ito naging labis ang aking galit sa
pulis dahil sa hindi nito pagsunod sa napag-usapang gagawin. Ang huling mga salita ng
salarin ay talagang nagpaantig sa aking damdamin. Isa siya sa mga tao na
napakinggan man ang pinagdaaan ay walang naniwala. Ang kaniyang sinapit ay parang
hindi lamang patas sa aking paningin. Kahit pa sabihin na sobrang sama ng kaniyang
ginawa ay hindi pa rin katanggap-tanggap na siya ay patayin na lamang. Marahil mas
katanggap-tanggap pa ang makulong siya sa selda at labis na pagsisihan ang mga
kasamaang kaniyang nagawa.
Ang pinakang hinding-hindi ko makakalimutan ay ang bahagi ng kwento na kung
saan sinabi na ng mga pulis sa mga ina ang nangyari sa kanilang mga anak. Sa
bahaging ito ng nobela, makikita na talagang hindi maganda ang sistema tungkol sa
krimen sapagkat naipahayag lamang ang mga nangyari makalipas ang ilang buwan.
Ipinagsawalang bahala ng mga opisyales ang pagkilatis kung sino ang mga nabiktima
at kung hindi pa ito inembistigahan ng mga pari ay hindi pa nila malalaman kung sino
ang mga ito.
Kung siguro totoong tao lamang si Father Saenz, marahil hanggang ngayon
dala-dala niya ang alaala patungkol sa salarin. Ang mga panahong ginawa na niya ang
lahat ngunit may mga bagay talaga na hahadlang sa iyo. Maaaring hanggang ngayon
patuloy pa rin siyang nagsisisi sa nangyari sa salarin. Ang mga huling katagang
binitawan ng salarin ay isa marahil sa mga bagay na hinding-hindi niya malilimutan.
Ang mga salitang “I didn’t like it. I didn’t want any of it. I. Didn’t. Want. It.” ang
dahilan kung bakit patuloy kong iniisip na maaari pang magbago ang salarin.
Nakakalungkot lamang sapagkat hindi na ito maaari pang mangyayari. Sa pagtatapos
ng kwento ay aking patuloy na iniisip ang nararamdaman ng mga magulang ng salarin.
Kung ako na isa lamang mambabasa ay nasasaktan na paano pa kayang silang mga
magulang.
Bagaman ako ay natutuwa sapagkat bago sa aking paningin ang makabasa na
mga pari ang nag-iimbestiga sa kaso, hindi pa rin maalis sa akin ang maisip na
napakaimposible nito. Bilang mga pari, marami silang gampanin sa buhay. Dagdag pa
rito ang pagtuturo nila sa eskwelahan.
Ang mga pang-aabusong ginawa sa mga kabataan ay nakapagpaantig sa aking
damdamin sapagkat alam naman natin na hindi na ito bago. Laganap ang mga
kasamaan dito sa mundo ngunit patuloy pa rin tayong umaasa na unti-unting
mabawasan o hindi kaya’y tuluyan nang maubos ang ganitong mga pangyayari.
Ang nobelang ito ay nakatutulong upang lalong lumawak ang kaisipan ng mga
mambabasa sa mga pangyayaring nagaganap dito sa Pilipinas. Nakakatulong ito upang
mamulat ang mga Pilipino sa mga kawalanghiyaang at kasamaang nangyayari at
patuloy na lumalaganap dito sa ating bansa. Tulad na lamang ang pagmumulat sa
kaisipan ng mga mambabasa ukol sa kahirapan ng mga Pilipino, korapsyon,
kawalanghiyaan, pagiging walang pakialam sa mga pangyayari, hindi tamang sistema
ng pamamahala at pagpapatupad ng mga batas, at ang mga pagtatago sa
katotohanang dapat maisiwalat. Napakagaling nang pagkakagawa at pagkakasulat ni
F.H. Batacan sa nobelang ito. Nararapat ngang tunay ang parangal na natanggap niya
dito.

You might also like