You are on page 1of 13

ANG INANG MATAPOBRE

ni: Rosario Deogracias

Laging bukambibig ni Aling Osang na ang anak na engineer na si Monching


ay dapat lang makapag-asawa ng isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan sa
kumpanyang pinapasukan at topnotcher pa sa board exam. Kaya gayon na lamang ang
galit at pagkabigla nito nang malaman niyang si Corazon na kapitbahay niya ang naging
kasintahan ng anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya ng paraan upang mapaglayo
ang dalawa.
Kinausap ni Aling Osang ang anak, ipinakakalas kay Corazon.
“Ngunit Mama, si Corazon ay mahal ko at mahal din niya ako. Mabait siya,
masipag, magalang, at kilala n’yo ang pamilya. Isa rin siyang kapita-pitagang guro. Bakit
ayaw n’yo sa kanya?”
“Gusto ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Kung si Corazon lang, hindi ako
makapapayag.”
“Pero, hindi mahirap sina Corazon, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan at may
niyugan.”
“Pero hindi rin sila mayaman! May tindahan at niyugan nga, tatlo naman silang
magkakapatid na maghahati kung saka-sakali. Baka maging sandalan ka lang ng pamilya
niya pagdating ng araw. Higit pa kay Corazon ang babaeng hinahangad ko para sa iyo,
anak. Huwag mo sana akong bibiguin.”
Tumahimik na lang si Monching upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo nila ng ina.
Nag-iisa siyang anak at lumaki siyang masunurin.
Mula noon, naging madalang na ang pagkikita nila ni Corazon. Tinanggap ni Monching
ang malalaking project ng kumpanya sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao. Si
Corazon naman ay naging abala rin sa pagtuturo lalo na nang ma-promote ito bilang
Head Teacher.
Mahigit dalawang taon ang mabilis na lumipas.
Nakatanggap ng sulat si Aling Osang mula kay Monching. Ito pala ay may asawa’t anak
na sa Bacolod.
Anang isang bahagi ng sulat:
“Mama, napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon ay 3
months old na ang baby girl namin na kamukha ninyo. Napakayaman po ng boss ko, na
ama ni Lanie. Binilhan po kaming lupa at bahay na pinuno ng mamahaling kasangkapan.
May ipinagawa rin akong playhouse sa gilid ng bahay. Sana mabigyan ko kayo ng
maraming apo, Mama. Kalakip nito ang Twenty-thousand pesos para sa pagbabakasyon
n’yo ni Papa rito sa Bacolod. Aasahan ko po kayo sa Linggo.
Excited na itiniklop ni Aling Osang ang sulat.
“Martes pa lang ngayon, hindi ko na mahihintay pa ang araw ng linggo. Sabik na akong
makita sila.”
Nang araw ring iyon ay bumiyahe ang mag-asawa mula Bohol patungong Bacolod via
Cebu. Nang sapitin nila ang tahanan ng anak, sa gate ay sinalubong sila ng katulong at
napag-alamang wala roon si Monching. Nasa Davao kasama ang Father-in-law at sa
Sabado pa ng gabi ang dating.
Miyerkules na noon kaya nag-pasiya ang mag-asawa na hintayin na lang ang anak kaysa
bumalik pa ng Bohol.
Lumabas ng pinto si Lanie, ang asawa ni Monching. Maganda ito ngunit bakit hindi man
lamang nagmano sa kanila gayong sinabi na ng maid kung sino sila. Ni hindi nga sila
nginitian, pormal itong nagsalita:
“Wala pa si Monching eh. Kung hihintayin ninyo, okey lang.”
At inutusan ang katulong na ihatid ang dalawa sa tutuluyan nito ang playhouse sa gilid ng
bahay.
Tatlong araw at tatlong gabi na sina Aling Osang sa playhouse, hinahatiran ng pagkain ng
katulong, ngunit minsan man ay hindi pa sila nakapasok sa loob ng malaking bahay. Ni
hindi na nga nila nakita o nakausap muli ang manugang na halatang malayo ang loob pa
kanila.
Sabado ng tanghali. Lumabas ng bahay si Lanie, kasama ang yaya na may kalong na bata.
Agad ay lumapit Si Aling Osang, sabik na niyakap at hinalikan ang apo. Pagalit na
nagsalita si Lanie, “Tama na, baka mangati ang bata!” Sumakay ito ng kotse, kasama ang
anak at yaya at lumabas ng gate. Ang naiwang katulong ang nagsabing pupunta si Lanie
sa bahay ng ina na di-kalayuan doon, tapos ay tutuloy sa airport upang salubungin ang
ama at si Monching.
Nakadama ng tuwa si Aling Osang. Naligo silang mag-asawa sa maliit na banyo sa gilid
ng playhouse. Nagbihis at sabik na hinintay ang pagdating ng anak. Makapapasok na sila
sa malaking bahay, ang isip ni Aling Osang. Makikita na niya ang loob nito.
Ngunit lumalim na ang gabi ay wala pa rin si Monching, pati na si Lanie. Nakatulog na
sila sa kahihintay.
Linggo ng umaga. Nagising sina Aling Osang sa katok sa pinto. Sinabi ng maid na
maaantala raw ang uwi ni Monching sa susunod na linggo pa dahil may panibagong
project na namang sinisimulan. May iniabot na Two-thousand pesos kay Aling Osang
ang maid. Ipinabibigay raw ni Lanie para pamasahe pabalik ng Bohol.
“Sa loob ng bapor, iniisip ni Aling Osang ang mahal na anak, Bakit parang napakahirap
yata niya itong makita? Halos tatlong taon na itong nawalay sa kanya. Maligaya kaya ito
sa piling ng maganda at mayamang asawa ngunit pangit ang ugali? Kung si Corazon ang
nakatuluyan ni Monching, ilang apo na kaya ngayon ang sa kanya ay yumayakap at
naglalambing?
Sising-sisi si Aling Osang. Siya ang naging dahilan kung kaya lumayo si Monching at
nagtrabaho sa ibang lugar. Kailan kaya sila muling mag-kikita? Alam niyang hindi ito
uuwi ng Bohol upang maiwasan si Corazon na hanggang ngayon ay patuloy na
nagmamahal at umaasa.
Kung hindi naging matapobre si Aling Osang, sana’y nakita niyang higit ang halaga ng
magandang ugali kaysa sa materyal na kayamanan.
ANG DALAGA SA BILIBID VIEJO
ni: Gregorio Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, nang
masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula
nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di
nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.
Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang
Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng
mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang
kasamang si Lucio De Vega.
Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng
University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya
sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya
naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos
pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon
nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng


hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay.
Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-
ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng
mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging
babaeng nakagulpi sa kanya.
Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy,
Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang
balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang
bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung
isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi
ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.
“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.
Nagpanting sa galit si Aling Ema, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si
Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang
ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.
Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa
kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang
maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya.
Si Ara. May kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda
muna tayo.”
Nahalina si Brando sa magandang ngiti ng babae at magiliw na pakikitungo
nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang
kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang
nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y
nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya.
Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang
mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong
ni Ara.
“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa
pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako
makadiskarte ng matino, Bos."
“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw
mo namang mag-aral.”
“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot
ko.”
“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta
anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli
ni Ara.
Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap.
Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng
eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan


mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-
laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga
masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya?
Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad,
pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa
ospital lang, tulad ni Gloria.”
“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera
para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.
“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa
iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka
sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis,
samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos
pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.
Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang
dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito.
Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga
amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap
amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon.
Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”
“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya
ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.
Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan.
Makakapangholdap pa ba siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga
ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga
nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.
Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang
ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang
maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating
manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang
iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri
nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan!
Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang
ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong
pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang
ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating
pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko
kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang
lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa
tagumpay!”
Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-
ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-
isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima
niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya
kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?
Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit
si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang
mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano
ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko
nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"


"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon,
may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka
doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala
kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga
bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng
dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.
ALAMAT NG GULUGOD BAKA
ni: Salvador T. Biglaen

Sa malayong bayan ng Bulawan, isang mangangaso ang bumilli ng tinapay


sa panaderya ni Mang Tibor. Binalot niya ito ng tela para baunin sa pag-akyat sa Bundok
Gulugod Baka. Hindi pa man siya nakalalayo, sa likuan ng isang matarik na talampas sa
bundok, nasalubong niya ang isang matandang nangangatog ang bawat hakbang.
Nagmakaawa ang matanda sa mangangaso na kung maaari ay abutan siya ng kaunting
makakain at mainom. Dahil walang ibang baon áng mangangaso kundi ang tinapay,
hinati niya ito at ibinigay ang kalahati sa matanda. Sabay nilang inubos ang tinapay.
Pagkatapos niyang painumin sa galon ng tubig ang matanda, ang naalala na lang ng
mangangaso ay ang bahaging inantok siya. Nakatulog siya at nanaginip. Sa panaginip,
itinuturo ng matanda ang isang mabatong bahagi ng bundok. Pagkagising niya, wala na
ang matanda. Agad niyang pinuntahan ang bahagi ng bundok na itinuro sa kaniya ng
matanda sa panaginip. Tinibag niya ito gamit ang dala-dalang eskopeta at sa isang
hampas ay tumambad sa kanya ang isang gahinlalaking butil ng ginto.
Ang nangyarl sa mangangaso ay nangyari rin sa isa pang taga-Bulawan nang
sumunod na araw. At sa isa pa. At sa isa pa ulit. Hanggang sa magpasalin-salin sa mga
tagaroon ang sikreto kung paano makakatagpo ang matanda sa bundok at mabiyayaan ng
gahinlalaking butil ng ginto: hindi nagpapakita ang matanda sa-grupo ng mga tao: hindi
nagpapakita ang matanda sa mga taong labis sa isang tinapay at isang galon ng tubig ang
baon: at kung hindi tinapay ni Mang Tibor ang pagsasaluhan ninyo ng matanda, hindi ka
makakatulog at mananaginip sa lilim ng malalagong puno ng Bundok. Gulugod Baka.
Mula noon, lagi nang mahaba ang pila sa panaderya ni Mang Tibor. Hindi pa
man sumisikat ang araw, nakapuwesto na ang mga taga-Bulawan na kahit patay pa sa
antok ay atat nang bumil ng bagong lutong tinapay. Mula sa panaderyang malapilt sa
palengke, karaniwang umaabot ang pila hanggang sa paanan ng Bundok Gulugod Baka.
Maliban sa perang pambili, dalawang bagay lang ang dala-dala ng bawat suki- isang piko
at isang galong tubig. Kadalasan, sa tagal ng paghihintay, ginagawa nilang sandalan ang
kanilang piko. Balewala sa kanila ang inip at ngawit ng paghihintay. Balewala rin sa
kanila kung napakahigpit ni Mang Tibor sa pagbebenta ng kaniyang tinapay. Isang
tinapay lang para sa bawat pumipila-babae man o lalaki, bata man o matanda, mayaman
man o…. Siyanga pala, walang naghihirap sa bayan ng Bulawan. Ang nagiging puhunan
lang nila sa araw-araw ay isang pirasong tinapay ni Mang Tibor
Bagaman may kalakihan ang tinapay ay hindi rin naman ito ganoon kasiksik.
Kasinlaki ito ng ulo ng isang karaniwang unggoy na gumagala sa Bundok Gulugod Baka,
mas magaan nga lamang. At hindi rin masasabing espesyal ang lasa nito. Katunayan,
maraming puwedeng ipanlarawan ang mga taga-Bulawan sa tinapay ni Mang Tibor
maiban sa masarap. Manamis-namis na maalat-alat na mapakla-pakla na maasim-asim.
"Pinapatakan ng lambanog," paliwanag ni Mang Basyong, ang manginginom na
kapitbahay ni Mang Tibor. "Si Tibor mismo ang nagbunyag sa akin noong nag-linuman
kami."
"Kalasa ng katas ng kaong." puna naman ni Aleng Soleng, isang tindera ng suka
sa palengke.
"Aminin n'yo na," sabad ni Mang imo na may-ari ng isa pang panaderya sa
Bulawan, "lasang binurong medyas, ano? Paa kasi ang ginagamit sa pagmamasa ng
arina."
"Kung, inggit ka lang, Imo," pambubuska ni Aleng Soleng. "Palibhasa, mga ipis
at langaw lang ang pumipila sa tinapay mo."
Pero mas maraming taga-Bulawan ang ang kumbinsidong ang kakaibang lasa
ng tinapay ni Mang Tibor ay bunga lamang ng paglamutak ng pawising panadero sa masa
ng arina.
Isang madaling-araw, habang tahimik na nag-aabang ang mga taga-Bulawan sa
pagbubukas ng panaderya ni Mang Tibor, nagulantang sila sa pagdating ng isang kalesa.
Hindi ang tabing ng kalesa ang nakapagpanganga sa kanila kundi ang kutay nitong
kumikinang na ginto. Tumigil ang kalesa sa tapat ng panaderya ni Mang Tibor. Agad na
lumundag mula sa ginintuang kalesa ang kutsero at walang paa-paalam na itinali ang
kalesa sa haliging bato ng panaderya. Ngumisi ang kutsero at pati na rin ang kabayo sa
nakapilang taumbayan. Kumisiap ang ginintuan nilang mga ngipin; sapat para masilaw
ang mga nasa dulo ng pila. Hinawi ng kutsero ang tabing ng kalesa at lalo pang
napanganga sa pagkamangha ang mga taga-Bulawan.
Nagmamadaling lumabas mula sa kalesa ang isang ginang na nakasuot ng
lantay na gintong baro. Sumingit siya sa unahan ng pila. Dahil sa pagkagulat, hindi na
nakaangal pa si Aling Soleng na laging pinakamaagang pumila. Pinaasim niya na lang
ang kaniyang pagsimangot. Pero mas maasim ang ganting simangot ng ginintuang
ginang.
Kinalampag ng ginang ang panaderya. Paulit-ulit, palakas nang palakas ang
padabog niyang pagbayo sa yerong pinto. Pero nanatil itong nakasara.
"Magbukas ka na, tamad" sigaw ng ginang. Sabay-sabay na tinakpan ng
taumbayan ang kanilang nakabukang mga bibig.
"Buksan mo, sabi, e, bingil" Kitang-kita ng mga taga-Bulawan ang pag-aso ng
ilong ng ginang sa lamig ng umaga. Sa takot, ilan sa mga nakapila ang tumawag sa
pangalan ni Mang Tibor. Pero nanatiling sarado ang panaderya.
“A matigas kang tinapay, panadero. Ang dapat sa iyo, paiambutin."
Hindi nagbibiro ang ginang. Bigla itong naglabas ng isang gintong latigo mula
sa ginintuan niyang baro. Ubos-lakas na hinagupit ng ginang ang kabayo at isang
nakabibinging halinghing ang narinig sa lahat ng sulok ng Bulawan. Halos kasabay nito
ang isang napakalakas na kalabog. Inakala ng maraming lumilindol pero nakita nila ang
pagguho ng kalahati ng panaderya ni Mang Tibor. At naunawaan nilang sa lakas ng
pagwawala ng hinagupit na kabayo ay nahatak nito ang haligi ng panaderya.
Pumailanlang sa himpapawid ang mga sigaw, tili, at pag-aalala ng taumbayan.
Hindi nagtagal ang pagkabagabag ng mga taga-Bulawan. Nang lumapag ang
kahuli-hulihang alikabok mula sa pagguho, nagpalakpakan sila dahil nakita nila si Mang
Tibor na nakatayo sa harap ng pugon. Inilalabas niya ang mga unang tinapay para sa araw
na iyon.
"Hoy, tanda," sigaw ulit ng ginang na nangangatal na sa galit. "Bigyan mo ako
ng tatlo niyan."
"Pero kallangan mong pumila kagaya ng lahat," sabi ni Mang Tibor habang
nakaturo sa langit ang hintuturo."At isang tinapay lang ang maaari kong ibenta para sa
bawat bumibili."
Muling iwinasiwas ng ginang ang kaniyang gintong latigo. "Baka naman
gusto mong ikaw na ang hagupitin ko nito. Ako ngayon ang nasa unahan ng pila kaya ako
ang una mong pagsilbihan. At kayang-kaya kong bilhin pati ang panaderya mo."
"Ang kailangan lang ng mga taga-Bulawan sa araw-araw." sabi ni Mang
Tibor habang nakaturo pa rin sa langit ang hintuturo, "ay pumila para sa isang pirasong
tinapay."
"At paano ngayon 'yan?" sabi ng ginang, "Hindi naman ako tagarito."
Walang hudyat nitong pinakawalan ang isang hagupit. Muling napanganga sa sindak ang
mga taga-Bulawan.
Walang ginawa si Mang Tibor kundi damputin ang nalaglag niyang pansipit
ng tinapay upang mailagan ang latigo. Kaya, pumasok ang dulo ng latigo sa bunganga ng
pugon. Agad na tumulay ang init mula sa pugon patungo sa kamay ng ginang.
Napahagikgik ang mga taga-Bulawan nang mabitawan ng ginang ang kaniyang
ginintuang sandata. Lalo pa silang naghagalpakan sa katatawa nang makitang hinihipan
ng kutsero at kabayo ang napasong kamay ng ginang. Hindi nagtagal ang katuwaan ng
mga taga-Bulawan. Sa kanila ibinaling ng ginang ang kaniyang nagbabagang galit.

Tatawa-tawa kayo dlyan, mga hampaslupa," sabi nito habang isa-isang


dinuduro ang mga taumbayan, "Natutuwa na kayo sa gintong galpot ng manok. Hindi
n'yo yata kilala kung sino ako."
"Aba'y sino ka nga ba?" tanong ni Mang Basyong. "Basta ka na lamang
sumingit sa pila at winasak mo pa ang panaderya ni Tibor."
Umugong ang "oo nga, oo nga" ng mga taumbayan.
"Ako si Donya Ema," sabi ng ginang habang maharlikang ikinukumpas-
kumpas ang mga kamay, "Nabalitaan kong may ginto sa inyong bundok. At kung
magtutulungan tayo, magiging mas mayaman pa kayo, tulad ko." Dahan-dahang dumipa
si Donya Ema para bigyang-diin ang gara ng ginintuan niyang damit. At para na rin ituro
ang ginintuang kalesa sa kaliwa at ang nakangising kabayo at kutserong kapwa may
ginintuang ngipin sa kanan.
"Pero dapat munang pumila sa tindahan ni Mang Tibor," sabi ng isang
Bulawan.
"Hindi makukuha ang ginto kapag walang baong tinapay ni Mang Tibor,"
susog ng isa pa.
"Kailangang munang managinip sa tulong ng matanda sa bundok," sundot
ng isa pa.
Muling dumipa si Donya Ema sa harap ng taumbayan. "Anong pila-pla?
Anong tina-tinapay? Anong mata-matanda? Ang kailangan n'yo lang ay piko."
Sandaling huminto sa pagsasalita si Donya Ema para pakinggan ang
sabayang pagsinghap ng mga tao. Saka niya itinuro ang Bundok Gulugod Baka.
"Hindi n'yo kailangang malaman kung nasaan ang ginto sa bundok na iyan.
Ang dapat n'yong gawin ay tibagin ang bundok para makuha ang lahat ng ginto."
"Ikaw na lang." sabay-sabay na bulong ng mga taga-Bulawan at sabay-sabay
din nilang iniwan si Donya Ema para tulungan si Mang Tibor sa ayusin ang nasira niyang
panaderya.
"Kahit baliktarin ang bundok na yan," pahabol ni Aling Soleng, "kung wala
ang tinapay at ang matanda sa bundok, wala kang mahuhukay na kahit tanso."
Noon din ay naghanda nang umalis ang napahiyang si Donya Ema.
Pasakay na siya sa kaniyang gintong kalesa nang tapitan siya ni Mang Imo. Matapos
nilang pabulong na mag-usap, kinuha ni Mang imo ang kinakalawang niyang piko sa
loob ng kaniyang panaderya. Sinamahan niya sina Donya Ema at ang kutsero na umakyat
sa bundok. Maghapon at magdamag na nawala ang tatio.
Kinabukasan, napadungaw sa kani-kanilang bintana ang mga taga-
Bulawan Nakita nila si Mang Imo na nababaliw-baliw sa kabubungisngis. Buong
pagmamalaki niyang ipinakikita sa lahat ang isang pirasong gintong na kasinlaki ng
kamao. Nakasunod sa kaniya sina Donya Ema at ang kutsero. Sila man ay may sapo-sapo
ring gakamaong ginto. Sinadya nilang dumaan sa tapat ng panaderya ni Mang Tibor.
"Kita n'yo na," sabi ni Donya Ema sa mga nagmagandang-loob na tulungan
si Mang Tibor sa pag-aayos ng panaderya, "ang kailangan lang ay piko."
Binitawan ng mga tao ang buhat-buhat nilang bato, yero, martilyo, at
lagari, ilang sandali pa, nakapaikot na kay Donya Ema ang lahat ng mamamayan ng
Bulawan. Ang bawat isa'y may pikong pasan-pasan.
"Mula ngayon, ang sinumang sasama sa akin sa pagtibag ng bundok,"
paliwanag ng donya "ay kailangang magbigay sa akin ng kalahati ng gintong kanilang
makukuha."
Tumango ang mga tao. Noong araw na iyon, walang naiwan sa mga bahay-
bahay kundi ang mga alagang hayop at si Mang Tibor. Maging ang mga may sakit ay
nagpumilit na umakyat. Kung datiy hiwa-hiwalay sila kung gumala sa bundok, ngayo'y
pangkat-pangkat na sila. Kaya't nagmukhang taeng dinumog ng langaw ang Bundok
Gulugod Baka. Sa hudyat ng haplit ng gintong latigo ni Donya Ema, sabay-sabay
pinatatama ng mga taga-Bulawan ang kanilang mga piko sa bato.
Kinahapunan, lahat ng mga taga-Bulawan ay may uwing gintong kasinlaki
ng kalahating kamao. Maliban siyempre kay Mang Tibor na slyang unang nakapansin na
natitipak na ang gulugod ng bundok. Nagbahay-bahay slya para sabihin sa lahat ang
kaniyang napansin. Ang tanging itinugon ng mga tao sa kaniya ay isang mahabang hikab.
Muling bumalik sa bundok ang mga tao kinabukasan. At nang sumunod
pang araw. At nang sumunod pa. Hanggang sa ang mga araw ay naipon at naging linggo.
Ganoon na nga ang naging takbo ng buhay sa Bulawan: akyat sa umaga, baba sa hapon.
Maliban siyempre kay Mang Tibor na siyang unang nakapansin na tuwing umaakyat ang
mga tao ay bumababa naman sa bundok ang mga hayop tulad ng ahas usa, unggoy at
baboy-damo. Muli siyang nagbahay-bahay para sabihin sa mga tao ang kaniyang
napansin. At gaya ng dati, lubha silang pagod sa maghapong pagtitibag para pakinggan
ang panadero.
Lumipas ang mga buwan at nagpatuloy sa pagtitibag ng bundok ang mga
taga- Bulawan. Dahil wala nang bumibili ng gawa niyang tinapay, pinalipas ni Mang
Tibor ang maghapon sa pagbabantay ng bahay ng kaniyang mga kapitbahay na halos
mapuno na ng ginto. Ginawa niyang libangan ang panonood sa pagbabagong-anyo ng
bundok sa saliw ng haplit ng latigo ni Donya Ema. Ang dating bundok na mukhang
gulugod ng baka ay unti-unting naging parang gulugod na lamang ng baboy. Hanggang
sa ito'y mapatag na parang tiyan ng nakatihayang buwaya. Pero hindi na nag-abala pang
magbahay-bahay si Mang Tibor. Hinintay niya na lang na mapagod nang husto ang mga
tao at sila na mismo ang tumigil sa pagtibag sa bundok.
Doon nagkamali ng palagay ang panadero. Walang kapaguran ang mga
taga- Bulawan sa pagtibag. Hindi na nga nila napansing wala na silang mahigaan sa
kanilang pamamahay. Sa ginto na sila natutulog at humihilik.
Paglipas ng ilang taon, dumating ang sandaling kinatatakutan ni Mang
Tibor. Isang tanghaling mapipintog at maitim ang ulap sa kalangitan, nakita niyang
palakad- lakad sa lansangan ang isang matanda. Nangangatog ang mga hakbang nito
habang palingon-lingon sa gawing kinaroroonan ng Bundok Gulugod Baka. Pero wala na
ang bundok! Sa halip, isang napakalawak at napakalalim na hukay na puno ng mga tao
ang matatanaw. Sa gitna ng hukay, iwinawasiwas ni Donya Ema ang kaniyang gintong
latigo. Kumakalantog, kumakalating, kumakalantong pa rin ang pagtama ng piko sa mga
bato.
At nagsimulang pumatak ang ulan. Noong una'y mahina kaya't nagawa pang
sigawan ni Mang Tibor ang kanlyang mga kapitbahay. Pero gaya ng dati walang nakinig
sa kanya Tumalbog-talbog lamang ang alingawngaw ng kaniyang sigaw sa napakalawak
at napakalalim na hukay. Lumakas nang lumakas ang ulan hanggang sa maging parang
gahinlalaki ang bawat patak nito. Noon lamang naisipan ng mga taong umahon mula sa
hukay. Pero huli na ang lahat isang maladelubyong baha ang pumuno sa napakalawak at
napakalalim na hukay na ginawa ng mga taga-Bulawan.
Nang tumigil ang ulan, walang natira sa bayan ng Bulawan kundi ang
panaderya ni Mang Tibor at ang isang napakalawak at napakakinang na lawa. Di nagtagal
ay tinawag itong Lawang Gulugod Baka. At bawat manlalakbay na mapapadpad sa bayan
ng Bulawan ay napapakamot ng ulo sa pagtataka kung bakit tinawag nang ganoon ang
isang pagkalawak-lawak at pagkakinang-kinang na lawa.

You might also like