You are on page 1of 4

Stephen Jeane V.

Legaspi December 17, 2020

BSLM-3A Gng. Lourdes Bertis

Seven Sundays
(Suring Pelikula)

BUOD NG PELIKULA (NARATIBO)

Ang pelikulang Seven Sundays ay isang pelikula na nagpapakita ng isang tipikal na pamilyang
Pilipino. Ang pamilya na patuloy sa buhay bagamat walang ilaw sa tahanan, mayroon namang ama at
ang kanyang mga anak, apo, at mga kaibigan. Bukod sa ama na nagpanggap na mayroon na siyang
malubhang sakit upang mapaglapit ang kanyang mga anak, kinilala sa pelikula ang kanyang mga anak
bilang si Allan Bonifacio, ang panganay ng pamilya na nakipagsapalaran sa Japan upang ipaglaban ang
panagarap bilang mananayaw, ngunit naging may-ari na lamang ng isang tindahan matapos umuwi ng
Pilipinas. Ang sumunod na karakter sa pamilya ay ang sumunod na anak sa panganay na si Bryan
Bonifacio na isang matagumpay na negosyante. Sumunod naman dito ay ang babaeng anak na si
Charmaine Bonifacio na mayroong dalawang anak ngunit bigo sa pagmamahal ng kaniyang asawa. At
ang huli, si Dexter Bonifacio ang bunsong anak na hilig ang musika ngunit dala ang hinanakit sa kanyang
pamilya niya, sa paniniwalang siya na ay napabayaan.

Ang pelikula ay hindi lamang umikot sa pagiging masaya ng pamilya, ipinakita rin dito kung ano
ang iniisip ng bawat indibidwal na karakter tungo sa kanilang pamilya, at ipinakita rin dito ang kanilang
indibidwal na mga plano tungo sa kanilang personal na mga buhay. Tulad na lamang ng karakter na si
Allan Bonifacio na nahihirapan mapanatili ang takbo ng kanyang tindahan upang masuportahan ang
kanyang mga anak at ang kanyang asawa na buntis. Sumunod naman ay ang naging buhay ni Bryan, na
bagamat isang matagumpay sa larangan ng negosyo, pinipilit paring hanapin ang kanyang pwesto sa
pamilya kung saan hindi siya makikita bilang isang sakim at madamot na kapatid. Ang kanilang kapatid
naman na babae na si Charmaine ay mayroon ng tatlong anak na binubuhay at ang kanyang matinding
problema ay kung paano sila makakaraos na wala ang kanyang asawa o ama ng kanyang mga anak. At
ang bunsong anak na si Dexter na hindi makita na mayroon siyang ama at mga kapatid na handa siyang
gabayan at tulungan sa buhay. Bagamat naipakita sa pelikula na nailabas ng bawat karakter ang
kanilang mga problema sa isa’t isa, nagtapos parin ang pelikula sa naaayon at magandang paraan.
Nagtulungan ang mga magkakapatid at bagamat nagsinugaling ang kanilang ama sa sakit nito, nagawa
parin nila itong patawarin at intindihin ang rason na binitawan ng kanilang ama.
LUGAR NA PINANGYARIHAN (DESKRIPTIBO)

Ang pelikula ay binuo ng iba’t ibang lugar ng pinangyarihan. Ang pelikula ay nagsimula at halos
umikot lamang sa tahanan ng kanilang ama. Ang tahanan ng kanilang ama ay nagsilbi bilang pangunahin
lugar ng pelikula, dito nalaman ng kanilang ama na mayroon siyang sakit matapos siya dalawin ng
kaniyang doktor nung kanyang kaarawan. Naipakita rin sa pelikula ang simbahan kung saan bago
masaksihan ng kanilang ama ang patagong supresa ng magkakapatid para sa kanyang kaarawan ay
nagdaan muna ito roon. Maaring gustong iparating ng pelikula na sa isang pamilya o kahit sa isang
indibidwal na Pilipino, hindi mawawala kailanman ang pananampalataya sa Diyos.

Naging parte ng pelikula ang karagatan. Dito nagkaroon ng kasiyahan ang pamilyang Bonifacio
dahil sa paniniwalang iilan na lamang ang nalalabing oras ng kanilang ama. Sa tingin ko, ang maliwanag
at makulay na itsura ng karagatan at ang mga nakapaligid rito ay may intensyong maipakita na maaring
maging masaya ang buong pamilya kung gugustuhin nila ito. Kinagabihan, ito naman ang nagmistulang
kabaliktaran ng ligaya ng pamilya Bonifacio, dito nagkaroon sila ng pagbabasa ng mga nakaraang sulat,
kung saan isa sa mga sulat na nabanggit ay ang emosyon ni Dexter patungkol sa kanyang pagiging
mapag-isa nung siya ang maliit pa.

Naging lugar din ng pinangyarihan sa pelikula ang ospital kung saan ang liwanag dito ay
katamtaman lamang. Maaring ipinapahiwatig ng katamtamang ilaw na hindi palaging maganda ang
balita ng mga taong napapadpad rito. Isa rin sa mga naging lugar ng pelikula ay ang tindahan ng pamilya
Bonifacio, para sa akin maganda ang maaring ipahiwatig ng tindahan na ito, ito ay maaring nagpapakita
ng realidad na ang mga gantong uri ng tindahan, ang mga sari-sari store, ay unti-unti nang nabagsak
sapagkat ang mga malalaking pasyalan at gusali na pagmamay-ari ng mga dayuhan ay patuloy sa pag
domina sa larangan ng negosyo at pagtitinda.

TAUHAN NG PELIKULA, PROBLEMA AT SOLUSYON (EKSPOSITIBO)

Ang pelikulang Seven Sundays ay binubuo ng maraming karakter.

Una, ang ama ng tahanan na si Manuel Bonifacio, siya ang padre de pamilya ng pamilyang
Bonifacio ngunit hindi ang kanyang katungkulan sa kanyang mga anak ang naging istorya ng pelikula.
Ang ama na si Manuel ay nagkaroon ng sakit na ginamit niya upang mapaglapit ang kanyang mga anak,
ngunit sa kalagtinaan ng pelikula ay nagkaroon lamang pala ng kamalian sa resulta. Ang problema ng
ama ay kung dapat ba niyang sabihin ang resulta na wala siyang lung cancer o itago upang makasama na
lamang palagi ang kanyang mga anak.

Ang sumunod na karakter ng pelikula ay ang kanyang panganay na anak na si Allan Bonifacio. Si
Allan Bonifacio ay isang kilalang tao sa lugar nila, ito ay dancer nung kabataan at sumubok na dalhin ang
kanyang pangarap sa ibang bansa. Si Allan ay hindi pinalad kaya umuwi na lamang ito ng Pilipinas at
hinawakan ang tindahan na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Ang problema ng karakter ay kung
papaano niya bubuhayin ang kanyang pamilya, kasama narin dito ang mainit na relasyon niya sa kanyang
kapatid na si Bryan Bonifacio. Ang problemang ito ni Allan tungkol sa kanyang pamilya ay agad ding
nasolusyunan matapos na siya’y tulungan ng kanyang kapatid na si Bryan na pagbungahin ang kanyang
tindahan.
Ang ikatlong karakter at ang ikalawang anak ay pinangalanang Bryan Bonifacio. Si Bryan ay isang
matagumpay na negosyante dala ng kanyang pagsisikap sa kanyang pag-aaral. Ang problema ng karakter
ay kung papaano siya makikita ng kanyang mga kapatid at ama bilang isang tao na mapagbigay at mabait
at hindi bilang isang taong sakim at mapagmataas. Gaya rin sa problema ng kanyang kapatid na si Allan,
mainit din ang relasyon ng dalawa na tila hindi sila nagkakaintindihan sa lahat ng bagay. Ang problema ni
Bryan ay nasolusyunan sa huling parte ng pelikula matapos na siya ay maintindihan ng kanyang mga
kapatid at matapos na malaman na mayroon na pala siyang anak na pinoproblema.

Sumunod kay Bryan ay ang kanyang kapatid na si Charmaine Bonifacio. Ito lamang ang babae sa
magkakapatid. Si Charmaine ay mayroon ng mga anak at asawa at ang buong akala ng kanyang mga
kapatid ay mayroon siyang masaya at buong pamilya. Bukod sa pag-iisip kung papaano niya mabubuhay
ang kanyang mga anak, kasama rin sa kanyang mga problema ang kanyang asawa na may iba nang ibang
kinakasama. Ang problemang ito ay nasolusyunan matapos malaman ng kanyang mga kapatid ang
tungkol sa kanyang asawa.

Ang sumunod na karakter ay ang bunso ng pamilya na si Dexter Bonifacio. Tulad ng kanyang
mga kapatid mayroon din siyang pangarap sa buhay, ngunit habang ito ay nalaki unti-unti niyang naiisip
na wala na siyang kasama sa buhay bukod sa kanyang kasintahan na iniwan rin lamang siya. Ang
problema ni Dexter sa pelikula ay kung papaano niya maipaparating sa kanyang pamilya na hindi siya
bigo sa kanyang buhay at kung bigo man ito sa pananaw ng kanyang mga kapatid, nais nitong sabihin na
wala itong suporta na natanggap sa kanila. Ang problemang ito ni Dexter ay nasolusyunan din matapos
magsagutan ng magkakapatid sa huling parte ng pelikula, naintindihan ng kanyang mga kapatid ang
kanyang dinadala at ninais ng mga ito na siya ay tulungan.

Bukod sa mga pangunahing karakter, mayroon ding mga karakter na bagamat hindi naging
pangunahin ay nagkaroon parin ng malaking partisipasyon sa kabuuan ng pelikula, eto ay si: Baby, siya
ay gumanap bilang assistant ni Bryan Bonifacio sa kanyang mga negosyo at trabaho; Jun, siya ay
pamangkin ng ama ng pamilyang Bonifacio, siya ay pinsan ng mga magkakapatid. Malaki ang naging
partisipasyon nito sa istorya dahil ito ang palaging kasama ng ama magmula sa simula hanggang sa
pagwawakas ng pelikula; Asawa’t anak ng bawat karakter na kinilala bilang si Bechay, Marc Bonifacio,
Jerry at marami pang iba, naging malaki parin ang partisipasyon ng mga ito sa kabuuan ng pelikula. Sila
ang naging sandalan at gabay ng bawat karakter sa oras ng pangangailangan.

Sa kabuuan, ang naging pinaka problema ng pelikula ay kung papaano aaminin ni Manuel
Bonificio sa kanyang mga anak ang maling resulta ng kanyang naging sakit. Malaking problema ito sa
karakter dahil maaring magalit sa kanya ang kanyang mga anak sapagkat matagal na niyang alam ang
katotohanan na hindi ito malubha ngunit mas pinili parin niya itong itago sa kadahilanang gusto niya
palaging makasama ang kanyang pamilya. Pinakita rin dito ang nabanggit na mga indibidwal na
problema. Para sa akin, kung ano ang naging dahilan ng problema ng pelikula, ang sakit, ay siya ring
nagbigay solusyon sa pagkakaayos ng pamilya Bonifacio. Kung hindi nagkaroon ng lihim tungkol sa
maling resulta ng sakit, hindi magkakaroon ng pitong linggong pagsasama ang ama at ang kanyang mga
anak. Dahil dito, sa mabigat na eksena kung saan nabisto na pinagtatakpan na lamang ni Manuel ang
kanyang sakit, nagkaroon ng palitan ng sagutan na mayroong matinding damdamin. Nalaman dito ang
emosyon na dinadala ng bawat isa, kung saan ang gabi na dapat masaya at sama-sama ang pamilyang
Bonifacio ay nauwi sa pag-alis at paghihiwalay ng bawat isa.
WAKAS (ARGUMENTIBO)

Ang wakas ng pelikula ay nagsimula sa pagkakaroon ng matinding palitan ng hinaing sa bawat


isa, magmula sa ama hanggang sa magkakapatid. Sang-ayon ako na nagkaroon ng sagutan sa ikahuling
parte ng pelikula sapagkat nalaman ng bawat isa ang kanilang indibidwal na problema. Matindi ang
damdamin na ipinakita sa sagutan ng ama at magkakapatid, nagsimula ito nung madiskubre ni Bryan na
nasangkot ang kanyang bunsong kapatid na si Dexter sa isang skandalo, na kasama daw ito sa nanlimas
ng pera kung kaya’t nagtatago na ito. Sumagot naman ang bunsong kapatid upang ipaglaban ang sarili
na hindi daw ito kasama sa skandalo na tinutukoy nito, at hindi daw siya ang pinakawalang kwenta sa
magkakapatid dahil daw ang kanyang ate na si Charmaine ay hinahayaan lamang lokohin ng kanyang
babaerong asawa. Matapos ang sagutan nina Bryan, Dexter at Charmaine, lumipat naman ito sa sagutan
nina Bryan at Allan. Ang sagutan nila Bryan at Allan bukod sa sakit na itinago ay nagtungo rin sa inggit
nila sa isa’t isa, kung saan nilabas ni Bryan ang hinanaing niya tungkol sa tindahan. Ang pagsagot naman
ni Allan kay Bryan ay naging tungkol sa pagiging mayabang at arogante nito, na lagi daw nito
ipinapagmalaki ang kanyang naabot at pera.

Para sa akin, maganda ang naging ilang parte ng pagtatapos ng pelikula. Nagkaayos ang
magkakapatid na nagsimula nang puntahan ni Allan ang kanyang kapatid niya na si Bryan upang humingi
ng tawad. Nakipag-ayos din sila Bryan at Allan kay Dexter matapos humingi ang dalawa ng tawad sa
kanilang bunsong kapatid. Sumunod naman dito ay ang pakikipag-ayos nila sa kapatid nila na si
Charmaine, sinundan din ito ng eksena kung saan nakilala na ni Bryan ang kanyang anak. Sa huli,
nakipag-ayos sila sa kanilang ama na si Manuel Bonfacio.

Maganda ang ipinakita rito ng pelikula dahil napakita na kung gaano man kabigat ang naging
problema ng isang pamilya, hindi parin imposible na hindi ito mapag-aayos. Subalit, kung isa ako sa mga
bumubuo ng pelikulang ito, hindi ko na ito lalagyan ng nakakatawang pagwawakas. Ang aking tinutukoy
ay nung nagkaroon ng sayawan sa pagitan nina Allan at Mr. Kim. Bagamat makikita dito na ang
intensyon ay ang pagkakaroon ng maligayang pagtatapos, hindi na sana ito inilagay at hinayaan na
lamang maging seryoso at malumanay ang wakas.

You might also like