You are on page 1of 1

Editoryal tungkol sa “Extra-judicial Killings”

“NINANAIS NA SISTEMA, NASAAN NA?”


ni: Cherina Danica Hvass Javier

May mali nga ba sa ating sistema? O sadyang may sinusunod lamang na patakaran? Tama ba ang
pagresolba sa mga problema? O sadyang hindi lang natin nakikita ang kahalagahan nito sa bayan?

May mga utos na inilalabas, mga hakbang na dinaraanan, mga resultang nagaganap, ngunit wala pa rin
sa tamang daloy ang sistemang nais nating ipagpatuloy. Para nga ba ito sa buong nasyon, o para lang may
maipakitang aksyon?

“Tama na po, may test pa ako bukas.” Ito ang huling sinambit ng labimpitong taong gulang na nasa ika-
11 baitang na si Kian Loyd delos Santos. Isa siya sa mga napakaraming biktima ng sinasabing extra-judicial
killings o EJK sa kagustuhan ng pamahalaan na labanan ang pagbebenta at paggamit ng droga sa bansa.

Buhay ng isang inosenteng bata ang naglaho dahil sa kawalan ng kontrol sa pag-aakusa’t mabilisang
pagpatay. Malungkot ngang isipin na ang isang kabataang tulad niya ay nasangkot sa ganitong uri ng mga
panloob na krisis. Hindi rin natin maikaiila na tayo’y nalilito sa layunin ng gobyerno sa extra-judicial killings
sapagkat may kamalian talagang kapuna-puna sa paksang ito.

Isa sa labis na binibigyang pansin dito ay ang prosesong nagaganap ngayon. Nagbigay ng pahintulot si
Pangulong Duterte sa mga kapulisan na mambaril sa mga drug addicts kung sila’y manlaban ngunit ang
kalayaan nilang ito ay lubos nilang inaabuso. Alam nating ang mga krimen ay may mga prosesong dapat sundin
bago mahatulan ng parusa subalit nagiging husgado na ang mga pulis imbis na dumaan sa tamang proseso. Ang
kabataan ay nadadamay na rin sa ganitong sistema.

Pumapasok din sa pinupuna natin ay ang mga karapatang pantao ng lahat. Naiuugnay ito sa mga
hakbang na ginagawa ng Commission on Human Rights o CHR sa madugong EJK. Ang karapatang pantao ang
lubos na naisusumbat sa gobyerno at kapulisan sa kanilang mabilisang pagpatay. May mga ebidensyang
nakakalap ang CHR ngunit hindi ito sapat para magkaroon ng masusing aksyon tungkol sa paglabag sa
karapatang tinutukoy. Lubos nga naman tayong nahihirapan na kalabanin ang insidenteng sinimulan ng kataas-
taasang kapangyarihan.

Hindi rin maaalis ang midya sa usaping ito na laging tutok sa mga nangyayari sa bansa. May mga
nagaganap na imbestigasyon upang makakalap ng impormasyon sa mga isyu kagaya ng EJK pero maniwala
tayo’t sa hindi, hindi lahat ng balitang nailalabas at naikakalat ng midya ay purong impormasyong hindi
nabahiran ng mga opinyon o di kaya’y hindi rin nalalayo sa isang tsismis na maaaring nabawasan o
nadagdagan. Dahil mainit ang mga paksang ito, iba-iba ang paglahad ng impormasyon sa midya.

Marami na ang nasasangkot sa mga kamaliang nailahad. Marami nang patakaran ang hindi nabibigyan
ng tamang mga hakbang. Marami nang buhay ang nawala at umaalingawngaw pa rin ang hustisya nais nila
dahil sa maling pag-unawa sa mga utos. Marami nang nangyayari sa bansa na hindi kaaya-aya.

Hanggang ngayon, hindi natin alam ang dapat na gawin upang ang kabataan ay makaiwas sa labanan sa
bansa. May layon nga naman ang mga ginagawa ng gobyerno para sa bayan ngunit hindi natin alam kung ang
pagresolbang ito ang tamang paraan. May sinusunod nga namang sistema ngunit hindi natin matukoy kung ito
ba’y magbibigay ng pag-asa. Nasaan nga ba talaga ang inaasam na aksyong may tema? Nasaan na nga ba ang
ninanais na sistema?

You might also like