You are on page 1of 1

Malaya Ba Tayo?

Hindi nab ago sa pandinig ng tao ang salitang Kalayaan. Taon-taon ay maraming
gumugunita dito, iba’t-ibang nasyon. Sikat na sikat ang Fourth of July ng Estados
Unidos at sa Pinas naman ay sa tuwing ika-12 ng Hunyo ito ginugunita.Mahigit isang
daang taon nang Malaya ang Pilipinas ngunit malaya nga ba talaga?
Iba’t-iba ang pananaw ng tao pagdating sa kalayaan. Para sa ilang, makatakas
lang sa bahay na itinuturing nilang hawla upang makapaglakwatsa ay malaya na. Ang
simpleng pagtanggap sa pagkatao ng ilan ay kalayaan na. Ang maabswelto lang sa
kasong Jaywalking ay kalayaan na.
Bilang isang mag-aaral, para sa akin, ang kalayaan ay ang pagtatapos ko ng
pag-aaral sa Regional Science High School. Wala ng istres, wala ng pagtataranta, wala
ng kaba na nararamdaman tuwing magsasalita sa harap ng aking magagaling na
kaklase. Kalayaan na rin para sa akin ang pagpayag ng aking mga magulang sa
paglabas ko kasama ng aking mga kaibigan, pagpayag sa pagmamaneho ko ng
sasakyan, at ang pagtulog ko sa bahay ng kaibigan upang makapagsama-sama at
maipagbunyi ang buhay. Kung ibabase sa mga ito, hindi ako malaya.
Bilang isang Pinoy, ang kalayaan ay ang pamumuhay ng mga Pilipino ng
matiwasay at mapayapa. Wala nang putukan, wala nang bangayan sa pagitan ng mga
pinuno ng bansa at wala ng agawan ng lupain sa pagitan ng Pinas at ibang bansa.
Kung titingnan, ang nakaraang giyera sa Zamboanga at Marawi ay nagsasabing hindi
tayo malaya. Ang pagkakaroong ng kasunduan sa pagitan ng presidente pati ng
kanyang bise at ilang mga politiko ay nagsasabing hindi tayo malaya. Ang hindi
pagbitiw ng Tsina sa Scarborough shoal ay nagsasabing hindi pa tayo lubusang
malaya.
Kung ikukumpara natin ang ating sitwasyon sa mga panahong sakal na sakal pa
ang mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Espanyol, Hapon, at Amerikano,
masasabing malaya nga tayo. Ngunit, kung ibabase natin ang salitang kalayaan sa
ayon sa ating mga pamantayan at sa klase ng kalayaang hinahangad natin ngayon, ay
malabong tayo’y malaya. Malaya nga tayo sa salita, ngunit kung tutuusin, para pa rin
naman tayong nakakulong sa hawlang walang pinto.

You might also like