You are on page 1of 3

Mga Halimbawa ng Posisyong Papel at Resolusyon

(bahagi ng Lektura 7 sa Serye ng E-Lektura 2020 ng Tanggol Wika: “Panimulang


Kurso sa Pagsulat ng Resolusyon, Posisyong Papel, Liham-Petisyon, Lobby Letter
at Iba Pa”; Lektyurer: David Michael M. San Juan; 05 Hunyo 2020)
~~~
POSISYONG PAPEL NG SAMAHAN MGA MAKABAYANG MANANANGGOL (SMM)
PARA SA AGARANG PAGBABASURA NG ANTI-TERRORISM BILL
Ipinapahayag ng Samahan ng Mga Makabayang Manananggol (SMM) ang
nagkakaisang paninindigan para sa agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism
Bill, sa pamamagitan ng posisyong papel na ito. Nakabatay ang nasabing
paninindigan sa mga sumusunod na pangunahing punto:
Una, sa panahon ng pandemya, pangangalaga sa kalusugan at kabuhayan
ng sambayanan ang dapat na bigyang-prayoridad ng gobyerno;
Ikalawa, mahigit 900 na ang namatay na Pilipino dahil sa COVID-19, habang
297 ang napaslang dahil sa terorismo ayon sa Global Terrorism Index 2019,
kaya’t malinaw na mas dapat unahin ang pandemya, lalo na at libu-libo pang
kababayan natin ang nagpapagaling pa sa COVID-19;
Ikaapat, walang sapat na proteksyon laban sa mga abusado ang panukalang
batas dahil inaalis na nito ang probisyon sa lumang batas na nagtatakda ng
500,000 piso kada araw na kompensasyon o bayaring danyos sa sinumang
ikulong sa paratang na terorismo, na mapatunayang walang sala;
Ikalima, sa esensya ay pagbaligtad sa kinikilalang prinsipyong legal na ang
lahat ay inosente hanggang mapatunayang maysala, ang kabuuan ng Anti-
Terrorism Bill na nagbibigay-kapangyarihan sa isang konseho na ipagbawal
at ideklarang terorista ang isang grupo o indibidwal kahit wala pang pagdinig
o hearing.
Ikaanim, pinatunayan na sa karanasan ng maraming bansa na hindi kamay
na bakal kundi mapagkalinga at makatarungang pagsasaalang-alang sa
karapatan at kapakanan ng mga mamamayan ang tanging mabisang
panlaban sa mga ugat ng terorismo.
Sa ganitong diwa, binibigyang-diin ng SMM ang paninindigan para sa
agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism Bill.
NILAGDAAN ngayong 05 Hunyo 2020 sa Pangkalahatang Asembliya ng SMM
sa Lungsod ng Davao.
~~~
RESOLUSYON NG PARTIDO NG MGA OBRERO SA PILIPINAS (POP) NA
HUMIHILING SA GOBYERNO NG PILIPINAS NA ITAAS ANG AYUDA SA PANAHON
NG PANDEMYA SA 31,000 PISO KADA BUWAN MAN LAMANG, MULA SA
KAKARAMPOT NA 5,000-8,000 PISO KADA BUWAN
SAPAGKAT, kulang na kulang sa pangangailangan ng bawat pamilyang
benepisyaryo ang ayudang 5,000 – 8,000 piso kada buwan sa ilalim ng Social
Amelioration Program (SAP);
SAPAGKAT, 31,000 piso ang family living wage o nakabubuhay na sweldo
para sa isang pamilya na may 5 miyembro, ayon sa IBON Foundation;
SAPAGKAT, sa datos mismo ng Philippine Statistics Authority (PSA), 10,727
piso ang poverty threshold o halagang kailangan ng isang pamilya para hindi
sila ikategoryang mahirap sa opisyal na estadistika; at
SAPAGKAT, ayon sa pag-aaral na “Economic Relief in the Time of COVID-
19: Rationale, Mechanics, Costing, and Prospective Impact of Temporary
Value-Added Tax (VAT) Suspension and Income Tax Waiver for the Poor and
the Middle Class in the Philippines,” tinatayang halos 2,500 – 6,000 piso ang
nadagdag sa buwanang gastos ng bawat pamilya dahil sa pandemya;
KAYA NGAYON, pinagpapasyahan ng Partido ng Mga Obrero sa Pilipinas
(POP) na ilabas ang resolusyong ito na humihiling sa gobyerno ng Pilipinas
na agarang itaas ang halaga ng ayuda sa panahon ng pandemya sa 31,000
piso kada buwan man lamang, mula sa kakarampot na 5,000-8,000 piso kada
buwan.
PINAGTIBAY AT NILAGDAAN ngayong 05 Hunyo 2020, sa Pangkalahatang
Asembliya ng POP sa Lungsod ng Maynila.
~~~
RESOLUSYON NG NAGKAKAISANG MGA MANGGAGAWA SA SEKTOR PUBLIKO
AT PRIBADO (NMSPP) NA HUMIHILING SA SENADO AT KONGRESO NA
MAGPASA NG BATAS NA MAGPAPATUPAD NG SISTEMANG PENSION
INDEXATION PARA SA LAHAT NG MGA MANGGAGAWA SA PILIPINAS
SAPAGKAT, regular na tumataas ang presyo ng mga serbisyo at bilihin sa
bansa ngunit hindi naman halos tumataas ang pensyon ng mga retiradong
manggagawa;
SAPAGKAT, ang mga retiradong pulis at militar sa bansa ay nakakaagapay
sa gayong mga pagtaas ng bilihin kahit paano, dahil sila’y nagtatamasa ng
benepisyong pension indexation na awtomatikong nagtataas sa pensyon ng
mga retirado para pantayan ang sweldo ng mga kasalukuyang nasa
serbisyo;
SAPAGKAT, hindi lamang ang mga retiradong pulis at militar, kundi maging
ang lahat ng retiradong manggagawa sa sektor publiko at pribado ang dapat
makaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin; at
SAPAGKAT, lahat ng retiradong manggagawa ay pawang nag-ambag din sa
paglikha ng yaman ng bansa;
KAYA NGAYON, pinagpapasyahan ng Nagkakaisang Mga Manggagawa sa
Sektor Publiko at Pribado (NMSPP) na ilabas ang resolusyong ito na
humihiling sa Senado at Kongreso ng Pilipinas na magpasa ng batas na
magpapatupad ng sistemang pension indexation para sa lahat ng mga
manggagawa sa bansa.
PINAGTIBAY AT NILAGDAAN ngayong 05 Hunyo 2020, sa pulong ng
Pambansang Konsehong Ehekutibo ng NMSPP, sa Lungsod ng Cebu.
~~~

You might also like