You are on page 1of 13

ARALIN 4

Wika at Kultura ng Ilang mga Muslim sa Mindanao

4.1 ANG MGA MERANAW

- ni Victoria Juarez-Adeva
Ang mga Meranaw ay iyong mga Muslim na ninirahan sa Lanao na nasa kapaligiran ng lawa ng Lanao,
na siyang pangalawang pinakamalaking lawa sa Pilipinas. Ang orihinal na tawag sa lalawigang ito’y
“Ranao” na nangangahulugang “lawa o lanaw” at ang mga naninirahan ay tinatawag na “Maranao”
(naninirahan sa may lawa).
Ayon kay Casan Alonto (1974) sa kanyang “Perspective on Maranao Society,” may mga teorya tungkol
sa pinagmulan ng mga Meranaw. Ang isang teorya’y batay sa epiko ng mga Meranaw na Bantugan o
Darangan. Sinasabing ang unang mga naninirahan dito sa kapaligiran ng Lanao ay pinangunahan ng isang
nagngangalang “Butuanun Kalinan” na buhat sa dakong Silangan na siyang tinatawag na Bombaran (kung
saan sumisilang ang araw). Ang isa pang teorya’y ang migrasyon ay patungo sa dakong pasigan ng
Katimugang Mindanao, sa dakong Iranon. Ang mga Iranon o Ilanon na natagpuan nang naninirahan sa
kapaligiran ng lawa ay napangasawa ng mga bagong dating.
Noong nabubuhay pa ang Pangulong Manuel Luis Quezon, pinangalanan niyang “maliit na Baguio
ng timog” ang lalawigan ng Lanao. Noong Mayo 2, 1959 sa paglabas ng Batas ng Republika 2228 ay nahati
sa Lanao del Sur at Lanao del Norte ang Lanao. Ang mga punung-lalawigan ay Lunsod ng Marawi at
Lunsod ng Iligan. Ang Lanao del Sur ay siyang pook ng pamayanan ng mga Meranaw. Batay sa sensus
noong 1970, ang buong populasyon nito’y 455,507. Malamig sa pook na ito at malayo sa tinatawag na belt
ng bagyo.
Bagama’t pangingisda ang ikinabubuhay ng iba, masasabing ang pangunahing pinagbubuhatan ng
kabuhayan nila’y pagsasaka. Malawak ang lupain at mataba pa. Pangunahing pagkain ang bigas. Sa prutas
naman maipagmamalaki nila ang kanilang marang at durian, na hindi matatagpuan sa Luzon. Sa
kasalukuyan ay marami nang mangangalakal na Meranaw.
Ang hinahabing banig at malong ng mga Meranaw ay labis na nakakatawag ng pansin ng mga mamimili
hindi lamang sa lokal na pamilihan kundi sa pandaigdig man. Ang isang magandang malong ay mas mahal
kumpara sa ordinaryong malong. Magagandang disenyo ang makikita. Maraming kagamitan ang malong:
damit, pangulan, kumot, duyan ng bata, sako, lubid, duyang lululanan ng maysakit, panakip, at minsan glab
na pamboksing.

181

Ang isa pang kalakal ay ang bras na ginagawa sa Tugaya. Ang mga ito’y binubuo ng mga gong,
sarimanok, kulintang, lalagyan ng buyo, lalagyan ng alahas, malalaking hugis na paso na may adornong
tinatawag na okil na disensyo. (Ang mga kalakal na nabanggit ay makikita sa mga malalaking tindahang
panturista sa malalaking Lungsod ng Luzon, Visayas, at Mindanao).
Sa puntong sosyal naman, nahahati sa tatlong uri ang mga Meranaw: ang namanang artistokrasya, ang
tinatawag na malalaya (freeman) at ang mga alipin. Ang namanang artistokrasya ay kilala sa katawagang
Malaibangsa na binubuo ng mga sultan, mayayamang datu at ang kanilang pamilya, sa madaling sabi iyong
may mga dugong bughaw. Iyong mga magsasaka’t manggagawa ang tinatawag na Pegawid. Ang
pangatlong uri ang tinatawag nilang Bisaya’y nawawala sa kasalukuyan bagama’t nasa kamalayan pa rin
ang tungkol sa mga istatus. Hindi maaaring mapangasawa ng nasa isang uri ang nasa kabilang uri lalo na
iyong nasa unang uri na sila lamang ang maaaring maging magkapalad
Ang masasabing nakapag-uugnay sa lahat ng Meranaw ay ang tinatawag nilang adat at taritib
(kaugalian at tradisyon) tulad ng mahigpit na pagsunod sa magulang. Higit na mapapatunayan ito sa
kaugalian tungkol sa pag-aasawa at paglilibing.
Sa larangan ng pag-aasawa, naniniwala silang maaaring mag-asawa ng higit sa isa ang lalaki basta’t
kaya niya. Istatus symbol sa mga lalaki ito sapagkat kapag marami siyang asawa nangangahulugang
maykaya siya at bukod pa rito ay may marami siyang magiging kapanalig dahil sa mga kaanak ng kanyang
asawa. Hindi maaaring magasawa ng iba ang lalaki kung walang pahintulot ang unang asawa sapagkat siya
(ang unang asawa) ang itinuturing na tagapangulo ng mga asawang iba.
Naniniwala rin sila sa diborsyo. Maaaring deborsyuhin ng lalaki ang babae pero hindi maaaring
deborsyuhin ng babae ang lalaki kung walang matibay na batayan. Kailangang mapatunayan talaga na
mabagsik sa kanya ang lalaki o kaya’y iniwan silang mag-ina. Kapag ang babae ang makikipagdiborsyo
ang bigay-kaya’y kailangang isauli, ngunit kapag ang lalaki ang nakipagdiborsyo hindi kailangang isauli.
Hindi magiging buo ang tungkol sa Meranaw kung hindi babanggitin ang maratabat o amor propio.
Kailangang pangalagaan nila ang dangal ng kanilang lipi o angkan sa mata ng lipunan. Handa silang
ipaghiganti sukdang ikamatay ang karangalang nadungisan upang itindig na muli ang magandang pangalan
ng kanilang angkan. Ang antas ng maratabat ay batay sa istatus sa lipunan kaya higit na inaaasahang ang
nasa itaas na uri ang magtatanggol nito nang husto kaysa sa mga sumusunod na antas.

182
Mga Pamahiing Meranaw

Tungkol sa Panaginip
1. Kung mananaginip kang ikaw ay kinagat ng isang asong pula iyon ay nangangahulugang malapit
ka nang makapag-asawa at ang magiging kapalad mo’y mayaman ngunit kung itim ang aso, ang
magiging kapalad mo ay alipin.
2. Kung mananaginip ka na ikaw ay lumalangoy sa malamig na dagat na maitim ang tubig,
nangangahulugan na magkakasakit ka nang malubha.
3. Kung mapanaginip mong tumatai ka ay nangangahulugang mawawalan ka ng isang
napakahalagang gamit.
4. Kung nanaginip ka na ang isa sa mga ngipin mo ay naalis, nangangahulugan na mamamatay ang
isa sa mga magulang mo.
5. Kung nanaginip ka nang walang damit ang isang tao na kilala o kaibigan mo, nangangahulugan na
siya ay magkakasakit nang malubha at mahirap gamutin.
6. Kung nanaginip ka na ang kaibigan mo ay mamamatay at pagkatapos ay sinabi mo agad ito sa
kanya, magiging totoo na mamamatay siya o isang kamag-anak mo ang mamamatay.
7. Kung nanaginip ka na lumilipad ka, isang mahalagang pangarap mo ay malapit mo nang
makamtan.
8. Kung nanaginip ka na ikaw ay nasa magandang ayos o kalagayan, hindi magtatagal at
magkakasakit ka.
9. Ang isang buntis na nanaginip na nasa palad niya ang isang bituin, ang magiging anak niya ay
tatanghaling reyna.
10. Kung nanaginip ka na ikaw ay kinagat ng linta, ito’y nangangahulugan na may isang taong
magsasamantala sa iyo.

Tungkol sa Ginagawa
1. Ang dalagang kumakanta habang nagluluto ay makapag-asawa ng isang matandang lalaki.
2. Pag ang isang lalaki ay dumalaw sa kanyang kasintahan at hindi dinatnan sa bahay ang babae,
nangangahulugan na hindi sila magkakatuluyan.
3. Ngunit kung sa muling pagdalaw ng lalaki sa kanyang kasintahan ay maabutan niya itong
nagluluto, magkakatuluyan sila at magiging mayaman pa.
4. Pag kinagat ng daga ang bago pang labang damit ay nangangahulugang may mamamatay na
kamag-anak ng may-ari ng damit.

183

5. Ang pagpapayong sa loob ng bahay ay masama dahil may mamamatay sa bahay na iyon.
6. Hindi pwedeng paliguan ang mga maliliit na bata dahil magkakasakit sila.
7. Ang taong naglalakad ay hindi pwedeng kumain sa daan.
8. Hindi dapat tuktukin ang palayok habang nagluluto.
9. Kapag dinaanan ng ahas ang bagong tayong bahay, ang ibig sabihin ay mamamatay ang titira.
10. Kapag may pumasok na paruparo sa iyong kwarto, nangangahulugang makakatanggap ng pera ang
nagmamay-ari ng kwarto.
11. Ang nakabiting kasuotan na kinagat ng daga ay nangangahulugan ng pagkamatay ng isa sa bahay
na iyon; kapag nahulog naman ang damit mula sa pagkakasabit, ang ibig sabihin ay may darating
na panauhin.
12. Kapag habang tinitignan mo ang mukha mo sa salamin pagkatapos ay hindi mo na ito makita ang
ibig sabihin nito ay malapit ka nang mamatay.
13. Masamang ugali ang dumura sa nilulutuan dahil sa paniniwala ng mga Maranao na may tao sa
nilulutuan.
14. Kung may pupuntahan ka, kailangang tingnan mo muna ang mukha mo sa ginto at kapag hindi
mo nakita ay nangangahulugang huwag kang tumuloy sa lakad mo dahil may masamang
mangyayari sa iyo.
15. Sa oras ng kasal at namatay ang ilaw ng lampara ay nangangahulugan na isa sa ikakasal ay
mamamatay.

Iba Pang Pamahiin ng mga Meranaw


- Gani B. Yusoph at Lawandatu Pangandapun

a. Inikadowa
Ang mga Meranaw ay naniniwala na nauuri sa dalawa ang tao. Ito ay ang hindi nakikitang tao
at ang ikalawa ay ang mga nakikitang tao.
Ang tinatawag nilang inikadowa ay yaong mga taong hindi nakikita. Sila ay may sariling
kapangyarihan na pumapaloob sa katawan ng ordinayong tao; ginagamit nila ang pagsasalita ng
ordinaryong tao; at gayon din ang kilos at galaw ng katawan ng ordinaryong tao. Hindi lahat ng
tao ay kanilang pinapasukan. Sila’y pumapaloob sa taong tinatawag na pundarpaan. Ang
pundarpaan ay itinuturing nilang kaibigan na sa anumang oras ay pwedeng tawagin ng pundarpaan
ang kaibigang inikadowa. Ganito ang ginagawa ng pundarpaan kapag tinatawag niya ang
inikadowa at kung paano niya ginagamot ang isang maysakit.

184
Unang-una, hihikayatin niya muna ang inikadowa na lumapit at pumasok sa kanya. Ito’y
ginagawa niya sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit ng barong na kulay dilaw at ng tubao
(Meranaw neckerchief). Siya’y nagpapabango ng katutubong pabango na tinatawag na lana
manot at nagsisimulang ikawaykaway ang panyong hawak niya malapit sa bintana. Mapamaya-
maya pa’y manginginig na ang pundarpaan at mag-iiba ang hitsura ng kanyang katawan. Kapag
nawala ang panginginig niya ang ibig sabihin ay nasa katawan na niya ang inikadowa at dito na
siya magsisimulang magsasalita at magpapakilala. Maiiba ang kanyang kilos at pagsasalita sa dati
niyang kilos at pagsasalita, sapagkat ang inikadowa ang siyang umiiral sa katawan ng pundarpaan
at ito na ang siyang nagsasalita.
Pagkatapos nitong magpakilala, halimbawa siya raw ay si Tomitai sa garansang (bamboo
climber) o kaya’y ibang pangalan ang kanyang ibibigay, ang mga taong nasa kanyang paligid ay
magpapasalamat sa kanyang pagdating at buong puso nila itong tatanggapin sa kanilang
pamamahay. Minsan, ang inikadowa ay hihingi ng paumanhin na siya raw ay hindi dumating nang
maaga dahil sa sila’y may dinadalaw na kaibigan sa kalawakan. Ang inikadowa sa katawan ng
pundarpaan ay kukuha ng buyong na inihanda ng mga tao at ito’y kanyang nangangain. Habang
ginagawa ito ng pundarpaan, ang mga magulang ng may sakit ay magmamakaawa sa kanya na
gamutin ang may sakit. Kung sa akala ng pundarpaan ay kaya siyang gamutin ito ay gagawin niya.
Kung ito’y hindi kaya ng pundarpaan ito ay kanyang tatanggihan.
Matapos suriin ng pundarpaan ang may sakit ay sasabihin niya ang dahilan ng sakit at kung
ano ang dapat gawin sa maysakit. Kung minsan ay humihingi ang pundarpaan na sila’y magdaos
ng malaking kapistahan, maghandog ng pagkain, gumawa ng lamin (kwadradong bahay-bahayan)
o kaya’y gagamutin na lang niya ang maysakit sa oras na iyon. Halimbawang sinabi ng pundarpaan
na sira ang ulo ng may sakit ay magpapagawa ito ng lamin sa paniniwalang dito titira ang ispiritu
na siyang gumagalaw sa may sakit. Kung minsan ay pinaliliguan niya ang may sakit at bubulungan
niya ng mahiwagang salita upang umalis ang ispiritu. Sa mga ordinaryong mga sakit na tulad ng
lagnat, sakit ng tiyan, masamang panaginip, at rayuma ay hinahaplos lamang niya ang bahagi ng
katawan na masakit at binubulungan niya ng kanyang mahiwagang pananalita.

b. Kapamangangai sa Tonong
Ito’y pag-anyaya sa mga ispiritung tinatawag na tonong. Kailangan ng isang magsasaka
halimbawa na ganapin ito. Kung hindi niya ito gaganapin siya’y magkakaroon ng kapinsalaan sa
katawan at ang kanyang mga pananim ay masisira. Ganito ginagawa iyon: inihahanda niya ang
isang malaking manok

185

at kaning dilaw. Sa tulong ng mga matatandang tao na marunong tumawag sa mga espiritu ay
kanyang tatawagin ang mga ispiritu ng lawa, bundok, at palay. Kung naramdaman ng tagatawag
na narinig ng mga espiritu ang kanyang pananawagan ay sisimulan na ang paglalagay ng mga
inihandang pagkain sa palayan. Dito sasali ang magsasaka sa tumawag ng espiritu sa pagkain na
kanilang inihanda. Ginagamit ng katutubong magsasaka ang kapangyarihang tonong sa pagsugpo
ng mga masasamang daga, peste at iba pang pumipinsala sa kanilang mga tanim sa halip na
gumamit sila ng modernong gamot. Ginagamit din nila ito sa mga magnanakaw ng kanilang tanim.
Sino mang tao ang magnakaw ng kanilang tanim ay nagdaranas ng pagdumi ng dugo, tutubuan ng
maraming pigsa at mga sakit sa balat na hindi maaaring magamot kung hindi hihingi ng
kapatawaran ang magnanakaw sa may-ari ng tanim.
Ang tonong ay ginagamit din ng mga Meranaw sa pagpatay ng kanilang kaaway. Ang
pinakapopular na pamamaraan ay ang tinatawag nilang pananggalan. Ang pananggalan ay
binubuo ng maraming buhok at isang malaking bunga ng kalamansi. Ang kalamansi ay magiging
ulo nito at ang buhok ay maaaring ilong kung ito’y lilipad sa gabi na nasa kapangyarihan na ng
tonong. Ito’y parang bulalakaw na mahuhulog. Kailangang walang makakita ng sinuman sa
kanyang paglipad kundi ay mawawalan ng bisa at hindi tatamaan ang pakay niyang tao.

c. Pamahiin Tungkol sa Kalikasan


Ang mga Meranaw ay naniniwala na ang araw ay isang taong nakasakay sa isang karo na
sinusubaybayan ng mga anghel upang ang tao’y bigyan ng ilaw sa daigdig sa araw-araw niyang
paglalakbay. Ang buwan naman ay isang babaing sumasakay din sa karo sa pagsubaybay din ng
mga anghel. Minsan daw sa kanyang paglalakbay ay bigla siyang susugurin ng leyon at gustong
lunukin ito kaya tayo nagkakaroon ng eklipse.
Ang daigdig daw ay hindi malapad at hindi rin bilog. Ang mga Meranaw ay naniniwalang ito
ay binubuo ng pitong palapag na sa ikapitong palapag ay doon nakatira ang iba’t ibang uri ng tao
samantalang sa ikaanim na palapag nakatira ang mga duwende. Tulad din ng langit na binubuo ng
pitong palapag na kinaroroonan ng mga anghel na nagbabantay sa atin, ang mundo ay dinadala ng
isang higanteng tinatawag na lumbong. Kung minsan daw, ang lumbong ay sinisipit ng kasama
niyang hipon kaya pag medyo gumalaw ay nagkakaroon tayo ng tinatawag na lindol.
Ang mga bituin naman sa langit ay mga alahas ng isang magandang babae. Noong una raw ay
may isang magandang babae na nagbabayo at ang kanyang mga alahas ay tinangay ng malakas na
unos sa kalangitan at hanggang ngayo’y naroroon pa rin ito at kumikislap.
Ang ulan naman ay tubig na ibinubuhos ng prinsesa ng kalangitan sa lupa.

186
d. Kahulugan ng mga Pangyayari na Gawa ng Kalikasan
Ipinapalagay ng mga Meranaw ang anumang kaguluhan sa Lanao ay dulot ng pagpapabaya ng
mga Maranao sa kanilang mga katutubong ugali, asal, at pagkawala ng tiwala sa mga pamahiin ng
kanilang mga ninuno. Narito ang ilang mga pangyayari na binibigyang kahulugan ng mga
paririmar at mga olamang Meranaw.
Lindol – bago sumapit ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nagkaroon ng mga lindol na
hinulaang nagbabadya ng darating na kapinsalaan. Ang dumating nga ay ang digmaan.
Kulog at Kidlat – ito ay ginagawang sandata ng Diyos para patayin ang mga demonyo at mga
masasamang espiritu. Kaya kung may kulog raw ay ipinapagulong nila ang mga katagang ito,
“Haedo billahi mina saitan ir rajim, bismillah ir rahman ir rahim.” Ang mga salitang ito’y
panakot sa mga demonyo at espiritu. Naniniwala silang kaya natatamaan ng kulog ang tao ay dahil
malapit sa kanya ang demonyo at espiritu.
Malakas na ulan at baha – ito raw ay dahilan sa ginagawang masasama ng mga tao. Kaya
nagkakaroon ng baha o kaya’y malakas na ulan ay dahil galit ang mga anghel at ang Diyos sa
kanila.
Ang pinakapopular na pagsugpo ng mga masasamang loob ay ang kapangyarihan ng Koran.
Ito’y ginamit noong araw at ginagamit pa rin hanggang ngayon. Ang karamihan ng mga korte dito
sa Lanao ay gumagamit ng kapangyarihan ng Koran. Lahat ng saksi sa isang kaso o kaya’y yaong
may sala ay pinasusumpa sa Koran na siya’y magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan.
Ang mga Muslim ay naniniwala na kapag ang isang sumumpa sa Koran ay magsisinungaling ay
siguradong magkakaroon ng kapinsalaan sa buhay nito at sa kanyang pamilya sa lalong madaling
panahon.
Pangalawa, nagkakaroon ng kaligtasan ang kanilang mga ari-arian dahil sa takot ng ibang
masasamang loob na mapinsala sila kung sila’y gagawa ng masama sa kanilang kapuwa tao.
Sa palagay namin, hindi naging dahilan ang pagkakaroon ng mataas na edukasyon ng Meranaw
sa ganap na pagkawala ng kanilang paniniwala sa katutubong pamahiin. Kung minsan kahit na ang
isang edukadong Maranao ay naguguluhan pa rin kung ang kanyang may sakit na anak ay sa doktor
ipapagamot o sa katutubong manggagamot na Meranaw.
Wika
Ang wika ng mga Meranaw ay Maranaw. Kilalang-kilala ito dahil sa matigas na diin at tono nito.
Maranaw ang gamit ng mga Meranaw sa kapuwa nila Meranaw. Kapag mga Kristiyano ang kausap nila ay
marunong din sila ng Cebuano, Filipino, at Ingles.

187

42 ANG MGA MAGUINDANAON AT ANG KANILANG KULTURA

Ang mga Maguindanaon ay nakatira sa timog-silangang bahagi ng Mindanao. Nang maghiwalay raw
ang magkapatid, si Timbunaway at ang kanyang tagasunod ay umalis sa kanilang kinagisnang nayon at
naghanap ng pook na kanilang matitirhan. Ang tanong na kung saan sila titira ay nagkaroon ng kasagutan,
Maginged tano sa danao na ang kahulugan ay “tumira tayo sa palibot ng lawa.” Dito nagmula ang
pangalang, Maguindanao nang pagdungtungin ang dalawang katutubong salita, maginged at danao. Ang
salitang maginged ay maaaring mangahulugang, “ang mga nakatira o titira” at ang salitang danao naman
ay ang Maguindanao na salitang “lawa” (Alfanta, 1975-76).
Ang ideya na tinatawag ang mga Maguindanaon na “mga tao sa binabahang kapatagan” ng mga western
iskolar ay maaaring dahil sa kanyang heograpikal na lokasyon na kung saan ang malapad na kapatagan sa
Cotabato Valley ay palaging binabaha. Kung minsan naman, kapag ang Rio Grande de Mindanao o kaya’y
ang Pulangi sa kanilang sariling dayalekto ay umaapaw sa tubig at ang mga tao ay walang mapupuntahan,
sila ay sumisigaw ng “Midsanao!” na ang ibig sabihin ay, “Napakalaking baha!” (walang petsa).
Bigas at sago ang pinakapagkain ng mga Maguindanaon. Sa panahon ng taghirap, kumakain sila ng
mais at kamoteng kahoy. Kumakain din sila ng manok, gulay, prutas, at isda na galing sa lawa o ilog. Tulad
ng ibang mga Muslim, ang kanilang pagkain ay nagdedepende sa hinihingi at ipinagbabawal ng kanilang
relihiyon (Islam). May mga espesyal na pagkain sila lalo na kung may mga pagdiriwang tulad ng putok,
amik, panialam, dudol, inti, pill, balabed, at marami pang iba (Ibid).
Ang mga Maguindanaon ay mga magsasaka rin. Bigas ang kanilang itinatanim – isang natatanging uri
ng bigas na nagtatagal sa matubig o mabasang lugar.
Ang bahay ng mga Maguindanaon ay binubuo ng dalawa o mahigit pang kwarto (bilik). Ang mga babae
ang may malaking karapatan sa mga kwartong ito. Ang bahay ay karaniwang iisang palapag lamang. Sa
dahilang pangsiguridad at marahil tagpuan ng kahit anong bagay, ang pinakailalim ng bahay ang
ginagawang bodega. Ang sahig ay natatakpan ng banig na gawa sa rattan. May gumagamit na rin sa
kasalukuyan ng mga carpets (Majul 1973).
Ang paggawa ng espada (kris at kampilan) ay unti-unting nawawala na. Ang mga babae ay naghahabi
(oulan) na lamang. Ang mga lalaki naman ay mga iskultor/ manlililok. Tulad ng iba pang grupo ng Muslim,
ipinagbabawal sa kanila ang umukit ng mga hayop o tao. Ang mga disenyo nila sa pag-ukit ay mga sandata
o mga instrumentong musikal (Angeles, 1975-76).

188
Ang mga Maguindanaon lalo na ang mga nakatira sa mga liblib na pook ay naniniwala sa mga di-
kapani-paniwalang mga may kapangyarihan tulad ng higante na si Legasi, at si Talabusaw na ang kalahati
ay tao at ang kalahati ay kabayo. Pinaniniwalaang ang mga halimaw na ito ay kumakain ng tao. Naniniwala
rin sila sa busaw o asuwang na hindi rin nakikita.
Ang mantiyanak naman ay isang uri ng asuwang na nasa pormang maliit na bata. May pagkademonyo
ito kaya kinatatakutan din ng mga tao. Higit sa lahat, ang mga Maguindanaon ay naniniwala sa tonong,
ang hindi nakikitang ispiritu. Ang tonong ay dalawa. Ang isa ay masama na tinatawag nilang saytan at
ang isa naman ay jinn na hindi masama. Ang mga hindi nakikitang ispiritung ito ay maaaring magbigay
ng sakit o kapahamakan sa mga tao (Gowing et al., 1974).

Wika
Maguindanaw ang tawag sa wika ng mga Maguindanaon. Marunong din silang mag Filipino, Cebuano,
at Ingles.
4.3 ZAMBOANGA: ANG PARAISO NG MGA BULAKLAK SA KATIMUGAN

-ni Rainer Anthony Rubin


Zamboanga, siyudad ng mga pangarap at bulaklak. Tinaguriang City of Flowers, marahil ay dahil sa
makukulay at mahahalimuyak na mga bulaklak na matatagpuang saganang-sagana sa pali-paligid; sa mga
bakuran, bintana, gilid ng kalsada, at mga liwasan. O maari rin namang dahilan sa mga magagandang dilag
ng Zamboanga, mga kadalagahang bantog hindi lamang sa taglay na kariktan nila kundi lalung-lalo na sa
kanilang likas na pang-akit at kalambingan.
Diumano, ang pangalang Zamboanga ay mula sa salitang “Samboangan” na siyang dating katawagang
ginagamit ng mga katutubong Muslim, Badjao, Subanon, at iba pang grupong ethnikong naninirahan dito.
Ang pangalang “samboangan” ay kinuha sa salitang “sambuan” na tumutukoy naman sa mahabang kahoy
na ginagamit ng mga Samal at Badjao sa pagtutulak ng kanilang mga sasakyang vinta sa mga pampangin
ng mga karagatan. Ngunit taliwas naman dito ang sinasabi ng iba. Ang Zamboanga raw ay galing sa
salitang “Jambangan,” isang salitang Malay na tumutukoy sa isang pook na pinamumugaran ng maraming
naggagandahang bulaklak. Ang dalawang salitang ito na sinasabing pinagkunan ng pangalang
“Samboangan” at “Jambangan” ay kapwa tumutukoy sa dalawang bagay na katutubo sa lugar, ang vinta at
bulaklak kaya’t hindi natin matiyak kung ano ang totoo. Gayunman, hindi mapasusubalian na sa paglunsad
ng mga Kastila sa pampangin nito noong ikalabimpitong dantaon ay saka ito tinawag na Zamboanga.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi dapat pagtakhan kung bakit ang Zamboanga, sa kabila ng hindi gaanong
magandang balita na dulot ng ilang kaguluhang nagaganap ay patuloy pa ring umaakit ng mga turistang
galing sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sa ibang panig ng daigdig. Paano’y napakalakas ng pang-akit ng
magagandang tanawing matatagpuan dito: ng matutulaing karagatan at kabundukan na hindi pa
pinapapangit ng modernismo; mga tradisyon na kaugnay sa kasaysayan ng lahi at mga kaugalian na iba’t
iba na pawang kakaiba mula sa iba’t ibang grupong etniko na naninirahan dito.
Halimbawa, matatagpuan dito ang mga Badjao o ang mga sea gypsies na pawang naninirahan sa mga
karagatan ng Zamboanga. Sila ang mga nagpapala at pinagpapala ng karagatan; sa dagat sila nanghuhuli
ng mga isda at iba pang lamang-dagat, naninisid sila ng mga perlas at napakagandang tanawin ang kanilang
matutulin at makukulay na vinta na bumibinit sa tubig. Tahanan nilang itinuturing ang mga bangkang
nangakalutang sa mga pampang ng dagat; dito sila naliligo, naglalaro, naglalaba, at humahabi ng mga
pangarap. Tahanan nila ang isa sa mga pinakamayamang karagatan sa buong Pilipinas sapagkat ito’y mina
ng mga perlas, korales, talaba, sigay, at mga pagkaing-dagat.

195

Bukod sa mga Badjao, may isang grupo pa rin ng mga katutubo sa Zamboanga na naninirahan sa tubig:
sila’y matatagpuan sa Taluksangkay Village makalabas ng siyudad. Sa halip ng mga bangkang nakalutang
ay sa mga magkakadikit na bahay kubo naman sila nakatira na ang mga mahahabang haligi ay
nangakalubog sa tubig. Ito’y halos magkatulad ng matatagpuan sa Jolo.
Makasaysayan ang mga baybayin ng Zamboanga na kinaganapan ng madudugong labanan ng mga
katutubo at mga banyaga sa panahon ng mga panlulupig. Ngayon ang mga makasaysayang mga baybaying
ito ay dinudumog ng mga turista bilang mga languyan. Dito rin nagpupunta ang mga mahihilig sa nagiging
popular na libangang tinatawag na scuba diving o pagsisid sa dagat na kumpleto sa makabagong kasuotang
pansisid.
Walang turistang pumupunta sa Zamboanga na makapagsasabing nakita na niya ang lahat kung hindi
pupunta sa bantog na Pasonanca Park. Ito’y masasabing isang paraiso ng kagandahan. Dito’y lalong
madarama ng isang alagad ng kalikasan ang pagpapala ng buhay – sa munting ilug-ilugang ang malinaw
na tubig ay nanunulay sa kabuuan ng parke na ito’y nayayamungmungan ng iba’t ibang uri ng punongkahoy
at halaman. Hindi dapat pagtakhan na ang Pasonanca Park ay sagana sa ibon, hayop, isda, at halaman. At
para sa mga romantiko, lalo na sa mga nagpupulutgata, may ipinagmamalaking bahay-bahayan sa itaas ng
isang malaking punungkahoy ang parkeng ito. Ang tree house na ito’y piping saksi ng maraming sumpaan
at pagiibigan.
Makasaysayan din ang “Real Fuerza de Nuestra Senora del Pilar de Zaragoza.” Ito’y isang kuta na
itinayo ng mga manlulupig na Kastila at ginamit nilang kublihan at himpilan laban sa mga lumalabang
katutubo. Noong 1899 nang pumailaalim ang Zamboanga sa kamay ng mga Amerikano ito ay tinawag na
sa pinaigsing pangalang Fort Pilar. Maraming mga kwento at alamat ang lumaganap sa bibig ng mga tao
tungkol sa pagiging milagrosa ng Mahal na Birhen sa lugar na ito kaya’t tuwing buwan ng Oktubre ng
bawat taon maraming mga deboto at turista ang dumarayo rito. Tampok sa pista ng birhen ang makapigil
hiningang karera ng mga makukulay at mabibilis na vinta na pinapanood sa baybay-dagat ng siyudad at
para sa mga taga-Maynila, tunay itong naiibang panoorin.
Ang isa pang katutubong tradisyon ng Zamboanga na pinagdarayo ng mga turista ay ang Bale
Zamboanga Festival na idinaraos naman sa Pasonanca Park tuwing buwan ng Pebrero. Tatlong araw ang
itinatagal ng pista at sa loob ng mga araw na iyan, ang mga Kristiyano, Muslim, Badjao, Tsino,Tausog,
Subanon, at iba pang grupong etniko ay nagtatanghal ng kani-kanilang mga katutubong kalinangan katulad
ng sayaw, dula,at iba pang selebrasyon na nagpapakita ng mga kaugalian at tradisyon. Bukod diyan,
dinudumog din ng mga turista ang pagtatanghal nila ng iba’t ibang produkto at mga gawang kamay ng
bawat pangkat.

196
Ang pangunahing wikang ginagamit sa Zamboanga ay Chavacano. Ito’y tila mandin pinaghalu-halong
Kastila, Tagalog, Bisaya, at iba pang wika ng mga grupong etniko. Ito’y may malambing na intonasyon at
masasabing namamaibabaw ang pagiging Kastila. Hindi maikakailang Chavacano ang ginagamit na wika
sa pangangalakal, sa pulitika, sa simbahan, at sa halos lahat ng larangan ng pamumuhay bagama’t tahasang
masasabing ang wikang Filipino ay ginagamit at naiintindihan ng karamihan.
Masasabing sa Zamboanga matatagpuan ang iba’t ibang pangkat ng mga tao na may iba’t ibang
paniniwala, kulay, at pananampalataya, ngunit nasa pagkakaiba-ibang ito ang pagkakasundu-sundo, ang
kapayapaan, at pagkakaunawaan.

Wika ng mga Zamboangueno


Chavacano ang tawag sa wika ng mga Zamboangueno ngunit sa dahilang ang Zamboanga ay
tinatahanan ng iba’t ibang tribo, Filipino ang gamit sa pagkakaunawaan. Ang mga Muslim ay may kani-
kanilang wikang gamit depende sa grupo. Karamihan ay mga Tausog na nagasasalita ng Tausog at mga
Badjao na nagsasalita ng Badjao. Ang mga negosyanteng Meranaw naman ay nagsasalita ng Meranaw.
44 ILANG BAGAY TUNGKOL SA DAPITAN

-ni Teresita Merencillo-Acas


Ang Polo ay isa sa mga maliliit na nayong nasasakop ng Lungsod ng Dapitan na may lawak na 434 na
hektarya at may 1,347 mamamayan sa kasalukuyan. Ang mga mamamayang ito ay pawang mga Kristiyano
na nagsipanggalingan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, ngunit karamihan ay galing sa Negros, Cebu, Bohol,
at Samar. Karamihan sa mga mamamayang ito ay nabubuhay sa pamamagitan ng pangingisda, bagamat
mayroon namang mabibilang sa daliring naglilingkod sa pamahalaan, nagsasaka, namamasukan sa ilang
pribadong tao bilang drayber, at iba pang uri ng hanapbuhay na bagama’t mahirap ay marangal naman.
Hindi nga sila mayayaman, ngunit hindi rin naman natin sila matatawag na mahihirap dahil wala namang
isa doon ang namatay dahil sa gutom. Sa madaling sabi, ang kalagayan nila sa buhay ay matatawag nating
nasa kalagitnaang uri at nabubuhay silang mapayapa, maligaya, at laging may pagkakaunawaan sa bawat
isa.
Ayon sa kasaysayan, ang nayong ito ay pinangalanang Polo dahil sa kung wala pa ang tatlong tulay na
nag-uugnay nito sa ibang kalapit na lugar ay talagang ito’y isang maliit na pulo o isla dahil napapalibutan
ng tubig – dagat at ilog. Ang dapat na baybay sana nito ay Pulo at di Polo ngunit dahil sa nakaugalian na
ng mga tao ang ganitong baybay, pinapanatili na lamang ito, bagama’t sa pagbigkas ng mga tao, maririnig
nating ponema /u/ at di /o/ ang ginagamit nila.

197

Walang mahalagang kasaysayan ang maliit na nayong ito, ngunit ang isang lungsod na sumasakop dito
ay isang makasaysayang pook sa ating bansa, kaya’t minabuti kong isali ang maikling kasaysayan ng
lungsod naming ito, ang Lungsod ng Dapitan.

Ang Lungsod ng Dapitan


Marahil, hindi na bago sa pandinig ng lahat ang pangalan ng aming lungsod, ang Dapitan, dahil naging
palasak na ang lugar na ito sa halos lahat ng aklat ukol sa kasaysayan ng Pilipinas. Tuwing maririnig ang
pangalan ng aming lungsod, ang unang maaalala o maiisip marahil ng taong ‘yon ay ang pagkatapon ng
pangunahing bayaning Pilipinong si Dr. Jose P. Rizal sa loob ng apat na taon, mula 1892-1896. Kung iisipin
ngang mabuti’y parang napakahaba ng panahon ng pagkakatapon niya, ngunit para sa mga mamamayang
nakatamasa ng di-mabibilang at di makakalimutang kabutihang mula sa kanyang mga kamay, ang
panahong ipinamalagi niya rito’y napakaikli lamang. Nais pa nilang dagdagan ang panahong ipamalagi
niya ngunit ang kapangyarihan ng mga nanakop ay siyang nasunod na di nahadlangan ng karaniwang
mamamayan noon.
Ang naturang bayani ay di-tumira sa puso ng lungsod, na noo’y bayan pa, kundi sa isang maliit at
mapayapang pook na pinangalanan niyang Talisay dahil sa ito’y napagkakitaan ng maraming puno ng
talisay na hanggang ngayon naroon pa. Ang talisay ay bahagyang nahihiwalay sa bayan dahil sa isang
maliit ngunit malalim na ilog kung kaya’y nangangailangan pa ang mga mamamayan ng bangka bago
marating ang lugar na tinitirhan ng bayani. Ngunit sa kasalukuyan’y pinagdudugtong ang dalawang ito ng
isang kongkretong tulay at ang Talisay sa ngayo’y bantog na sa pangalang Rizal Park.
Maraming tungkuling ginampanan si Dr. Jose P. Rizal sa pamamalagi niya rito. Isa sa mga tungkuling
nag-iwan ng kanyang bakas sa lugar na ito ay ang pagiging guro niya, dahil sa kasalukuyan may natira
pang kaisa-isang buhay sa kanyang mga tinuruan na siyang nagpalaganap ng karungungan at katalinuhang
naging utang niya sa kanyang matalinong guro na walang iba kundi ang ating pambansang bayani. Ang
estudyante niyang ito’y si G. Florentino Cad, na laging pinararangalan tuwing sasapit ang Araw ni Rizal.
Ang pagiging makasaysayang lugar ng Dapitan dahil sa pagkakatapon ni Dr. Jose P. Rizal ay siyang
naging dahilan sa pagiging lungsod nito kahit maliit lang ang sinasakop nito.

Mamamayan
Pawang mga Kristiyano ang mga nakatira rito, na karamiha’y mga Romano Katoliko at
sumasampalataya sa Panginoon. Wikang Cebuano ang ginagamit nila bagamat ang intonasyon nila ay may
kaibahan kung ihahambing sa mga ibang gumagamit ng wikang ito.

198
Ilang mga Katangi-tanging Kaugalian at Pamahiin
Isang katangi-tanging kaugalian ng mga taga-Dapitan na naging bantog sa mga karatig pook nito ay
ang pagbakas o pagtuklas ng kung kaninong angkan nagmula o nabibilang ang isang manliligaw na binata
sa kanilang dalaga, nang sa gayon ay di magkaasawahan ang mga magkamag-anak kahit malayo na ang
relasyon ng bawat isa.Masyadong napakalapit ng ugnayan ng magkamag-anakan at napakalaki ng
paggalang ng mga kabataan sa mga matatanda.
Maraming mga pamahiin ang mga mamamayan sa Dapitan. Ang sumusunod ay iilan lamang sa mga
pamahiin nila sa iba’t ibang okasyon:

a. Kasal
1. Kailangang di isukat ang damit pangkasal ng ikakasal upang matuloy ang kasal at walang
sakunang mangyayari.
2. Dapat iwasan ng ikakasal ang pagpunta sa kung saan-saan dahil malapit sila sa mga aksidente
sa panahong iyon.
3. Kung unang ikakasal ang nakababatang kapatid, kaysa nakatatanda, kailangan siyang
magbigay ng pera sa nakatatanda upang maging lubos ang kaligayahan nila sa kanilang buhay
mag-asawa.

b. Binyag
1. Kung ibig mong maging mabait, matalino o magkaroon ng magandang katangian ang iyong
anak, piliin mong maging ninang o ninong ng anak mo ang mga taong may angking ganoong
katangian para mamana ito ng bata.

c. Pagdadalaga ng Isang Batang Babae


1. Paluksuhin ng tatlong baitang ang batang niregla sa unang pagkakataon upang tumagal lamang
ng tatlong araw ang regla niya.
2. Magsuksok sa garter ng panti ng bulak upang maging magaan ang katawan na gaya ng sa bulak
na dala niya.
3. Uupo sa dahon ng gabi upang hindi matagusan kung madatnan nang di namamalayan.

Wika
Cebuano ang wikang gamit ng mga taga-Dapitan.

You might also like