You are on page 1of 9

Saliksik E-Journal

Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

Komentaryo

TUNGO SA PANLOOB NA PAGTINGIN


SA PAGSULONG NG PAGBUBUONG SOSYO-PULITIKAL
AT PANGKALINANGAN NG KAPILIPINUNAN
Zeus A. Salazar, Ph.D.
Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan (BAKAS)

Para sa Kasaysayang Pilipino, dalawang mahalagang puntos ang napalitaw at


napatunayan ni Myfel Joseph D. Paluga sa kanyang paglalahad. Ang una ay patungkol sa
pagiging panlabas at samakatwid artipisyal ng “chiefdom” (kapinunuan) bilang baitang ng
panlabas at artipisyal ding pagtingin sa pag-unlad ng mga kaanyuang sosyo-pulitikal sa
di-umano’y kasaysayang unibersal ng Sangkatauhan—i.e., ang hanay ng “Band” -> “Tribe”
-> CHIEFDOM -> “State” kung saan ang pinakahalimbawa nitong huli ay yaong mga
“estadong” nabuo sa Kanluran. Ito ang “antropolohikal” na katumbas ng apatan ding
pagbabaitang-baitang ng “eurosentriko” at “Marxistang” pagsasakasaysayan, tulad ng
makikita sa sumusunod na hanayan:

HANAYAN
Pagsasakasaysayang Eurosentriko, Marxista, at Antropolohikal

EUROSENTRIKO MARXISTA ANTROPOLOHIKAL


Prehistorya Komunalismo o Band
Sinaunang Komunismo
Kalaunan Lipunang Esklabo Tribe
(Ancient History) (Pang-aalipin)
Panahong Medyebal Lipunang Piyudal CHIEFDOM
(Media Aetas) (Piyudalismo)
Makabagong Panahon Lipunang Burgis (Kapitalismo) State
(Modern Period)

99 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

Ilang puna ang mailalapat pa sa Hanayan. Una, lahat ay nakapaloob sa Europeo-


Kanluraning Pananaw na nagbibigay ng sentral na posisyon sa pangkasaysayang pook ng
Europa-Kanluran bilang tagapagtakda ng tunguhing pangkasaysayan ng Sangkatauhan at,
lampas pa rito, ng Santinakpan pa nga. Ikalawa, hindi nalalayo ang lahat sa dating apatan
ding klasipikasyon ng mga kultura sa “Primitive,” “Savage,” “Barbarian,” at “Civilized,”
kung saan ang Europa-Kanluran din ang pinakahalimbawa at sukdulan ng baitang ng
“Sibilisasyon.” Ikatlo, lahat ay madaragdagan/dinaragdagan pa ng panlimang baitang: [1]
ang Kontemporaryong Panahon/Kasaysayan (“Contemporary Period/History”) sa
Eurosentrikong pagsasakasaysayan na sa literatura’y maitutumbas sa
“postmoderno”/“postmodernismo;” [2] ang Panahon ng Komunismo/Proletaryo sa
pagsasakasaysayang Marxista; at [3] ang Panahon ng “Super-estado” o kaya ng
“globalisadong daigdig” (globalisasyon). Malinaw na ang lahat ng pagsasakasaysayang
nabanggit ay “hegemonic” o “mapansaklaw” hindi lamang dahil sa nakakabit silang lahat
sa ideolohiya ng pangunguna ng Europa-Kanluran sa lahat ng larangan sa kasalukuyan
bilang pook ng kaunlaran patungo sa unibersal na pagbubuklod ng sangkatauhan kundi
gayundin sa simpleng dahilang pinawawalang-halaga at ikinukubli ang pagkakaiba ng
pinag-ugatan at kalikasan ng lahat ng kultura/kalinangan at sibilisasyon/kabihasnan na
ibinubuod at gayundin sa simpleng dahilan ng kapayakan ng isang klasipikasyon na
nagmumula sa, at itinatakda ng isang simpleng pook pangkasaysayan: ang
Europa/Kanluran.

Nariyan ang kahalagahan ng pangalawang puntos na malinaw na lumilitaw sa paglalahad


ni Paluga. Ang buod nito ay: bawat kalinangan, grupong pangkalinangan o
pangkabihasnan ay may sariling panloob na pagsulong na hindi nakikita o nawawala sa
pagtinging panlabas ng ibang kultura, grupong kultural o sibilisasyon. Matagal nang alam
ito sa linggwistika (patungkol sa pagkakaiba-iba ng mga wika bilang mga “sistema” ng
pagkakaugnay-ugnay na panloob ng mga ponema at yunit semantiko) at sa pilosopiya ng
kasaysayan (cf. Vico 1725; Spengler 1918-1922; at iba pa). Gayumpaman, sa pagkakataong
ito lamang nagiging mas publikong kaalaman na ito sa pagkakabanggit ni Paluga sa aking
“Bagong Balangkas” (Salazar 2000, 2004)—sa partikular na bahagi nitong “Sambayanan:
Pagbubuo ng Estadong Bayan” na inilalarawan sa Diagram 1.

Ang buod ng ganitong pagsasakasaysayan ay ang pagkakasunud-sunod ng tatlong anyo ng


“sambayanan” o “pag-uugnay-ugnay/pagbubuklod-buklod ng mga bayan patungo sa
paglikha ng mga kabuuang sosyo-pulitikal at pangkalinangan” na mas malaki pa kaysa sa
“bayan” (banua, ili, balen, bongto, at lungsod sa iba’t ibang katawagan) bilang
pagkakasama-sama ng mga balangay o kabuuang umiikot sa dato/datu. Isang nakatataas
na datu ang namamahala/nagpapalakad sa “bayan” at ang kanyang pangalan ay hari, isang
konsepto-kataga na naroon na sa sinaunang kalinangang Austronesyano. Samakatwid,
ang sinaunang bayan, na matatawag na “banua” (dahil sa ito ang konsepto-katagang
pinakalaganap sa mundong Austronesyano at samakatwid ay siyang pinakamatanda), ay

100 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

DIAGRAM 1
Banua-Bayan-Estadong Bayan-Estadong Kolonyal-Haring Bayan

Rebisyon ng Salazar 1998 | Karapatang sipi 1999

pagsasama-sama ng mga angkan (na bawat isa ay pinamumunuan ng pinakanakatatanda,


ang datu). Ang pinuno ng buong banua ay ang hari nga, bilang pinakamakapangyarihang
datu. Ang hari na ang bayan ay nakasasakop sa iba pang bayan ay masasabing
namumuno sa isang kaharian. Hindi pa natin natatarok sa arkeolohiya kung gaano
kalaganap ang ganitong sambayanan sa sinaunang panahong Austronesyano.
Gayumpaman, maipapalagay na ang sambayanan na ito’y nakakabit sa mga sistemang ilog
(ilaya-ilawud) at sa mga ugnayan ng mga bayan sa naglalakihang mga baybay-dagat o dili
kaya sa pagitan ng mga bayan sa mga pulo at iba pang lugar. Sa unang kaso,
maihahalimbawa ang sitwasyon sa sistemang ilog ng Agno (Pangasinan) kung saan
walang naiulat na mga “raha”/”radya” ang mga Español ngunit natuklasan ni Ma. Crisanta
Nelmida-Flores ang isang kasalukuyang barangay na nagngangalang angarian o
“pinagharian” (Nelmida-Flores 2006). Isang halimbawa naman ng pangalawang kaso ang
sitwasyon sa Sugbu noong 1565 kung saan ang pinuno ng mga bayan sa kababaan ng
baybay-dagat ay isang raha/radya. Halimbawa ng ikatlong kaso ang kaharian (Reyno) ng
Panglao (malapit sa Bohol), ang “Venice ng Kabisayaan” ayon kay Padre Francisco
Combés (1667), na ang naging o talagang ilihan ay ang Dapitan.

Maipapalagay na ang Sugbu at Maynila ay sa bandang huli na ng transisyon mula sa


sambayanan na nasasalalay sa pagbubuo ng hari (kaharian) patungo sa baitang ng

101 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

sambayanan kung saan ang pangalan ng hari ay magbabago bunga ng mas malawakang
pakikipag-ugnayan ng Kapilipinuhan sa Timog Silangang Asya, laluna sa Indo-Malaysia
(na noon ay tinatawag na “Nusantara”). Ang bagong pangalan ng hari ay “raha” o “radya.”
Ito rin ang panahon kung kailan ang sinaunang anito ng mundong Austronesyano ay
tatawaging “diwata” sa Mindanao-Sulu at Kabisayaan, bunga ng paglaganap ng ilang
ideyang “Indo-Malayo.” Makikita ang transisyong ito sa arkeolohiya sa Butuan.
Mapagsisimula ang karahaan o karadyahan ng Butuan sa hk. 300 MK. Malakas pa ito sa
panahon ni Legazpi.

Ang sultanato naman ay nakabatay lang sa karahaan/karadyahan, isang pagpapalawak ng


sambayanan na ito. Ang lahat ng anyong ito ng sambayanan—kaharian, karahaan,
sultanato—ay natukoy na noon pa sa akdang “Ang Pagpapasakasaysayang-Pilipino ng
Nakaraang Pre-Ispaniko” (Salazar 1974-1975)—sa partikular, ang paliwanag na: “Sa
pagitan ng… ika-14 na dantaon at ng ika-18… (may) dalawang patunguhan ng pagiging
estado… sa loob ng teritoryong Pilipino. Ang nauna, na ang pinakahalimbawa ay ang mga
sultanatong Muslim kasama ng… mas maliliit na kabuuang etniko-pulitikal katulad ng
kina Rajah Humabon ng Sebu at Rajah Soliman ng Maynila, ay bahagi ng… dakilang
pangkalahatang pagsulong… ng Timog Silangang Asya… mula noong mga unang dantaon
M.K… mula sa Funan… [na] nakapaloob sa grupong In-/donesiko [Indones] ng malawak
na pamilyang Austronesiko [Austronesyano]… Ang ikalawang direksyon… ay nakaugat sa
dakilang kilusan ng pagpapalawak ng mga bansang-estadong Europeo mula ika-15ng
dantaon… [at] nagpasimula… ng… pagsulong [ng Pilipinas] sa pangkabuuang pulitikal sa
loob ng konsepto ng ‘nasyon’…” (Salazar 1974-1975, 163-154). Itong direksyong ito na
humantong sa kasalukuyang anyo ng ating estado ay ang madalas makilala ng karamihan
bilang tanging pagbubuo ng Kapilipinuhan. Hindi ito makatotohanan. Tulad ng
makikita sa “Bagong Balangkas,” isa lamang itong direksyon. Ang isa pa ay yaong
nakabatay sa tatlong uri ng sambayanan. At ang mga ito—kaharian, karahaan,
sultanato—ay nakasalalay sa isang pangmalawakang batayan ng kadatuhan.

Hinggil sa “kadatuan,” napahalagahan ito bilang batayang pamunuan/pamumuno para sa


kasalukuyang panahon ng pagbabago, sa isang kumperensyang pinamahalaan ni Samuel
K. Tan (UP CIDS 1997). Gayumpaman, may ilang problemang metodolohikal ang hindi
naatupag sa paghahanda pa man ng pagtitipong ito. Una, tila itinuon ito sa kasalukuyang
kaanyuan ng “kadatuhan” na inaasam-asam ng mga tagapag-organisa na makaambag sa
paglutas ng mga suliraning sosyo-pulitikal sa pamamahala sa ating panahon. Kung kaya’t
nagkakahalu-halo ang iba’t ibang uri ng taong may kinalaman o simpleng interes na
personal sa pagbigay/paghanap ng ibayong halaga sa konsepto ng “datu,” mula sa
pinakapayak na kahulugan nitong “pinuno(ng nakatatanda/pinakamatanda) ng isang
kamag-anakan o angkan” (na siyang nauunawaan ng mga kronistang Español, kaugnay ng
“baranggay” o “balanghai”—i.e., “balangay” (cf. ang titulong Datu Dakula =
“malaki/dakilang datu,” na siyang titulo ng “Sultan ng Sibuguey” sa peninsula ng

102 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

Zamboanga (UP CIDS 1997, 29-30) na katumbas ng “hari” sa ibang panahon at lugar sa
kapuluan (cf. pangatlo, infra), hanggang sa pagkakauugnay ng “datu” sa sultanato bilang
kadatuan na siyang batayang pulitikal nito (ayon kay Kasamang Mahistrado Jainal Rasul,
ang mga datu ay “more powerful than the sultans but could not become sultans because of
the ‘rule of legitimacy’” (UP CIDS 1997, 25). Dahil sa usaping ito ng “sultanato,” medyo
yata naligaw ang kumperensya hindi lamang sa paksain ng pagsasalungat nito sa
pamahalaang Español noon at sa “panahong Amerikano” pagkatapos kundi gayundin sa
kasalukuyang mga problemang “Muslim” sa Mindanao, sa halip na mabigyang-linaw
halimbawa ang papel ng mga datu, kung hindi man ng kadatuan, kapwa sa loob ng
sultanato nitong di pa nagtatagal na nakaraan (i.e., hk 1280-1588) at sa
pagkakaugnay/pagkakahanay rin ng sultanato sa iba pang kabuuang sosyo-pulitiko-
kultural (i.e., ang mga “sambayanan” bilang pagbubuo ng Bayan, sa mga anyo ng
“kaharian” at “karadyahan”/“karahaan”) bago pa ang 1288 MK [o 1270 MK, ayon sa
kalkulasyon ni Kasamang Mahistrado Rasul (UP CIDS 1997, 24); tingnan din ang Bagong
Balangkas ng Kasaysayan (Salazar 2004) na may maliit na bersyon sa Diagram 2].

DIAGRAM 2
Estado, Lipunan, at Kalinangan (Kultura) sa Kasaysayan ng Kapuluan

Salazar 1998

103 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

Pangalawa, liban siguro sa isa o dalawa, wala talagang dumalo/naimbitahan sa


kumperensya na may pagkakadalubhasa sa “kadatuan” at iba pang kaugnay nitong mga
dalumat sa larangan ng Antropolohiya at Linggwistika. Kung kaya’t naligaw rin ang
kumperensya sa ilang kakatwang haka-haka, tulad halimbawa ng asersyon ng isang
kalahok na ang Tawi-Tawi di-umano ang siyang pinagmulan (birthplace) ng kadatuan
(UP CIDS 1997, 17), gayong malaon nang alam ng Komparatibong Linggwistika na isang
Austronesyanong salita ang “datu,” na ang orihinal na kahulugan ay “pinuno ng angkan”
(Sippenhaupt). Ganito ang kahulugan din ng “datu” sa Malagassy (Madagascar). Sa
Javanese ang katumbas ng “ratu” ay “panginoon” (Herr), katulad ng “ratu” ng Fiji sa
Melanesia, samantalang sa Samoa (Polynesia) ang “latu” ay “panday sa bahay at sa
sasakyang-dagat (Baumeister) (Dempwolff 1937, 39, sub “datu”). Noong Hunyo-Agosto
2000, sa mga balita mulang Fiji (Melanesia) ay mababasa/lumilitaw ang “ratui” sa
kahulugang “chief” o “pinuno” sa loob ng sanggunian ng mga pinunong kinukonsulta sa
pagbubuo ng gobiernong hinahangad ng mga “rebeldeng katutubo” sa pamumuno ni
George Speight, bagay na nagpapakita na buhay pa roon hanggang ngayon ang isang
sistemang katumbas ng ating kadatuan sa anyo ng “sanggunian ng mga ratu” (Reuters
2000). Samakatwid, hindi nararapat hanapin sa Pilipinas o saan pa mang lugar ang
pinagmulan ng ating “datu” kundi sa sinaunang kabihasnan mismo ng mga
Austronesyanong nagtataglay rito ng kataga at dalumat na ito, kaalinsabay ng praxis nito.

Pangatlo, dahil sa sobrang pagkatuon ng Kumperensya kapwa sa “datu” at sa “sultanato,”


nakaligtaan tuloy ang pagkakaugnay nitong dalawa hindi lamang sa
karahaan/karadyahan, tulad ng naipahiwatig na sa itaas, kundi gayundin sa “hari” (Bisaya,
Bikol: “hadi,” Ilokano, Pangasinense: “ari”). Itong huli ay isang dalumat at katagang
Austronesyano rin (cf. Salazar 1997, 12; gayundin ang Dempwolff 1937, 60) at
mahihinuhang nasa Fiji rin ito sa anyo ng “adi,” titulong tila nakapaloob sa pangalan ng
naimungkahing Pinunong Ministro na (ang) “clan leader (na si) Adi Samanunu Cakobau”
(akin ang diin) (Reuters 2000). Naipalagay ko na sa ibang lugar (cf. Salazar 1999, 15-69)
na ang “hari” sa atin ang siyang supra-pinuno na nakatataas sa (mga) datu. Mahihinuha
ito sa paggawa ng mga batas ng mga Tagalog. Ito’y nagaganap sa pamamagitan ng isang
sanggunian ng mga “pinuno” (datu) na tinatawag ng pinakamataas na pinuno (hari) na
siyang nag-uutos pagkatapos na ipabatid ng “umalahokan” sa balana ang mga
napagkasunduang batas. Samakatwid, ang relasyon ng kadatuan vis-à-vis sa sultan sa
sistemang pulitikal na nabuo sa Sulu pagsapit ng Islam ay maihahalintulad sa sanggunian
ng mga datu vis-à-vis sa hari noong dantaon 16 MK, bagay na makikita hanggang sa Fiji
vis-à-vis sa halal na Pangulo, na siya naman sigurong humalili sa “adi” o “clan chief”
pagsapit ng kolonyalismong Ingles. Magkagayunman, alam natin mula kay Antonio de
Morga na may mga datung nakatataas at nakasasakop sa iba, bagama’t ang mga ito’y
nananatiling panginoon pa rin ng, at namamahala sa, kani-kanilang balangay (Morga
1609, 50). Tulad ng nabanggit na, ang nakatataas na datu sa isang bayan ay ang hari nito;
at kung ang kanyang bayan ay nakasasakop ng iba pang bayan, ang kanyang

104 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

nasasakupang mga bayan ay bumubuo ng isang kaharian. Napapaloob ang penomenong


ito sa uri ng sambayanan na sa isang dako’y nagamit ng mga Español sa peninsula ng
Zamboanga (cf. ang kabuuang pinamamanginuunan ng Datu Dakula ng “sultanatong”
Sibuguey) at sa kabilang dako’y mahihinuha rin, tulad ng natukoy na, sa “angarian”
(pinagharian) ng Pangasinan (cf. Nelmida-Flores 2006). Bagama’t may mga
kontemporaryong raha/radya noong dantaon 16 MK ang mga hari, nauna ang mga ito sa
entablado ng kasaysayan at ang mga radya o raha ang siyang maipapalagay na humalili sa
mga hari sa mga lugar na naging malakas ang ugnayang komersyal at kultural sa Indo-
Malaysia. Sa kasalukuyang antas ng ating kaalaman, sa pagitan humigit-kumulang ng 300
MK (pinakamatandang balangay na nahukay sa Butuan) at 900 MK (Laguna Copper Plate
Inscription) lumitaw mula sa Butuan hanggang Maynila ang bagong uri ng sambayanan
na nababatay sa “raha” o “radya” bilang pinuno ng mas maraming mapag-ugnay-ugnay na
bayan, kadalasan sa dalawang dulo (ilaya at ilawud) ng isang sistemang ilog, bunsod ng
mas malawakang kalakalan sa Timog Silangang Asya (cf. Diagram 1). Ang mga sultan
naman ang siyang pumalit sa mga raha sa ilang lugar sa katimugan (higit sa lahat, sa Sulu
bandang h.k. 1280/1270), habang nanatili ang kapangyarihan ng mga raha/radya sa ibang
lugar, lahat batay sa kadatuan na nasasalalay sa kamag-anakan! Malinaw ito sa kaso ng
Sulu, kung saan ang natagpuan ng mga makdumin na mga “pinuno” sa arkipelago ay mga
“raha”/”radya.” Hanggang ngayon, bahagi pa ng titulo ng Sultan ang “raja”—i.e., “Tuan
Sultan, Tuan Taja Sultan plus the holder’s name” (UP CIDS 1997, 19), kung saan ang
“Tuan” ay ang katumbas sa Malay ng ating “panginoon” o “ginoo.”

Bilang konklusyon, masasabing ang pagkakasunod-sunod ng sambayanan, o “pagbubuo


ng Bayan” sa ating kasaysayan bago ang 1588 ay: [1] kaharian; [2] karahaan/karadyahan; at
[3] sultanato, lahat sa batayan ng kadatuan na nasasalalay sa angkan o kamag-anakan
(Diagram 3). Sa pamamagitan ng panloob na pagtingin sa pagsulong ng pagbubuong
sosyo-pulitikal at pangkalinangan ng Kapilipinuhan, mas nakikita ang tuluy-tuloy na
pagkabuklod ng kapuluan. Ang prosesong ito ay natawag kong sambayanan, pagsasama-
sama ng mga bayan sa agos ng ating kasaysayan. Pati na ang prosesong nasimulan ng
mga Español at ipinagpatuloy ng mga elit ng Propaganda at Rebolusyon ay matatagurian
ding sambayanan. Ngunit ito ma’y “banyagang pagbubuo,” tulad ng sambayanan sa
panahon hanggang 1588 at mula rito hanggang sa kasalukuyan, nasasalalay ito sa
kadatuan. Ang mga pulitiko ay mga datu (na pumuprotekta sa at isinusulong ng kanyang
kamag-anakan, kundi man ng kanyang angkan o lipi o “grupong etniko”). Gayundin ang
pinunong Marxista, huwag nang banggitin pa ang umiiral na paghahari ng kamag-
anakan, angkan, at lipi sa Mindanao, Sulu, at sa Luzon din.

105 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

DIAGRAM 3
SAMBAYANAN
Kaharian, Karahaan, Sultanato
hk 7000/5000 BK-1588 MK

Salazar 1998

Sanggunian

Combés, Francisco. 1667. Historia de las Islas de Mindanao, Jolo, y sus Adyacentes.
Madrid: Herederos de Pablo de Val, a costa de L. de Ibarra.

Dempwolff, Otto. 1937. Vergleicgende Lautlehre des Austronesischen Wortschaizes; 3 Bd.:


Austronesisches Wörterverzeichwis. Hamburg: Verlag von Dietrich Reimer.

Morga, Antonio de. 1609. Morga’s Account of the Filipinos and their Pre-Spanish
Civilization. Nasa Documentary Sources of Philippine History; Volume 4, mga pat.
Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide, 29-59. Manila: National Book Store, 1990.

106 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan


Saliksik E-Journal
Tomo 1, Bilang 2 | Setyembre 2012

Nelmida-Flores, Ma. Crisanta. 2006. Ideolohiyang Anacbanua: Pagtatakda ng


Baley/Sentro ng Doxa at Kamalayang Makabansa sa Kasaysayan at Panitikan ng
Pangasinan. Bagong Kasaysayan 13.

Reuters. 2000. Fiji Rebels Restive, Govt Talks on Hold. Manila Standard, Hulyo 26,
seksyon ng World Asia, 16.

Salazar, Zeus A. 1974-1975. Ang Pagpapasakasaysayang-Pilipino ng Nakaraang Pre-


Ispaniko. Nasa Ang Kasaysayan: Diwa at Lawak, pat. Zeus A. Salazar, 163-196.
Quezon City: University of the Philippines Press.

Salazar, Zeus A. 1997. Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino. Bagong


Kasaysayan 2.

Salazar, Zeus A. 1999. Ang Eksilo sa Kasaysayan ng Pilipinas. Nasa Mga Eksilo, Inang
Bayan at Panlipunang Pagbabago, pat. Maruja Asis, 15-69. Quezon City: University
of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS).

Salazar, Zeus A. 2000. Bagong Balangkas ng Kasaysayan ng Pilipinas. Nasa Ilang


Babasahin sa Pantayong Pananaw, pat. Carmen V. Peñalosa, w.pah. Di-limbag na
kompilasyon, Quezon City, Philippines.

Salazar, Zeus A. 2004. Kasaysayan ng Kapilipinuhan: Bagong Balangkas. Quezon City:


Bagong Kasaysayan.

Spengler, Oswald. 1918-1922. Der Untergang des Abendlandes: Umrisse einer Morphologie
der Weltgeschichte; 2 Bd. Muchen: C.H. Beck, 1924.

University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS).
Kadatuan I: Conference Proceedings; May 30-31, 1997. Quezon City: University of
the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS).

Vico, Giovanni Battista. 1725. La Scienza Nuova. Milano: Mondadori, 1957.

107 SALAZAR: Tungo sa Panloob na Pagtingin sa Pagsulong ng Kapilipinuhan

You might also like