You are on page 1of 6

SANAYANG PAPEL SA FILIPINO BAITANG 7

Bilang 5 Kuwarter 3
Pangalan ng Mag-aaral: _____________________________________________________
Baitang at Seksiyon: _____________________________________Petsa: _____________

I. PANIMULANG KONSEPTO
Sa araling ito ay pagtutuunang-pansin ang pagsuri sa mga katangian
at elemento ng mito mula Pampanga batay sa paksa, mga tauhan, tagpuan,
kaisipan at mga aspektong pangkultura (halimbawa: heograpiya, uri ng
pamumuhay, at iba pa).

II. KASANAYANG PAMPAGKATUTO


Nasusuri ang mga katangian at elemento ng mito, alamat, kuwentong
bayan, maikling kuwento mula sa Mindanao, Kabisayaan at Luzon batay sa
paksa, mga tauhan, tagpuan, kaisipan at mga aspektong pangkultura
(halimbawa: heograpiya, uri ng pamumuhay, at iba pa) F7BP-III-e-15

III. MGA GAWAIN

PAGBALIK-ARALAN MO
Maraming paraan ng pagpapahayag ng emosyon o damdamin. Isang
paraan ang paggamit ng padamdam na pangungusap na nagsasaad ng
masidhing damdamin, gayundin ang mga pahayag na nagtatanong ayon sa
nilalaman nito.
Halimbawa:
1. Paghanga: Wow! Ganda! Matindi! Galing!
2. Pagkagulat: Sus! Grabe! Aba! Sobra!
3. Takot: Inay! Huwag! Naku po!
4. Tuwa: Yehey! Salamat! Wow!
5. Pag-asa: Harinawa. Sana nga.
6. Pagtataka: Bakit? Talaga?

1
PAG-ARALAN MO
Ang Hukuman ni Mariang Sinukuan
(mito mula sa Pampanga)

Sinasabing sa isang maganda at mataas na bundok sa Gitnang


Luzon, and Bundok Arayat, naninirahan ang isang magandang diwata. Siya
ay si Mariang Sinukuan, isang mabait at makatwirang diwata. Mayroon
siyang hukuman na naging sagisag ng katarungan at pag-ibig. Sa kaniyang
hukuman nagtutungo ang mga tao at hayop na nakatira sa Bundok Arayat
upang magsumbong at humingi ng payo.

Isang araw, narinig ni Mariang Sinukuan ang taghoy ni Ibong


Martines. Ipinatawag niya si Martines sa kaniyang hukuman at halos
madurog ang puso niya sa lungkot nang ipakita ni Martines ang sirang
pugad at basag na mga itlog nito.

"Ano ang nangyari sa iyong pugad, mahal kong ibon?" tanong ni Maria
kay Martines.

"Kasi po kagabi," humihikbing huni ni Martines, "biglang dumamba


nang dumamba si Kabayo at natapakan ang aking pugad."

Madaling nagsiyasat ang magandang diwata at ipinatawag si Kabayo.


"Bakit ka dumamba nang dumamba kagabi na ikinabasag ng mga itlog ni
Martines?" tanong ni Maria nang dumating si Kabayo sa kaniyang
hukuman.

"Kasi po," mahinay na halinghing ni Kabayo, "nagulat ako nang


biglang kumokak nang malakas si Palaka."

Ipinatawag ni Mariang Sinukuan si Palaka at tinanong, "Bakit ka


biglang kumokak nang malakas kagabi na ikinagulat ni Kabayo kaya
nabasag ang mga itlog ni Martines?"

"Kasi po," paos na kokak ni Palaka, "humingi lamang po ako ng


saklolo dahil nakita kong dala ni Pagong ang kaniyang bahay."

Agad namang ipinatawag ni Maria si Pagong. "Bakit dala mo ang


bahay mo kagabi kaya natakot at kumokak si Palaka kaya dumamba si
Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"

"Kasi po," humihingal na paliwanag ni Pagong, "natakot akong


masunog ang aking bahay dahil nakita kong palipad-lipad si Alitaptap at
may dalang apoy."

Ipinatawag naman ni Maria si Alitaptap at tinanong, "Bakit may dala


kang apoy kagabi kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka
kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni
Martines?"

2
"Kasi po," kutitap ni Alitaptap, "kailangan kong magdala ng apoy para
pananggalang laban kay Lamok na palipad-lipad at may dalang itak."

Lalong nahiwagaan si Maria sa pangyayari. Kaya agad niyang


ipinatawag si Lamok. "Bakit may dala kang itak kagabi kaya nagdala ng
apoy si Alitaptap kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka
kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni
Martines?"

Hindi agad nakasagot si Lamok. Tumingin siya sa paligid at nakita


niyang naghihintay ng kaniyang sagot ang mga hayop sa hukuman.

"Kasi po," paputol-putol na ugong ni Lamok, "hinahanap ko si


Alimango."

"At bakit naman may dala ka pang itak sa paghahanap kay


Alimango?" nahihiwagaang usisa ng diwata.

"Kasi po, gusto ko pong gumanti sa ginawa niya sa akin," paliwanag


ni Lamok. "Noong isang linggo bigla na lamang niya akong sinipit. Mabuti at
hindi niya nasipit ang aking leeg. Pero nasugatan ang aking isang paa."

Nawala ang pagtitimpi ni Lamok at galit na galit na umugong-ugong.

"Ngayong magaling na ang aking paa, isinumpa kong hahanapin ko


siya habang ako'y nabubuhay! Alam kong nagtago siya pero susuutin ko
ang lahat ng butas at bitak hanggang makita ko ang taksil na si Alimango!"

Masyadong nadala si Lamok ng sama ng loob at wala sa loob na


iwinasiwas ang kanyang itak. Hindi sinasadya, dumulas ang itak sa
kaniyang kamay at muntik nang tamaan sa ulo si Palaka.

Sa takot, napalundag at kumokak nang malakas si Palaka. Dahil


nagulat, dumamba nang dumamba si Kabayo. Dala-dala ang kaniyang
bahay na nagtago si Pagong. Nagningas ang apoy ni Alitaptap at lumipad na
dala ang pugad ni Martines.

Itinaas ng magandang diwata ng Arayat ang kaniyang kamay para


payapain ang lahat. Pagkatapos, itinuro niya si Lamok at nagwika,
"Masyado kang marahas, Lamok. Nagulo ang aking kaharian nang dahil
lamang sa sama ng iyong loob kay Alimango."

"Dapat mong malaman na ang karahasan ay nagdudulot ng


kapahamakan." Pinagbawalan niyang magdala uli ito ng itak. Pagkatapos,
pinayuhan niya si Martines na huwag nang gagawa ng pugad sa lupa.

Mula noon, sa ituktok ng punungkahoy na gumagawa ng pugad si


Martines. Pero matatakutin pa din at malakas kumokak si Palaka.
Dumadamba pa rin nang dumadamba si Kabayo kapag natatakot at dala-
dala pa rin ni Pagong ang kaniyang bahay. Samantala, lagi pa ring may
dalang apoy si Alitaptap kapag gabi.

3
At ang Lamok? Matigas ang ulong hinahanap pa rin niya si Alimango
at lihim na nagdadala ng itak tuwing gabi. Kung may naririnig kayong
kulisap na paugong-ugong sa inyong tainga, ang Lamok iyon. Sapagkat
hanggang ngayon ay hinahanap pa rin niya ang butas ng alimango na akala
niya'y butas ng iyong tainga.

PAGSANAYAN MO

Panuto: Basahin at suriin ang mga pahayag kung Tama o Mali. Iguhit
sa patlang bago ang bilang ang kung Tama ang pahayag, at iguhit
naman ang kung ito ay Mali.

_________1. May hukuman sa bundok Arayat at dito nililitis ang kaso ng


mga hayop.
_________2. Si Martines ay dumamba nang dumamba dahil natakot sa
pagkokak ng palaka.
_________3. Pito ang hayop na nabanggit sa Ang Hukuman ni Mariang
Sinukuan.
_________4. Isa sa mga naging payo ng diwata sa ibon na huwag nang
gagawa ng pugad sa lupa.
_________5. Si lamok ang may sala sa pagkabasag ng mga itlog ng ibon.

TANDAAN MO
Sinasabing ang mito ay galing sa salitang mythos at mula naman sa
muthos ng Greece na ang kahulugan ay kuwento. Hindi man kapani-
paniwalang kuwento ng mga diyos, diyosa, at mga bayani, itinuturing itong
sagrado at pinaniniwalaang totoong naganap.
May tauhan, tagpuan, mga pangyayaring may kababalaghan, may
banghay rin na nagpapakita nang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari at may wakas. May aral ding inihahatid sa mambabasa.
Naihahanay ang piksyon ang mito.

PAGTATAYA
Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang bawat tanong sa ibaba.
Bilugan ang titik ng tamang sagot. Isulat sa sagutang papel.

1. Saan ang tagpuan ng mitong “Ang Hukuman ni Mariang Sinukuan?


A. Bundok Asog C. Bundok Arayat
B. Bundok Isarog D. Bulkang Mayon

2. Sino ang diwatang nabanggit sa Mitong binasa?


A. Mariang Makiling C. Maria Clara
B. Mariang Sinukuan D. Mariang Marites

4
3. Ano ang kaisipan o mensaheng nais iparating ng binasang mito?
A. Ang karahasan ay nagdudulot lagi ng kapahamakan.
B. Habaan ang pasensya kung kinakailangan.
C. Maghanap ng pagsusumbungan kapag nalagay sa kapahamakan.
D. Huwag nang pansinin ang nakapaligid saiyo.

4. Ano ang naging wakas ng akda?


A. Hinahanap pa rin ni Lamok ang butas ng alimango na akala niya'y
butas ng iyong tainga.
B. Lagi pa ring may dalang apoy si Alitaptap kapag gabi.
C. Pinayuhan ng diwata si Martines na huwag nang gagawa ng pugad
sa lupa.
D. Itinaas ng magandang diwata ng Arayat ang kaniyang kamay para
payapain ang lahat.

5. Anong magandang pag-uugali o kulturang Pilipino ang pinakita ni


Mariang Sinukuan sa paghahatol?
A. Pagiging makatarungan sa anumang bagay
B. Pagiging inggit sa iba
C. Maalalahanin sa lahat
D. Padalos-dalos sa mga desisyon

SUSI SA PAGWAWASTO
PAGSANAYAN MO

1.
2.
3.
4.
5.

PAGTATAYA
1. C.
2. B.
3. A.
4. D.
5. A.

5
SANGGUNIAN

Kanayon: Ang Hukuman ni Mariang Sinukuan


Panitikang Rehiyonal. Gabay sa Pagtuturo. Kagawaran ng Edukasyon.
Pahina 127-133
Panitikang Rehiyonal. Kagamitan ng Mag-aaral. Kagawaran ng Edukasyon.
Pahina 217-222.

Inihanda ni:

EDDIE M. POTENTADO, TI
Bula National High School

Tiniyak ang kalidad ni:

MELVERN O. AQUINO, TIII


Bula National High School

You might also like