You are on page 1of 2

Minsa’y aking iniisip kung ano ang ginagamit na batayan ng bawat indibidwal tuwing

binibigyang kahulugan ang salitang “kakaiba”. Isinasaalang-alang nga ba ang mga normal
na imaheng kabilang na sa lipunan, o nagsisimula talaga sa kawalan ang pagbuo ng tao ng
ibig sabihin ng salitang ito?

Sa maikling kwentong “Ang Alamat ng Ampalaya” ni Augie D. Rivera, Jr. ipinakilala


ang mga mamamayan ng bayan ng Sariwa. Sa lugar na iyon naninirahan ang samu’t saring
mga gulay. Ilan lamang sa mga naroon ay sina Labanos, Mustasa, Bawang, Sibuyas, at iba
pa na nababanggit sa awiting “Bahay Kubo”. Sa unang bahagi kung saan inilarawan ang
mga ginagawa ng iba’t ibang gulay, makikita ang kasiyahan at pagkakasundo sa pagitan ng
mga ito. Noong ipinakilala ang kakaibang gulay na si Ampalaya, ang pagkakalarawan sa
kanya ay “maputlang maputla ang kulay ng balat [niya] at sa kahit anong lasa’y salat siyang
talaga”.

Si Ampalaya ay umusbong na walang lasa at may matamlay na hitsura. Kung


itatabi’t ikukumpara sa mga gulay na nasa bayan ng Sariwa bago pa man siya dumating,
siya ay walang mailalaban pagdating sa kulay man o lasa. Mabilis na naunawaan ni
Ampalaya na siya ay naiiba sa mga nakikita niya sa kanyang paligid, at kasabay ng
pagkakatanto niya ay ang pag-usbong ng inggit mula sa kanyang kalooban. Sa tunay na
mundo, normal ito. Ngunit, ang pagkakaiba ay madalas nakikita sa kung paanong paraan
hinaharap o tinatalikuran ng isang tao ang katotohanan na siya ay kakaiba. Kung ang ilan
ay pinipiling maging tahimik at walang imik sa usaping ito, mayroon namang mga nagiging
palaban at matapang ang disposisyon.

Ang paliwanag ng marami sa mga pumipili na maging tahimik sa isyu ng


pagiging iba ay ang kanilang pagtataglay ng malawak na pag-iisip at pagtingin sa
sitwasyon. Marami ang hindi na magtutuon ng oras at enerhiya sa mga elemento ng buhay
na hindi nila gamay, at lalong hindi nila mababago. At, para naman sa mga nagmimistulang
mababangis na lion, sila ay ang mga tipo ng tao na sarado sa opinyon ng kapwa. Sila ang
mga nilalang na nagtataboy sa mga nangangahas na lumapit. Kahit pa hindi sigurado sa
pakay, ang mga kagaya ni Ampalaya ay pinipili na lamang na pangunahan ang iba. Isa
itong katangian na tinataglay ng mga taong sensitibo – sensitibo, sapagkat naghahangad
na matanggap.

Sa pagnanakaw ni Ampalaya ng mga magagandang katangian ng mga


kasamahang gulay, naipakita kung paano lumalago ang isang negatibong saloobin patungo
sa isang pisikal na gawain. Tulad sa isang tao na nakararamdam ng pagiging kakaiba, ang
nais ni Ampalaya na mapabilang sa kanyang kapaligiran ay normal. Hindi maaalis sa
dinamika ng lipunan ang kagustuhan ng isang indibidwal na maramdaman na siya’y
tanggap.

Marahil, hindi ako sigurado kung marapat bang husgahan kung tama o mali ang
ginawa ni Ampalaya. Kapag sinabi kong tama iyon, marami ang magsasabing hindi ko
nauunawaan ang batas at ang mga karapatan ng mga nanakawan. Ngunit, kapag sinabi
kong mali, may mga boses na magsasabi sa aking ginawa lamang niya iyon dahil ito na ang
mukha ng lipunan na ating ginagalawan.

Ito na ang kinahantungan ng ating lipunan: sasabihin sa iyo na ipahayag mo ang


iyong sarili, ay teka… hindi sa ganyang paraan.
Kaya naman sa naganap na paglilitis sa nasasakdal, hindi pa rin ako mapakali
bilang mambabasa kung tama ba ang mga puntong ipinirisenta ng hukuman. Sinabi ng
diwata ng Araw na “Hindi pa nalilikha ang gulay ng nagtataglay ng lahat ng lasa, kulay, at
ganda sa Kalikasan!”, at ito ang naging pangunahing basehan ng mga hukom dahil ito ang
panimulang patutsada nila. Kung tutuosin, malabo ang argumentong ito. Hindi ko
maiwasang isipin na ang ipinaparating ng linyang ito ay dahil si Ampalaya ang una sa
hanay na iyon (nagtataglay ng lahat ng lasa, kulay, at ganda), sa kahit anong anggulo
tingnan, siya ay awtomatikong may sala. Halimbawa na lamang na sabihin nating wala
pang naimbentong sapatos na lumilipad, at kung makakita tayo noon ay sasabihin na natin
na iyon ay imahinasyon o guni-guni lamang. Bakit hindi natin pagnilayan na marahil
mayroon na ngang sapatos na maaaring lumipad sa himpapawid? Gamit ang parehong
lohika, hindi ako sang-ayon sa naging paunang punto ng husgado. Impluwensya na lamang
ng lipunan na isipin na hindi normal ang isang bagay dahil hindi pa ito nailulunsad sa buong
mundo.

Hindi isinaalang-alang ng hukuman ang konsepto ng pluralismo. Ito ang dahilan


kaya hindi nila natunton kung saan nanggagaling ang mga hinanakit ni Ampalaya. Kung
husto pang nabigyan ng pansin ang posisyon ni Ampalaya sa komunidad, mas naintindihan
sana ng lahat ang nagtulak sa kanya na gumawa ng krimen. Hindi usapin kung siya ay may
sala o wala (dahil ang magnakaw ay literal namang kasalanan), kundi kung siya ay gumawa
ng sala dahil gusto lamang niya, o dahil mayroon siyang nais makamit. Para sa nasasakdal,
pabuya na lamang na malaman ng mga tao ang kanyang naging motibo, kahit pa hindi na
nila iyon maintindihan.

Ang ipinataw na parusa kay Ampalaya ay masahol kung iisipin. Ipinaramdam sa kanya na
ang nararapat sa isang tulad niya ay ang dumanas ng pasakit, ngunit sa totoo lamang,
pasakit din ang naging sanhi ng lahat ng kanyang ginawa. Kung sa una pa lamang ay
nabuhay na siya na may pagkakatugma sa iba pang mga gulay, sana siya ay nanatili na
lamang na walang ganda’t lasa, kaysa naman sa isang gulay na kulubot, mapait, at
kinaayawan ng marami.

Iba sina Kamatis at Kalabasa, ngunit nagagawa nilang maglaro ng luksong-baka.


Tunay na kakaiba si Ampalaya, at iyon ang nagbibigay sa kanya ng pagkakakilanlan. Ano
mang lasa, kulay, o ganda, ang hangad naman ng komukunsumo ng gulay ay sustansya.
Kung sa ngayon, mayroong mga nagigiliw sa tamis, asim, anghang, at iba pang lasa, hindi
imposibleng dumating ang araw na magsasawa sila sa mga iyon. Darating ang
pagkakataon na maiisipan nila na tumikim ng kakaiba, at hindi ba’t nakakatuwang isipin na
sa mundong ito ay nakahain sa harap natin ang maraming mapagpipilian?

Sana’y mapatawad natin ang kriminal sa kanyang kasalanan. Ginawa lamang niya
iyon para matanggap siya ng kanyang lipunan. Sa susunod na bibigyan nating kahulugan
ang salitang “kakaiba”, magisip-isip muna tayo kung ito nga ba’y masama, dahil kapag
hinanap ng ating panlasa ang pait, asahan nating makikita natin sa ating mga pinggan
ang kakaibang si Ampalaya.

You might also like