You are on page 1of 11

1

”ENDO“

)Isa sa MGA SALITA NG TAON 2014 na pinili SA SAWIKAAN (

nina John Kelvin R. Briones1 at David Michael M. San Juan2

Post-Kumperensyang Introduksyon

Tapos na ang Sawikaan 2014. “Selfie” ang itinanghal na pangunahing Salita ng


Taon. Pangalawa naman ang “endo.” Pangatlo ang “Filipinas.” Kasama rin sa mga
Salita ng Taon 2014 ang mga sumusunod: “PDAF, hashtag, riding in tandem,
whistleblower, pagpag, CCTV, imba, bossing, peg, storm surge.” Bakit nga ba
nakasama pa sa “Mga Salita ng Taon 2014” ang “ENDO,” samantalang, sabi nga ng
isang comment sa isang Facebook page ng isang media firm, “matagal na ‘yang
salitang ‘yan.” Narito ang papel na aming iprinisenta sa Sawikaan bilang sagot. Sa
layuning mas mapatampok ang kampanyang kontra-ENDO, nakahanda kami na
talakayin an gaming papel sa anumang pagtitipon, asembliya, o kumperensya.
Mangyaring kontakin kami sa Facebook o kaya’y sa pamamagitan ng email:
dmmsanjuan@gmail.com para sa pag-iiskedyul ng pagtalakay sa aming papel. Hangad
namin na mas maraming mamamayan ang makabasa sa papel at makalahok sa
talakayan. Gamitin nating oportunidad ito upang lalong isulong ang kampanyang
kontra-ENDO. Alay namin ito sa lahat ng mga manggagawang naghahangad ng at
nakikibaka para sa isang makatarungan at mapagkalingang lipunan.

Kahulugan, Etimolohiya at Aktwal na Gamit ng Salita

1
Nagtapos ng Bachelor in Secondary Education, major in English sa Bulacan State University (BulSU); kasalukuyang
nagtuturo at koordineytor ng Filipino sa Iluminada Roxas-Mendoza Memorial High School, sa Bocaue, Bulacan; part-
time English instructor sa BulSU; kumukuha ng Master sa Sining ng Araling Filipino sa De La Salle University-Manila
bilang isang iskolar; nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad KWF sa Sanaysay 2014.

2
Associate professor sa Departamento ng Filipino ng DLSU-Manila; nagtapos ng Bachelor in Secondary Education,
major in Filipino sa BulSU (magna cum laude), Master of Arts in Teaching Filipino sa Philippine Normal University, at
PhD in Southeast Asian Studies sa Centro Escolar University; may yunit din sa MA in International Studies, major in
European Studies sa DLSU-Manila; board member ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino
(PSLLF); convenor ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA); at public information
officer ng Alliance of Concerned Teachers-Private Schools (ACT-Private).
2

ENDO <pangngalan>: pinaikling bersyon ng pariralang “end of contract”;


tumutukoy sa manggagawang kontraktwal na natapos na ang kontrata; pagtatapos ng
kontrata; huling araw sa trabahong kontraktwal; sistema ng empleyong walang
seguridad. Malinaw sa mga depenisyong ibinigay na ang salitang “endo” ay mula sa
pariralang Ingles na “end of contract,” ang mas simpleng bersyon ng teknikal na
konstruksyong “expiry of contract” sa mga dokumento ng empleyo na pinapipirmahan
sa mga manggagawang kontraktwal. Ginagamit ding pandiwa ang “endo” batay sa mga
halimbawang nakuha sa internet: “in-endo”: winakasan ng employer ang kontrata bago
ang legal nitong pagtatapos o tinanggal sa trabaho ang manggagawa/empleyado; “na-
endo”: natapos na ang kontrata; “nagpa-endo”: nagbitiw sa kontraktwal na trabaho para
“rumaket” nang todo o magnegosyo; “pagka-endo”: pagkatapos ma-endo; “mag-endo”:
magtapos ang kontrata.

Endo sa Pambansang Diskurso

Noong 2007 ay ipinalabas ang pelikulang “Endo” ni Jade Castro na tumatalakay


sa buhay at buhay-pag-ibig ng mga manggagawang kontraktwal. Ginawaran ng
Cinemalaya Grand Jury Prize ang “Endo” sa taong iyon. Sa pelikulang “Endo” ang
dalawang pangunahing karakter ay saleslady at salesboy. Higit na mapapansin ang
malalim na kontekstong panlipunan ng pelikulang ito na sa unang sipat ay simpleng
love story, kung isasaalang-alang ang Ingles na pamagat nito: “Love on A Budget.”
Libreng pag-ibig sa gitna ng magastos-pero-baratilyong-magpasweldong daigdig ang
peg ng pelikula. Sa sobrang liit ng sweldo ng isang manggagawang gaya nina Leo at
Tanya sa “Endo,” wala na silang pera para sa kahit anong luhong nakapagbibigay-
kasiyahan sa mga masasalapi. Sa kaso ni Leo, karaniwang madali ring mag-endo ang
kanyang mga pag-ibig hanggang sa dumating si Tanya na bumago kahit paano sa
kanya. Pantapat ang pansamantalang seguridad na alok ng pag-ibig sa permanenteng
inseguridad na dulot ng trabahong kada anim na buwan ay nag-eendo. Pag-ibig bilang
pakunswelo sa mga manggagawang pinasusuweldo ng mga kapitalista para lamang
muling makapasok bukas at muling mapagsamantalahan bilang alipin ng sistemang
pinakikinabangan ng iilan.
3

Bago pa maipalabas ang naturang pelikula, palasak na ang paggamit sa midya


ng “endo” sapagkat bukambibig ito ng mga unyon at iba pang organisasyon ng mga
manggagawa na lumalaban sa sistematikong kontraktwalisasyon na laganap sa buong
Pilipinas. Marahil, ang desisyon ng Korte Suprema (G.R. No. 127448) na inilabas noong
Setyembre 10, 1998 naman ang isa sa mga pinakaunang dokumento ng gobyerno na
gumamit ng terminong “end of contract.” Ayon sa nasabing desisyon, hindi maaaring
gamitin ang “end of contract” para tanggalin ang isang manggagawa dahil ito’y isang
“...devious, but crude, attempt to circumvent petitioner's right to security of tenure...”

Bagamat may magkakasalungat na pananaw sa iba pang isyung ekonomiko at


sosyo-politikal, nagkakaisa naman sa paggamit ng terminong “endo” at pagtutol sa
sistemang ito ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Partido ng Mga Manggagawa (PM), at
Alliance of Progressive Labor (APL). Isinisisi ng KMU ang sistemang endo sa Batas
Republika 6715 o Batas Herrera na nilagdaan noong Marso 2, 1989 sa ilalim ng unang
administrasyong Aquino. Ayon sa KMU, binigyang-kapangyarihan ng Batas Herrera ang
labor secretary na maglabas ng guidelines na nagbigay-daan upang maging legal ang
kontraktwalisasyon sa Pilipinas. Idinagdag pa nila na “After 25 years of the Herrera Law,
endo, shorthand for “end of contract,” has become a commonly-used word and
contractuals have become the majority among the country’s workers.” Bukod sa
pagbabasura ng Batas Herrera, ipinanawagan din ng KMU ang pagpapawalambisa sa
Department Order 18-A Series of 2011 ng ikalawang administrasyong Aquino na sa
esensya ay nagpatuloy lamang sa patakarang kontraktwalisasyon ng mga nakaraang
administrasyon. Sa kasamaang-palad, wala sa prayoridad ng ikalawang
administrasyong Aquino ang pagbabasura sa kontraktwalisasyon, sa sistemang endo
mismo.

Noong 2012 naman, ipinahayag ng NAGKAISA, isang alyansa ng mga pangkat


ng mga manggagawa na pinangungunahan ng PM na nilalabanan din nila ang
sistemang “endo” o “5-5-5” o “job contracting” na anila’y tinatawag na sistemang “job
order” sa mga ahensya ng gobyerno. Tinatawag ding “5-5-5” ang sistemang “endo”
sapagkat 5 buwan lamang ang karaniwang haba ng panahon ng karaniwang kontratang
kontraktwal sa bansa. Ang ganitong iskema ay pag-ikot o sirkumbensyon sa maka-
4

manggagawang probisyon ng Labor Code na nagtatadhana ng pagbibigay ng


permanenteng trabaho sa sinumang manggagawang lumagpas sa anim na buwan ang
pagtatrabaho sa isang kumpanya. Sa kabila ng bangayan sa pagitan ng KMU at APL,
sinasabi ng APL na gaya ng KMU, sila rin ay tumututol sa sistemang “endo.”

Sa “Praymer Hinggil sa Krisis sa Ekonomya” na inilabas ng Pambansang


Kawanihan sa Instruksyon ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 2007, ginamit ang
terminong “endo” para ilarawan ang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng
kasalukuyang sistema. Gaya ng mga komunista, maging ang Department of Labor of
Employment (DOLE) at ang Institute of Labor Studies nito ay kapwa gumagamit ng
terminong “endo,” na tinawag ding “6-6-6” ng DOLE. Ipinagyayabang din ng DOLE na
nililimitahan nila ang pag-abuso sa gayong sistema sa pamamagitan ng Department
Order No. 18, Series of 2002. Malinaw kung gayon na nasa pambansang kamalayan at
diskurso na ang salitang “endo” bagamat wala pa ito sa mga diksiyonaryo.

Ang Mundo ng Endo, Ang Endo sa Mundo

Sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga organisasyong maka-manggagawa


sa sistemang “endo,” palawak nang palawak ang saklaw nito sa Pilipinas at gayundin
sa ibang bansa. Ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics Integrated
Survey/BITS (2012), 30.5% ng mga manggagawa sa Pilipinas ay di regular (o sa
madaling sabi, karamihan sa kanila’y nagtatrabaho sa ilalim ng sistemang endo). Dati-
rati, sa mga pribadong korporasyon lamang pangkaraniwan ang “endo.” Notorious ang
mga mall chain at fastfood chain sa pagpapatupad ng sistemang “endo.” Malaon,
maging ang mga ahensya ng gobyerno ay nagpapatupad na rin ng iba’t ibang bersyon
ng “endo.” Halimbawa, sa Department of Education (DepEd), National Labor Relations
Commission (NLRC), at National Commission on Culture and the Arts (NCCA),
gayundin ang napakaraming state colleges and universities (SCUs) ay pawang
kumukuha ng mga empleyadong kontraktwal na karaniwang ipinapaketeng “project-
based” o “job order” o kaya’y “subcontracted.”

Sa kaso ng DepEd, ang mga kontratang pinapipirmahan sa mga manggagawang


kontraktwal ay sumasaklaw sa anim na buwan lamang na renewable hangga’t may
5

pangangailangan ang ahensya. Sa kasamaang-palad, ang ganitong kontrata ay


nagtatatwa sa pag-iral ng “employee-employer relationship” at hindi rin magrereflect sa
service record sakaling makakuha ng permanenteng trabaho sa gobyerno ang
empleyado. Sa maraming SCUs naman gaya sa Bulacan State University, mayorya ng
mga instruktor ay kontraktwal at saklaw ng mga imposisyong gumagamit ng mga
eupemismong tulad ng “contract of service” (COS). Bawat semestre ang renewal ng
kontrata sa mga ganitong iskema. Sa ilang pribadong paaralan ay talamak na rin ang
mga kontratang tinaguriang “fixed term” – isang eupemismo para sa kontratang
renewable bawat taon o kaya’y sumasaklaw sa fixed na panahon na maaaring lagpas
sa isang taon ngunit wala ring pangako ng pagkapermanente o tenure. Ayon sa ulat ng
mga guro sa dalawang malaking pribadong kolehiyo sa Maynila at sa Lungsod ng
Quezon, nagdeklara na ang kani-kanilang administrasyon na silang lahat ay
tatanggalan ng permanenteng istatus bilang paghahanda sa pagpupungos ng mga
asignatura sa bagong kurikulum ng kolehiyo, at kailangang sumailalim sa reaplikasyon
upang maging part-time na empleyado na lamang mula 2016. Mukhang magiging
talamak na rin sa mga susunod na panahon ang sistemang endo sa akademya, gaya
ng pagiging talamak nito sa Estados Unidos sa pamamagitan ng lansakang
adjunctivization ng mga propesor doon sa ngalan ng pagtitipid at pagkakamal ng tubo
ng mga pribadong institusyong pang-edukasyon. Ayon sa isang ulat ng New York Times
noong 2013, halos 80% ng mga guro sa mga unibersidad ng Estados Unidos ay
pawang adjunct professors o mga propesor na hindi permanente o non-tenured; sa
madaling sabi’y manggagawang biktima rin ng endo.

Ang sistemang “endo” sa Pilipinas ay bahagi lamang ng mas malawak na saklaw


ng kontraktwalisasyon sa buong mundo. Ayon sa International Labor Rights Forum na
ang headquarters ay nasa Washington, USA, mga trabahong “precarious” na ang
pumalit sa dati-rati’y permanenteng empleyo dahil sa outsourcing, pag-iral ng mga
employment agency, at pagklasipika sa mga manggagawa bilang “short-term” o
“independent contractors.” Kaugnay nito, popular na sa Amerika at Europa ang
terminong precariat – pinaghalong precarious at proletariat – na ayon kay Noam
Chomsky ay tumutukoy sa mga manggagawang nasa laylayan ng lipunan dahil sa
permanenteng inseguridad na kanilang dinaranas dulot ng kawalan ng permanenteng
6

trabaho at/o nakabubuhay na sahod/kita. Sa ganitong diwa, ang sistemang “endo” ay


malinaw na bahagi ng globalisasyong pabaratan o “race-to-the-bottom globalization” na
isinasakatuparan sa pamamagitan ng pagsasamantala ng mga korporasyon sa takot ng
mga manggagawa na agad mapalitan ng sinuman sa mahabang pila ng mga walang
trabaho na nakatanghod sa labas ng kumpanya. Dahilan sa transnasyunal na kalikasan
ng kapitalismo sa kasalukuyan, madali para sa mga kapitalista na maglipat-lipat ng
operasyon saanmang pinakamaliit ang gastos, lalo na ang pasweldo. Bahagi rin ng
ganitong sistema ang malawakang pag-iimport ng mga mas mauunlad na bansa sa
mga manggagawang kontraktwal mula sa mga desperado at mahihirap na bansa gaya
ng Pilipinas. Dapat bigyang-diin na ang Overseas Filipino Workers (OFWs) ay puro
kontraktwal din, kaya nga ang orihinal na tawag sa kanila ay Overseas Contract
Workers o OCWs.

Bunsod ng global na krisis na nagsimula noong 2008, ayon sa World of Works


Report ng International Labor Organization (ILO) noong 2012, lalong lumawak ang
saklaw ng mga trabahong involuntary part-time at temporary sa mga mauunlad na
bansa, at nananatiling malawak din ang saklaw ng informal employment – 40% ng
kabuuan sa Third World. Ang mga ganitong porma ng empleyo ay pawang kahawig
kundi man direktang maikakategoryang kasama ng sistemang “endo” sa Pilipinas. Nag-
iiba lamang ang tawag ngunit gayundin ang ibig sabihin. Parehong aso, ibang kolyar:
zero-hour contract, precarious work, temporary, part-time, informal, non-permanent,
contractual, job order, casual, non-tenured, project-based, fixed term, labor
flexibilization...ENDO.

Sa tahas na lenteng Marxista, ang endo ay isang imbensyong kapitalista na


bahagi ng lohika ng kapitalismo – na siyang nangingibabaw na sistema ngayon sa
mayorya ng mga bansa sa mundo – bilang ideolohiyang nakapokus sa mabilis na
akumulasyon ng tubo ng mga kapitalista, sa pamamagitan ng pagtitipid sa mga
manggagawa. Sa kalakarang endo, ang mga kapitalistang nasa tuktok ng tatsulok ang
higit na nakikinabang sa paglaki ng tubo ng mga kumpanya. Inversely proportional ang
sitwasyon ng mga aktor sa hiyerkiya ng kapitalismong estilong endo, at ang pakinabang
nila sa sistema.
7

Sa Madaling Sabi: Isang Kwentong Endo

Upang maging mas kontekstwalisado ang kahulugan ng “endo” batay sa gamit


nito sa Pilipinas, maaaring pagsalitain ang subconscious ng mga manggagawang
apektado ng “endo.” Kung makapagsasalita lamang ang tinig sa kanilang kaibuturan,
maaaring ibahagi nila ang ganitong kwentong buhay: “Madalas, alam mo na sa simula
pa lang na endo ka...na mag-eexpire ang kontrata at hindi ka mapepermanente kaya
bihirang sabihing “inendo” ka pero laging sinasabi na “endo” ka na. Samakatwid,
passive expiration ng kontrata ang konteksto ng “endo.” Para itong paghihintay sa
inevitable, sa isang masamang pangyayari na darating kahit ayaw mo at kahit
nilalabanan mo. Pagkatapos ng “endo,” obligado kang maghanap ng bagong trabaho
na malamang ay sa ilalim din ng sistemang “endo.” Pwede rin namang parehong
kumpanya pero magkaibang branch: halimbawa, kung endo ka na sa SM Manila,
pwede kang lumipat sa SM Makati, o kung endo ka na sa McDo Vito Cruz, pwede kang
lumipat sa McDo Recto. Ang salitang “endo” ay ebidensya ng masaklap na
katototohanan ng kawalang-kapangyarihan ng mga manggagawa sa kasalukuyang
lipunang kontrolado ng mga dambuhalang kapitalistang pagkakamal lamang ng tubo
ang iniisip, sukdulang mawalan na ng espasyo para sa makatwiran at makatarungang
mga patakarang mangangalaga sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawang
lumilikha ng yaman ng daigdig. Walang benepisyong Philhealth at Social Security
System (SSS) ang manggagawang biktima ng endo. “Libing wage” – baratilyong
pasweldong sapat lamang upang makapasok ka hanggang sa matapos ang kontrata –
ang ibibigay sa iyo ng kapitalista. Ang natipid nilang pera na dapat ay para sa Philhealth
at SSS mo ang nagpapalobo pang lalo sa kanilang mga bank account na walang
katapusan ang paglaki. Pinagkakaitan ka ng seguridad sa trabaho upang manatili kang
aliping patay-gutom na laging nag-aabang lamang sa trabahong kontraktwal na alok ng
mga kapitalista.”

End ENDO!: Sawikaan Bilang Unang Hakbang


8

Produkto ng kapitalismo ang sistemang endo. Alinsunod sa lohika ng kapital, ang


pagpiga sa manggagawa, ang pagsasamantala sa kanila, ang direktang akumulasyon
ng kapitalista sa pinagpawisan at kung minsa’y pinagbuwisan pa ng dugo na tubo, sa
pamamagitan ng pagtitipid sa pasweldo at pagkakait ng kahit kakarampot na mga
benepisyong tulad ng panlipunang seguro at segurong pangkalusugan. Panahon nang
tapusin ang kontratang itong walang katwiran at walang katarungan. Panahon nang
IENDO ANG KAPITALISMO! Alinsunod sa winika ni Karl Marx at Friedrich Engels sa
Manipestong Komunista, ang burgesya, ang mga kapitalista mismo ang nagluluwal sa
mga maghuhukay ng kanilang libingan. Ang mga manggagawang iniluwal at biktima ng
sistemang endo ang may kolektibong kakayahan din na wakasan ang
mapagsamantalang sistemang kapitalista. Mula sa mga modelong ebolusyunaryo sa
Amerika Latina hanggang sa mga modelong rebolusyunaryo sa kasaysayan, hitik na sa
karanasan ang daigdig kung paano susulong ang mga proletaryo mula rito tungo roon.

Sa pagsuong ng bansa sa minadaling ASEAN integration at iba pang kahawig na


iskema, lalong lalala at lalawak ang saklaw ng sistemang endo sa bansa dahil ang ilan
sa mga bansa sa Timog Silangang Asya ay may mas mababang antas ng pasahod
kaysa sa Pilipinas. Ang walang rendang mobility ng mga manggagawa sa loob ng
ASEAN na planong isakatuparan ng blokeng rehiyonal na ito ay lalong magpapababa
sa pangkalahatang antas ng sahod. Samakatwid, lalong dapat kilalanin ang salitang
“endo” upang magsilbi itong lunsaran sa pagkritik sa mga huwad at hungkag na
pangako ng globalisasyon na inilalako ng mga korporasyon at mga gobyernong
pinangingibabawan ng mga elite sa pamamagitan ng mga imposisyong “mula sa itaas”
tulad ng minadaling ASEAN integration at ng programang K to 12 na nagpapabilis sa
pagmamanupaktura ng mga manggagawang hindi na magkokolehiyo at kung gayo’y
mas madaling “brasuhin” sa pagtanggap ng trabahong endo.

Sa pag-iral at matagal nang pangingibabaw ng kasuklam-suklam na realidad ng


endo, nararapat manindigan ang mga mamamayan, lalo na ang mga manggagawa para
sa isang bagong sistemang ekonomiko na magbibigay-daan sa pagwawakas nito. Sa
pamamagitan ng eksposisyon ng konteksto ng endo, makapag-aambag ang akademya
sa global na pakikibaka para sa pagbabasura ng sistemang kontraktwalisasyon at tungo
9

sa paglikha ng lipunang mapagkalinga sa bawat mamamayan. Kailangang irehistro ang


kritik sa sistemang endo at magiging mas mabisa ito kung pormal na kikilalaning
salitang Filipino ang endo.

Masasabing wala pang diksiyonaryo sa Pilipinas ang nagtala ng salitang “endo”


batay sa konteksto nito sa larangan ng paggawa, sapagkat walang ganitong word entry
sa mga pinakakomprehensibong diksiyonaryong Filipino tulad ng “Diksiyonaryong
Sentinyal ng Wikang Filipino (Pang-Ika-75 Anibersaryong Edisyon)” na inilabas ng
Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2011, at ng una at ikalawang edisyon ng
“UP Diksiyonaryong Filipino” na inilimbag naman noong 2001 at 2010. Kapag itinanghal
na Salita ng Taon 2014 ang “endo,” marahil ay makakasama na ito sa susunod na mga
edisyon ng mga nabanggit na diksiyonaryo. Magbibigay-daan din ito sa pagpasok ng
iba pang kaugnay na salita sa leksikon ng Filipino gaya ng precariat/prekaryat; libing
wage; JO/Job Order; COS/Contract of Service; tres-singko/singko-singko-singko; tres
sais/sais-sais-sais; globalisasyong pabaratan; pansamantagal; malapultaym; at raket.
Nakataya rito ang kinabukasan ng milyun-milyong manggagawa sa mundo na nag-
aasam ng katuparan ng mga pangakong nasa Unibersal na Deklarasyon ng Mga
Karapatang Pantao na nagbibigay-garantiya sa seguridad sa trabaho, bagay na
sinasalansang ng sistemang endo.

Bukod dito, dapat ding bigyang-diin na makabuluhan ang kontekstong istorikal ng


endo sapagkat itinatala nito ang pagbura sa o pagkawala ng mapagkalingang estado
na naitatag sa maraming bansa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang
endo ay salamin ng pangkalahatang inseguridad ng buhay sa mundong pinilit lutuin sa
kawa ng globalisasyong pabaratan na nagsimulang umarangkada sa kalagitnaan ng
dekada 90 at hanggang ngayo’y nananalasa sa at nilalabanan ng mga mamamayan ng
daigdig. Samakatwid, ang pagkilala sa salitang endo ay paggunita, at pagsariwa sa
diwa ng lipunang mapagkalinga, ng ideya ng solidaridad, ng malalaking tipak ng
kasaysayan na pinanday at pinapanday ng pakikibaka ng mga manggagawa mula noon
hanggang ngayon.

Renewal ito ng ating kontratang panlipunan, ng ating kolektibong konsensus na


ang theme song dapat ng lipunan ay “We’re All in This Together” at hindi “Money,
10

Money, Money.” Higit sa lahat, paanyaya ito sa bawat isa sa atin na muling pakinggan
ang alingawngaw ng mga tinig na sumisigaw sa ilang na unang narinig sa London, 166
taon ang nakararaan, upang buhayin ang aandap-andap na titis ng pakikibaka para sa
isang lipunang mapagkalinga sa lahat, isang daigdig na wala nang endo: “Manggagawa
ng lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang inyong mga
tanikala!” IENDO NA ANG ENDO! IENDO ANG KAPITALISMO!

Mga Sanggunian:

Amin, Samir. “Popular Movements Toward Socialism: Their Unity and Diversity.” Monthly Review 2014,
Volume 66, Issue 02 (June). http://monthlyreview.org/2014/06/01/popular-movements-toward-socialism/

Chomsky, Noam. “Plutonomy and the Precariat.” Huffington Post. 05/08/2012.


http://www.huffingtonpost.com/noam-chomsky/plutonomy-and-the-precari_b_1499246.html

Conde, Chichi. “No to P125 legislated wage increase, anti-contractualization bill -- Aquino.” 01 May 2012.
InterAksyon Online. http://www.interaksyon.com/article/30748/no-to-p125-legislated-wage-increase-anti-
contractualization-bill----aquino

Escudero, Chiz. “Endo.” Abante Tonite Online. 14 June 2011. http://www.abante-


tonite.com/issue/june1411/public_chiz.htm

GMA Network Online. “Tweets for My Sweet: Endo na si Sweet.” 06 May 2012.
http://www.gmanetwork.com/entertainment/stars/Marian-Rivera/videos/2012-05-06/19480/Tweets-for-My-
Sweet-Endo-na-si-Sweet

InkBlood. “God Save The Queen.” 27 September 2012. https://tl-ph.facebook.com/notes/stories-of-your-


life-katatakutan-kababalaghan-pag-ibig/god-save-the-queen-ni-inkblood/468094159880691

International Labor Rights Forum. “Precarious work.” http://www.laborrights.org/issues/precarious-work

Institute for Labor Studies. “A Policy Discussion on Outsourcing, Offshoring and Remote Work.”
(Proceedings of the Working World Trialogue Series 13.13). 10 May 2013. http://ilsdole.gov.ph/wp-
content/uploads/2013/06/Summary-of-ProceedingupdatedFINAL.pdf

Kendzior, Sarah. “Academia's indentured servants.” Aljazeera Online. 11 April 2013.


http://www.aljazeera.com/indepth/opinion/2013/04/20134119156459616.html

Kilusang Mayo Uno. “Junk the anti-worker Herrera Law!” 02 March 2014.
http://www.kilusangmayouno.org/news/2014/03/junk-anti-worker-herrera-law
11

Lebowitz, Michael. “Proposing a Path to Socialism: Two Papers for Hugo Chávez.” Monthly Review 2014,
Volume 65, Issue 10 (March). http://monthlyreview.org/2014/03/01/proposing-path-socialism-two-papers-
hugo-chavez/

Lindio-McGovern, Ligaya. “Neo-liberal Globalization in the Philippines: Its Impact on Filipino Women and
Their Forms of Resistance.” Journal of Developing Societies. Vol 23(1–2): 15–35. 2007.
http://jds.sagepub.com/content/23/1-2/15.full.pdf+html

Macaspac, Macky. “Herrera Law, legal na batayan ng kontraktuwalisasyon sa paggawa, pinababasura.”


08 September 2014. http://pinoyweekly.org/new/2014/03/herrera-law-legal-na-batayan-ng-
kontraktuwalisasyon-sa-paggawa-pinababasura/

Marx, Karl at Friedrich Engels. Manifesto of the Communist Party.


https://www.marxists.org/archive/marx/works/1848/communist-manifesto/

MedHelp Online. 07 August 2013. http://www.medhelp.org/posts/Hepatitis-B---Philippines/HEPA-B-


CURE---4-LIFE-TRANSFER-FACTOR-EFFECTIVE/show/654207?page=12

Mészáros, István. “Reflections on the New International: Dedicated to the Memory and Legacy of
President Hugo Chávez.” Monthly Review 2014, Volume 65, Issue 09 (February).
http://monthlyreview.org/2014/02/01/reflections-new-international/

New York Times. “Gap Widens for Faculty at Colleges, Report Finds.” by Tamar Lewin. 08 April 2013.
http://www.nytimes.com/2013/04/08/education/gap-in-university-faculty-pay-continues-to-grow-report-
finds.html?_r=2&

Pambansang Kawanihan sa Instruksyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Praymer Hinggil sa Krisis sa


Ekonomya.” PADEPA Online. 21 August 2007. http://www.padepaonline.com/pag-aaral-sa-mga-isyung-
pangkasalukuyan/praymer-hinggil-sa-krisis-sa-ekonomya

Philippine Online Chronicles. “Endo: A real-world romance.” 10 October 2008.


http://thepoc.net/index.php/endo-a-real-world-romance/

Pinoy Exchange Online. http://www.pinoyexchange.com/forums/showthread.php?t=469935&page=18

Wattpad. “Why Can’t It Be?” http://www.wattpad.com/54658624-why-can't-it-be-one-shot-story/page/5

YouTube. “Alamona.” 23 April 2006. www.youtube.com/watch?v=MW729sLtv9g

You might also like