You are on page 1of 4

Pagbuo ng Tesis na Pahayag

Ano ang Tesis na Pahayag?

Ang tesis na pahayag ang nagbubuod sa kabuoang nilalaman ng isang sulatin at


nagbibigay ng ideya sa mambabasa tungkol sa lawak ng pagtalakay sa paksa. Para sa
pananaliksik, inilalahad ng tesis na pahayag ang posisyon ng mananaliksik tungkol sa
isang paksa at direksyong patutunguhan ng kaniyang pagsulat. Isinasaad dito ang
pananaw ng may-akda sa pamamagitan ng hindi bababa sa tatlong impormasyon o
patunay na susuporta sa nasabing pananaw. Ito ay nililinang at ipinaliliwanag sa kabuoan
ng teksto sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga halimbawang ebidensya.

Mahalaga sa proseso ng pagsusulat ang pagbuo ng tesis na pahayag upang


matukoy ang pangunahing kaisipan ng isang sulatin. Sa pamamagitan nito ay
makokontrol ang proseso ng pananaliksik upang makatuon lamang sa pangunahing
argumento. Kinakailangang matugunan nito ang mga tanong sa pananaliksik na binuo sa
simula pa lamang. Kailangang ito ay tiyak o espisipiko; malinaw at nagpapahiwatig ng
“bakit” at “paano” tungkol sa paksa.

Paano binubuo ang Tesis na Pahayag?


 Tukuyin ang paksa.
 Mula sa paksa ay bumuo ng pangunahing argumento na binubuo ng pananaw at
sinusuportahan ng mga patunay. Siguruhing ito ay tiyak, malinaw, at
nagpapahiwatig ng “bakit’ at “paano” tungkol sa paksa.
 Bumuo ng pansamantalang tesis na pahayag.
 Maaaring rebisahin ang pansamantalang tesis na pahayg sa proseso ng
pangangalap ng datos hanggang ganap nang makuha ang pinakapunto ng
argumento.

Halimbawa:

Paksa: Pagpapatupad ng Bangsamoro Basic Law (BBL)

Tesis na Pahayag (MALI)


Ang sumusunod na mga pahayag ay hindi maituturing na tesis na pahayag dahil
masydong malawak o di-tiyak ang nais pagtuunan. Hindi rin nasasagot ng mga ito ang
taong na “Bakit?” at “Paano?” upang matukoy kung nagpapahiwatig din ito ng
kahalagahan at metodolohiya sa pangangalap ng impormasyon tungkol sa paksa.
 May bentahe at disbentahe ang BBL.
 Sang-ayon ang kabataang Pilipino sa BBL.
 May epekto ang implementasyon ng BBL.
Tesis na Pahayag (MAAARI)
 Hindi matutugunan ng BBL ang mga suliranin sa Mindanao bagkus ay magiging
dahilan pa ito ng pananamantala at pangungurakot ng mga namumuno rito.
 Ang pagpapatupad ng BBL ang sagot sa pagkakamit ng kapayapaan sa ARMM
dahil matutugunan nito ang pagpupunyagi ng mga mamamayang Bangsamoro
para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya (self-determination).
Pagbuo ng Tanong-Pananaliksik

Sa pagsasagawa ng pananaliksik, nahahanapan natin ng sagot ang mga


katanungang bumabagabag sa ating isip, naisasakatuparan ang interes sa isang bagay,
at nalilinang ang kakayahang makahanap ng solusyon.

Nagsisimula ang pananaliksik sa pamamagitan ng mga tanong sa pananaliksik


(research question). Sinasaklaw ng mga tanong na ito ang pinakabuod o sentro ng
pananaliksik. Tinutukoy nito ang uri at layunin ng pananaliksik at nagsisilbi rin itong
patnubay kung anong proseso ang angkop na gamitin.

Samantala, nag-uumpisa sa pagbuo ng mga tanong sa pananaliksik ang


tutugunang suliranin ng pananaliksik. Tumutukoy ito sa isang paksa, usapin o pangyayari
na nais siyasatin at kailangang alamin; mga kondisyong dapat baguhin; o mga hamon na
dapat bigyan ng solusyon ng isang mananaliksik. Ang pagsagot sa suliraning tutugunan
ng pananaliksik ay sinusundan ng pagbuo ng kuro-kuro (hypothesis).

Paano bumuo ng isang maayos na tanong sa pananaliksik? Ayon sa Duke Writing Studio,
kailangang gawin ang sumusunod:

1. Pumili ng paksang kinawiwilihan at magbasa ng mga kaugnay na pag-aaral na


naisagawa tungkol dito. Makatutulong ito na makabuo ng mga pangunahing
tanong mula sa paksa.
2. Isaalang-alang ang iyong mambabasa. Para kanino ang iyong isasagawang
pananaliksik? Sino ang iyong target na mambabasa? Subukang bumuo ng mga
tanong na sino, ano, paano, saan, bakit, at kailan ukol sa paksang kinawiwilihan.
Subukin ding bumuo ng mga posibleng sagot sa mga tanong na ito.

Mga Katangian ng Magandang Tanong sa Pananaliksik


1. Tiyak, espisipiko, at maliwanag ang paggamit ng mga termino
Halimbawa: Alin sa dalawang halimbawa ang magandang tanong sa
pananaliksik?
Nakabubuti ba ang 4 P’s ng gobyerno? Paano napabubuti ng 4 P’s ang
kalagayang pang-ekonomiko ng mga
nakatatanggap nito?

Mapapansin sa tanong sa unang kolum na hindi tiyak ang saklaw ng salitang


“nakabubuti.” Sa anong aspekto ito nakabubuti? Nakabubuti ba ito para sa
nakatatanggap upang mabawasan ang paghihikahos ng mamamayan? O nakabubuti
para sa imahe ng gobyerno?

Samantala, ang tanong sa ikalawang kolum ay gumagamit ng mga tiyak na


termino o salita upang gawing mas espisipiko ang tanong. Tinukoy agad sa tanong sa
kanang kahon ang ekonomikong kalagayan ng mga nakatatanggap nito.

2. Tumatalakay sa mahalaga at makabuluhang isyu. Dahil ang layunin ng


pananaliksik ay makapag-ambag ng kaalaman, solusyon, at impormasyon, kailangang
magsimula sa mga tanong na may mga implikasyong kapaki-pakinabang para sa lahat.
Kung kaya ang mga tanong na ilalatag para saliksikin ay nagbubunsod ng mas malalim
na pagsusuri tungkol sa paksang napili.

3. Hindi pa naisasagawa ngunit posbileng maisakatuparan. May mga


katanungang inilalatag upang saliksikin na hindi matasa ng anomang metodolohiya dahil
abstrakto ang pagkakatanong. Ang anomang tanong sa pananaliksik na kailangang
hanapan ng sagot ay kailangang nalalakipan ng angkop na metodolohiya upang
masagot.

4. Nagtataglay ng malinaw na layunin at kahalagahan. Ibig sabihin, hindi lamang


basta-basta tanong ang mga tanong sa pananaliksik. Sa pagbubuo ng mga tanong,
kailangang malinaw na nakaangkla ito sa layunin at kahalagahan ng bubuuing
pananaliksik.

Pagsulat ng Tentatibong Balangkas

Ang isang balangkas ay nagsisilbing larawan ng mga pangunahing ideya at


mahahalagang detalye tungkol sa paksa. Nakahanay sa balangkas ang mahahalagang
bahagi ng sulatin at kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga bahaging ito. Gumagawa
ng tentatibong balangkas upang maiayos ang mga ideyang nakuha mula sa mga
sanggunian. Mapapadali ang pagsusulat sapagkat nagsisilbing gabay ang balangkas sa
direksyong patutunguhan ng sulatin.

Kapaki-pakinabang ang pag-oorganisa at pagsasakategorya ng mga ideya


habang nagsusulat ng burador. Sa pamamagitan ng tentatibong balangkas ay madaling
makikita ang mga ideyang kailangang bigyang-diin o kailangang tanggalin. Makatutulong
din ito upang maipakita ang pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya at kung paano dadaloy
ang talakay mula sa isang ideya patungo sa kasunod na ideya. Tandaan na ang
tentatibong balangkas ay maaaring baguhin, palitan o dagdagan habang nagsusulat.

Bakit kailangang bumuo ng isang tentatibong balangkas?


 Nagsisilbing itong gabay sa proseso ng pagsusulat.
 Nakatutulong ito sa paghahanay ng mga ideya sa lohikal na ayos.
 Nagpapakita ito ng ugnayan ng mga ideya sa loob ng sulatin.
 Nakabubuo ng maayos na pangkalahatang pananaw ng sulatin.
 Natutukoy ang hangganan ng bawat ideyang nakapaloob sa bawat pangkat.

Paano bumuo ng isang balangkas?


1. Balikan ang tesis na pahayag upang magabayan ang mananaliksik o manunulat
sa mahahalagang impormasyon na kailangan lamang tutukan.
2. Tukuyin ang inaasahang babasa at gagamit ng resulta ng pananaliksik.
Mahalagang isaalang-alang ang babasa ng iyong sulatin sa pagbubuo ng
balangkas. Hindi na kailangang isali ang mga kaisipan o ideya na hindi naman
ganap na mauunawaan ng babasa o makapagdudulot lamang ng kalituhan.
3. Talakayin nang husto ang paksa ng saliksik. Magpokus sa ideya o paksang may
kinalaman sa nais mong bigyang-diin.
4. Pag-isipang mabuti ang paksang sinasaliksik. Ilista ang lahat ng ideya na nais
ilakip sa inyong sulatin.
5. Organisahin at pangkatin ang mga ideyang magkakaugnay.
6. Ayusin at ihanay ang mga materyal mula sa pangkalahatan patungko sa mga
detalye o mula sa abstraktong konsepto patungo sa konkretong ideya.
7. Lagyan ng pangunahin at pantulong na kaisipan.

Mga Uri ng Balangkas:


 Balangkas na Papaksa. Ang mga ideya ay nakahanay sa pamamagitan
lamang ng susing salita o paksa.
 Balangkas na Pangungusap. Ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya ay
nasusulat sa pangungusap.
 Balangkas na Talata. Balangkas na ipinahahayag sa pamamagitan ng
talataan.

Dalawang Pangunahing Anyo ng Balangkas:

1. Balangkas na gumagamit ng Titik at Bilang. Gumagamit ito ng panandang


numerong Romano para sa pinakamataas na antas na balangkas, malalaking titik
bilang pananda para sa susunod na antas, numerong Arabic para sa ikatlong
antas, at maliliit na titik sa ikaapat na antas. Mas madaling makikita sa mga
pananda ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya.

I. Unang Pangunahig Ideya


A. Unang Suportang ideya ng I
B. Ikalawang suportang ideya I
1. Unang suportang ieya ng B
a. Unang suportang ideya ng B.1
b. Ikalawang suportang ideya ng B.1
c. Ikatlong suportang ideya ng B.1
2. Ikalawang suportang ideya ng B
C. Ikatlong suportang ideya ng I
II. Ikalawang Pangunahing Ideya

2. Balangkas na Decimal. Gumagamit ito ng numerong Arabic bilang pananda sa


iba’t ibang antas ng balangkas

1. Unang Pangunahing Ideya


1.1 Unang suportang ideya ng 1
1.2 Ikalawang suportang ideya ng 1
1.2.1 Unang suportang ideya ng 1.2
1.2.1.1 Unang suportang ideya ng 1.2.1
1.2.1.2 Ikalawang suportang ideya ng 1.2.1
1.2.1.3 Ikatlong suportang ideya ng 1.2.1
1.2.2 Ikalawang suportang ideya ng 1.2
1.3 Ikatlong suportang ideya ng 1
2. Ikalawang Pangunahing Ideya

Mga Sanggunian:

Atanacio, H. C., Lingat, Y. S., Morales, R. D., (2016). Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t
ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Quezon City. C & E Publishing, Inc.

Dayag, A. M., del Rosario, M. G., (2016). Pinagyamang Pluma: Pagbasa at Pagsuri ng
Iba’t ibang Teskto tungo sa Pananaliskik. Quezon City. Phoenix Publishing House

You might also like