You are on page 1of 20

Yunit 1:

BATAYANG KONSEPTO
SA PANANALIKSIK
SA WIKA AT
PANITIKAN

Page 1 of 20
Page 2 of 20
Introduksiyon ng Yunit
Mahalaga at makabuluhan ang kaalaman at kasanayan sa pananaliksik. Isa ito sa mga
pangangailangan sa mga kursong may kinalaman sa pagtuturo. Sa larangan ng pagtuturo at
edukasyon, makabuluhan ang pananaliksik bilang pundasyon ng makatuwirang pagbubuo ng mga
interbensiyon at panuntunang higit na nakabubuti sa kabuuang proseso ng pagtuturo at
pagkatuto.
Ang yunit na ito ay nakalaan upang talakayin ang mahahalaga at batayang mga konsepto,
impormasyon at kabuluhan ng pananaliksik partikular sa wika at panitikan. Pangunahing layunin
ng modyul na ito ang pagbubuo ng malinaw at tiyak na perspektibo ukol sa mahahalaga at
esensyal na mga impormasyon ukol sa pananaliksik at sa pagsasagawa nito.
Makabuluhang bahagi ng yunit na ito ang pagtalakay sa kalikasan ng pananaliksik at
proseso ng pagsasagawa ng pananaliksik. Kabilang din sa mga tatalakayin sa modyul na ito ang
mga pangunahing uri at klasipikasyon ng pananaliksik at ang kahalagahan ng pagsasagawa nito
sa pag-unlad ng wika at panitikan ng bansa. Naglaan din ng iba’t ibang babasahin at gawaing
makatutulong upang tiyaking natatamo ang mga layuning nakalaan para sa modyul na ito.

Layunin
1. Matukoy ang katangian ng pananaliksik at tungkulin ng mananaliksik sa kabuuan ng
proseso ng pananaliksik.
2. Mapaghamabing ang mga pangunahing klasipikasyon at uri ng pananaliksik.
3. Maipaliwanag ang kahulugan at kabuluhan ng pananaliksik sa konteksto ng lipunan at
edukasyon ng bansa.
4. Maipaliwanag ang kahalagahan at mga hamon sa pananaliksik sa wika at panitikan.
5. Makapagbahagi ng sariling pananaw at opinyon ukol sa kahalagahan ng pagsasagawa ng
pananaliksik sa wika at panitikan.
6. Masuri ang iba’t ibang siklo at balangkas ng pananaliksik.

Page 3 of 20
Depinisyon ng Pananaliksik
Mahalaga ang pananaliksik sa larangan ng kasaysayan, lipunan, agham, teknolohiya,
maging sa wika at panitikan. Tumutulay ang kahalagahang ito mula sa pag-unawa sa nagdaan at
kasalukuyang hugis at anyo, mga karanasan at sistemang panlipunan, pang-edukasyon at
pambansa. Sa pamamagitan ng pananaliksik, maraming lipunan ang patuloy na umaangat at
sumusulong sa aspetong ekonomiya, teknolohiya, agham at lipunan. Hindi matatawaran ang
kahalagahan ng pananaliksik lalo na sa kasalukuyang karanasan at estado ng lipunang Pilipino.
Sa kabuuan ng kursong Batsilyer sa Sekondaryang Edukasyon, medyor sa Filipino, hindi
bababa sa dalawang (2) kurso ang may direktang kinalaman sa pananaliksik habang hindi rin
bababa sa dalawa (2) pang kurso ang may pangangailangan sa pagsasagawa ng pananaliksik. Ang
mga kursong Introduksiyon sa Pananaliksik sa Wika at Panitikan at ang Thesis 1 at 2 ay ang mga
kurso ukol sa pananaliksik. Habang ang mga kurso tulad ng Ugnayan ng Wika, Kultura at Lipunan,
Panimulang Lingguwsitika, Kurikulum sa Filipino, at iba pa ay mga kursong maaaring magtakda
ng pananaliksik bilang pangangailangan sa kurso. Dagdag pa rito, ang ISU ay patuloy na
naghahangad na maging sentro ng pananaliksik sa rehiyong ASEAN na makikita sa bisyon ng
Unibersidad. Kung gayon, ang pananaliksik ay isang mahalagang salik sa buhay ng isang mag-aaral
sa kolehiyo.
Ayon kina Evasco et al. (2011), ang pananaliksik ay isang paraan ng pagtuklas ng mga
kasagutan sa mga partikular na katanungan ng tao tungkol sa kanyang lipunan o kapaligiran. Ayon
pa kay De Laza (2016), patuloy ang pananaliksik sa iba’t ibang paksa at penomenon dahil patuloy
na inuunawa ng tao ang mga pangyayari at pagbabago sa kanyang paligid. Kasabay ng pag-unawa,
tumutuklas ang tao ng iba’t ibang paraan upang mapabuti ang pamumuhay sa pamamagitan ng
iba’t ibang imbensiyon at kaalaman.
Ang pananaliksik ay isang maagham na proseso o pamamaraan ng pagsisiyasat o pag-aaral
upang humanap ng mga imperikal na datos upang mabigyang kalutasan ang isang umiiral na
suliranin (Guiab et al., 2006). Sumasagot ang pananaliksik sa iba’t ibang suliranin mula sa iba’t
ibang larangan. Upang magkaroon ng angkop at wastong solusyon sa mga tiyak na suliranin, isang
mahalagang katangian ng pananaliksik ang pagiging imperikal nito. Nangangahulugan na ang mga
datos na gagamitin sa pananaliksik ay nakabatay sa isang tiyak at makatotohanang impormasyon

Page 4 of 20
lamang. Hindi makatutulong sa pananaliksik ang pandaraya o pabrikasyon ng datos na
kinakailangan.
Ipinaliliwanag naman nina Prieto et al. (2017) na ang pananaliksik ay isang sistematikong
imbestigasyon at pag-aaral ng mga kaugnay na materyales at batis upang patunayan ang isang
katotohanan at makalikha ng mga kongklusyon. Mahalaga ang pananaliksik sapagkat
nakatutulong ito upang hubugin ang paniniwala at pananaw ng isang lipunan sapagkat
nakahahanap ng solusyon ang pananaliksik upang pagaanin ang estado ng pamumuhay ng tao.
Bagaman, maaari itong maganap sa iba’t ibang oras, sitwasyon at pamamaraan, ang
siyentipikong pananaliksik ay isang unibersal na sistema at obhetibong paghahanap ng
mapananaligang mga kaalaman.
Ayon pa kay Bhat (2018), ang pananaliksik ay isang masinsinang konsiderasyon ng pag-
aaral tungkol sa isang tiyak suliranin gamit ang prosesong siyentipiko. Ito ay isang maayos na
paraan ng pagtatanong upang ilarawan, ipaliwanag, magbigay prediksiyon at pagkontrol sa
inoobserbahang penomenon. Mahalagang katangian ng pananaliksik ang pagsunod nito sa mga
prosesong siyentipiko. Ang pagsunod mismo ng pananaliksik sa prosesong syentipiko ang dahilan
kaya naman marami ang gumagamit sa pananaliksik bilang batayan ng katotohanan at batayan
sa pagbubuo ng mga batas at panuntunan sa anomang larangan at disiplina.
Sina Posecion, et al. (2011) ay ipinaliwanag na ang pananaliksik ay kinasasangkutan ng
siyentipikong proseso. Kinakailangan din nito ang sistematikong panuntunan sa imbestigasyon
ng naoobserbahang ponemonenon o karanasan. Ang mga prinsipyo at kongklusyon na mabubuo
sa pananaliksik ay hindi nakabatay sa mga palasak na kaalaman, kundi, nagmumula ito sa maingat
at maayos na sistema ng pagtatanong.
Ipinaliliwanag ni De Laza (2016) na bukod sa sentral ng layunin ng pananaliksik na
tumuklas ng mga bagong kaalaman na magagamit ng tao, malaki rin ang pakinabang ng isang
mananaliksik mula sa mismong proseso ng pagtuklas. Sa pamamagitan ng pananaliksik,
lumalawak at lumalalim ang karanasan ng tao, hindi lamang sa partikular na paksang pinag-
aaralan, kundi sa lipunang nagsisilbing konteksto ng kanyang pananaliksik. Nagkakaroon ang
mananaliksik ng pagkakataong makasalamuha ang kapwa at nakikita ang bisa ng pananaliksik
upang mapabuti, hindi lamang ang kanyang sarili, kundi, maging ang iba.

Page 5 of 20
Ang pananaliksik ay isang paraan ng pagtatamo ng karunungan. Ika nga, ang kaalaman ay
kapangyarihan at may kapangyarihang panlipunan (San Juan, 2018). Kung gayon, higit na
tumataas ang antas ng karunungan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananaliksik. Ayon kay
Almario (2016), minimithi ng pananaliksik ang “pagtatamo ng karunungan” na batay sa
“pagsusuri ng mga ebidensiya” at tungo sa “higit na matatag na direksiyon sa pananaw at
pamumuhay ng tao.” Dahil dito, kinakailangang bata pa lamang ay nasasanay na at pinagyayaman
pa ng mga paaralan ang kasanayan sa gawaing pananaliksik ng mga Pilipino.

Katangian ng Pananaliksik
Ang pananaliksik ay maaaring gamitin bilang batayan ng katotohanan. Dahil dito, hindi
simple ang gawaing pananaliksik. Kailangan itong dumaan sa isang seryoso at masinsinang
proseso. Kung ang pananaliksik ay angkop at wastong proseso, mayroon itong katangian tulad ng
sumusunod:
1. Ang Pananaliksik ay Sistematiko. Sa pananaliksik, mayroong maayos at makabuluhang
proseso ng pagsasakatuparan nito na magreresulta sa pagtuklas sa isang katotohanan
o solusyon sa isang suliranin. Kinakailangang makatuwiran ang pagsasagawa sa iba’t
ibang proseso upang makabuo ng higit na katanggap-tanggap na kongklusyon.
2. Ang Pananaliksik ay Kontrolado. Sa pananaliksik, kinakailangang limitado lamang ang
paksa upang maisagawa ito sa panahong dapat itong tapusin. Kinakailangang planuhin
mabuti ang pananaliksik- ano ang dapat at hindi dapat isama sa pag-aaralan. Sa
pagbibigay suliranin, kinakailangang may kaakibat itong wastong pagpapaliwanag at
pagkilala sa tamang baryabol, pagpili ng instrumentong gagamitin, saan ito isasagawa,
kailan ito isasagawa at sino-sino ang magsisilbing respondent sa pag-aaral. Sa
pamamagitan ng pagkontrol sa pananaliksik, mapadadali ang pagsasagawa sa mga
nakaatang na proseso at makabubuo ng mas kapani-paniwalang kongklusyon.
3. Ang Pananaliksik ay Empirikal. Ang pananaliksik ay batay sa isang tiyak na karanasan o
obserbasyon. Ito’y hindi bunga ng isang hakahaka lamang o pala-palagay. Maaaring
magsimula sa pananaliksik sa pamamagitan ng pala-palagay subalit ang kabuuan nito’y
kinakailangang magtaglay ng mga patunay. Maisasagawa ito kung kumpleto ang lahat

Page 6 of 20
ng angkop at kinakailangang mga datos at mga ebidensiya upang patunayan o
pasubalian ang naunang pala-palagay o hipotesis.
4. Ang Pananaliksik ay Kritikal. Nagpapakita ng wasto at maingat na paghatol ang
pananaliksik. Ang gagawing desisyon kung makabuluhan o hindi ang mga datos na
nakalap ay nakasalalay sa kritikal na paraan ng pagpapaliwanag na nakabatay sa mga
gabay ng pananaliksik. Kinakailangan ding magkaroon ng kritikal na pagpapakahulugan
sa mga kwalitatibo at kwantitatibong datos.
5. Ang Pananaliksik ay Obhetibo, Walang Kinikilingan at Lohikal. Walang pagkiling ang
pananaliksik. Ang layunin nito’y maglahad ng mga paliwanag na walang pinapanigan.
Hindi ito dapat mabahiran ng personal na paniniwala o opinyon. Sa kabilang dako, ang
pananaliksik ay kailangang sumunod sa wastong paraan ng pangangatuwiran.
6. Ang Pananaliksik ay Mayroong Hiypotesis. Ang hipotesis ay pansamantalang paliwanag
sa isang tiyak na kaasalan, pangyayaring nagaganap o magaganap pa lamang. Ginagamit
ito upang maghayag ng pansamantalang paniniwala na kalauna’y patutunayan kung
totoo o hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa sa pananaliksik.

Tungkulin ng Mananaliksik
Responsible ang isang mananaliksik. Maingat niyang isinasalang-alang ng iba’t ibang salik
sa pagsasagawa ng pananaliksik, teknikal man ito o pampropesyunal na tungkulin. Dahil dito,
kailangang maunawaan ng mga nagsisimulang mananaliksik ang sumusunod na responsibilidad:
1. Masigasig. Matyagang naghahanap ng datos mula sa iba’t ibang mapagkukunan o
reperensiya tulad ng aklat, dyornal, magasin, tesis, disertasyon at iba pa ang
mananaliksik. Sa dami ng mapagkukunan ng datos, kinakailangang maging masigasig
sa pag-aayos, pagtitipon at pagtatago ang mananaliksik. Bukod pa rito, sa dami ng
datos na tila may kaugnayan sa pananaliksik, kailangang masigasig ang mananaliksik na
timbang-timbangin ang kahalagahan ng mga datos na kinakailangan niya.
2. Masinop. Ang pagiging maingat sa mga datos na nakalap ay makatutulong nang malaki
sa pag-aaral. Nakababawas ito ng kinakailangang enerhiya at oras na magagamit sa iba

Page 7 of 20
pang mahalagang bahagi ng pananaliksik. Sikaping gawing organisado at maayos ang
pagtatala ng mga impormasyong ito.
3. Masistema. Ang mahusay na mananaliksik ay may talaan ng aktibidad. Maaaring ang
talaang ito ay lingguhan o buwanan. May takdang oras kung kailan dapat simulan at
tapusin ang pananaliksik.
4. Mapamaraan. Sa pananaliksik, hindi lahat ng datos ay madaling makuha. Hindi rin
lahat ng mananaliksik ay may mahabang oras o panahon upang isagawa ang
pananaliksik. Kadalasan, ang pananaliksik ay kasabay na isinasagawa sa iba pang
responsibilidad ng mananaliksik. Dahil dito, kailangang maparaan ang mananaliksik
upang makuha ang lahat ng datos na kinakailangan niya at matapos ang gawaing sa
pananaliksik ayon sa itinakdang oras at panahon.
5. Magaling Magsiyasat. Sa dami ng datos na tila may kaugnayan sa pinag-aaralan,
kinakailang mahusay magtimbang-timbang sa kahalagahan ng bawat datos na
mayroon ang mananaliksik.
6. May Pananagutan. Ang mananaliksik ay kinakailangang panindigan ang resulta ng
kanyang pananaliksik. Kailangang pawang katotohanan lang ang ilalabas sa
pananaliksik. Kailangang hindi kopyado ang mga ideya at impormasyong matatagpuan
sa kabuan ng pananaliksik.

Siklo at Balangkas (Framework) ng Pananaliksik


Dahil ang pananaliksik ay masistema, mayroon itong maayos na prosesong sinusunod at
pinagdadaanan. Bagaman, mayroong sinusunod na sistema ang pananaliksik, wala namang iisa,
tiyak at unibersal na balangkas na nagpapakita sa siklo o ikot na dapat pagdaanan ng pananaliksik.
Bagaman, walang iisa at tiyak na balangkas ang pananaliksik, maoobserbahan pa rin na
karaniwang nagsisimula ito sa pagkilala sa suliranin. Dagdag pa rito, kabilang din sa mga
pinadaraanang siklo, ang pagbabasa ng mga kaugnay na literatura, pangangalap ng datos,
pagbubuo ng hinuha at konklusyon at nagtatapos sa pagbubuo ng panibagong suliranin.
Mahalaga na sa pagsisimula ng gawaing pananaliksik ay matiyak kung ano ang suliraning
nais ihanapan ng solusyon. Sa pamamagitan ng pagtiyak sa suliranin ng pananaliksik ay magiging

Page 8 of 20
madali ang pagkilala sa mga tiyak at kaugnay na disiplinang pinagmumulan ng suliranin. Kung
malinaw din ang suliranin ng pag-aaral, magiging madali din ang pagbubuo ng mga kaugnay na
layunin ng pag-aaral at ang mga tiyak na disenyo at metodo ng pag-aaral na gagamitin.

Figure 1. Ang Siklo ng Pananaliksik

Makalipas ang pagtukoy sa suliranin, makabuluhang gawain ang pagbabasa ng mga


kaugnay na literatura at/o pananaliksik. Sa pamamagitan naman nito ay masusuri ang research
gap. Ang research gap ay tumutukoy sa mga nagawa nang pananaliksik kaugnay ng paksang nais
pag-aralan at ang mga kinakailangan pang aspeto na dapat pag-aralan. Makikita rin sa pagbabasa
ng mga kaugnay na literatura/pag-aaral ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng kasalukuyang
pananaliksik sa iba pang pananaliksik. Sa pamamagitan din nito ay mapatutunayan nga kung may
pangangailan pang isagawa ang pananaliksik kaugnay ng suliraning nabuo.
Bahagi naman ng pangangalap at pagpapakahulugan ng datos ang aktuwal na
pangongolekta ng mga kinakailangang ebidensya na may kinalaman sa suliraning nais
solusyunan. Ang pangangalap ng ebidensya ay maaaring sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan
at estratehiya. Makalipas nito, kailangang bigyan ng angkop at wastong kahulugan ang mga
ebidensiyang nakalap gamit ang angkop at tiyak na paraang estadistika.
Mula sa kahulugang nalikha sa pananaliksik ay makabubuo naman ng mga kongklusyon
ukol sa suliraning pinag-aaralan. Ang kongklusyon ang magsisilbing paliwanag tungkol sa

Page 9 of 20
suliranin. Mula naman sa mga kongklusyong ito ay makabubuong muli ng panibagong suliranin
upang patuloy na galugarin ang paksa o suliraning sinasaliksik.

Figure 2. Ang Siklo ng Pananaliksik

Makikita sa ikalawang halimbawa ng siklo ng pananaliksik na nagsisimula pa rin ito pag-


iisip at/o paghahanap ng suliranin at pagbubuo ng plano upang hanapin ang sagot sa suliraning
ito. Kabilang sa bahaging ito ang pagbubuo ng mga angkop na hinuha at relasyon batay sa mga
umiiral na teorya at prinsipyo. Ang ikalawang hakbang sa pananaliksik ay ang paghahanap ng
sagot at/o solusyon sa suliraning nakaatang sa pananaliksik. Kabilang sa bahaging ito ang
pagtukoy at paggamit sa angkop at wastong instrumento sa pangangalap ng mga datos na
kailangang upang mabigyan ng solusyon ang suliranin.
Kabilang naman sa ikatlong bahagi ang pangangalap at pagsusuri ng datos. Sa bahaging
ito ginagamit ang mga angkop at wastong paraan ng pangangalap ng datos salig sa tiyak at angkop
na instrumento. Kabilang din sa bahaging ito ang pagsusuri sa datos na nakalap gamit ang tiyak
at angkop na instrumento ng pagsusuri sa mga datos.
Ang susunod na lebel ay ang pagsusulat ng papel-pananaliksik at publikasyon. Kabilang sa
lebel na ito ang paggamit ng tiyak at angkop na estilo o pormat ng pagsusulat batay sa hinihingi
ng publikasyon. Ang huling bahagi ay ang pagbabahagi ng pananaliksik sa kapwa guro at/o iba
pang mananaliksik.

Page 10 of 20
Pangunahing Klasipikasyon ng Pananaliksik
Ang pananaliksik ay mayroong dalawang pangunahing klasipikasyon. Ito ay ang
kwalitatibo (qualitative) at kwantitatibo (quantitative). Ang kwalitatibo ay nakabatay sa
katangian o qualities na matatamo naman sa mga kaisipan at impormasyong hindi nasusukat ng
anomang numero tulad ng kuwento, dokumento, mga salaysay, artifacts at iba pa. Sa kabilang
dako, ang kwantitatibong pananaliksik ay nakabatay sa numero at kalkulasyong matematikal.
Nangangahulugan lamang ito na ang mga kaisipan at impormasyong may kaugnayan sa
pananaliksik ay maaaring sukatin gamit ang prinsipyong matematikal.

Paghahambing
Kwalitatibo (Qualitative) Kwantitatibo (Quantitative)
layunin Ipinaliliwanag at inuunawa ang Nagpapaliwanag, nagbubuo ng
penomena sa pamamagitan ng prediksyon o nagkokontrol sa
malawakang koleksiyon ng mga penomena sa pamamagitan ng tiyak
salaysay. Pasaklaw (inductive) ang na koleksiyon ng de-numerong datos.
pagbubuo ng hypothesis Pabuod (deductive) ang pagbubuo sa
hipotesis
Estilo ng Subjective, holistic, process-oriented Objective, focused, outcome-
Pagtatanong oriented
Hipotesis o Pansamantala, nagbabago at Tiyak, maaaring suriin, tinitiyak na
hinuha nakabatay sa partikular na pag-aaral bago pa ang aktwal nap ag-aaral

Lokasyon ng Hindi mahalaga kung kontrolado o Kontrolado hangga’t maaari.


Pananaliksik hindi ang lokasyon

Sampling Purposive: higit na mabuti ang mas Random: higit na mabuti ang mas
maliit na bilang ng sample para sa malaking bilang ng sample o
mas malalim na pag-unawa

Page 11 of 20
respondent upang makalikha ng
implikasyon o generalization
Measurement Non-standardized, narrative (written Standardized, numerical
word), ongoing (measurements, numbers), at the end
Disenyo at Flexible, deskriptibo, tiyak sa simula Tiyak, hindi nababago. Maaaring
Metodo subalit maaaring magbago sa huli. gumamit ng interbensiyon,
Maaaring gumamit ng estilong manipulasyon, at pagkontrol,
historical, biograpikal, etnoggrapikal, Descriptive Correlation, Causal-
phenomenological, grounded theory, Comparative at Experimental
case study
Koleksiyon ng Dokumentasyon at artifact, interbyu, None-participant observation, close-
Datos open-ended na questionnaire, ended survey questionnaire
participant-observation
Analisis ng Hilaw ang mga datos at patuloy itong Ginagamitan ng prosesong pang-
Datos nagbabago, kabilang sa proseso ang estadistika
resulta ng obserbasyon para
makabuo ng kongklusyon
Interpretasyon Ang kongklusyon ay hindi pinal at Ang kongklusyon ay tiyak batay sa
ng Datos maaaring magbago. Responsibilidad mga resulta ng pananaliksik.
ng mambabasa ang pagbubuo ng Responsibilidad ng mananaliksik ang
implikasyon pagbubuo ng implikasyon

Mga Uri ng Pananaliksik


1. Basic Research. Itinuturing itong pangunahing uri ng pananaliksik o purong pananaliksik.
Layunin nitong tumuklas ng mga pangunahing katotohanan at prinsipyo. Tungkulin nitong
makadagdag sa bilang ng mga siyentipikong karunungan sa pamamagitan ng pagsusuri sa
hangganan ng mga kaalamang nababatid at kaalamang hindi pa nababatid upang tiyak na
mailarawan ang konsepto. Ang resulta nito’y walang tiyak na gamit sa kasalukuyang
panahon.

Page 12 of 20
2. Applied Research. Ito ang pananaliksik na ginagamit upang lumikha ng tiyak na solusyon
para sa tiyak na suliranin. Ang resulta ng pananaliksik ay ginagamit agad sa praktikal na
pangangailangan. Tinatawag din itong action research.
3. Debelopmental Research. Nakabatay ito sa konsepto ng decision-oriented research na
gumagamit ng tiyak na prosesong siyentipiko bilang pagtugon sa pagpapaunlad ng mga
kasalukuyang praktika. Lumilikha ang pananaliksik mula sa mga kasalukuyang teorya ng
mga bagong proseso at programa upang makabuo ng mga kapaki-pakinabang na
produkto.
4. Historical Research. Inilalarawan ng pananaliksik na ito ang nagdaang pangyayari. Bahagi
ng pananaliksik na ito ang proseso ng imbestigasyon, rekording, pagsusuri at pagbibigay-
kahulugan sa mga pangyayari upang makabuo ng mga paglalahat (generalization) na
makatutulong upang maunawaan ang nagdaang panahon at ang kasalukuyan maging ang
hinaharap.
5. Experimental Research. Ipinakikita ng pananaliksik na ito ang relasyon ng sanhi at bunga
(cause and effect) kung mamanipulahin ang ilang baryabol ng pananaliksik.

Kahalagahan ng Pananaliksik sa Wika at Panitikang Filipino


1. Tiyak na Disiplina ang Wika at Panitikang Filipno. Dahil ang wika at panitikang Filipino ay
mga tiyak na disiplinang mayroong sariling dominyo ng karunungan at kahalagahan,
mahalagang magkaroon ng iba’t ibang pananaliksik na may kaugnayan dito. Ayon sa
kaguruan ng Kolehiyo ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Unibersidad ng Pilipinas
Diliman (2014), ang Filipino ay mayroong integridad na ganap na dominyo ng karunungan
at isang paraan ng pag-unawa sa lipunan at sa mundo, at kung gayon, nag-aambag sa
pagpapanday ng kaisipan at pananagutan sa lipunan. Simula nang ituro ito sa sistema ng
edukasyon noong dekada 1940, hanggang sa maging midyum ito ng pagtuturo sa ilalim
ng Patakarang Bilingguwal noong dekada 1970, yumabong na ang Filipino bilang isang
ganap na disiplina at pananaw sa pakikipag-ugnayang pandaigdig. Isa rin itong maunlad
na larangan— maunlad dahil sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang sub-erya at dahil sa

Page 13 of 20
interdisiplinal at transdisiplinal na ugnayan nito sa ibang larangan gaya ng panitikan,
pilosopiya, antropolohiya, kasaysayan, sikolohiya, at politika.
2. Nakatutulong sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino. Ang intelektuwalisasyon ay
isang estado ng wika kung saan ay malaganap at epektibo itong ginagamit bilang wika ng
komunikasyon lalo na sa mga larangang akademiko, medisina, batas, pamahalaan
ekonomiya at iba. Intelektuwal ang wika kung may kakayahan itong ipaliwanag ang iba’t
ibang simple at komplikadong konsepto mula sa iba’t ibang larangan at disiplina. Kung
gayon, ang patuloy na pananaliksik sa wika at panitikang Filipino ay makatutulong upang
patuloy na tugunan ang pangangailangan sa pagsusulong upang maging ganap na
intelektuwal ang wika. Sa pamamagitan ng pananaliksik sa wika at panitikang Filipino,
patuloy na naisasalin ang mga karanasan, ideya, kultura at paniniwala ng iba’t ibang
etnolinggwistikong grupo ng bansa maging ang iba’t ibang Pilipino mula sa iba’t ibang
estado ng lipunan.
3. Preserbasyon at konserbasyon ng wika, kultura at panitikang Filipino. Habang
isinasagawa ang pananaliksik sa wika at panitikang Filipino, kasabay nitong naisusulong
ang preserbasyon at konserbasyon ng panitikan at mga wika at kulturang Pilipino. Ang
mga pananaliksik na may kinalaman sa paglalarawan sa estraktura ng mga katutubong
wika, dokumentasyon, pagsasalin at pagsusuri ng mga katutubo o rehiyunal na panitikan
ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng katutubong wika at panitikan at patuloy din nitong
tinutugunan ang pangangailangan sa pagbubuo ng pambansang wika at panitikang
Filipino.
4. Nakapagpapaunlad ng pagtuturo at pagkatuto. Sa pamamagitan ng pananaliksik ay
maaaring matuklasan ang mga solusyon sa kasalukuyang suliranin na may kaugnayan sa
wika at panitikang Filipino kabilang ang komprehensiyon ng mga mag-aaral. Lumilitaw sa
huling pag-aaral na ang mga mag-aaral na Pilipino ay kabilang sa pinakamahina ang
komprehensiyon mula sa 79 bansa sa mundo. Dagdag pa rito, mababa rin ang antas ng
kawilihan ng mga mag-aaral na magbasa ng panitikan at tekstong impormatibo.
Makatutulong ang pananaliksik sa pamamagitan ng mga interbensiyon upang mapataas

Page 14 of 20
ang komprehensiyon, saloobin at kawilihan ng mga mag-aaral sa wika at panitikang
Filipino.

Mga Hamon sa Pananaliksik sa Wika at Panitikang Filipino


1. Matinding Kampanya para sa Internasyonalisasyon.
Ayon kina Taylan et al. (2016), sa panahong tumitindi ang kampanya ng
internasyonalisasyon, madalas ay naisasantabi ang sari-sariling yaman ng wika at kultura
ng mga bansa at ang pagkakaiba-iba ng mga ito dahil sa paniniwalang may iisang
pamantayang pandaigdig na nakapadron lamang sa kakayahan at katangian ng mauunlad
na bansa. Samantala, ang wika at kultura ng mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas ay laging
ipinalalagay na mababa at di-kapantay ng mga sumusulong na kalakaran sa daigdig dahil
hindi nakaaagapay sa mga pamantayang global.
Ganito man ang kasalukuyang pananaw maging sa pananaliksik, hindi dapat
kalimutan na upang matagumpay na makibahagi sa pandaigdigang integrasyon ay
kinakailangan munang kilalanin at bigyang halaga ang sariling wika at panitikan. Ang
internasyonalisasyon ay isang uri ng pakikibaka para sa mahihirap na bansa na ipakita sa
mayayamang bansa ang katangiang panlahi at pangkultura ng mga Pilipino. Mahalaga
kung gayon ang pagsasagawa ng mga pananaliksik sa wikang Filipino at panitikang
Filipino. Ang pagsasagawa nito’y makatutulong upang makilala nating lubusan ang pagka-
ako at pagka-tayo ng mga Pilipino kabilang ang mga katangiang sa Pilipino lamang at/o
mga katangiang katulad ng iba pang lahi sa mundo bilang produkto ng pakikipangasawa
at kolonisasyon. Ang mga ganitong isyu ay lumilitaw sa wika at panitikang Filipino.

2. Pag-alis sa Filipino bilang Sapilitang Kurso sa Kolehiyo


Nang ipatupad ang CMO Blg. 20, serye 2013 ng CHED kaugnay ng bagong talaan
ng mga kurso sa General Education, hindi kabilang ang kursong Filipino o wika at
panitikan. Nagprotesta ang iba’t ibang samahang pangwika at maka-Filipino sa desisyong
ito. Ayon sa CHED, hindi nawala ang Filipino bagkus, inilipat lamang ito sa Senior High
School. Iginigiit naman ng mga maka-Filipino na kahit inilipat ang Filipino sa SHS, mayroon

Page 15 of 20
pa rin itong pangangailangan sa kolehiyo. Naging mahaba ang debate at diskusyon dito at
sa huli, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng CHED kaugnay ng pag-aalis nito sa
Filipino bilang sapilitang kurso sa kolehiyo.
Dahil sa desisyong ito, nabawasan ng isang paraan para mapaunlad ang kasanayan
ng kabataang Pilipino sa wikang Filipino. Dagdag pa rito, nabawasan din ang pagkakataon
upang mapaunlad ang wikang Filipino bilang akademikong wika tungo sa
intelektuwalisasyon nito. Dahil sa desisyon, mas mababa ang tsansa na magamit ang
Filipino sa iba’t ibang larangan gaya ng pananaliksik.

3. Kakulangan ng Oportunidad
Bahagi ng kabuuang proseso ng pananaliksik ay ang pagbabahagi nito sa
pamamagitan ng mga kumperensiya at/o paglilimbag ng mga ito sa refereed journal.
Lamang, iilan ang mga kumperensiya na nakalaan para sa mga pananaliksik sa wika at
panitikang Filipino. Dagdag pa rito, karamihan sa mga kumperensiya ay higit na
tumatangkilik sa wikang Ingles kaysa Filipino dahil sa mga delegado mula sa ibang bansa
na hindi nakuunawa ng Filipino.
Sa usapin naman ng publikasyon, pinapanginoon ng mga pamantasan ang sistema
ng Clarivate Analytics, Scopus, Web of Science at iba pang journal na pawang gumagamit
ng wikang Ingles bilang batayan ng pinakamataas na uri ng publikasyon. Mayroon namang
mga publikasyon na nakasulat sa wikang Filipino. Lamang, mangilan-ilan lamang ang mga
ito kung ikukumpara sa mga journal na gumagamit ng wikang Ingles. Sa kasalukuyan, wala
pa rin sa mga journal na nakasulat sa wikang Filipino ang naka-indexed o kinikilala ng
Clarivate Analytics, Scopus at Web of Science bagamat, mayroon namang pagkilala ang
mga ito mula sa CHED.
Ayon kina Taylan et al. (2016), hindi pantay ang pagtingin sa mga lokal at
pambansang publikasyon, lalo yaong mga nasa wikang Filipino, na kung tutuusin ay
katulad lang din naman ng prosesong pinagdadaanan at maituturing na mas masalimoot
pa nga, sapagkat hindi hamak na mas mahirap bumuo ng sariling konsepto at palagay sa

Page 16 of 20
sariling konteksto kaysa simpleng hiramin na lamang at ilipat ang mga tanyag na teorya
at kaisipan ng mga dayuhang iskolar at pantas sa daigdig.
Dahil sa mga ganitong sitwasyon, malaki ang hamon na kinakaharap ng mga
mananaliksik sa wikang Filipino. Bagaman, may mababang pagtingin sa pananaliksik sa
Filipino, mahalagang itaguyod ng mga guro sa Filipino at mananaliksik sa Filipino ang
kakayahan nito bilang akademikong wika at wikang malapit ng maging intelektuwal.
Kailangang maipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga pananaliksik sa wika at panitikang
Filipino.

4. Paglitaw ng mga Maling Kamalayan at Kaisipan ukol sa kulturang katutubo at


kaalamang bayan.
May suliranin din ang mga mananaliksik sa paglitaw ng maling impormasyon
tungkol sa kulturang katutubo at kaalamang bayan. Ang Pilipinas ay produkto ng
mahabang kasaysayan ng kolonyalismo. Karamihan ng mga naunang nalimbag tungkol sa
kasaysayan, wika at kulturang Pilipino na tumagos hanggang sa panitikang Filipino ay
nakabatay sa dayuhang pamantayan. Maraming mananaliksik na ginawang tanging batis
ang mga sinaunang dokumentong isinulat ng mga dayuhan kaya naman higit na
naipalaganap ang mali-maling pananaw tungkol sa mga Pilipino.
Mayroon ding mga karanasan ang nagpapatunay na ang mali-maling
pagpapalagay tungkol sa katutubong kultura at kaalamang bayan ay bunga ng hindi
maingat na pangangalap ng datos at paglitaw ng personal na pagkiling sa pagbibigay
kahulugan sa mga datos. Dahil mali sa simula pa lamang ang gawaing pananaliksik, mali-
mali rin ang kongklusyong nalilikha mula sa mga datos. Kaya naman, minsan, ikinahihiya
pa nga ng Pilipino ang kanyang wika at panitikan.
Upang tugunan ang suliraning ito, kailangang muling suriin ang kasalukuyang
pagtingin sa mga konseptong lokal gamit mismo ang perspektibo ng lokal na komunidad
o ng grupong nagmamay-ari ng konsepto. Kailangang maglimi ang mananaliksik ng lagpas
sa mga teorya lamang upang mabigyan ng tamang kahulugan ang kanyang mga datos.
Kailangan ding ilabas ng mananaliksik ang kanyang sarili lalo na ang kanyang mga personal
na pagkiling upang maiwasan ang maling pagpapakuhulugan. Mahalaga ring magsagawa

Page 17 of 20
ang triangulation sa pangangalap ng datos at ang pagsasagawa ng balidasyon upang
masuri ng komunidad ang pagpapakahulugang isinagawa ng mananaliksik.

5. Kahinaan sa Pagpili ng Paksa


Kung tutuusin, bata pa ang mga Pilipino sa usapin ng pananaliksik. Isa ito sa mga
dahilan kung bakit nahihirapan ang mga mag-aaral at guro na magsulat at magsagawa ng
pananaliksik. Dahil sa mga ito, nakikitang may kahinaan ang karamihan sa pagpili ng wasto
at angkop na paksa. Ang kahinaan sa pagpili ng angkop na paksa ay maaaring magbunga
ng mababang pagtingin sa isasagawang pananaliksik. Ayon pa kina Taylan et.al. (2016),
kadalasan, ang isinasaalang-alang sa pagpili ng paksa ay yaong nasa saklaw ng interes ng
mananaliksik at hindi sa interes ng paksang pinag-aaralan. Kadalasan pa, higit na pinipili
ang mga paksang may kaugnayan sa kulturang dayuhan sa halip na magkaroon ng
motibasyon na linangin ang sariling kaparaanan.

6. Kakulangan ng mga Babasahin


Isa sa mga hamong pinagdaraanan ng mga mananaliksik sa wika at panitikang
Filipino ang kakulangan ng mga mapananaligang babasahin. Bukod sa kakaunti ang mga
babasahin ukol sa pananaliksik sa wika at panitikang Filipino, karamihan pa sa mga
mapananaligang datos ay hindi madaling makuha. Ang mga unibersidad tulad ng UP, UST,
ADMU, Ateneo, PNU, at iba pa ay mayroong mayamang koleksiyon ng mga aklat, journal,
pananaliksik ukol sa wika, kultura, panitikan at lipunan ng Pilipinas. Gayundin, ang NCCA
at KWF ay mayroon ding mayamang kolekisyon ng mga aklat pangwika, pangkultura
pampanitikan at panlipunan. Lamang, ang mga babasahing ito ay matatagpuan lamang sa
mga silid-aklatan, palimbagan at opisina ng mga nasabing institusyon. Ang kanilang mga
koleksiyon ng aklat ay madalas na hindi nakikita sa mga kilalang book store.
Dahil dito, kailangan ang puspusang pananaliksik at pagsusulat ng mga materyales
tungkol sa rehiyunal at/o katutubong wika at panitikang Filipino na matatagpuan lamang
sa mga lokal na silid-aklatan.

Page 18 of 20
7. Ingles bilang Lehitimong Wika
May malinaw na posisyon ang wikang Filipino at Ingles sa sistema ng edukasyon
at komunikasyon ng bansa batay sa mga tadhana ng Konstitusyon ng Pilipinas. Sa kabila
nito, halos lahat ng institusyong pang-edukasyon at pampamahalaan ay may pagkiling sa
paggamit ng Ingles bilang lehitimong wika ng karunungan at kaunlaran. Dahil dito,
karamihan ng mga komunikasyon, aklat, batas at pananaliksik sa bansa ay nakasulat sa
wikang Ingles dahil ito ang wikang higit diumanong may market. Bukod pa sa ganitong
mga pananaw ay mayroon pang mga kautusan na maka-Ingles tulad ng panukala ng
maraming kongresista na gawing Ingles ang tanging midyum ng pagtuturo sa Pilipinas.
Idagdag pa rito ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 210 ni dating Panglong Gloria Arroyo.
May hamon kung gayon sa mga guro sa Filipino at mananaliksik sa Filipino na
ipagpatuloy ang pagsusumikap na maisulat sa wikang Filipino ang mga saliksik na
isinasagawa sa anomang larangan lalo na kung wika at panitikang Filipino.

Page 19 of 20
Page 20 of 20

You might also like