You are on page 1of 11

Republic of the Philippines

Department of Education
REGION III
SCHOOLS DIVISION OF BULACAN
FORTUNATO F. HALILI NATIONAL AGRICULTURAL SCHOOL,
CAY POMBO – ANNEX
Barangay Cay Pombo, Santa Maria, Bulacan
School ID: 305572

Pangalan:___________________________________________________
Baitang/Pangkat: ____________________ Petsa: _______________

GAWAIN SA PAGKATUTO

ARALING PANLIPUNAN 10

Ikaapat na Markahan–Modyul 1: Aktibong


Pagkamamamayan

Inihanda ni:

Wenifreda J. Sumaoang
Guro I
I. Panimula
Maraming mga tao sa buong mundo ang kailanman ay hindi
nakaranas o nakasaksi sa aktibo at kritikal na pagkamamamayan.
Ang ibang mga kultura sa ilang mga bansa ay mas pinahahalagahan
ang pagsunod sa mga nasa kapangyarihan kumpara sa aktibong
pakikisangkot sa pamamahala. Ang usapin ng aktibong
pagkamamamayan ay lubhang mahalaga upang mas maimulat ang
mga tao sa kanilang gampanin at responsibilidad tungo sa kanilang
minimithing mas maunlad at progresibong lipunan.

II. Kasanayang Pampagkatuto


Naipaliliwanag ang mga katangian na dapat taglayin ng isang
aktibong mamamayan na nakikilahok sa mga gawain at usaping
pansibiko

III. Layunin
Matapos mo itong pag-aralan, makakaya mo nang:
1. Nakatutukoy ng mga katangian na dapat taglayin ng isang aktibong
mamamayan na nakikilahok sa mga gawain at usaping pansibiko;
2. Nakasusuri ng mga pagbabago sa konsepto ng
pagkamamamayan; at
3. Napahahalagahan ang papel ng isang mamamayan para sa
pagbabagong panlipunan.

IV. Talakayan
Maraming mga tao sa buong mundo ang kailanman ay hindi
nakaranas o nakasaksi sa aktibo at kritikal na pagkamamamayan.
Ang ibang mga kultura sa ilang mga bansa ay mas pinahahalagahan
ang pagsunod sa mga nasa kapangyarihan kumpara sa aktibong
pakikisangkot sa pamamahala. Ang usapin ng aktibong
pagkamamamayan ay lubhang mahalaga upang mas maimulat ang
mga tao sa kanilang gampanin at responsibilidad tungo sa kanilang
minimithing mas maunlad at progresibong lipunan. Ano ba ang ibig
sabihin ng pagkamamayan o citizenship?

2
Konsepto ng Pagkamamamayan
1. Legal na Pananaw
Ang konsepto ng pagkamamamayan o citizenship ay tumutukoy
sa kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng isang
pamayanan o estado. Tinitingnan natin ang pagkamamamayan bilang
isang legal na kalagayan ng isang indibiduwal sa isang nasyon o
estado.

Ayon kay Heywood (1994), ang pagkamamamayan ay tumutukoy


sa ugnayan sa pagitan ng mga indibiduwal at ng estado, na kung
saan ang dalawa ay pinagbigkis ng reciprocal na karapatan at
pananagutan. Malinaw na inilalahad sa Artikulo IV ng Saligang Batas
ng 1987 kung sino ba ang maituturing na tunay na mamamayang
Pilipino.

Artikulo IV: Pagkamamamayan


Seksiyon 1. Ang sumusunod ay mamamayan ng Pilipinas:
1) yaong mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagpapatibay
ng Saligang Batas na ito;
2) yaong ang mga ama o mga ina ay mamamayan ng Pilipinas;
3) yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang
mga ina ay Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino
pagsapit sa karampatang gulang; at
4) yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.

Seksiyon 2. Ang katutubong inianak na mamamayan ay yaong


mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang
kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o
malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga
nagpasiya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksiyon 1,
Talataan 3 nito ay dapat ituring na katutubong inianak na
mamamayan.

Seksiyon 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring


mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas.

3
Seksiyon 4. Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan
ng mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan,
matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing,
sa ilalim ng batas, na nagtakwil nito.

Seksiyon 5. Ang dalawang katapatan ng mamamayan ay salungat


sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.

Batay naman sa Republic Act No. 9225 o Citizenship Retention


and Re-acquisition Act of 2003, ang mga dating mamamayang
Pilipino na naging mamamayan ng ibang bansa sa pamamagitan ng
naturalisasyon ay maaaring maging mamamayang Pilipino muli. Siya
ay magkakaroon ng dalawang pagkamamamayan (dual citizenship).

Dalawang Uri ng Mamamayan


1. Likas o Katutubo- anak ng Pilipino, parehong mga magulang o
alinman
2. Naturalisado- dating dayuhan na naging mamamayang Pilipino
dahil sa proseso ng naturalisasyon

Mga Prinsipyo ng Pagkamamamayan


1. Jus sanguinis. Ang pagkamamamayan ng isang tao ay nakabatay
sa pagkamamamayan ng isa sa kaniyang mga magulang. Ito ang
prinsipyong sinusunod sa Pilipinas.
2. Jus soli. Ang pagkamamamayan ay nakabatay sa lugar kung saan
siya ipinanganak. Ito ang prinsipyong sinusunod sa Amerika.

Pagkawala ng Pagkamamamayang Pilipino


Sa kabila nito ay maaaring mawala ang pagkamamamayan ng
isang indibiduwal. Unang dahilan ay kung siya ay sasailalim sa
proseso ng naturalisasyon sa ibang bansa. Ang ilan sa mga ito ay ang
sumusunod:
a. ang panunumpa ng katapatan sa Saligang Batas ng ibang bansa;
b. tumakas sa hukbong sandatahan ng ating bansa kapag may
digmaan; at
c. nawala na ang bisa ng naturalisasyon.

4
2. Lumawak na Pananaw
Sa patuloy na pagbabago ng ating lipunan, patuloy din na
lumalawak ang konsepto ng pagkamamamayan. Isa sa mga
pinakamahalagang aspekto ng pagkamamamayan sa kasalukuyan ay
ang pagkakabuklod-buklod ng mga tao tungo sa ikabubuti ng kanilang
lipunan. Ang kanilang pagtugon sa mga tuntunin at tungkuling
inaasahan mula sa kanila ay mahalaga para sa ikatatamo ng
kabutihang panlahat.

Ang mamamayan ngayon ay hindi tagasunod lamang sa mga


ipinag-uutos ng pamahalaan sapagkat wala namang monopolyo ang
pamahalaan sa mga patakarang ipatutupad nito sa isang estado. Ibig
sabihin, hinihikayat ang kanilang aktibong pakikipag-ugnayan at
pakikipagdiyalogo upang bumuo ng isang kolektibong pananaw at
tugon sa mga hamon at usaping kinakaharap ng pamayanan o bansa.

Maaaring maging aktibo ang mga indibiduwal sa kani-kanilang


mga pamayanan sa iba’t ibang mga paraan. Pinipili ng ilan na
makialam sa isyu at usaping tuwirang nakaaapekto sa kanilang buhay
sa lokal na antas samantalang ang ilan naman ay gustong
makapagdulot ng pagbabago sa mga usaping may pandaigdigang
saklaw.

Ang isang aktibong mamamayan ay hindi lamang nalilimitahan sa


pagsunod sa mga batas at hindi pagsuway dito. Sa ilang mga
pagkakataon ay sinusubok nila ang mga panuntunan at mga umiiral
na istruktura, ngunit palagiang nananatili sa mga hangganan ng mga
demokratikong pamamaraan at hindi nakikisangkot sa mga gawaing
mararahas. Niyayakap nila ang mga pagpapahalagang nakaugat sa
aktibong pagkamamamayan kabilang ang paggalang sa katarungan,
demokrasya, at pananaig ng batas (rule of law); pagiging bukas
(openness); pagpaparaya (tolerance); lakas ng loob na ipagtanggol
ang isang pananaw; at may pagnanais na makinig, makipagtulungan
at manindigan para sa iba.

5
Noong Agosto 19, 1939, kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-61
taon ng kaniyang kaarawan, nagpalabas ang Pangulong Manuel L.
Quezon ng Atas Tagapagpaganap Blg. 217 (Executive Order No.
217) ng mga panuntunang sibiko at etikal- na tinatawag na Kodigo
ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal- na ituturo sa lahat ng
mga paaralan. Ang mga aral ng nasabing kodigo ay nananatiling
buhay at mahalaga sa kasalukuyang panahon.
1. Magtiwala ka sa Poong Maykapal na gumagabay sa kapalaran ng
mga tao at mga bansa.
2. Mahalin mo ang iyong bayan sapagkat ito ang iyong tahanan,
pinagmumulan ng iyong pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan
at pagiging tao. Ang pagtatanggol sa bayan ang pangunahin mong
tungkulin. Maging handa sa lahat ng oras na
magpakasakit at ialay ang buhay kung
kinakailangan.
3. Igalang mo ang Saligang Batas na
nagpapahayag ng makapangyarihang
kalooban. Itinatag ang Saligang Batas para sa
iyong kaligtasan at sariling kapakanan. Sundin
ang mga batas at tiyaking sinusunod ito ng
lahat ng mamamayan at tumutupad sa kanilang
tungkulin ang mga pinuno ng bayan.
4. Kusang magbayad ng mga buwis at maging maluwag sa kalooban
ang maagap na pagbabayad nito. Alalahaning ang
pagkamamamayan ay hindi lamang mga karapatan ang taglay kung
hindi maging mga pananagutan din.
5. Panatilihing malinis ang halalan at sumunod sa pasya ng
nakararami.
6. Mahalin at igalang ang iyong mga magulang. Paglingkuran mo
silang mabuti at pasalamatan.
7. Pahalagahan mo ang iyong karangalan gaya ng pagpapahalaga
mo sa iyong buhay. Ang karalitaang may dangal ay higit na mahalaga
kaysa yamang walang karangalan.
8. Maging matapat sa pag-iisip at sa gawa. Maging makatarungan at
mapagkawanggawa, ngunit marangal sa pakikitungo sa kapwa.

6
9. Mamuhay nang malinis at walang pag-aaksaya. Huwag maging
maluho at mapagkunwari. Maging simple sa pananamit at kumilos
nang maayos.
10. Mamuhay na gaya ng inaasahan sa iyo ng marangal na tradisyon
ng ating lahi. Igalang ang alaala ng ating mga bayani. Ang kanilang
buhay ay halimbawa ng daan tungo sa tungkulin at karangalan.
11. Maging masipag. Huwag ikatakot o ikahiya ang pagbabanat ng
buto. Ang pagiging masipag ay daan tungo sa isang matatag na
kabuhayan at sa yaman ng bansa.
12. Umasa sa iyong kakayahan sa pag-unlad at kaligayahan. Huwag
agad mawawalan ng pag-asa. Magsikap upang makamit ang
katuparan ng iyong mga layunin.
13. Gampanang maluwag sa kalooban ang iyong mga tungkulin. Ang
gawaing hindi maayos ay higit na masama sa gawaing hindi tinapos.
Huwag ipagpabukas ang gawaing maaari mong gawin ngayon.
14. Tumulong sa kagalingan ng iyong pamayanan at palaganapin ang
katarungang panlipunan. Hindi ka nabubuhay na nag-iisa kapiling ang
iyong mag-anak lamang. Bahagi ka ng isang lipunang
pinagkakautangan ng pananagutan.
15. Ugaliin ang pagtangkilik sa sariling atin at sa mga kalakal na gawa
rito sa atin.
16. Gamitin at linangin ang ating likas na yaman at pangalagaan ito
para sa susunod na salinlahi. Ang mga kayamanang ito ay minana pa
natin sa ating mga ninuno. Huwag mong gawing kalakal ang iyong
pagkamamamayan.

Mahalagang bahagi ng ating pagka-Pilipino ang aktibo nating


pakikilahok sa mga isyu at hamong ating kinakaharap. May
magagawa tayo bilang mga aktibong mamamayan ng bansa upang
patuloy na mapabuti at mapa-angat ang antas ng ating pamumuhay.

V. Mga Gawain
A. Pinoy Ako
Panuto: Basahin ang sumusunod na sitwasyon. Isulat sa papel ang
NT kung ang pagkamamamayang Pilipino ay natamo, NW kung
nawala at MMT naman kung muling matatamo.

7
1. Ako si Irvin, ipinanganak sa Nueva Ecija. Ang ama ko ay Pilipino,
Tsino naman ang aking ina. Ang aking pagkamamamayang Pilipino
ay _________.
2. Ako ay si Lorenz. Sumapi ako sa Hukbong Sandatahan ng
Amerika. Ang aking pagkamamamayang Pilipino ay _____.
3. Ako ay si Lianne. Ang tatay at nanay ko ay Kapampangan. Ang
aking pagkamamamayang Pilipino ay _____.
4. Ako si Marisse. Nakapag-asawa ako ng taga-Canada at doon na
kami naninirahan. Ang aking pagkamamamayang Pilipino ay _____.
5. Ako si Juvy ay naging mamamayang British. Nagbalik-bayan ako at
gusto kong maging Pilipino muli. Nagharap ako ng kahilingan sa
hukuman at pinagtibay ito ng Kongreso. Ang aking
pagkamamamayang Pilipino ay _____.

B. Tukoy-Salita
Panuto: Basahing mabuti ang mga pahayag. Tukuyin kung anong
salita ang inilalarawan ng mga pangungusap. Piliin mula sa kahon
ang salitang naglalarawan sa mga sumusunod. Isulat sa papel ang
iyong sagot.

jus sanguinis naturalisasyon


jus soli Saligang Batas
pagkamamamayan legal na pananaw
______1. Ito ay tumutukoy sa kalagayan o katayuan ng isang tao
bilang miyembro ng isang pamayanan o estado.
______2. Ito ang kasulatang naglalahad kung sino-sino ba ang
maituturing na mga mamamayang Pilipino.
______3. Ito ang prinsipyo ng pagkamamamayang nakabatay sa
citizenship ng alinman sa kaniyang mga magulang.
______4. Ito ang prinsipyo ng pagkamamamayang nakabatay sa
lugar kung saan siya ipinanganak.
______5. Ito ay tumutukoy sa legal na paraan kung saan ang isang
dayuhan na nais maging mamamayan ng isang bansa ay sasailalim
sa isang proseso sa korte.

8
C. Gusto Ko, Happy Ka!
Panuto: Gumuhit ng masayang mukha ( ) kung tama ang
ipinahahayag ng sumusunod na pangungusap at malungkot na
mukha ( ) naman kung mali. Isulat ang sagot sa isang papel.
______1. Mula pa man noong unang panahon, hindi nagbabago ang
konsepto ng pagkamamamayan.
______2. Upang masabing aktibong mamamayan ang isang
indibiduwal, kinakailangan ang pikit-matang pagsunod sa lahat ng
panuntunan at alituntuning inilalatag ng pamahaalan.
______3. Mahalaga ang kolektibong pagtugon ng pamahalaan at ng
mga mamamayan nito sa mga kritikal na isyung kinakaharap ng
lipunan o estado.
______4. Ang pagpuna sa mga isyu ng korapsiyon at pang-aabuso sa
kapangyarihan ay mahalagang elemento ng pagiging isang aktibong
mamamayan.
______5. Ang isang kabataan tulad mo ay may mahalagang papel na
dapat gampanan sa ikapagtatamo ng bansa ng kabutihang panlahat.

VI. Pagtataya

Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang bawat bilang. Isulat sa


papel ang letra ng tamang sagot.
1. Ang kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng isang
pamayanan o estado ay mas kilala bilang:
A. karapatang pantao C. gawaing pansibiko
B. pagkamamamayan D. mabuting pamamahala
2. Saang bahagi ng Saligang Batas ng 1987 ipinaliliwanag ang mga
probisyon ukol sa mga tunay na mamamayang Pilipino?
A. Artikulo 7 C. Artikulo 5
B. Artikulo 6 D. Artikulo 4
3. Dahil ang ama ni Marlon ay Pilipino, Pilipino rin siyang maituturing.
Ito ay sumusunod sa prinsipyo ng:
A. jus soli C. jus naturale
B. jus civile D. jus sanguinis

9
4. Dahil sa United States of America ipinanganak si Diego, lumalabas
na siya ay mamamayang Amerikano. Ito ay sumusunod sa prinsipyo
ng:
A. jus soli C. jus naturale
B. jus civile D. jus sanguinis
5. Nagpalabas si Pangulong Manuel L. Quezon noong 1939 ng mga
panuntunang sibiko at etika na ituturo sa lahat ng mga paaralan sa
bisa ng Executive Order No. 217. Ito ay kilala sa tawag na:
A. Kodigo ng Pagka-Pilipino at Kabutihang Asal
B. Kodigo ng Pagkamamamayan at Kabutihang Asal
C. Kodigo ng Pagkamakabayan at Kagandahang Asal
D. Kodigo ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal

VII. Pagnilayan

Bilang isang mag-aaral at mamamayang Pilipino, paano ka


makatutulong sa paglago at pag-unlad ng bansang kinabibilangan
mo?
____________________________________________________
_______________________________________________________
_______________________________________________________
_______________________________________________________
_______________________________________________________

Susi sa Pagwawasto

A. PINOY AKO
1. NT 4. NW
2. NW 5. MMT
3. NT

B. TUKOY- SALITA
1.Pagkamamamayan
2.Saligang Batas

10
3.Jus Sanguinis
4.Jus Soli
5.Naturalisasyon

C. GUSTO KO HAPPY KA!


1. 4.
2. 5.
3.

PAGTATAYA
1. B 4. A
2. D 5. D
3. D

VIII. Mga Sanggunian


K to 12 Gabay Pangkurikulum sa Araling Panlipunan 10. 2017. 1st ed.
Pasig City:Department of Education.

K to 12 Kagamitang Pang-Mag-Aaral sa Araling Panlipunan 10: Mga


Kontemporaryong Isyu at Hamong Panlipunan. 2017. 1st ed. Pasig
City: Department of Education.

11

You might also like