Professional Documents
Culture Documents
Filipino - Dugo Ni Juan Lazaro by Rogelio Ordonez
Filipino - Dugo Ni Juan Lazaro by Rogelio Ordonez
ni Rogelio L. Ordoñez
Bawat nilalang ay hindi isang pulo sa kanyang sarili. Nararapat lamang na makilala
niya ang kanyang pananagutan sa kapwa.
“Mga ‘Adre. . . malapit na!” saglit na nangingibabaw sa hugong ng mga makina ang
tinig na iyon.
Iginala ni Mando ang kanyang tingin. Matitigas at may ipinahahayag ang mukha ng
kanyang mga kasamahan. Nasisinag niya ang damdaming naghahari sa mga ito –
nag-aalab, nagpupumiglas, naghihimagsik. At sa mga mata nila, naroroon ang
kapasiyahang mahirap mabali, ang paninindigang mahirap igupo. Ngunit sa kanya,
ang paghihimagsik na nadarama niya ay hindi kawangis ng paghihimagsik na
ipinahahayag ng matitigas na mukha ng kanyang mga kasamahan.
Batid niya kung bakit huminto ang mga iyon, kung bakit ang makina niya lamang ang
nagpapatuloy sa paghugong. Alam din niya kung ano nang oras, kahit hindi niya
tinitingnan ang malaking orasan. Ikadalawa’t kalahati na ng hapon. Sapagka’t ang
oras na yaon ang paghinto ng mga makina, ang patuloy na paghugong ng makina niya,
ay bahaging lahat ng paghihimagsik na nadarama niya, ng magugulong patlig ng
alaala, ng nagpupumiglas na kapasiyahang kangina pa ay hindi niya maitatwa.
Muling iginala ni Mando ang kanyang tingin. Isa-isang nagsitindig ang kanyang mga
kasamahan sa harap ng kani-kanilang makina gayong hindi pa oras. Bawat isa, bago
lumabas sa bilangguang iyon ng mga makina, ay nag-iiwan sa kanya ng sulyap na
may lakip na pagbabanta.
“Adre, matigas ang ulo mo!” si Kadyo ang sumisigaw na siyang puno ng aklasang
iyon na matagal na nilang binalak isagawa. “Ikaw ang bahala, ‘Adre. . . ayaw mong
makisama!”
Saglit na tila nawala sa sarili si Mando. Ngunit batid niya, nadarama niya, natitiyak
niya na ang kapasiyahang matagal niyang nililimi ay mahirap ding mabali, katulad ng
kapasyahan nila na ipinamamarali ng mga mata, inihahantad ng matitigas na mukha.
Naudlot si Mando nang may tumapik sa kanyang balikat. Nakatayo sa tabi niya ang
tagapamahala ng pabrika ng tela. Pinahinto ni Mando ang kanyang makina.
“Hindi ka sumama sa kanila?” sabi ng tagapamahala.
“Magtatrabaho ka pa?”
Katahimikan.
Natatakot siya sa larawang iyon: nanlilisik na mga mata na nakapako sa kanya, mga
malalamang bisig na handing ipadama sa katawan niya ang kinukulob na ngitngit. At
humiwa sa diwa niya ang talim ng dila ni kadyo.
“Agrab’yado tayo,” sabi ni kadyo isang hapong lumalabas silang mga trabahod ng
pabrikang iyon ng tela. “Basta maraming pumipido kahit Linggo, pinagtratrabaho
tayo. Kalimitan, lampas na sa oras, ayaw pa tayong pauwiin… kakarampot naman
ang inuumento sa sahod natin.”
Dumahak si Kadyo.
Nguni’t kahit may katwiran si Kadyo, ipinasya ni Mandong hindi siya sasama,
magwelga man sina Kadyo. Natatakot siyang mawalan ng gawain. Siya lamang ang
inaaasahan ng kanyang asawa at tatlong anak.
Kanginang umaga, bago sila pumasok sa pabrika, tiniyak niya sa sarili na talagang
hindi siya sasama kina Kadyo. Nasa katwiran sina kadyo, alam niya. At alam din
niyang makatarungan para kina Kadyo ang hindi pagsanib sa aklasan.
May pamilya si Kadyo. Bihira ang walang pamilya sa mga trabahador na sumama
kay Kadyo upang mag-aklas. At gaya niya, ang mga iyon ang inaasahan ng kani-
kanilang pamilya. E, ano sa kanya? Bakit niya iintindihin si Kadyo at ang mga
trabahador na iyon?
Lumabas si Mando. Malayo pa siya sa pinto ng pabrika natanaw na niya ang mga
nagsipag-aklas. May mga tangan nang karatula ang mga ito, nakapako ang mga tingin
sa kanya, at waring siya ang inaabangan.
Higit na ganap ngayon ang nakatatakot na larawang iyon. Naroroon. Hindi Malabo,
hindi hungkag: mga nanlilisik na mata, mga malamang bisig na handing ipadama sa
katawan niya ang kinukulob na ngitngit. Ngunit ngayon, hindi sapat iyon upang
baliin ang kanyang kapasiyahan, upang igupo ang kanyang paninindigan.
Ngayon pa lang ibinigay na sa kanya ang hinihingi nina Kadyo, isang iglap lamang?
“Mando… saglit lang!” Si Kadyo ang sumigaw. Ibinadha ng mukha nito ang
tinitimping galit. Ang kalamnan ng bisig nito ay nag-aalpas sa pagkakabilanggo sa
maitim na balat.
Hindi pa napapawi ang alingawngaw ng tinig ni Kadyo, tila hayok na mga asong
dinaluhong ng mga trabahador si Mando. At naramdaman niya ang matinding palo,
suntok, dagok, kadyot.