You are on page 1of 2

Saint Pedro Poveda College

Grade School Department


HEKASI 5

Handout bilang 7

Mga Patakarang Pangkabuhayan ng mga Espanyol sa Pilipinas

Ang pananakop ng mga Espanyol ay nagdulot ng pagbabago sa buhay ng mga Pilipino. Marami silang
ipinatupad na mga patakaran sa kolonya. Dahil gusto ng mga Espanyol na mapakinabangan ang likas na yaman
at yamang tao ng Pilipinas, nagpatupad sila ng mga patakarang pangkabuhayan. Ang mga patakarang ito ay
nagpayaman sa mga Espanyol ngunit naging dahilan ng paghihirap ng mga Pilipino.

Buwis o Tributo

Ang buwis ay salaping sinisingil para magamit sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Ito ay dapat gamitin
para sa pagpapanatili ng kaligtasan ng bansa at sa pagpapatayo ng mga paaralan, hospital at iba pang
imprastruktura gaya ng mga tulay at daan. Dati ay 8 reales (katumbas ng piso ngayon) ang buwis na kailangan
bayaran sa loob ng isang taon.

Ang patakarang ito ay hindi na bago sa mga Pilipino dahil ginagawa na nila ito noon sa mga datu ng
barangay. Gayunpaman, ito ay naging instrumento ng pang-aapi ng mga Espanyol sa mga Pilipino.

Maganda ang layunin ng mga Espanyol sa paniningil ng buwis pero nagpagalit at nagpahirap lamang sa
ating mga ninuno ang pang-aabuso ng mga nangongolekta ng buwis dahil madalas ay sobra silang maningil at
ang buwis na dapat ay magamit para sa mga mamamayan ay napupunta lamang sa bulsa ng mga sakim na
opisyal ng pamahalaan.

Bandala

Sapilitang binibili ng mga Espanyol ang mga produkto ng mga magsasaka. Sistemang bandala ang
tawag dito. Ang mga produkto ay binibili ng pamahalaan sa murang halaga. Madalas ay hindi pa nababayaran.

Sistemang Kasama

Sa sistemang kasama, ang may-ari ng lupain ay kadalasang Espanyol. Tinatawag siyang haciendero. Ang
lupang sakahan lamang ang kontribusyon ng haciendero. Ang kasama o magsasakang magtatanim sa lupain
ang gagastos para sa kagamitan, hayop at pataba sa pagsasaka. Madalas, pagdating ng anihan, mas maliit ang
kita ng kasama kahit na siya ang naghirap sa pagsasaka.

Polo o Sapilitang Paggawa

Isa pang patakarang ipinatupad ng mga Espanyol ay ang polo o sapilitang paggawa. Sa patakarang ito,
pilit na pinagtatrabaho ang mga lalaking 16 hanggang 60 taong gulang. Polista ng tawag sa mga lalaking
nagtatrabaho para sa pamahalaan. Kailangan nilang magsilbi sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng
mga tulay, simbahan, at paggawa ng mga malalaking barko sa loob ng 40 araw.

Makaliligtas lamang sa polo ang isang Pilipino kung kaya niyang magbayad ng falla. Ang falla ang multa
kapalit ng kanyang hindi paglilingkod. Pero dahil sa kahirapan ay konti lamang ang nakakapagbayad ng falla.

Maraming mga polista ang nahiwalay sa kanilang mga pamilya dahil sa pagtatrabaho sa malalayong
lugar. Napabayaan din ng mga lalaki ang pagsasaka dahil kasabay ng Polo ang panahon ng pagtatanim at
anihan.

Kalakalang Galyon

Bago dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ay nakikipagkalakalan na ang mga Pilipino sa ibang bansa.
Malayang nakakapasok sa ating bansa ang mga produkto mula sa China, Japan, India at iba pang bansa sa
Asya. Naging sentro ng kalakalan ng Asya ang Maynila dahil sa magandang lokasyon nito. Nang matuklasan ito
ng mga Espanyol ay ipinahayag nila ang pagbubukas ng daungan ng Maynila para sa kalakalang galyon.
Ang galyon ay isang malaking sasakyang-dagat ng mga Espanyol. Isinasakay sa mga galyon ang mga
producto mula sa Maynila patungong Acapulco, Mexico at pabalik. Nakilala rin itong kalakalang Maynila-
Acapulco (Manila-Acapulco Trade). Ang kalakalang ito ay monopolyo ng pamahalaan. Hindi maaaring sumali
ang ibang mga bansa sa kalakalan maliban sa Maynila at Mexico.

Konti lamang ang nakinabang sa Kalakalang Galyon – mga mayayamang Espanyol at mga opisyal ng
pamahalaan. Dahil sa pagiging abala sa Kalakalang Galyon hindi na napansin ng mga opisyal ang pagpapatakbo
ng pamahalaan.

Monopolyo ng Tabako
Ang ibig-sabihin ng monopolyo ay isang tao o grupo lamang ang may kontrol sa isang bagay. Sa
monopolyo ng tabako, nasa kontrol ng pamahalaan ang pagtatanim ng tabako. Tabako lamang ang pwedeng
itanim sa mga lalawigan ng Cagayan, Nueva Ecija, Marinduque at Ilocos. Nagdidikta ang pamahalaan ng kota
na dapat anihin ng mga pamilyang nagtatanim ng tabako. May mga multa ang mga nagtatanim na hindi aabot
sa kota ng tabako. Sa pamahalaan lang pwedeng ibenta ang mga tabako at ang presyo ng pamahalaan ang
susundin imbis na ang nagtanim ang magbibigay ng presyo.
Malaking pera ang nakuha ng pamahalaan sa monopolyo ng tabako pero marami rin itong ‘di mabuting
epekto.
Masyadong mababa ang presyo ng pagbili ng pamahalaan ng mga tabako at minsan ay hindi pa
nababayaran ang mga magsasaka. Nagkaroon din ng kakulangan sa pagkain dahil pinilit ng pamahalaan ang
mga Pilipino na magtanim lamang ng tabako.

Kung susuriing mabuti ay magaganda naman ang hangarin ng mga patakarang pangkabuhayan ng mga
Espanyol. Nais ng mga ito na magkaroon ng salapi ang pamahalaan upang magamit para sa bayan. Ang naging
problema nga lang ay ang kasakiman ng mga Espanyol, imbis na magamit ang salapi para sa bayan ay ginamit
ito para sa kani-kanilang personal na interes.

Mga Sanggunian:
Lakbay ng Lahing Pilipino 5
Pilipinas 5

You might also like