You are on page 1of 5

Page 1 of 5

ESPIRITU, Danielle Torrance Y. Ika – 12 ng Pebrero, 2021

Filipino 2 – 12ABM11 Instruktor: John Carlo Santos

Ang panayam ni Emmanuel De Dios na pinamagatang, “Pambansang Wika Tungo sa

Pambansang Ekonomiya,” at ang akda ni Pamela C. Constantino na pinamagatan namang,

“Wika Bilang Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa tungo sa Pangkaisipan at Pang-

ekonomikong Kaunlaran,” ay naglahad ng mga nagkakaparehong ideya para sa iisang layunin

– ang pagpapaunlad sa pag-aaral at pagtuturo ng wika tungo sa pangkaisipan at pang-

ekonomikong kaunlaran ng bansa. Gayunpaman, mayroon ding pagkakaiba ang dalawa,

lalong-lalo na sa kanilang mga nabanggit na solusyon sa mga suliraning pangwika sa

larangan ng ekonomiks na kinakaharap ng bansa.

Ang paksa ng akda ni Constantino ay ukol sa wika bilang isang panlipunang

penomenon sapagkat nagiging makabuluhan ang pag-aaral nito kung ito ay iuugnay sa

lipunan. Ayon sa kanya, ang wika ay isang kasangkapan para sa kaunlaran ng pag-iisip na

pang-indibidwal at panlipunan na magsisilbing instrumento tungo sa pagkakaisa at

pakikisangkot ng mga mamamayan sa mga usaping pang-ekonomiya ng bansa. Bagamat iba

ang paksa ni De Dios sa kanyang panayam, na paano mapapadali ang pagtuturo ng

ekonomiks sa mga mamamayan, maipag-uugnay itong dalawa sapagkat pareho silang nag-

ulat ng solusyon ukol sa kaunlaran ng pag-aaral at pagtuturo ng katutubong wika sa larangan

ng ekonomiks.

Bago talakayin ang kanilang mga nabanggit na solusyon, nag-ulat din ang mga may-

akda ng iba’t-ibang suliranin ukol dito sapagkat ang suliranin sa wika ay suliranin sa pag-

unawa kung kaya’t nagkakaroon din ng kahirapan sa pag-unawa ng ekonomiks. Ang mga

suliraning kanilang tinalakay ay ang mga sumusunod: (1) naghahati sa lipunan, (2) dahilan

ng pananamantala at paglilinlang, at (3) nakasalin ang mga materyales sa wikang banyaga.

Una, kanilang tinalakay ang paghahati ng mga miyembro ng lipunan nang dahil sa

wika at ang nagiging epekto sa mahirap na pag-unawa sa ekonomiks. Ang ekonomiks ay

isang napaka-abstraktong disiplina ayon kay De Dios. Higit na hindi nauunawan ang

konsepto nito dahil sa maling pagkakaunawa ng karamihan, kung kaya’t walang matatag na
Page 2 of 5

ideya sa kalaliman nito. Hindi lang iyan, halos lahat ng materyales o mga libro ukol sa

ekonomiks ay nakasalin sa wikang banyaga. Gayunpaman, ang mga bourgeoisie, ang mga

mayayaman o elit, ay nakatatanggap ng mataas na edukasyon kung kaya’t marunong silang

gumamit at umunawa ng wikang banyaga. Dahil dito, higit na lumalawak ang kanilang pag-

unawa sa pagtakbo ng ekonomiya. Kumpara sa mga mahihirap na katutubong wika ang

gamit, higit na may kaalaman ang mga elit, kung kaya’t nagkakaroon ng paghahati sa dalawa.

Nabubuo ang iba’t-ibang estado ng social status na naghahati sa mga miyembro ng lipunan.

Ang isa pang halimbawa ng paghahati sa lipunan ay ayon sa ideya ni De Dios na sa

ekonomiks, mayroong pagtatalo sa tradisyon at kaisipan kung kaya’t hindi nagkakaroon ng

iisang turo.

Pangalawa, ang wika ay nagiging dahilan din ng pananamantala, gayundin sa

ekonomiks; ang mga taong may kakulangan sa pag-unawa o kaalaman ukol rito ay maaaring

maging biktima ng paglilinlang. Sa halimbawa ni Constantino, maaaring

mapagsamantalahan ang mga trabahador sa isang factory dahil ang kontrata na may

patungkol sa kanilang trabaho ay nakasalin sa wikang banyaga; hindi nila mauunawan ang

kanilang mga karapatan at pribiliheyo. Maaari itong iugnay sa puntong nabanggit ni De Dios

na nawawalan ng kahulugan ang demokrasya kung walang kaalaman ang mga mamamayan

sa layon at epekto ng mga patakaran ng pamahalaan. Tulad ng saad ni Joan Robinson, isa sa

mga taong inulat ni De Dios sa kanyang panayam, “Kailangang mag-aral ng economics upang

maiwasang malinlang ng mga ekonomista.” Sa nabanggit na halimbawa ukol sa mga trabahador,

napipigilan ang kanilang kalayaang mag-desisyon dahil maaaring hindi nila nauunawan ang

kontrata kung kaya’t maaari silang mapagsamantalahan.

Ang ikatlo, suliranin din ang pagkakasalin ng mga materyales ukol sa ekonomiks sa

wikang banyaga. Ating balikan ang halimbawa ukol sa mga trabahador ng isang factory kung

saan maaaring hindi nila maunawaan ang kontrata ukol sa kanilang mga karapatan at

pribiliheyo bilang mga trabahador. Gayundin sa larangan ng ekonomiks; karamihan ng mga

teksto patungkol dito ay gumagamit pa rin ng mga banyagang salita kahit na nakasulat sa

Filipino. Ito ay nangangahulugan na kinakailangan ng sistemang pang-ekonomiya na para sa

bansa lamang sapagkat iba ang kultura at ang struktura ng lipunan ng Pilipinas.

Bagamat naglahad ng solusyon si Constantino, hindi ito konkreto. Kanya lamang

isinaad ang dapat gawin, at hindi kung paano ito isasakatuparan. Sa kabilang banda, nag-ulat
Page 3 of 5

si De Dios ng mga detalyadong hakbang kung paano maisakakatuparan ang mga inulat na

solusyon. Ang mga inilahad na solusyon ng mga may-akda ay naipag-uugnay.

Ayon kay Constantino, ang paggamit ng katutubong wika upang turuan ang isang

indibidwal ay higit na epektibo sa kognitibong pag-unlad; hinuhubog nito ang pagiging

malikhain at malalim na pag-iisip ng isang indibidwal. Makakatulong ito sa iba’t-ibang aspeto

tulad ng kaunlarang pang-edukasyon, pampolitika, pansosyal, at pang-ekonomiko ng bansa.

Gayundin sa mga miyembro ng lipunan; kung mayroon silang matatag na pundasyon sa

kanilang katutubong wika, matitiyak na magiging matatag din ang kanilang katangiang

moral, sosyal, pulitikal, edukasyonal at ekonomiko na tutulong sa pagpapatibay ng

pagpapahalagang panlabas ng bansa. Kung gayon, magiging kapaki-pakinabang sila sa

lipunan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pakikisangkot tungo sa kaunlaran ng bansa. Ang

mga inilahad na solusyon ni Constantino ay nabigyan ng konkretong hakbang ni De Dios

kung paano ito maisakakatuparan.

Una, isinaad niya na dapat ang pag-aaral ay magsimula sa pagbabago ng mga

institusyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga sinauna at/o bagong kasaysayang

pangkabuhayan. Nais ipahayag ng may-akda na sa paggawa ng mga bagong termino o

konsepto, hindi dapat ito lumayo sa natural na wika ng mga mamamayan sapagkat

nabibilang dito ang mga karaniwang tao at ang mga walang gaanong kaalaman sa ekonomiks.

Nang ito ay maisakatuparan, ikalawa, ang mga bagong teksto ay ang magbabago sa

paglaganap ng kaalaman ukol sa ekonomiya.

Ikatlo, dapat magtipon at magtulungan ang mga dalubhasa sa ekonomiks,

matematika, wika, at iba pa upang mapagkasunduan ang mga tamang pagsasalin ng mga

termino sa ekonomiks. Nang sa gayon, ito’y magiging makabuluhan at naaayon sa kapasidad

ng mga nais turuan.

Ang huli, ang ikaapat, kailanganag maisalin at maisulat ang ekonomiks sa paraan na

malapit sa puso ng mga mamamayan.

Nagwakas ang mga ideya ng mga may-akda sa iisang punto: dapat mayroong matatag

na pundasyon ang bansa sa kanilang katutubong wika, higit na sa larangan ng ekonomiks

bilang isang disiplina. Tulad ng ideya ni Constantino na ang wika ay itinuturing na lamang

isang pangkaraniwang kasangkapan at hindi ito nabibigyan ng pansin, idiniin din ni De Dios
Page 4 of 5

na hindi rin nabibigyang pansin ng mga unibersidad ang mga pag-aaaral sa matematika at

estadistika bilang panlahatang edukasyon na isa ring suliranin ng wika.

Ang pambansang wika ay hindi lamang isang simbolo, kundi ito ay isang

kasangkapan para sa kaunlaran ng indibidwal bilang miyembro ng lipunan. Kung

magkakaisa ang mga mamamayan, wika ang mag-uugnay sa lahat patungo sa kaunlaran ng

bawat isa upang makisangkot sa pag-aaral at kaunlaran ng ekonomiya ng bansa.


Page 5 of 5

Bibliograpiya

Constantino, Pamela. “Wika Bilang Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa Tungo sa


Pangkaisipan at Pang-ekonomikong Kaunlaran.” Sa Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan
nina Pamela Constantino at Monico Atienza. University of the Philippines Press, 1996. 61-68.

De Dios, Emmanuel. “Pambansang Wika Tungo sa Pambansang Ekonomiya.” Sa Mga Piling


Diskurso sa Wika at Lipunan nina Pamela Constantino at Monico Atienza. University of the
Philippines Press, 1996. 267-278.

You might also like