You are on page 1of 2

ANG KONGRESO NG MALOLOS AT DEKLARASYON NG KASARINLAN NG MGA PILIPINO

Noong Mayo 19, 1898, dumating si Aguinaldo sa Pilipinas mula Hong Kong sakay ng bapor ng
mga Amerikano na McCulloh ayon na rin sa utos ni Komodor George Dewey na siyang pinuno ng plota
ng mga Amerikano sa Silangan. Nagpulong ang dalawa sa barkong Olympia sa baybayin ng Cavite kung
saan ipinahayag ni George Dewey na ang tanging layunin ng mga Amerikano sa Pilipinas ay tulungan
itong makalaya sa mga Espanyol. Napaniwala si Aguinaldo na maganda ang layunin ng mga Amerikano
kaya agad niyang pinulong ang mga rebolusyonaryong Pilipino na matagal nang naghihintay sa kaniyang
pagbabalik. Noong Mayo 24, 1898, itinatag ni Aguinaldo ang isang pamahalaang diktatoryal na ang
layunin ay muling mapag-isa ang mga rebolusyonaryo sa ilalim ng isang pamahalaan. Noong Hunyo 23,
1898, sa payo ni Apolinario Mabini na siya ring tagapayo ni Emilio Aguinaldo at siya ring Utak ng
Himagsikan, ang Pamahalaang Diktatoryal ay pinalitan ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sa ilalim ng
pamahalaang ito, pinangunahan ni Aguinaldo ang pamahalaan bilang pangulo sa halip na isang diktador.
Sa pamamagitan din ng pamahalaang rebolusyonaryo ay ipinatupad ang pagtatayo ng iba’t ibang sangay
ng pamahalaan tulad ng pamahalaang lokal at kongreso. Kaya naman, noong Setyembre 15, 1898,
pinasinayaan sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan ang Kongreso na higit na nakilala sa tawag
na Kongreso ng Malolos na pinamunuan ni Pedro Paterno. Ngunit ayon sa dekretong lumikha nito, ang
Kongreso ng Malolos ay walang kapangyarihang gumawa ng batas kundi ito ay magsisilbi lamang
tagapayo ng pangulo.

Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Saligang Batas ng Malolos noong Enero 21, 1899 ay


nagwakas ang Pamahalaang Rebolusyonaryo at itinatag ang Pamahalaang Republikano. Kaya naman,
noong Enero 23, 1899, pinasinayaan ang pagtatag ng unang Republika ng Pilipinas sa simbahan ng
Barasoain sa Malolos, Bulacan. Ito ay higit na kilala sa pangalang Republika ng Malolos. Sa ilalim ng
pamahalaang ito, ang kapangyarihang tagapagganap ay nasa kamay ng pangulo katulong ang kaniyang
mga gabinete na pinamumunuan ni Apolinario Mabini. Si Emilio Aguinaldo ang nagsilbing pangulo ng
Republika hanggang sa madakip siya ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901.
Humalili sa kaniya bilang pangulo ng Republika si Miguel Malvar na nahuli rin noong Abril 16, 1902 na
naging hudyat ng pagwawakas ng Republika ng Malolos.

ANG DEKLARASYON NG KASARINLAN NG MGA PILIPINO

Ang makasaysayang pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas ni Heneral Emilio Aguinaldo ay


nangyari noong ika-12 ng Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Sa araw na ito ay iwinagayway ang pambansang
watawat ng Pilipinas kasabay ng pagtugtog ng pambansang awit ng Pilipinas na pinamagatang “Marcha
Nacional Filipina”. Ang musika ng pambansang awit ng Pilipinas ay kinatha ni Julian Felipe sa kahilingan
ni Aguinaldo.

Sa loob ng isang taon ay walang liriko o titik ang pambansang awit ng Pilipinas kaya hindi ito
maawit ng mga mamamayan. Noong 1899, nakilala ang isang kawal na makita na nagngangalang Jose
Palma na sumulat ng isang tulang Espanyol na may pamagat na “Filipinas”. Dahil sa ganda ng mensahe
ng bawat taludtod nito ay ginawa itong liriko ng pambansang awit ng Pilipinas. Ang watawat ng Pilipinas
ay dinisenyo sa Hong Kong nina Marcela Agoncillo kasama sina Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de
Natividad.

Ang DEKLARASYON NG KALAYAAN ay binasa ni Ambrosio Rianzares-Bautista na siyang sumulat


nito sa wikang Espanyol. Ang makasaysayang dokumento ay nilagdaan ng 98 katao sa pamumuno ni
Aguinaldo. Nakapirma rin ang isang Koronel L.M. Johnson ng hukbong Amerikano. Napakahalaga ng
pangyayaring ito sapagkat ipinakita nito sa buong daigdig na ang Pilipinas ay isa nang ganap na malayang
bansa.

ANG PARTISIPASYON NG KABABAIHAN SA REBOLUSYONG PILIPINO

Ilan sa mga babaeng inalay ang buhay sa himagsikan ay sina Agueda Kahabagan ng Sta. Cruz,
Laguna, babaeng heneral. Si Gregoria Montoya ng Cavite at Teresa Magbanua ng Capiz.

Bukod sa Pagsali sa labanan, marmai rin ang tumulong sa pag-aalaga sa mga rebolusyonaryo
tulad ni Melchora Aquino o Tandang Sora na kahit sobra na ang katandaan ay handa pa ring tumulong. Si
Trinidad Tecson na ina ng Biak-na-Bato. Hindi rin matatawaran si Gregoria de Jesus na Lakambini ng
Katipunan na nag-ingat sa mahahalagang dokumento ng Katipunan.
raymundllordan2018

You might also like