You are on page 1of 2

EDUKASYON NGA BA ANG SOLUSYON?

“Anak mag-aral kang mabuti,tanging edukasyon lang ang kaya naming maipamana
sa iyo…wala kaming yaman kundi ito.” Ito ang mga katagang gasgas na sa pandinig subalit
patuloy na namumutawi at hanggang sa kasalukuyan ay bukambibig ng bawat pamilyang
salat sa karangyaan. Subalit hanggang saan nga ba ang kayang marating ng edukasyon at
kung bakit gayon na lamang ang labis na pagpapahalaga ng mga Pilipino rito kumpara sa
iba”t ibang lahi ng mundo? Edukasyon nga ba ang siyang susi upang makamit ang
minimithing tagumpay o isa lamang instrument upang higit na malaman ang mas malalim
na kaisipan na siyang tuluyang sisira sa ugnayan ng tao sa Diyos at kalikasan? Tama nga
kaya ang tinuring ng dating Kalihim ng Edukasyon na si G. Jesli A. Lapus na “Edukasyon
ang Solusyon?”

Maikling kataga subalit punong-puno ng pag-asa at pananalig na tunay ngang sa


edukasyon makakahanap tayo ng solusyon; solusyon sa mga bumabalakid sa daan
patungo sa liwanag ng kasaganahan. Matayog na mga pangarap, marubdob na adhikaing
magbago ang bawat pamumuhay at katayuang siyang magiging sandigan upang makamit
ang minimithing tagumpay, ang EDUKASYON. Kung ating tutuntunin ang pinakaugat nito,
na sa kaisipan natin ay ipinunla na ng ating mga magulang ang kahalagahan ng edukasyon.
Mula sa simpleng abakada hanggang sa mas mataas na uri ng kaalaman ay nagsisilbing
gabay natin upang higit na maunawaan ang mga nangyayari sa ating lipunan at
kapaligirang ginagalawan. Bagkus ang iba ay sadyang pinagkaitan ng tadhanang di
masilayan ang tunay na kahulugan nito, nanatili pa rin silang bilanggo sa kanilang mga
sariling anino ng kamangmangan. Kung edukasyon nga ang magsisilbing daan sa
magandang kinabukasang siyang puputol sa mga hadlang sa ating kahirapan,nararapat
lamang na pagtuunan natin ng pansin ang edukasyon. Subalit ang katotohanan ay
nanatiling nakalubog ang ating mga paa sa putik ng kamangmangan sapagkat marami pa
rin sa atin ang di man lamang makapunta sa mga paaralan dala marahil ng kahirapan at
kawalan sa buhay. Marami pa rin ang nananatiling mangmang at walang alam na nagtatago
sa karimlan upang suungin ang mapanghamong kapalaran ng buhay. Marami pa ring
nagkalat sa lansanganng naghahanap at nagudurusa upang may mailaman sa kumakalanm
na tiyan. At marami pa ring nakikipag-sapalarang malayo sa kanilang mahal sa buhay
upang may maipantustos sa bagsak na ekonomiya sa bayan. Kung tutuusin sana’y walang
maging dayuhan sa kanyang sariling bayan sapagkat ang edukasyon ay tanging laan sa
bawat isang mamamayan sa kanyang nasasakupan. At kung isasabuhay ang nilalaman ng
Saligang Batas sa ating Konstitusyon”na nagtataguyod sa karapatan ng mga mamamayan
sa edukasyong may mataas na kalida at pagbibigay ng pagkakataon sa lahat ng mga
Pilipinong makapag-aral” wala sana ngayong mga paslit sa lansangan,bitbit ay mga
mumunting lata. Di nga ba ay hamon ito sa ating pamahalaan upang matugunan ang
bumababang kalidad ng edukasyon sa bansa? Nakalulungkot mang isipin subalit ito ang
tunay na sitwasyon sa kasalukuyan. Nasaan na nga ba ang solusyon kung ang bawat isa
mismo ay salat sa edukasyon. Ilang klasrum pa bang butas-butas ang kisame ang
kailangang pagtiisan? At gaano katagal pa kaya tayo maghihintay upang muling maibangon
ang lumang sistema ng edukasyon at mga mga kaakibat na problemang kinakaharap sa
kasalukuyan? Kalian kaya matutugunan ang hinaing ng mga guro sa kakulangan ng mga
klasrum,kagamitan; at ang lumolobong bilang ng mag-aaral sa mga pampublikong
paaralan? Hanggang saan tayo dadalhin ng ating pangarap upang mapatunayan natin ang
Edukasyon ang solusyon?

Sa ating lahat, ito ang hamong gigising sa natutulog nating diwa upang higit na
makamit ang kaunlarang dapat sana’y matagal na nating tinatamasa. Bawat isa sa atin ay
may malaking gagampanan upang mapagbago ang kasalukuyang naghihingalong
ekonomiya ng bansa at ang mababang kalidad ng edukasyon. Huwag tayong manatiling
bulag sa kadilimang bumabalot sa ating kapaligiran bagkus maging liwanag na siya
nagbibigay-daan upang maabot ang bawat pangarap at adhikaing umunlad. Patunayan
nating ang “Edukasyon ang Solusyon?”

You might also like