You are on page 1of 1

ANG KALUPING TAGO SA ATING MGA PUSO

Artikulo # 1
Manunulat: Huergula, Angelika R.
Sanaysay

Matagal nang nabaon sa nakaraan ang maringal nating kabataan kung saan dalisay pa ang
ating isipan at malayo-layo sa agam-agam ng buhay. Pero, minsan mo na bang nasubukang
bumulong sa kawalan na sana—sana’y bumalik ang lahat sa dati? Mga pagkakataon kung saan
hagikgik ang madalas na lumilitaw sa ating bibig at hindi mga buntong-hininga dahil sa pagkapagod
dahil sa patuloy na pagkayod para sa ating mithing kinabukasan.

“Tagu-taguan maliwang ang buwan. Wala sa likod wala sa labas. Pagkabilang ko ng sampu—
nakatago na kayo…” Madalas na sabi ng mga matatanda sa atin noon na sulitin natin ang ating
pagkabata dahil darating ang panahon na mawawala ang dikit natin dito at mapapakapit tayo sa
lubid ng reyalidad. Natapos man ang yugto ng buhay nating iyon, naiwan pa rin sa atin ang retaso ng
mga ito sa ating isipan na kung ating babalik-balikan ay tila isang masayang yugto ng ating
kinagisnang tahanan. May mga pagkakataon kung saan nakakasalubong ako ng mga batang galak
na galak habang nagtatalon sa kapirasong garter at tila nagpapagalingan kung sino ang
pinakamasuhay sa kanilang lahat, napapangiti na lamang ako tuwing nakakatanaw ako ng ganitong
mga eksena tuwing nalabas ako dahil bakas pa rin sa akin na gawain ko rin iyon dati, pagkakataon
naman nila ngayon na makinabang sa aliw na dapat nilang tinatamasa sa kanilang murang edad.
Siguro ay mararamdaman din nila ang nararamdaman ko pagdating ng panahon—ang pagkalungkot
at paggunita sa nabaon nating ligaya. May mga oras talaga na hindi natin inaasahan ang hiwaga ng
buhay at sa huli, mananatiling hilom sa ating puso ang sinag ng ating kinagisnan noon.

Ang aking pahimakas sa aking nagdaang kabataan ay ngiti na hindi matutumbasan ng sinag
ng haring araw at sa wakas, buntong hininga na simbolo ng kapayapaan. Patuloy tayong kakayod
para sa hayag na kinabukasan kung saan malaya na tayong magbalik-tanaw sa lahat at muling
buksan ang kalupi ng ating kabataan.

You might also like