You are on page 1of 3

BORACAY

Tag-init na naman kung kaya’t bakit hindi kaya maligo tayo sa dagat? At bakit
hindi sa Boracay? Ang isla ng Boracay sa Pilipinas ay isa sa mga nangungunang
destinasyon tuwing tag-init dahil sa malinis na puting beach at pinong buhangin nito.
Karamihan ng mga beach resorts ng Boracay ay nakikita sa pinakasikat na White Sand
Beach sa dako ng Station 1, Station 2 at Station 3 at halos mga private resorts at luxury
hotels naman sa tatlo pang rehiyon nito, sa Diniwid Beach, Mt. Luho, at Yapak.

Ang aking pamilya ay nakatira pa noon sa Laguna nang naisipan naming


magbakasyon sa isla ng Boracay noong Mayo 22-24, 2017. Mula Laguna ay bumyahe
kami papuntang Batangas Port para sumakay ng barko dahil nais naming maranasan
magsea travel patungong Boracay. Pagkarating sa port ay agaran na kaming nag-
check in at pumila upang makasakay na sa barko. Natatandaan ko na ang sinakyan pa
namin noon ay ang 2Go Travel Ferry. Umusad ang barko alas nuwebe ng gabi kaya
kami ay kumain at natulog lang sa loob at kinaumagahan naman dumaong na ito ng
alas sais ng umaga sa Caticlan Jetty Port. Pagbaba namin sa nasabing port ay may isa
pa kaming sasakyang pandagat at sa loob lamang ng labinglimang minuto, sakay ng
isang pump boat ay sa wakas narating na rin naming ang isla ng Boracay.

Pagkarating sa Boracay ay mararamdam mo na agad ang sariwang hangin.


Sakay ng e-trike, kami ay tumungo na sa aming tutuluyan na hotel, sa Club Manila
East, na nakalugar sa Station 2. Agad naman kaming nag-check in at nag-ayos na ng
aming gamit. Masuwerte kami na ang aming hotel ay nasa dalampasigan lang mismo
kung kaya’t paglabas mo rito ay tanaw na agad ang napakaganda at malinaw na tubig
ng dagat at siyempre ang napakapinong buhangin nito.

Naghanap rin agad kami ng water activities na puwedeng gawin at napili naming
mag-island hopping. Nilibot namin ang isla ng Boracay - ang Magic Island, Crocodile
Island, Puka Beach, swimming/snorkeling sa gitna ng dagat, at BBQ buffet lunch.
Pinakanagustuhan ko ang pagpunta sa Puka Beach. Masasabi ko na ito ang
pinakamagandang dagat na napuntahan ko sa Pilipinas. Pagbaba ko ng bangka ay
bumungad sa akin ang malinis na kulay-bughaw na tubig at pinakamaputi’t pinong
buhangin nito. May mga tindahan din dito na nagbebenta ng mga souvenir, pagkain,
inumin at iba pang mga bagay na maaaring kailanganin mo sa beach. Isa sa
nagustuhan ko roon ay ang kanilang mango milkshake. Pagsapit naman ng tanghalian
ay dinala kami sa isang bahagi ng isla kung saan nakahanda ang bbq buffet lunch at
ang mga seafoods. Tunay ngang mas masarap ang pagkain kapag nasa tabi ka ng
dalampasigan kumain.

Padapit-hapon naman na nang kami ay nakabalik sa White Beach, Station 2.


Nakamamanghang tanawin nga naman ang sunset view roon. Halos lahat ng turista ay
nasa dalampasigan upang pagmasdan ito. Ang iba ay naka Paraw Sailing kung saan
mas lalo mo pa itong mas matatamasa at mapapabilib sa ganda nito. Kasabay sa
paglubog ng araw, unti-unti na ring nag-uimpisa ang isa pang dinadayong rason sa
Boracay, ang night life roon. Pagkatapos maghapunan ay punong puno na ng mga tao
ang mga establisyimento. Nag-aalok ng mga malamig na inumin, musika at sayawan ng
apoy sa buhangin buong gabi. Talagang i-eenjoy mo lang ang gabi.

Sa pangalawang araw naman namin kaming nagsimulang mag-inland tour.


Pagkagising ay nag almusal kami sa Jollibee ng Boracay. Pinuntahan din namin ang
sikat na visual landmark ng Boracay, ang Willy’s Rock sa Station 1. Mula Station 2
papunta roon ay halos isang kilometro ang nilakad namin kung kaya’t inabot kami ng
halos labinlimang minuto. Sa parehong estasyon ay matatagpuan rin ang tindahan ng
sikat na fruit shake, Jonah's Fruit Shake & Snack Bar. Pinakanagustuhan ko naman ang
Avocado fruit shake nila. Nang makabalik naman kami sa aming estasyon ay
nananghalian na muna kami sa isang restawran sa D’mall. Sa D’mall naman na
matatagpuan rin sa Station 2 ay may iba’t-ibang pang-pasalubong ang pwede bilhin.
May mga souvenirs, beach wears, bags na gawa ng mga residente sa Boracay, mga
delicacies ng Cebu, native woodcarvings, tie-dyed t-shirts at marami pang iba. Kami ay
nagsimula na ring mamili ng aming pampasalubong sa nasabing mall.

Tinapos naman namin ulit ang araw sa pagbabad at paglangoy sa white sand
beach at pinagmasdan lamang uli ang nakakamanghang sunset view roon.
Kinagabihan kami ay nagpasayang magpamasahe at magpahinga na lang dahil
kinabukasan ay maaga na rin kaming magpapaalam sa napakagandang isla ng
Boracay.

Ang paglakbay namin sa Boracay ay isa sa hindi ko makakalimutang alaala.


Tunay na nasiyahan ako sa mga ginawa namin roon. Napagtanto ko na ito ay isang
lugar kung saan araw at gabi ay talagang gugustuhin mong mag-ikot. Sa loob ng ilang
araw ay naranasan kong makapag-relax at makapag-unwind, mag-island hopping,
kumain ng masasarap na pagkain’t inumin at ang mapagmasdan ang nakakamanghang
sunset view roon. Lahat ng ito ay siguradong ma mimiss ko kung kaya siguradong
babalik ako muli kung may pagkakataon.

You might also like