You are on page 1of 7

4

Learning Activity Sheets sa Filipino


Kuwarter 4 – MELC 1
Nakapagbibigay ng Panuto na may Tatlo
Hanggang Apat na Hakbang

REHIYON VI-KANLURANG VISAYAS

Filipino 4
Learning Activity Sheet (LAS) 1
Unang Edisyon, 2020

Inilimbag sa Pilipinas
Ng Kagawaran ng Edukasyon,
Rehiyon 6 – Kanlurang Visayas
Duran St., Iloilo City

Isinasaad ng Batas Republika 8293, seksiyon 176 na “Hindi maaaring


magkaroon ng karapatang-ari (sipi) sa anumang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas.
Gayunpaman, kailangan muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng
pamahalaang naghanda ng gawain kung ito’y pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring
gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.”

Ang Filipino 4 Learning Activity Sheet (LAS) na ito ay inilimbag upang magamit
ng mga Paaralan sa Rehiyon 6-Kanlurang Visayas.

Walang bahagi ng aklat na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anumang


porma nang walang pahintulot sa Kagawaran ng Edukasyon, Rehiyon 6 – Kanlurang
Visayas.

Bumuo sa Pagsusulat ng Learning Activity Sheet - Filipino 4

Manunulat: Cliford B. Elias


Editor: Ma. Leilanie F. Pintor
Tagasuri: Kristy P. Reunir
Tagalapat : Jinealyn I. Tropa

Division of Aklan Management Team:


Miguel Mac D. Aposin
Samuel J. Malayo
Dr. Dobie P. Parohinog
Mahnnie Q. Tolentino
Marth S. Tropa
Regional Management Team:
Ramir B. Uytico
Pedro T. Escobarte, Jr.
Dr. Elena P. Gonzaga
Donald T. Genine
Celestino S. Dalumpines IV

Kuwarter 4, Linggo 1.a


Learning Activity Sheets (LAS) Blg.1

Pangalan:_________________________Grado at Seksiyon:_____________________

Petsa: _________________________________

GAWAING PAMPAGKATUTO SA FILIPINO 4

(Nakapagbibigay ng panuto na may tatlo hanggang apat na hakbang gamit ang


pangunahin at pangalawang direksyon)

I. Kasanayang Pampagkatuto at Koda

Nakapagbibigay ng panuto na may tatlo hanggang apat na hakbang gamit ang pangunahin
at pangalawang direksyon
F4PS-Iva-8.7

II. Panimula:

Sa leksiyong ito, matututuhan mo ang pagsasaayos o pagbibigay ng mga panuto/hakbang


gamit ang pangunahin at pangalawang direksyon. Ang maayos na panuto na iyong maibibigay ay
mahalagang isaalang-alang upang maisagawa ng maayos ang isang bagay o gawain. Ang
maayos na pagkasusunod-sunod ng isang ideya o gawain sa isang kuwento, resipe sa paggawa
ng lutuin ay malaking tulong upang madaling unawain ang isang bagay o gawain.

Halimbawa: Paggawa ng Calamanci Juice


1. Hugasan ang kalamansing gagamitin 2. Hiwain ang kalamansi at pigain ang
kalamansi sa lalagyan
2. Lagyan ng asukal at tubig at haluin 4. Palamigin o lagyan ng yelo

III. Mga Sanggunian:

Yaman ng Lahi Patnubay ng Guro pp. 253-256 (para sa guro)


“The Secret Ingredient” (Ang Sikeretong Rekado) kuwento ni Grace D. Chong,
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero

IV. Mga Gawain

Gawain 1: Magbasa Tayo!


Panuto: Basahin ang kuwento at gawin ang mga sumusunod. Isulat ang mga sagot sa
sagutang papel o kuwaderno.

Ang Sikretong Rekado


ni Grace D. Chong

“ Talaga, ‘Tay, ako na po ang magluluto para sa atin?” tanong ni Teo.


“ T-talaga, anak, “ mahinang sagot ni Tatay Ador. Halos hindi siya makapagsalita dahil sa
kirot ng kanyang paa.
“K-kasi hindi naman ako pwedeng magluto at m-mahiga nang sabay,” pilit niyang
pagpapatawa kay Teo.
Natigilan si Teo – hindi niya alam kung matutuwa siya o malulungkot. Dapat siyang matuwa
dahil, sa wakas, pinapayagan na siya ng tatay niya na magluto – nang mag-isa siya! Pero
nalulungkot siya dahil ngayon lamang niya nakitang nanghihina ang tatay niya. Nakagisnan na
kasi niyang siya’y laging inaalagaan nito.
Baliktad ngayon. At parang trumpo si Teo sa pag-aalaga sa kanyang tatay. Inayos niya ang
mga gamot nito sa maliit na mesa sa tabi ng kama. Kumuha siya ng pitsel ng tubig sa kusina.
Pinapaypayan niya ang tatay niya para hindi mainitan.
Nang umaga ng araw na iyon, si Tatay Ador ay tulad lang ng dati – malakas at malusog.
Matapos paliguan ang kanyang dyip at magpaalam kay Teo pinaandar na niya ang dyip papunta
sa bukid. Ngunit habang inaatras niya ito palabas sa kalye, mabilis na dumaan ang isang
malaking trak. Nabangga ng humaharurot na trak ang dyip ni Tatay Ador.
KRRASSS! Pero hindi man lamang tumigil ang kaskaserong drayber – tuloy – tuloy pa rin
ito sa pagpapatakbo ng trak niya.
Sinabi kay Teo ng mga kapitbahay na sumasaklolo. “Huwag kang mag-alala. Kaming
bahala sa tatay mo! At agad nilang dinala ito sa health center.
Ang lahat ay nakahinga nang maluwag nang sabihin ni Dr. Soriano, “Ligtas na sa panganib
si Mang Ador. Pero malaki ang sugat sa kanyang kaliwang paa at nabugbog ang iba pang bahagi
ng katawan niya.” Mahigpit na bilin ng doktor. “Kailangan niyang magpahinga sa kama ng ilang
araw.”
Pagdating sa kanilang bahay, inihiga ni Tatay Ador ang masakit niyang katawan. Pero
alang-alang kay Teo pilit niyang ipinapakitang malakas pa rin siya. Mas nasasaktan kasi siyang
nakikitang nag-aalala si Teo para sa kanya. “T-Teo, n-narinig mo ba ako?” tanong niya rito. “ I-
ikaw na ngayon si Chef Mateo!”
“Chef?! Ako?!” tanong ni Teo na natuwa sa narinig. Inilapag niya ang pamaypay at kumuha
ng puting papel, gunting at pandikit.
“A – anong ginagawa mo?” tanong ni Tatay Ador.
“Isang malaking sombrero! Dapat ang chef, may sombrero!” Gusto ni Teo na magmukhang
isang tunay na chef. Ngayon, makikita na niya ang laman ng maliit na banga sa ibabaw ng
pinakamataas na estante sa kusina.
Naglalaman iyon ng sikretong rekado. Tuwing magluluto ang tatay niya, dumudukot siya
rito at ibinubudbod sa niluluto niya.
“Tay, ano po ang laman ng bangang iyan? Pwedeng makita?” hiling niya sa tatay niya
noong maliit pa siya.
“Pagdating ng araw,” sagot ni Tatay Ador, sabay kindat kay Teo. “Sa nanay mo iyan.
Ipinasa niya sa akin noong bigla siyang nagkasakit.”
Mag-iisang taon pa lamang noon si Teo.
“Noong mamatay ang nanay mo, hindi ko inakalang makakahiligan ko ang pagluluto tulad
niya, “ laging sinasabi ni Tatay Ador. Mukhang pati si Teo ay nakakahiligan na rin ang pagluluto
pero sabi ni tatay niya. “ Manood ka lang muna, anak, at maghugas ng plato. Saka ka na magluto,
kapag malaki-laki ka na.”
Pero ngayon pa lamang, dahil sa aksidente, pinayagan magluto si Teo. At, magagamit na
niya ang sikretong rekado!
Napakahalaga talaga ng sikretong rekado! Matagal nang kumbisido si Teo tungkol dito.
Laging masarap ang luto ng tatay niya, lalo na ang paborito ni Teo na pinakbet at igado.
“T-Teo, hiwain…” umpisang turo ni Tatay Ador pero mabigat na ang talukap ng kanyang
mga mata dahil sa mga gamot na ininom. Nakatulog na siya bago matapos ang sinasabi.
“Tay , huwag kayong mag-alala. Ako nang bahala. Marunong na akong magluto! Makikita
nyo,” bulong ni Teo. Dahan-dahan siyang lumabas at pumunta sa kusina! Pinakbet? Kayang-kaya
niyang lutuin ito! Madalas niyang napapanood ang tatay niya kapag nagluluto siya nito. At
napanood pa niya sa kanyang paboritong programa sa TV na Cooking Hour.
Isinuot ni Teo ang sombrero ng chef at ang apron ng tatay niya.
“Puwede na! Mukha na akong chef,” bulalas niya nang makita ang sarili sa salamin.
Sumisipol siyang tumuntong sa isang batibot para abutin ang kaserola. “Mateooo!”
Parang boses iyon ni Apong Cion, ang may-ari ng atisan mga ilang kanto lang mula sa
bahay nila. “Mateooo!” Si Apong Cion nga!
May dala-dala itong pombrera at isang malaking atis.
Nang makita si Teo, napasigaw ito, “Anong ginagawa ng malaking puting sombrerong ‘yan
sa ulo mo? At bakit nakasuot ka ng malaking apron?”
“Chef po ako, Apong Cion, chef ako!” sagot ni Teo na lulundag-lundag.
“Shif?! Anong shif?! Tanong ng matanda na kumukunot ang noo kaya’t nagmukhang
ampalaya ang kulubot nitong mukha. Ngayon lamang niya narinig ang salitang ito, at hindi pa siya
nakakakita ng sombrero ng chef.
“Isang magaling na kusinero po ang chef, Apong Cion! May sakit si Tatay kaya ako po ang
tagaluto ngayon.”
“Kalokohan!” sagot ni Apong Cion sa kanyang magaspang na tinig na kinatatakutan ng
lahat ng bata maliban kay Teo. “Bakit? Akala mo ba, ikaw lang ang marunong magluto? Heto,
ipinagluto ko kayo ng tatay mo. At alisin mo ‘yang suot mong sombrero-’kay pangit!” kakak ng
matandang paengkang-engkang na umuwi.
“Salamat po, Apong … ani Teo na medyo naguguluhan.
Hindi malaman ni Teo kung matutuwa siya o malulungkot. Natutuwa siya na kahit kilala si
Apong Cion sa pagiging masungit at kuripot, naalala pa sila nito ng tatay niya. Pero nalulungkot
din siya dahil maaantala na naman ang kanyang pagiging chef nang isang araw.
Kinabukasan, pagkatapos na makakain ng putaheng dala ni Apong Cion, mabuti-buti na ang
pakiramdam ni Tatay Ador, pero hindi pa rin siya makalakad.
“Ngayon, magiging chef ka na para sa susunod nating kakainin!” sabi niya kay Teo. Agad
namang nagsuot ito ng kanyang sombrero ng chef at abot-tainga ang ngiti.
“Teooo!’ Si Mang Popoy, ang kaibigan niyang nakatira sa dulo ng bayan ang dumating.
Ibinigay kay Teo ang isang mangkok ng arroz caldo.
Ay naku! Sabi ni Teo sa sarili, iniisip kung kalian kaya niya malalaman kung ano ang sikretong
rekado.
Kinabukasan at sa sumunod na araw, may mga dumating pang pagkain. Nagdala sina
Titser Ligaya at Titser Milagring ng pansit na may halong carrots na korteng bulaklak. Nagpadala
naman si Mayor Belisario sa drayber niya ng inihaw na hito. Nasorpresa si Teo dahil pati si Apo
Meyor ay nagpadala ng maputi at malapot na sopas na nakalagay sa puting kaserola.
Kailan pa kaya ako magiging Chef Mateo? Tanong ni Teo sa sarili habang ipinapasok ang
mga pagkain sa kuwarto ni Tatay Ador.
“Aba, dapat kang matuwa, anak, “sabi ng tatay niya, na paika-ikang lumalakad sa palibot
ng kanyang kama. “Ang dami nating natatanggap na mga pagpapala. Napakabait ng mga tao-
dumalaw sila sa akin at nagbigay ng napakaraming pagkain!”
“Natutuwa naman po ako, “Tay,” sagot ni Teo.
Ngunit nalulungkot din siya. “Pero… magaling na po kayo ngayon kaya hindi na ako
magiging chef.”
“Ah , kaya pala tahimik ka,” sabi ni Tatay Ador. “Pangako, bukas, ikaw ang magluluto ng
ating pananghalian. Papanoorin lamang kita, “ pampalubag-loob ni Tatay Ador.
“Talaga po, Tay?” Kumikislap na ang mga mata ni Teo.
“Oo, Teo, talaga.”
“Bilang chef, pwede ko po bang gamitin ang rekado sa maliit na banga?” Nangingiti si Tatay
Ador na sumagot, “Aba, oo, Teo. Sa palagay ko’y panahon na!”
Habang inuubos nila ang mga natira sa mga bigay na pagkain para sa kanilang almusal,
tanong ni Teo, “Pwede na po ba akong magsimulang magluto pagkatapos kong maghugas ng
plato?”
“Aba, “natatawa si Tatay Ador, “hindi ka na makapaghintay, ano?”
Pagkaraan ng ilang oras, suot-suot na ni Teo ang sombrero ng chef at apron ng tatay niya.
Nakaupo naman sa malapit si Tatay ador para turuan siya. “Siguraduhin mong kumpleto ang mga
rekado, anak.”
“… kamatis, talong, ampalaya, bagoong. At, ang pinakamahalagang rekado sa lahat…”
bulalas ni Teo, at inabot ang maliit na banga.
“Ang pinakamahalaga sa lahat …” bulong ni Tatay Ador.
Kumakabog ang puso ni Teo habang dahan-dahan niyang inaangat ang takip ng banga.
“Ha?!” Napatalon siya sa gulat.
Tiningnan niyang mabuti ang loob ng banga. Walang laman! “Isang kapirasong papel
lamang ang nandito!”
“Hindi ‘yan isang pirasong papel lamang, Mateo,” diin ng Tatay niya.
Dinukot ni Teo ang papel sa banga-may nakasulat pala roon! Binasa niya ito nang marahan,
“Kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo sa ikaluluwalhati
ng Diyos. – Corinto 10:31, Bible verse?!” Naglundagan ang mga kilay ni Teo hanggang sa
kanyang buhok.
“Oo, talata nga mula sa Biblia,” sagot ng tatay niya. “Isinulat ng nanay mo at inilagay niya
riyan sa banga. Nais niyang laging maalala kung bakit dapat gawin nang tama ang kahit anong
bagay.”
“Kahit na po ang pagluluto?” tanong ni Teo na nalilito.
“Lalo na ang pagluluto,” diin ni Tatay Ador.
Kasi mas maraming beses siyang nagluluto kaysa ano pa mang gawain sa bahay. Minsan
isang araw lamang siya naglalaba, naglalampaso ng sahig, at nagwawalis ng bakuran.
Pero tatlong beses siyang nagluluto sa isang araw. Kaya’t umaga, tanghali at gabi, gusto
ng nanay mong makatiyak na ginagawa niya nang tama ang lahat-para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
“Hmmm,” tumango si Teo na nakikinig nang mabuti.
“Tuwing nagluluto ako, “patuloy ng tatay niya, “pinapaalala sa akin kung anong ibig sabihin
ng talatang yan – umaga, tanghali, gabi.”
“Oo nga po…” Nilalarawan ni Teo sa kanyang isip ang kanyang nanay na nagsusulat sa
kapirasong papel, at tinitiklop ito at nilalagay sa isang maliit na banga. “Akala ko po sikretong
rekado…”
“Ay anak, hindi!” sabad ni Tatay Ador.
“Pero bakit hindi po ninyo sinabi sa ‘kin?” Naguguluhan pa rin si Teo.
Kasi, iniisip ko noon, napakabata mo pa para maintindihan ito. Pero nang maaksidente ako
nitong nakaraang linggo, nakita ko kung paano mo ako inalagaan. Noon ko napag-isip-isip na….”
“Kung hindi ito sikreto, e di pwede ko palang ibahagi sa iba!” natutuwang sabi ni Teo. Nasa
isip niya sina Apong Cion, Titser Ligaya, Titser Milagring, Manong Popoy, Meyor Belisario, at baka
pati na rin si Apo Meyor – mga matandang makakaunawa.
“Chef Mateo, naghihintay na ang pinakbet mo,” paalala ng tatay niya.
Habang kumukulo ang kaserola, dumukot si Teo ng wala mula sa maliit na banga at ibinudbod ito
sa kanyang pinakaunang putahe.

1. Sino-sino ang mga tauhan?


2. Ano-ano ang nangyari sa kuwento?
3. Bakit masaya si Teo?
4. Bakit siya pinayagang magluto?
5. Paano naghanda si Teo sa ipinagagawa sa kanya ni Mang Ador?
6. Ano ang kanyang iluluto?
7. Ano-ano ang mga sangkap nito?
8. Nakapagluto ba si Teo? Bakit?
9. Ano ang sikretong sinabi sa kanya ni mang Ador? Saan ito galing?
10. Tunay nga kayang ito ang dahilan ng pagiging masarap magluto ni Mang Ador?
Gawain 2: Direksyon Ko, Gawin Mo!

Panuto: Gawin ang mga sumusunod. Isulat ito sa sagutang papel o sa kuwaderno.
1. Isulat ang pangalan ng mga taong nabanggit sa kuwento.
2. Iguhit kung saan nakatago ang sikretong rekado ni Mang Ador.
3. Iguhit at kulayan ang itsura ng sombrerong pangarap ni Teo.
4. Iguhit ang mukha ni Teo nang dumating si Apong Cion.
5. Itala ang mga pagkain na dala ng mga kakilala ni Mang Ador.

Gawain 3: Gawa Mo, Basa Ko!


Panuto: Gumawa ng panuto o direksyon kung paano ang pagsasaing ng bigas o kung alin ang
alam mong lutuin sa bahay. Gawin ito sa iyong kuwaderno.

Gawain: _____________________

Panuto/Hakbang: Una:_________________________________________________
Ikalawa:______________________________________________
Ikatlo:________________________________________________
Ikaapat:______________________________________________

V. Repleksiyon

Ano ang naging natutuhan mo sa araling napag-aralan?

VI. Susi sa Pagwawasto

Gawain 1:
1. Sina Teo, mang Ador at Apo Cion.
2. nagkaroon ng disgrasya si Mang Ador.
3. Dahil siya ay magiging isang chef.
4. Dahil maysakit ang kanyang ama.
5. Paano naghanda si Teo sa ipinagawa sa kanya ni Mang Ador?
6. Pinakbet
7. Kamatis, talong, ampalaya at bagoong.
8. Opo.
9. Ang talata mula sa bibliya na nakalagay sa isang banga.
10. Maaaring magkaiba ang sagot ng bata.
Gawain 2: Iwawasto ng guro.
Gawain 3: Magkaiiba ang sagot ng mga bata. Iwawasto ng guro.

You might also like