You are on page 1of 6

Ginintuang Utos.

Noong nakalipas na 2 sabado, atin pong inumpisahan ang huling bahagi ng


Sermon sa Bundok na ating makikita sa 7 kabanata ng Mateo. Atin na pong
nabanggit na isa sa mga paksa ng bahaging ito ay tungkol sa pakikitungo sa
sanlibutan. Tayo nga po ay nagumpisa sa katuruan ukol sa paghuhusga o
paghahatol sa kapwa.
Atin pong nalaman na hindi pinagbabawal ng Panginoong Hesus ang
pagbibigay ng saloobin o pagiging mapanuri sa ating kapwa bagkus ang kanyang
pinagbabawal na ating gawin ay ang mga “rash judgements” o dagliang
pagbibigay ng husga ng walang sapat na kaalaman ukol sa isang sitwasyon o
bagay. Tayo rin naman sa kaparehong bahagi ng Mateo 7 ay hinihikayat na
maging mapanuri hindi sa mga kamalian o kilos ng tao ngunit sa mga taong
maaring lumaspatangan sa Salita ng Diyos.
Ngayong gabi atin po munang lalaktawan ang Mateo 7:7–11 upang
matalakay ang Mateo 12. Ito po ay sa kadahilanang ang talata 12 ang lunas upang
hindi natin magawa ang “dagliang panghuhusga” na ipinagbabawal sa Mateo 7:1-
6.

Mateo 7:12 (ABTAG 2001) (Luk 6:37-38, 41-42)


12 Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang
gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.
“The Golden Rule reveals that Kingdom citizens put others first.” –
Ligonier Ministries.
*Kahalagahan ng verse-by-verse teaching
Karamihan sa atin ay narinig na ang mga katagang “Golden
Rule/Ginintuang Utos” na ating tatalakayin ngayong gabi ngunit marahil ang alam
nating bersyon nito ay “Huwag mong gawin sa iba/iyong kapwa ang ayaw mong
gawin sa iyo ng iba/iyong kapwa”. Ating mapapansin na ito ang “negatibong”
bersyon ng sinasabi ng Panginoong Hesus ngunit ang bersyon na ito ay ang
orihinal na bersyon ng ginintuang utos.
Ang mga katagang ito ay pamilyar na noong panahon ng Panginoong Hesus
sapagkat ito ay pangkaraniwang kasabihan noon. Katunayan, ang “line of thought”
o ibig pakahulugan nito ay hindi nalalayo sa mga nasabi sa Lumang Tipan.
Exo 22:21, At huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y
mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto
Exo 23:9 Ang dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng
dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.
Ang mga talatang ito na nabanggit ay may kasing kahulugan ng orihinal na
bersyon ng ginintuang utos.
Kaya’t ang katanungan, bakit tila naiiba ang bersyon ng ating Panginoong
Hesus? Ito ang ating sasagutin ngayong gabi. Upang maintindihan natin kung ano
ang nais ituro ng Panginoong Hesus atin munang alamin kung ano ang hindi
itinuturo rito ng Panginoong Hesus.

1. Hindi itinuturo sa mga talatang ito ang “Good Karma” kung saan sa
paggawa mo ng mabuti ay tiyak susuklian ito ng mabuting bagay.
2. Hindi rin tinuturo dito ang prinsipyo ng “Utang na Loob” kung saan dapat
nating asahan ang pagtanaw ng utang na loob ng mga tao para sa mga
nagagawa nating mabubuti sa kanila.
3. Hindi tinuturo dito ang Pag-ibig sa Sarili.
4. Hindi rin itinuturo dito na hindi na mahalaga at dapat pang aralin ang ibang
bagay sa “Lumang Tipan”, “sapagkat ito ang kautusan at ang mga
propeta”.
A. Mga Mahahalagang Salita.
“Anumang bagay na ibig niyong gawin” – Ang ating mga gawi o kilos ay
nahahati sa tatlo: pag-iisip, pagsasalita/pagsasabi at paggawa. Kaya’t kung ating
itong gagamitin sa talata 12 ito’y magiging;
Anumang bagay na ibig niyong isipin, sabihin o gawin sa inyo ng mga
tao, gayon ang isipin, sabihin at gawin ninyo sa kanila.
“ibig” – nagbibigay kahulugan ng mga bagay na ating inaasam na gawin sa
atin ng iba kaya’t ang mga gawi na ito ay inaasahan nating mabuti, makatarungan
at kanais-nais. Wala tayong makikilalang tao na nagnanais na siya ay mapasama o
mapahamak.
“ng mga tao” – nagbibigay diin na ito ay ating pakitutungo sa lahat ng tao,
hindi tinitingnan kung ano ang lahi, estado sa buhay, kung ang isang tao ba ay
kamag-anak, kapamilya o kapatiran. Ito ay taliwas sa katuruan ng mga Escriba
noong araw na ang dapat lamang pakitunguhan ng maayos sa mundo ay ang kapwa
nila Israelita.
“kautusan at ang mga propeta” – ibig pakahulugan ang kabuuan ng
Lumang Tipan. Tatlong beses sa Mateo nabanggit ang mga salitang ito na iisa ang
kahulugan (Mat 5:17, 22:40)

B. Ito’y isang Kautusan


Ang salitang nagbibigay kahulugan na ang talatang ito’y ay isang utos ay
ang salitang “gayon ang gawin” (do also) at kung ito ay isang Kautusan mula sa
ating Panginoong Hesus, ito’y dapat nating gawin bagaman hindi ito gawin sa atin
ng ating ibang tao.
Mahalagang maintindihan natin na ito’y ay isang kautusan mula sa
Panginoong Hesus upang mawaksi natin sa ating mga isipan ang “Self-
centeredness”.
Bilang isang mananampalataya, hindi natin ginagawa ang mga kautusan ng
Diyos upang itaas ang ating mga sarili bagkus ito ay upang itaas natin ang Diyos
(Mat 5:16). Dahil kung ang dahilan natin ay para sa ating mga sarili, ito ay
pagiging makamundo na sa buong Mateo 6 ay ating ng tinalakay.

C. Ang Dahilan ng Kautusan


Atin nang nabanggit na ang bersyon ng ginintuang aral na binahagi ng
Panginoong Hesus sa Mateo 7:12 ay naiiba.
Kung ating susuriin ang orihinal na bersyon “Huwag mong gawin sa iba
ang ayaw mong gawin sa iyo ng iba”, ay nagbibigay ng dahilan mula sa “takot”.
Ngunit kung ating papansining mabuti ang bersyon ng Panginoong Hesus
“anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin
ninyo sa kanila”, ito’y nagbibigay ng dahilan mula sa “pag-ibig”.
Sa mga huling bahagi ng Mateo, sa ikabanata 22, mapapansin natin ang
katulad na pangyayari kung saan binuod ng Panginoong Hesus ang kabuuan ng
kautusan (Lumang Tipan).
Mateo 22:34-40
Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, ay
nagtipon sila. At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa
kanya upang siya'y subukin. “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” At
sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo,
at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’Ito ang dakila at
unang utos.’ At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa
na gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong
kautusan at ang mga propeta.”
Kaya’t matapos ang mga ito, ating buuang masasabi na ang natatanging
paraan lamang upang maiwasan natin ang “rash judgements o dagliang pagbibigay
ng husga” ay ang pagiging maibigin sa kapwa. Pagpapamalas ng pag-ibig tulad ng
pag-ibig natin sa ating sarili.
Atin lamang laging alalahanin na hindi natin kayang ibigin ang iba kung
hindi pa natin iniibig ang Diyos (Mateo 22)

You might also like