You are on page 1of 12

Ang Mundo Sa Paningin Ng 

Isang…
March 23, 2008 by plumaatpapel ni Rogelio L. Ordonez

(Maikling kuwento — iniantolohiya sa SUBVERSO ng Alliance of Concerned Teachers o ACT)

KAGABI, matapos ang halos kalahating araw na pakikipagpulong, pakikipagtawaran at

pakikipagsigawan sa mga opisyales ng unyon sa pabrikang iyon ng tabakong pag-aari ng pamilya

Riego de Dios, nagmumurang umuwi ang kanyang amo, hindi nagdaan sa paborito nitong mamahaling

otel sa tabing dagat ni sa pangmayamang kapihan sa Malate upang maghanap ng babaing

makakapiling nito sa loob ng ilang oras o sa buong magdamag. Kahit sitenta anyos na, binata pa rin

ito, malakas pa rin at matikas ngunit waring takot mag-asawa, kaya parang nasisiyahan na at hindi

nagsasawa sa saglit na pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong babae na, kalimitan, pinakamatagal na

ang isang linggong pakikipagkalantarian.

Ikinatuwa niya ang pag-uwi agad nito sapagkat tiyak niyang hindi siya pipiliting magtrabaho, di gaya kung

nagbubumabad ito hanggang madaling-araw sa mga lugar na palipasan ng oras at aliw at pasyalan ng mga

babaing mababango, makikinis, husto sa tindig at sukat, at waring mahihiyang lapitan ni kausapin ng

karaniwang mga lalaki lamang na kukulu-kulo ang tiyan at walang maipagyayabang na kayamanan at

kapangyarihan. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang paglingkuran ang kanyang amo sapagkat mahaba-

haba na ring panahon ang kanyang ipinagtrabaho anumang oras nitong magustuhan, araw man o gabi,

katanghalian man o madaling-araw, o kahit dapat na muna siyang magpahinga para manumbalik ang sigla

niya’t lakas na matagal nang hinuhuthot at kinakatas.

Pagpasok na pagpasok ng kanyang amo sa maluwang, alpomprado at naiilawan ng aranyang mula pa sa

Paris na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park, agad nitong tinawag ang pandak, mataba at kikimbul-

kimbol na katulong na si Bebang na dose anyos pa lamang yata nang magsimulang maglingkod sa mga

Riego de Dios nang ang amo niyang si Miguelito — kilala ngayon sa daigdig ng negosyo bilang Don Miguel

na — ay kinse anyos naman. Nagpakuha ito ng isang kopita, malamig na tubig at isang boteng Dom

Perignon, tatlong ulit na mabilis na lumagok, at biglang nagtungayaw nang mabungaran sa napakalaking

telebisyon ang panggabing balita tungkol sa naganap na demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong mga

manggagawang idinadaing ang kahirapan ng buhay at miserable nilang kalagayan kaya humihingi ng dagdag

na sahod na P125 bawat araw.


“Punyeta! Mga b’wisit!” Umalingawngaw ang mataginting na tinig ni Don Miguel sa kabuuan ng salas,

naglagos hanggang sa kusina, kaya nagmamadaling bumalik ang katulong na si Bebang, nilalamulamukot

ang puting uniporme sa bandang tiyan at waring bariles na mabubuwal.

“Bakit po?”

“Tonta! Di kita tinatawag,” halos sairin nito ang lamang alak ng kopita. “Ano pa ang gusto nila? Mabuti nga,

may trabaho pa sila.”

“Sino pong sila?” parang naguguluhang tanong ng namumutlang si Bebang.

“Letse… di kita kinakausap.” Muli nitong sinalinan ng Dom Perignon ang kopita at parang walang anumang

tinungga.
REPORT THIS AD

Napangalahati ng kanyang amo ang lamang alak ng bote, at bigla siyang kinabahan nang magtungo ito sa

banyo, matagal na naligo, nagsabon nang husto at, pagkatapos, kinuha ang paboritong pabangong Bulgari,

winisikan ang leeg, maging ang dibdib at umuusling tiyan. Naisip niyang baka siya piliting magtrabaho, gaya

noong di na mabilang na araw at gabi na para siyang minerong paulit-ulit na palulusungin at paaahunin sa

makipot, madilim, malalim at maalingasaw na lugar na iyon na ikinaiigting ng mga ugat ng kanyang leeg,

ikinapupula ng kanyang ulo sa galit, ikinababaligtad ng kanyang sikmura hanggang sa tuluyan siyang

masuka at manlupaypay sa sobrang hirap ngunit, sa kabilang banda, para namang nasa glorya si Don Miguel

at siyang-siya sa ipinagawa sa kanya.

Kailan nga ba nagsimula ang kanyang kalbaryo?

Malabo at pira-piraso na ang mga gunita noong anim na taon pa lamang ang edad ni Miguelito – ngayon

nga’y si Don Miguel na – ngunit malinaw niyang natatandaan ang kasaysayan ng pamilya Riego de Dios

sapagkat, matapos ang marangyang hapunan habang tumutugtog sa ponograpo ang maindayog na mga

awiting Kastila, nakaugalian na nilang pag-usapan ang pinagmulan ng semilya ng pamilya sa beranda ng

lumang mansiyong iyon sa kalye Arlegui sa Quiapo, at waring hindi iyon pinagsasawaang sariwain noon

upang ipagmalaki marahil na hindi sila karaniwang Indio lamang kundi dumadaloy sa kanilang mga ugat at

puklo ang dugo ng isang taal na peninsulares.

Bantog na bantog noon diumano ang ama ni Miguelito – si Don Segismundo Manuel Riego de Dios y

Echevarria – sa mataas na lipunan ng Andalucia, hindi dahil sa kagandahang lalaki sapagkat sa edad pa

lamang na tatlumpong taon, bahagya na itong nakakalbo, medyo usli na ang tiyan, muntik nang matawag na

pandak batay sa karaniwang taas, at bilugang parang buwan ang malamang mukha ngunit, sa kabilang

banda, hinabul-habol ito at inambisyong maangkin ng naggagandahang mga senyorita dahil sa

pinakaimportanteng katangian – ang labis na kayamanan.

Bago pinakasalan ni Don Segismundo ang pinakamagandang senyorita sa Andalucia – si Donya Flordeliza

Luz Montealegre y Mercader na kamukhang-kamukha diumano ng inimbentong larawan ni Birheng Maria at


may katawang mala-Venus de Milo – naging kaibigan pa nitong matalik ang bantog na manunulat na

Amerikanong si Ernest Hemingway at nakahumalingan nilang manood ng mga corrida de toros, humanga

nang husto sa mga matador, lalo na kay Antonio Ordonez na naging paborito rin ng mga artistang sina

Orson Welles at Rita Hayworth, at nagsusumigaw sila at masigabong pumapalakpak kapag nalulugmok na

ang sumisingasing na toro dahil sa ulos ng matalim na espada. Nalahiran diumano ng ugali ni Hemingway si

Don Segismundo, naging mainitin ang ulo, naging medyo barumbado, naging lasenggo at bohemyo.

Wala pa silang isang taong kasal ni Donya Flordeliza, isang matipuno, matikas, dalawampu’t pitong taon

lamang ang edad at gupit-Alponsinong binatang Pranses ang malimit nilang bisita, nag-aalok kay Don

Segismundo ng kung anu-anong negosyo, ginagabi sa pakikipagkuwentuhan sa mag-asawa kahit pilipit ang

gramatika sa wikang Kastila ngunit sapat naman para maunawaan ng kausap hanggang, nang malaon,

nagbubumabad ito doon lalo na kung wala si Don Segismundo at kasama ni Hemingway sa mga panggabing

aliwan ng mga buhay bohemyo.

Nagulat na lamang ang alta sosyedad ng Andalucia nang isang umaga, parang apoy sa talahibang kumalat

ang balitang nag-alsa balutan si Don Segismundo, iniwang humahagulhol ang magandang asawa na muntik

nang mahulog sa marmol na hagdan nang ipagtulakan at tadyakan niya habang yumayakap sa kaliwa niyang

hita at nagmamakaawa. Saglit na nanatili sa Andalucia si Don Segismundo matapos iwan ang asawa,

nagpalikwad-likwad sa mga bahay-aliwan at mamahaling mga otel at, kalimitan, kasa-kasama at kainuman si

Hemingway.
REPORT THIS AD

Hindi naglipat-buwan, isang prayleng matagal na namalagi at yumaman nang husto sa Pilipinas ang nagbalik

sa Espanya, hindi sinasadyang nakausap si Don Segismundo, ipinagyabang kung paano niya naloko ang

maraming Indio habang pinalalaganap ang Katolisismo at ang mga aral ni Kristo, lalo na ang linyang

“mapapalad ang maralita at mapapasakanila ang kaharian ng langit” o “madali pa para sa isang kamelyong

makapasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman sa pinto ng langit.” At, ilang araw mula noon,

tuluyang iniwan ni Don Segismundo ang Andalucia at sumakay ng barkong papuntang Pilipinas.

Naging interesado si Don Segismundo sa industriya ng tabako sapagkat mahal na naibebenta sa Europa ang

mga produkto nito, sigarilyo man o abano o maging maskada, at nang mabalitaan niyang sa Vigan at sa iba

pang panig ng Ilokos ang malalawak na taniman, agad niyang pinuntahan ang kura paroko doon – si Padre

Ramon Labrador, isa ring peninsulares na gaya niya ngunit hindi taga-Andalucia kundi mula sa Catalonia at

kahit apat na taon pa lamang nanunungkulan sa Vigan, may daan-daan nang ektaryang lupain doon, may

matatapat na katiwala at masisipag na magsasakang sanay na sanay magtanim ng tabako at mangalaga sa

mga iyon laban sa mapaminsalang mga insekto, hanggang anihin at patuyuin ang mga dahon at iluwas sa

Maynila.
“Bakit bibili ka pa ng lupa? Gamitin mo ang iyong pagka-Kastila,” nakangising sabi ni Padre Labrador nang

nagpapahanap si Don Segismundo ng mga isandaang ektarya upang makapagsimula siya sa naturang

industriya. “May isang dalagang India dito, debotong Katoliko, at kailan lamang, nakamana ng mga dalawang

libong ektarya nang gilitin ni Kamatayan ang leeg ng kanyang ama. Pagkatapos ng agunyas, maaga tayong

maghapunan. Papasyalan natin at ipakikilala kita. Alam kong gustung-gusto niyang makapag-asawa ng isang

Kastila batay sa malimit niyang ikumpisal kapag mayroon siyang pinagnanasaan.” Tumaginting sa kumbento

ang halakhak ng kura paroko.

Wala pang dalawang linggong nagpabalik-balik si Don Segismundo sa malaking bahay-Kastila ng pamilya

Baterina sa Vigan at nang buwang ding iyon, kahit may iniwan siyang asawa sa Andalucia, magarbong

ikinasal ni Padre Labrador si Don Segismundo kay Petra Baterina na beynte kuwatro anyos na noon,

matingkad na kayumanggi gaya ng maraming Ilokana, mga limang piye at isang pulgada ang taas, medyo

pango, matulis ang baba, at halatang tabain lalo na kapag nanganak na. Natural, si Don Segismundo na ang

lubos na namahala sa dalawang libong ektaryang lupaing minana ni Petra, pinatamnan niya agad iyon ng

tabakong mula pa diumano ang binhi sa Cuba hanggang makapagtayo sila ng pabrika sa Marquez de

Comillas sa Maynila at mabili ang mansiyong iyon sa Arlegui na, noong 1935, sa kabila ng dalawampu’t isang

taon nang pagsasama, at hindi na nga inaasahang magkaanak pa sa edad na kuwarenta’y singko na,

biniyayaan sa wakas ng diumano’y mahabaging Diyos – at itinuring pa ngang milagro ng mga relihiyoso — si

Donya Petra ng isang malusog na sanggol na mestiso na walang nakuha ni mata sa ina kundi sa lakas

marahil ng dugong Kastila ni Don Segismundo, mahihirapang paniwalaang ang ina’y isang taal na Ilokana.

Iyon nga si Miguelito, ngayo’y Don Miguel na kahalubilo ng mga Zobel de Ayala, ng mga Soriano y Cia, at

kung sinu-sino pang kilala sa daigdig ng malalaking kapitalista.

Hindi na niya matandaan ngayon kung paano, mulang Andalucia, dalawang nakababatang kapatid na babae

ni Don Segismundo ang biglang dumating sa mansiyon sa Arlegui, doon na nanirahan at naging katuwang

sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya Riego de Dios. Bago ibinalik ng Amerika noong Hulyo 4, 1946 ang

inagaw nitong kasarinlan ng Pilipinas, magkasunod na namatay sina Don Segismundo at Donya Petra at

naiwan sa kalinga ng dalawa niyang Espanyolang tiya ang labing-isang taong gulang pa lamang na si

Miguelito, gayundin ang pagpapatakbo sa industriya ng tabako ng pamilya. Sa mga tiya nga ni Miguelito,

pagkatapos ng marangyang hapunan, malimit niyang marinig ang paulit-ulit na ikinukuwento ng mga ito na

kasaysayan ng semilya ng pamilya sa harap ng parang namamalikmatang si Miguelito at, sa kabilang banda,

waring iniiwasan ng mga iyong banggitin man lamang ang pamilya Baterina.
REPORT THIS AD

Hindi na rin malinaw sa kanya nang umalis na sa mansiyon sa Arlegui ang dalawang tiya ni Miguelito nang

ito na ang nagpapatakbo ng negosyo sa edad na beynte y kuwatro, kung nagsipag-asawa pa o

nagpakatandang mga dalaga dahil isinusuka noon pa man ang mayayamang binatang Indio na hindi
miminsang umaali-aligid sa mga ito. Hindi niya rin alam kung bumalik ang mga iyon sa Andalucia at doon na

hinintay ang pagkaubos ng hininga sa piling ng mga kapwa peninsulares na mahilig magpasiklab sa alta

sosyedad at waring ang dugong dumadaloy sa kanilang mga ugat, pusod at puklo ang siya lamang

natatanging dugong bughaw sa daigdig ng diumano’y mga maharlika.

Kailan nga ba siya nagsimulang maglingkod kay Don Miguel?

MALIWANAG ang nakalilito niyang kabataan sa piling ni Miguelito, gayundin ang paulit-ulit at

nakapanlulupaypay niyang pagtatrabaho nang magbinatilyo na ito hanggang sa kasariwaan ng sigla ng

katawan at daluyong ng mainit na dugo sa singit at puson at, ngayon na lamang, dala na rin marahil ng edad

at lumipas na sulak ng damdamin, malimit na siyang makapagpahinga at nagagawa na niyang tanggihan si

Don Miguel kapag pinipilit siyang magtrabaho kapalit ng mga mura at insulto at, kahit sakalin pa siya nito, o

ipasakal sa kasama nito, nagagawa niyang payapain ang sarili, iniwawaksi ang galit sapagkat, batay sa

kanyang karanasan, tuwang-tuwa ang kanyang amo kapag siya’y galit na galit dahil agad na napagtatrabaho

at napipilit pasukahin kahit namimilipit at mawalan ng ulirat sa hirap.

Ngayon niya lamang nauunawaan ang kanyang kalituhan sa panahon ng kamusmusan ni Miguelito. Noon,

labis niyang ipinagtaka kung bakit kailangan pang hiwain ang kanyang balat malapit sa ulo para

makapanungaw siya at makita ang munti niyang daigdig. Bumunghalit ng iyak si Miguelito nang hinihiwa

siya, at tumahimik lamang nang bendahan na ang kanyang sugat. Ilang araw din siyang nakabenda noon

pero, tuwing umaga, nilalanggas naman ang kanyang sugat, pinapalitan ng benda hanggang sa tuluyang

mangati-ngati, matuyo at maghilom.

Nang magsimulang mag-aral si Miguelito sa elementarya ng Ateneo de Manila, malimit itong manghabol ng

suntok o mambato kaya kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga – siya nga na hindi makahiwalay at

kakambal na ng kanyang amo saanman ito magpunta. Hanggang maaari, pilit siyang itinatago ni Miguelito,

ayaw ipakita kaninuman, at nasusulyapan niya lamang ang kanyang mga kauri sa loob ng mga kubeta sa

Ateneo kapag halos sabay-sabay silang pinasusuka ng madilaw-dilaw na likido ng kani-kanilang amo.

Magaan lamang ang kanyang trabaho noon, iyon lamang, ang sumuka ng madilaw na tubig anumang oras

magustuhan ni Miguelito ngunit, nang trese anyos na ang kanyang amo, labis niyang ikinagagalit kapag

nilalaru-laro siya, hinihimas sa ulo, lalo na kapag lihim na binubuklat ni Miguelito sa loob ng nakapinid na

kuwarto ang ilang de kulay na magasing itinatago nito sa ilalim ng kama. Sinasakal siya habang nilalaro

nang husto, masidhing hinihilang pataas-pababa ang kanyang balat sa may leeg, hanggang maramdaman

niya ang pagpupuyos ng damdamin at waring pagbaligtad ng kanyang sikmura, at bigla siyang masusuka,

manlalambot na waring pagod na pagod kasabay ang impit ngunit nasisiyahang daing o halinghing ng

kanyang amo.
Malimit nang gawin iyon ni Miguelito, dalawang beses, kung minsa’y tatlo sa isang araw, lalo na kapag

binubuklat ang nakatagong magasin o sa mga pamamasyal, nakakakita ito ng makinis na binti’t lampas-

tuhod na palda sa simbahan man kung Linggo o sa mga mamahaling restawrang paboritong kainan ng

mayayaman kasama ang mga anak na dalagitang mababango’t makikinis, mahilig sa maarteng

pagbungisngis, at sinasadya yatang ipakita ang maputing mga hita kapag napapansing pinagmamasdan sila

ng mga binatilyong hindi mapakali sa upuan at nanlalaki ang mga mata sa katititig sa kanila. Kung noon,

ikinagagalit ni Miguelito kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga, buong kayabangan namang

ipinagmamalaki na siya nito sa mga kabarkada, sinasabing hindi siya basta-basta at tiyak na mananalo kung

may paligsahan ng mga batuta.


ADVERTISEMENT
REPORT THIS AD

Natiis pa niya ang gayong trabaho, ang laru-laruin at galitin siya, saka madaliang pasukahin ngunit, nang

lubusang magbinata na si Miguelito at magbumabad sa mga panggabing aliwan, makisalamuha sa piging at

handaan ng mga mayayaman at makahalubilo ang naggagandahang mga kababaihan, sumidhi ang daloy ng

umaalimpuyo nitong dugo sa puson at, sa bawat gabi, isinasabak siya sa trabaho at, kalimitan, madaling-

araw na kung siya man ay pinagpapahinga, lupaypay sa hirap at halos hindi na makagulapay at

manunumbalik lamang ang kanyang lakas kapag naligo na ang kanyang amo at sabunin siya nang husto

saka magana at saganang mag-aalmusal sa primera klaseng otel na naging lunduyan ng maligayang daing

ng magdamag.

Ayos lamang naman sana sa kanya kung pinagtatrabaho man siya ng kanyang amo pero, nang malaon,

tumimo sa kanyang kamalayan ang miserable niyang kalagayan. Anumang oras na gustuhin nito,

katanghalian man, hatinggabi man o madaling-araw, puwede siyang piliting sagad-sarang magtrabaho

hanggang manlupaypay siya sa hirap. Masakit nga na kahit dapat na oras na ng pagtulog at pamamahinga,

bigla siyang patatayuin at hindi niya maiwasang labis na magalit at maghimagsik na halos ikabalatay ng mga

litid niya sa leeg, ikapula ng kanyang ulo at ikapanigas ng kanyang kalamnan. Alam niya, batay sa

nakasusuklam niyang mga karanasan, waring hindi pinagmamalasakitan ng kanyang amo ang kanyang

kalusugan. Para siyang minerong lusong-ahon, dahan-dahan sa simula, ngunit aapurahin kung malaon, sa

madilim, makipot, malalim at maalingasaw na butas na iyon. Patitigilin nga lamang siya ng kanyang amo

kapag bumaligtad na ang kanyang sikmura at tuluyan siyang masuka’t hindi na makagulapay. At ano lamang

ang kanyang pabuya? Ang paliguan at sabunin nang husto matapos ang walang habas na pagtatrabaho?

Sa kabilang banda, labis niya namang ikinatatakot kapag naligo nang husto ang kanyang amo kahit hindi pa

siya nakapagtatrabaho, magwiwisik ito ng pabango, magsesepilyo’t magmumumog ng pampabango din ng

hininga at sa dinami-dami ng mga damit na pamporma, nakakailang sukat-palit bago makapagpasiya kung

ano ang tuluyang isusuot. Paulit-ulit na kakausapin siya, ipagdidiinang huwag siyang ipapahiya sa kanyang
makakasama sa magdamag kaya kailangan niyang pagbutihin ang nakagawiang ipagawa sa kanya. Kapag

gayon, natitiyak niya, matagal ang oras ng kanyang trabaho. Naroroong matagal na dila-dilaan ng kasama

nito ang kanyang ulo at wala siyang magawa kundi magalit kahit pilitin niyang payapain ang damdamin.

Naroroong sakal-sakalin siya hanggang sa halos hindi na siya makahinga hanggang tuluyan siyang itulak

papasok sa entrada ng minahan, at magsisimula na nga ang waring walang katapusan niyang kalbaryo ng

pag-aahon-lusong, ang pag-igting ng kanyang mga ugat, ang panginginig ng kanyang kalamnan at, sa

wakas, ang pabugso niyang pagsuka na waring saglit niyang paglaya sa buhay-busabos sapagkat matagal-

tagal siyang makapagpapahinga ngunit, kung minamalas, kahit kababalik lamang ng kanyang lakas, biglang-

bigla siyang pababangunin ng kanyang amo upang piliting muli na namang magtrabaho.

Sa buong panahon ng kasiglahan ng kanyang amo hanggang unti-unti na itong nakakalbo, miminsan niyang

inakala na pinagmamalasakitan din siya nito nang isang gabi, mula sa isang sikat na kapihan sa Malate,

pinilit isama ni Don Miguel sa silid ng isang otel – katumbas marahil ng pabuyang kinse mil pesos – ang

isang babaing mestisahin, makinis, balingkinitan, may naghuhumindig na dibdib, halatang wala pang

dalawampung taong gulang at maituturing nang apo ng kanyang amo kung ito’y hindi natakot mag-asawa’t

magpamilya. Kung udyok ng babae o hindi, noon lamang siya maingat na sinuotan ng kapote ng kanyang

amo bago pinalusong at pinagtrabaho sa maalingasaw na minahan ngunit, matapos ang paulit-ulit, paulit-ulit

na paglulusong-ahon, laking gulat naman niya nang sa mismong mukha niya naman sumambulat ang

gustung-gustong ipasuka sa kanya ni Don Miguel. Nasabi niya tuloy sa sarili: mabuti pang hindi na siya

sinuotan ng kapote.

MATAGAL na niyang pinaghihimagsikan ang gayong buhay, ang busabos niyang kalagayan sa mahabang

panahon ng paglilingkod kay Don Miguel at nang magsimula itong tumuntong sa edad na sisenta y singko

hanggang ngayong sitenta na, saka niya lamang unti-unting naipadama sa kanyang amo ang tahimik niyang

pagpoprotesta. May mga sandaling kahit ano ang gawin ni Don Miguel – pahiran man siya sa ulo at katawan

ng kung anu-anong krema, laruin man siya o ipalaro, padila-dilaan man ang kanyang ulo, sakal-sakalin at

hilahin pataas-pababa ang balat sa leeg – nananatili siyang nakayuko lamang at hindi pinapansin ang

anumang pagmumura ng kanyang amo. Ilang beses na nga niyang narinig na wala na siyang silbi, inutil, at

bihirang-bihira nang mapakinabangan hanggang dumating ang puntong labis na siyang ikinahihiya ng

kanyang amo sa mga pumapatol pa ring makaniig ito. Sa marami nang pagkakataong iyon, malakas na

punyeta at punyeta ang laging lumalabas sa bibig ng kanyang amo habang pigil na humahagikhik ang

kapiling nito. Gayunpaman, bihirang-bihira na, may pagkakataong saglit siyang nagagalit ngunit mabilis din

naman siyang nanlalambot kahit kalulusong lamang at hindi pa sumusuka sa maalingasaw na butas na iyon

na lalong ikinaiinis at ipinanggagalaiti ni Don Miguel.


Kahit hindi na niya magawa ngayon ang dating trabaho, hindi pa rin nagsasawa si Don Miguel sa

pagpapalipas ng oras sa paborito nitong primera klaseng mga lugar aliwan kung saan walang itulak-kabigin

sa mga babaing nag-aagawang maupo sa tabi nito. Waring nasisiyahan na lamang ngayon si Don Miguel sa

pakikipag-usap at paghimas-himas sa mga iyon at, kung isama man sa kuwarto ng isang otel, milagro ng

mga milagro kung mapilit siyang saglit na magtrabaho. Uuwi tuloy si Don Miguel na mainit ang ulo at, bago

mananghalian, pupunta agad sa opisina nito sa pabrika ng tabako, gagala sa planta at bubulyawan ang

sinumang trabahador na tatamad-tamad diumano at hindi ayos ang ginagawa.

“Kung tinatamad kayo, umuwi na kayo! Huwag na kayong babalik. Punyeta.” Malimit nitong isalubong sa

mga trabahador, lalo na nga kung noong nagdaang gabi, hindi siya nito napilit magtrabaho at mapasuka.

Sa pabrikang iyon ng tabako ng mga Riego de Dios, si Don Miguel ang Diyos at may hawak ng buhay at

kapalaran ng mga manggagawa doon. Noong una, kapag napag-initan ang sinumang trabahador, lalo na ang

mga umaangal sa suweldong dapat matagal nang naumentuhan dahil lumolobo ang presyo ng mga bilihin at

sobra-sobra naman sa kabilang banda ang tinutubo ng kompanya, agad iyong ipatatawag ni Don Miguel sa

opisina, sisinghalin at papupuntahin sa kahera upang ipakuha ang huling suweldo at anumang karampot na

benipisyo. Kahit lumuha at magmakaawa, sukdulang lumuhod man, sadyang matigas ang puso ni Don

Miguel at hindi na mababago ang pasyang tanggalin sa trabaho ang manggagawang matagal na ring

naglilingkod sa kanyang pabrika.

“Magreklamo ka sa Dole, punyeta!” pabulyaw pang sasabihin nito.

Laking gulat na lamang ni Don Miguel nang isang araw, ilang manggagawa ang pumasok sa opisina nito,

may dalang sulat at ipinatatalastas sa kompanya na may unyon na ng mga manggagawa at, katunayan, may

sertipiko na at nakarehistro na sa Kagawaran ng Paggawa. Nagmura man nang nagmura si Don Miguel, sa

payo na rin ng abogado ng kompanya, napilitang kilalanin nito ang unyon, nakipagtalastasan nang malaon

tungkol sa mga kahilingan, hanggang kangina ngang umaga, nagharap sa opisinang pangkomperensiya ang

dalawang panig at, kahit halos maghapong nag-usap at nagpaliwanagan, lumilitaw na wala pa ring malinaw

na napagkasunduan. Matigas ang mga opisyales ng unyon sa kanilang mga pahayag at kahilingan, lalo na

nga ang tungkol sa umento sa sahod, bayad sa sobrang oras ng paggawa, libreng gamot at pagpapagamot,

kaseguruhan sa trabaho, at iba pang itinadhana na ng batas ngunit matagal nang nilalabag ng kompanya. Sa

takbo nga ng usapan kangina, lumilitaw na nagmamatigas si Don Miguel at binigyang-diin pa na utang na

loob ng mga manggagawa na pinagtatrabaho pa nito ang mga iyon sa kompanya ng tabako ng mga Riego de

Dios.

Tuwang-tuwa naman siya sa nangyari sapagkat, sa init ng ulo, dumeretsong umuwi ang kanyang amo at

waring nakalimutan ang nakagawiang aliwan sa piling ng mababango, makikinis at malalambing na babaing

halatang namumulupot kay Don Miguel hindi na dahil sa husay niyang magtrabaho kundi sa lalo nitong
pagiging galante. Kinabahan nga lamang siya nang matapos lumaklak ito ng Dom Perignon, naligo ito nang

husto at nagpabango pa ngunit, nang humilata na ito sa kama – napagod marahil ang isip sa mga problema

ngayon sa kompanya – tiyak na tiyak niyang lubos siyang makapagpapahinga hanggang umaga, at hinding-

hindi siya pipiliting galitin, ni ipagalit sa sinumang kapareha, upang pagtrabahuhin pa kahit paano, kahit

mabilis siyang nanlalambot gayong saglit lamang ang kanyang paglusong at pag-ahon sa dinadalaw nitong

minahan. Kalimitan nga – na labis na ipinagtutungayaw ni Don Miguel kasabay ng panlalait sa kanya – ni

hindi na siya makapasok man lamang sa entrada ng minahan dahil agad siyang nalulugmok sa panlalambot.

Naisip tuloy niyang matagal na ngang nahuthot at nakatas ang kanyang lakas sa ilang dekada na rin namang

paspasang pagtatrabaho niya para masiyahan lamang ang kanyang amo sa matapat niyang paglilingkod.

MAAGANG nagising kinaumagahan si Don Miguel, humingi lamang ng isang basong sariwang gatas kay

Bebang, saglit na namalagi sa banyo, ipinahanda ang kulay asul na terno at, pagkabihis, habang hinihintay

ang itim na Mercedes Benz at tsuper na si Mang Benito, parang hindi ito mapakaling palakad-lakad sa

kabuuan ng maluwang na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park. Malimit kumunot ang noo nito saka

biglang sisigaw ng punyeta habang nakadukot ang kaliwang kamay sa bulsa ng pantalon. Akala niya tuloy

siya na naman ang minumura nito tulad sa bawat pagkakataong hindi na niya ito mapaglingkuran nang

lubusan buhat nang magka-edad. Ngayon, kung tutuusin, parang ang muli niyang pinagsisilbihan ay si

Miguelito sa panahon ng kamusmusan nito at wala na siyang obligasyon kundi ang magbuga na lamang ng

madilaw na tubig sa naghihintay na palikuran ng mga kauri niya ngunit hindi na sumisirit na gaya noon

kundi, kalimitan, matamlay na matamlay sa paglabas at pagpatak.

Wala na nga ba siyang silbi? Iyon ang malimit niya ngayong marinig na paratang ni Don Miguel. Iyon ang

hindi niya matanggap at ikinasasakit ng damdamin hanggang nagsusumigaw sa kanyang isipan ang

paghihimagsik sapagkat, sa abot ng kanyang pang-unawa, ni hindi man lamang minamahalaga ngayon ni

isinasaalang-alang ng kanyang amo ang matagal na niyang paglilingkod na nagdulot din naman ng ibayong

kaligayahan at kaluwalhatian sa sulak ng dugo ng binatang si Miguelito at, gayundin, nang si Don Miguel na

ito. Kasalanan ba niya kung hinuthot ng kanyang amo ang dati niyang sigla at lakas, kung halos hindi na siya

pagpahingahin sa walang oras na pagtatrabaho? At ano ngayon ang gantimpala? Ang pagbuntunan ng sisi?

Ang paratangang inutil? Gusto tuloy niyang sumigaw, manawagan sa mga kauri niya, upang labanan na ang

kani-kanilang amo at putulin, sa wakas, ang tanikala ng matagal nang sa kanila’y pambubusabos ng uring

kanilang kinagisnang paglingkuran. Hindi niya tuloy naiwasang itanong sa sarili kung bakit ngayon lamang

siya namulat sa kahabaghabag niyang kalagayan. Bakit hindi noon pa nang malakas siya at masigla?

Kabubukas lamang ng maluwang na tarangkahan ng bakuran ng pabrika nang dumating si Don Miguel at

nagmamadaling pumasok sa opisina. Ilang saglit lamang, nasa kani-kanilang puwesto na ang mga

manggagawa, paanas na nag-uusap at ipinagtataka marahil kung bakit gayong kaaga ng kanilang amo dahil,
kalimitan, halos alas onse na o makapananghalian bago ito sumulpot sa pabrika. Makaraan ang ilang minuto,

nagmamadaling pumasok sa opisina nito ang abogado ng kompanya, may dala-dalang kung anu-anong

papeles na pahapyaw lamang pinagtuunan ng pansin ni Don Miguel.

“Kausapin mo ngayon ang presidente ng unyon ng mga punyeta. Bilhin mo… suhulan mo para iurong ang

mga reklamo sa Dole, “ utos ni Don Miguel sa abogado.

“Matigas po, talaga. Nagbanta na nga po silang magwewelga kapag di natin naibigay ang mga hinihingi nila.”

“Mga walang utang na loob, punyeta! Mag-isip ka ng paraan kung paano sila tatanggaling isa-isa… kahit

sinong opisyal nila, lalo na iyong b’wisit na presidente. Tingnan mo rin sa mga trabahador ang p’wedeng

palayasin na… iyong matatanda na at di na gaanong makapagtrabaho. Iyong mga inutil na.”

Naisip niya, siya yata ang pinariringgan ng kanyang amo, pero malinaw namang mga trabahador sa pabrika

ang tinutukoy nito. Padaguk-dagok sa mesa si Don Miguel, at ilang beses na tumawag sa telepono; may

narinig pa siyang tinawagang kung sinong heneral, sinabing baka magkawelga sa pabrika at kailangan nito

ng ayuda ng mga pulis. Huli niyang narinig ang paulit-ulit nitong salamat, salamat, salamat. May tatawagan

pa sana ito, ngunit waring nagdalawang-isip, kaya tuluyan nang ibinaba ang telepono at kumunut-kunot ang

lumapad nang noo dahil sa bahagyang pagkakalbo.

Ilang ulit pang nakipagnegosasyon ang unyon, ngunit ang abogado lamang ng kompanya ang humaharap, at

sinabi nitong nalulugi ang pabrika kaya imposibleng maipagkaloob ang hinihinging umento at benipisyo ng

mga manggagawa. Idinagdag pa nitong mapipilitang magbawas ng mga empleyado ang kompanya para hindi

magsara at malamang na pagretiruhin na ang lampas na ang edad sa sisenta.

“Nalulugi? Imposible!” alsa-boses na sabi ng presidente ng unyon. “Noong nagdaang taon, ang laki nga ng

binayarang buwis ng kompanya. Ibig sabihi’y malaki ang tinubo. Mali ba ang rekord sa BIR, Attorney? O

talagang s’wapang si Don Miguel?”

Saglit na hindi nakakibo ang abogado, saka banayad na sumagot.

“Ipinararating ko lamang sa inyo ang panig ng kompanya. Tingnan natin, baka magawaan pa natin ng

paraan. Kakausapin ko nang husto si Don Miguel.”

Sa ilang araw na iyon, ikinatuwa niyang laging mainit ang ulo ng kanyang amo. Waring nakalimutan na nito

ang nakaugaliang paghahanap ng kaparehang makakausap at mahihimas man lamang habang pinipilit

siyang magalit upang mapagtrabaho kahit panandalian man lamang, kahit alam nitong agad siyang

manlalambot at hindi na mapilit sumuka anuman ang gawin sa kanya ni Don Miguel, murahin man at

insultuhin, o pagtawanan man ng kapareha nito. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, unti-unti na siyang

nakalalaya sa matagal nang pagsasamantala sa kanyang lakas sa ilang dekada nang walang habas na

pagtatrabaho, hinuthot iyon nang husto, lalo na nga noong kasiglahan ng kanyang amo at umaalimpuyong

lagi ang dugo sa mga ugat hanggang puson. Noon, bihira nga siyang makapagpahinga, lupaypay na bago
sabunin at paliguan, at tuluyang patulugin nang mahimbing habang naglalaro pa sa bilugang mukha ng

kanyang amo ang ligaya’t kaluwalhatian. Gayunpaman, naisip niya, ano pa ang halaga ng kanyang paglaya

kung ubos na ang kanyang lakas?

Isang umaga, wala pa si Don Miguel sa pabrika, biglang pumutok ang welga ng mga manggagawa doon,

binarikadahan ang tarangkahan, ipinamukha sa mga nakasulat sa plakard at kartelon ang inhustisyang

dinaranas ng mga manggagawa sa pabrika ng tabako ng pamilya Riego de Dios, ipinagdiinan ang pagiging

tuso, ganid at makaharing pamamalakad ni Don Miguel, at magkakawit-bisig – lalaki man o babae – buong

tatag nilang hinarang sa pagpasok ang ilang trak ng kompanya, gayundin ang mga kotse ng ilang opisyal

nito. May mangilan-ngilan ding manggagawang hindi nakiisa sa welga, nagtangkang magsipasok, ngunit

waring nangatakot at umatras nang makitang dudumugin sila ng mga welgista.

Pero bago magtanghalian, nagdatingan ang mga isandaang pulis, mga nakabatuta, armadong parang lalaban

ng giyera, at agad na kinausap ng pinuno nito ang presidente ng nagwewelgang unyon, sinabihang ilegal

iyon, kaya makabubuting itigil na ang piket, papasukin sa tarangkahan ang mga gustong pumasok dahil,

kung hindi, mapipilitan silang buwagin iyon. Lalong nagkawit-bisig ang mga welgista, nagsigawang walang

aalis at, biglang-bigla, dinaluhong ng mga pulis ang piketlayn, walang habas na binatuta ang mga welgista

pati mga babae, at napilitang ipagtanggol ng mga nagwewelga ang kanilang hanay hanggang sa

magkahambalusan, magpangbuno, magkabatuhan at, sa isang iglap, ilang sunud-sunod na putok ng baril

ang nangibabaw sa kaguluhan.

Tatlo sa mga welgista, babae pa ang isa, ang duguang tumimbuwang. Ang iba’y nagpulasang umaagos ang

dugo sa mukha dahil sa pumutok na ulo sa hambalos ng batuta, may mga nabalian ng braso, nagkapasa sa

katawan, napilay at halos hindi na makalakad at, sapagkat walang kalaban-laban, walang nagawa kundi

magmura at magtungayaw habang tumatakbo at napilitang iwan ang piketlayn. Ilan pa sa kanila ang

puwersahang dinampot ng mga pulis at isinakay sa mobile car.

“May araw din kayo! Mga putang ina n’yo.”

Agad na nalaman iyon ni Don Miguel, at nalaman din niya, nang magkasunud-sunod ang tawag sa telepono

sa mansiyon nito sa Forbes Park. “Madadala na ang mga punyetang iyan. Magdemanda sila. Tingnan ko

kung mananalo sila sa akin sa korte. Aba, madali silang palitan,” nagyayabang pa nitong sabi sa kausap sa

kabilang linya. Sa buong araw na iyon, namalagi sa mansiyon ang kanyang amo, lumaklak na lamang ng

Dom Perignon, at waring hindi ikinatigatig ang marahas na nangyari sa pabrika.

Nang magising ang kanyang amo kinaumagahan, agad itong naligo ngunit hindi na siya gaanong sinabon at

binanlawan at waring tuluyan na nga siyang nakalimutan. Pagkaalmusal, agad itong nagbihis, ipinahanda

ang Mercedes Benz, sinabihan ang tsuper na dadaan muna sa pabrika saka may kakausapin sa Manila Hotel. Nang

palabas na sa bukana ng Forbes Park ang kotse, tatlong lalaking nakamotorsiklo ang biglang sumulpot at agad na
umagapay sa kotse, isa sa likuran at dalawa sa tagiliran, saka narinig na lamang ang sunud-sunod na mga putok.

Bumulwak ang dugo sa bahagyang nakakalbong ulo ni Don Miguel hanggang tumimbuwang ito sa upuan pisil-pisil

ang dumurugo ring dibdib.

Habang naghihingalo ang kanyang amo,bigla niyang naitanong sa sarili: “Malaya na ba ako? Kailan lalaya ang

mga kauri ko? Kailan?”#

You might also like