Professional Documents
Culture Documents
PANANALIKSIK
Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik
Ang pagpili at/o pagbubuo ng paksa ng isang pananaliksik ay isang kasanayang dapat
taglayin ng mga mag-aaral at guro s STEM. Kadalasan, ang pananaliksik ay nagsisimula sa isang
tiyak na paksa. Mula sa paksang ito ay maghahanap ng isang suliraning maaaring maging pokus
ng pananaliksik. Minsan, ang paksang mapipili ay isang suliranin mismo na kailangang pag-ukulan
ng panahong saliksikin. Minsan, ang paksa ng pananaliksik ay ibinibigay mismo ng guro sa
kanyang mga mag-aaral. Subalit, kadalasan, binibigyan mismo ng mga guro ng pagkakataon ang
mga mag-aaral na mag-isip o maghanap ng kanilang paksa ng pananaliksik.
Tatandaan, ang paksa ng pananaliksik ang buhay ng pananaliksik. Ang kakayahang
makahanap o makapili ng mahusay at napapanahong paksa ng pananaliksik ay isang mabuting
katangian o kasanayan. Ang isang mahusay na paksa ay palaging napapanahon at makatutugon
sa kasalukuyang karanasan at pangangailangan ng lipunan.
1. Pamagat ng Pananaliksik.
Ipinakikilala ng pamagat ang pokus ng pananaliksik. Ipinakikilala rin ng pamagat ang
saklaw nito at ang pangunahing layunin sa pagsasagawa ng pananaliksik. Dahil dito, ang pamagat
ay kailangan na maging maiksi, madaling maalala at gumagamit ng mga karaniwang salita (ISU
R&D Manual). Ayon kay Kulkarni (2013), ang pagsusulat ng pamagat ng pananaliksik ay
nagmumukha lamang madali subalit ito ay seryosong usapin. Kailangang maunawaan ng
mananaliksik na huhusgahan ang kanyang kabuuang papel batay sa pamagat ng papel nito. Ang
pamagat ng pananaliksik ay kailangang naibubuod ang pananaliksik gamit ang limitadong
termino, may kakayahang kunin ang kawilihan ng mambabasa at naihihiwalay nito ang sarili mula
sa mga kahalintulad na pananaliksik.
Sa pagbubuo ng pamagat ng pananaliksik, kailangang itong maging payak, maiksi at
kaakit-akit, at gumagamit ng mga angkop na salita (Kulkarni, 2013). Dagdag pa rito, sa pagbubuo
ng pamagat ng pananaliksik, kailangang magkaroon ng listahan ng mahahalagang konseptong
nais pag-aralan, ipangkat ang mga ito saka bumuo ng isang salita para sa mga ito, kung maaari.
Makalipas nito ay pagsama-samahin ang mga salitang nabuo para sa malinaw at makatawag
pansin na pamagat (ISU R&D Manual).
Halimbawa ng Pamagat:
a. Ang Implementasyon ng Mother-Tongue Based Multilingual Education (MTBMLE)
sa mga Paaralan ng Dibisyon ng Isabela: Isang Impact Analysis
b. Ponolohiya ng mga Wikang Filipino at Itawes: Isang Paghahambing at Pagsusuri
c. Ang Kasarian sa Lente ng Wika at Kulturang Ibanag
d. Pagsasalin at Pagsusuri sa Piling Akdang Pampanitikang Yogad
e. Feministang Dulog sa Pagsusuri sa Piling Akda ni Ruth Elynia Mabanglo
2. Introduksiyon o Panimula
Ipinaliliwanag nina Bondoc et al. (2014) na iniuugnay ng panimula ng pananaliksik ang
intensiyon nito sa mambabasa. Inilalahad sa bahaging ito ang malinaw na layunin at mga
pansuportang impormasyon para sa pag-aaral. Ipinaliliwanag naman nina Prieto et al.
(2017) na sa pamamagitan ng introduksiyon ay nailalagay sa tamang perspektiba ang
paksa ng pananaliksik. Kailangang mailahad sa bahaging ito ang mga dahilan para sa
pagsasagawa ng pananaliksik. Inilalahad naman nina Posecion et al. (2011) na ang
introduksiyon ay naglalahad ng pangkalahatang impormasyon tungkol sa paksa. Bukod pa
rito, matatagpuan sa bahaging ito ang kahalagahan ng pananaliksik sa lipunan at ang mga
dahilan ng pagpili ng mananaliksik sa paksa.
Inilahad naman nina Taylan et al. (2016) na sa pagsusulat ng panimula, sikapin itong
maging maiksi at proporsyunal sa haba ng kabuuang papel. Kinapapalooban ito ng mga
impormasyon tungkol sa (1) kaligiran ng paksa, kaugnay na mahahalagang isyu, suliranin
o ideya, (2) layunin ng pananaliksik, (3) depinisyon ng mga konseptong gagamitin.
Sa kabuuan, ang introduksiyon o panimula ng pananaliksik ang bahaging
nagpapakilala sa paksa at naglalahad ng mga batayan para sa pangangailangang isagawa
ang pananaliksik. Kailangang maipakita nang malinaw sa bahaging ito ang “gap” tungkol
sa suliraning nais bigyang solusyon sa pag-aaral. Tatandaan na sa paglalahad sa bahaging
ito, kadalasang sinisimulan sa mga pangkalahatang impormasyon at pandaigdigang
karasanan tungo sa higit na partikular na ideya at karanasan. Kinakailangan ding ang
bahaging ito ay mabuo mula sa iba’t ibang kaugnay na literatura. Kailangang may malinaw
na mga batayang pananaliksik, teorya at prinsipyo ang paglalahad sa bahaging ito.
Halimbawa:
Isang malaking aspeto ng pagkatuto ang uri ng wikang ginagamit sa loob ng
silid-aralan. Kung gayon, mahalagang isaalang-alang sa paghahanda ng kabuuang
kurikulum o kahit ang simpleng proseso ng pagtuturo at pagkatuto ang wikang
gagamitin. Ayon kay Peregrino (2012), kung nauunawaan ng mga mag-aaral ang
wikang ginagamit sa loob ng paaralan, higit na madali ang pagkatuto. Sa kabilang
dako, ayon kay Tulliao (2016), kung hindi rin kabisado ng mga mag-aaral ang wikang
ginagamit sa pagtuturo ay hindi rin magiging ganap ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa tala ng Kagawaran ng Edukasyon, mula 2007 hanggang 20012, ang resulta
ng National Achivement Test (NAT) ay pababa nang pababa lalo na sa larangan ng
Agham, Matematika, komunikasyon at komprehensiyon sa wikang Filipino at Ingles.
Ang mababang kalidad ng edukasyon na makikita sa resulta ng NAT ay itinuturing na
bunga ng mahina at magulong panuntunang pangwika at sistemang pang-edukasyon
ng bansa (Palis, 2014). Literal na multilinggwal ang Pilipinas sapagkat sa huling tala ng
Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2016, ang Pilipinas ay mayroong humigit-
kumulang 136 hanggang 171 wikang buhay.
Mula noong 1921, nagkaroon na rin ng iba’t ibang pagtatangkang tayahin ang
kalidad ng edukasyon ng bansa. Mula Monroe survey noong 1921 hanggang sa Iloilo
Experiment noong 1952 at Rizal Experiment noong 1962 ay pare-pareho ang nakitang
resulta at ibinigay na rekomendasyon ng mga nagsagawa ng pagsusuri at
eksperimento- mababa at hindi nakakamit ng mga mag-aaral ang itinakdang
kompetensi kaya isinusulong na gamitin ang mga lokal na wika sa pagtuturo ng iba’t
ibang asignatura sa paaralan kabilang ang Agham at Matematika. Pumapabor din
para sa paggamit ng mga katutubong wika ang resulta ng Lingua Franca Project noong
1999-2001 at Lubuagan Project noong 1999-2012. Sa mga nasabing proyekto,
lumilitaw na ang mga mag-aaral na tinuruan gamit ang katutubong wika ay mayroong
mas mataas na kasanayang pangwika at pangmatematika sa pagtatapos ng Grade 4.
Sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 74, serye 2009 at ng Batas
Republika 10533 noong 2013, itinalaga at ginawang sapilitan ang paggamit sa mga
katutubong wika o lingua franca ng mga mag-aral bilang midyum ng pagtuturo sa lahat
ng asignatura mula Kinder hanggang Grade 3. Naniniwala ang mga tagapagsulong ng
panuntunang ito na higit na mataas ang pagkatuto at literasiya ng mga mag-aaral
kung tuturuan ang mga mag-aaral sa wikang higit nilang nalalaman. Sa pamamagitan
naman ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 18, serye 2011 ay inatasan ang pagsasanay
ng mga gurong nagpapatupad ng MTBMLE kabilang ang mga wikang gagamitin sa
pagpapatupad nito na nakapaloob sa Kautusang Pangkagawaran 16, serye 2012 at
Kautusang Pangkagawaran Blg. 28, serye 2013.
Sa kabila ng positibong pagtanggap sa sektor ng mga eksperto sa wika at mga
guro, lumilitaw sa mga pag-aaral ang ilang suliranin kaugnay ng pagpapatupad sa
nasabing panuntunan. Napatunayan sa mga pag-aaral na hirap ang mga guro sa
pagtuturo dahil hindi angkop ang wika ng mga aklat at iba pang kagamitang panturo
sa konteksto ng mga mag-aaral, kakulangan sa kagamitang panturo, ang
multilinggwal na silid-aralan, suliranin sa pagsasalin, pagpapaliwanag sa mga teknikal
na konsepto sa lokal na wika at iba pa. Dahil dito, naniniwala ang maraming guro na
bumababa ang kahusayan ng mga mag-aaral (Carpio, 2017; Cabansag, 2016;
Deiparine at Gomez, 2016; Napinas, 2016; Cruz, 2015).
Ang pananaliksik na ito ay isinagawa upang tiyakin ang persepsiyon ng mga guro at
mag-aaral sa mga paaralan ng Dibisyon ng Isabela tungkol sa implementasyon ng
panuntunan sa Mother-Tongue Based Multiligual Education (MTBMLE) partikular sa
pagpapatupad sa layunin, kagamitang panturo, wikang panturo. layunin ng
pananaliksik na ito na magsilbing panimulang batayan sa pagpapabuti ng
panuntunang pangwika ng batayang edukasyon.
3. Layunin ng Pananaliksik
Inilalahad sa bahaging ito ang mga tiyak na tunguhin ng pananaliksik. Mababasa sa
bahaging ito kung ano-ano ang mga nais na maganap o matugunan makalipas ang
pagsasagawa ng pananaliksik. Sa pagsusulat ng layunin ng pananaliksik, kailangang
gumamit ng mga salitang pandiwa tulad ng ilarawan, suriin, tukuyin at iba pa. Iwasan
naman ang paggamit ng mga salitang walang tiyak na manipestasyon tulad ng
maunawaan, malaman at iba pa.
Ipinanunukala naman na sa pagsusulat ng layunin ay kailangang maging SMART. Ang
layunin ay kailangang maging specific (tiyak), measurable (nasusukat), attainable
(natatamo), relevant (napapanahon), at time-bound (may hangganan/limitado). Ang dami
ng layunin ng pananaliksik ay nakadepende sa pangangailangan na makikita naman sa
pamagat ng pananaliksik. Tatandaan lamang na habang dumarami ang layunin ng
pananaliksik ay humababa rin ang gagawing pananaliksik.
Sa ilang mga journal at publikasyon, ang layunin ay hindi isang tiyak na bahagi ng
sulating pananaliksik. Bagkus, ang bahaging ito ay isinasama sa bahagi ng introduksiyon,
partikular, sa dulong bahagi nito. Lamang, para sa mga baguhang mananaliksik o kahit ang
mga datihan na, higit na madaling suriin ang pananaliksik kung nakahiway ang tiyak na
layunin ng pag-aaral.
Halimbawa:
1. Ilarawan ang persepsiyon ng mga guro at mag-aaral sa antas ng
implementasyon ng panuntunang MTBMLE batay sa sumusunod:
a. Layunin ng MTBMLE;
b. Panuntunan sa Kagamitang Panturo; at,
c. Panuntunan sa Wikang Panturo.
2. Suriin ang pagkakaiba ng persepsiyon ng mga guro at mag-aaral sa
antas ng implementasyon ng panuntunang MTBMLE batay mga
nabanggit na aspeto.
3. Tiyakin ang akademikong performans ng mga mag-aaral ng MTBMLE
at ang pagkakaiba ng mga ito kung isasaalang-alang ang wikang
ginagamit at ang pagkakaiba ng mga ito.
4. Suriin ang ugnayan sa pagitan ng akademikong performans ng mga
mag-aaral at ng sumusunod:
a. Implementasyon ng layunin ng MTBMLE;
b. Implementasyon ng panuntunan sa kagamitan panturo ng
MTBMLE; at,
c. Implementasyon ng panuntunan sa wikang panturo ng MTBMLE.
Hinuha o Haypotesis
1. Walang makabuluhang ugnayan ang propayl sa sumusunod na baryabol:
a. saloobin ng mga respondent sa Filipino bilang asignatura at midyum ng
pagtuturo;
b. antas ng kasanayan ng mga respondent sa asignaturang Filipino; at,
c. estratehiya ng pagtuturo sa asignaturang Filipino.
2. Walang makabuluhang relasyon ang antas ng kasanayan sa Filipino at saloobin dito
bilang asignatura at midyum ng pagtuturo; at,
3. Walang makabuluhang relasyon ang antas ng kasanayan sa Filipino at estratehiya ng
pagtuturo sa Filipino sa pananaw ng mga respondent.
4. Metodo o Metodolohiya
Sa bahaging ito inilalahad ang plano para isagawa ang pananaliksik at masagot ang
mga layunin ng pag-aaral. Kailangang maging maiksi ito at buuin lamang ng isa (1) hanggang
dalawang (2) talata. Ipinaliliwanag sa bahaging ito ang disenyo ng pananaliksik, ang mga
respondent kabilang ang paraan ng pagpili sa mga ito, ang instrumentong gagamitin sa
pananaliksik kabilang ang pinagmulan nito, paraan ng pangangalap ng datos at ang mga
kagamitang estadistikang gagamitin sa pagbibigay kahulugan sa pananaliksik.
Halimbawa:
Ang pag-aaral na ito ay isang descriptive- correlational. Nagsilbing respondent
sa pag-aaral ang 2882 Grade 4 na mag-aaral at 234 na guro mula Grade 1 hanggang
Grade 3. Ang mga gurong respondent ay pinili gamit ang probability sampling na 95%
level of confidentiality at 5% na margin of error. Ginamitan din ng proportional
allocation sa pagtiyak ng bilang ng respondent ang magmumula sa bawat paaralan
at distrito. Para sa mga mag-aaral na respondent, 50 bahagdan ng kabuuang bilang
ng mga mag-aaral sa bawat paaralan ang nagsilbing respondent ng pag-aaral.
Ginamit sa pag-aaral na ito ang isang talatanungan na hinalaw sa mga pag-
aaral nina Sario (2014), Montecillo (2014), Wa-Mbaleka (2014), Valerio (2015),
Navarro (2016) at mga kautusan ng Kagawaran ng Edukasyon na may kaugnayan sa
pag-aaral. Para sukatin ang persepsyon ng mga respondent, ginamit ang 5-point Likert
Scale. Sa pagsusuri sa pinal na marka ng mga mag-aaral, ginamit ang tagubilin ng
Kautusang Pangkagawaran Blg. 08, serye 2015.
Prinoseso ang mga datos na nakalap gamit ang Statistical Package for Social
Sciences (SPSS). Ginamit din sa pag-aaral ang mean rating upang ilarawan ang
persepsiyon ng mga respondent. Ginamit naman ang averaging para sa marka ng mga
mag-aaral. Sa pagsusuri ng relasyon, ginamit ang Pearson correlation habang z-test
ang ginamit para suriin ang pagkakaiba sa persepsiyon ng mga respondent at f-test
naman ang ginamit sa pagsusuri sa kaibahan ng akademikong performans ng mga
mag-aaral.
5. Resulta at Diskusyon
Tulad ng anomang uri ng akademikong papel, ang bahagi ng resulta at diskusyon
ang pinakamalaking bahagi. Maituturing din itong pinakamahalagang bahagi ng
pananaliksik. Sa bahaging ito inilalahad, ipinaliliwanag at binibigyang kahulugan ang mga
datos na nakalap sa pananaliksik. Tatandaan na sa bahaging ito sinasagot ang mga
layuning tinukoy sa pananaliksik.
Sa paglalahad ng datos, maaaring gumamit ng ilang estilo tulad ng tabular,
grapikal at tekstuwal. Ang tabular ay ang paggamit ng mga talahanayan. Madalas itong
ginagamit sa mga tesis, disertasyon at mga aspektong hindi maaaring gamitan ng mga
larawan. Ang grapikal naman ay ang paggamit ng mga simbolo, larawan, graph at iba pang
representasyong biswal ng mga datos na nakalap. Karaniwan itong ginagamit sa mga
kumperensiya at journal kung saan limitado ang oras ng presentasyon at espasyong
gagamitin sa pagsusulat. Ginagamit naman ang tekstuwal na estilo upang ipaliwanag ang
kahulugan ng datos na makikita sa mga talahanayan at/o larawan.
Halimbawa ng Grapikal na Datos
150
100
50
0
2010 2011 2012 2013 2014 2015 2016 2017
6. Konglusyon at Rekomendasyon
Ang dulong bahagi ng sulating pananaliksik ay ang kongklusyon at rekomendasyon.
Ang kongklusyon ay isang maikling sagot sa layunin ng pag-aaral. Nangangahulugan ito
na ang dami ng layunin ng pananaliksik ay siya ring dami ng kongklusyon ng pananaliksik.
Sa kabilang dako, ang rekomendasyon ay mga suhestiyon upang mapanatili, mapaunlad
at/o maisagawa pa ang ilang bagay kaugnay ng kongklusyon ng pag-aaral.
Halimbawa
Kongklusyon
1. Mayroong kabuuang dalawampu’t apat (24) na ponemang
segmental ang wikang Itawes. Lima (5) rito’y mga ponemang
patinig at labinsiyam (19) ang ponemang katinig. Ang impit na
tunog ay kinakatawan ng simbolong tandang pananong na
walang tuldok (Ɂ).
2. Natukalasan sa pag-aaral na maraming pares minimal at
ponemang malayang nagpapalitan ang wikang Itawes.
Natuklasan ding walo (8) ang diptonggo ng wikang Itawes.
3. Ang klaster ng wikang Itawes ay bunga ng implipikasyon at
panghihiram ng wika. Mayaman sa klaster ang wikang Itawes
bagaman ang mga ito ay matatagpuan lamang sa posiyong
inisyal at midyal.
4. Lumilitaw din ang ponemang suprasegemental sa wikang Itawes
lalo na sa lebel ng tono, haba, diin at ntala.
Rekomendasyon
1. Maghanda ng iba’t ibang material na nakapokus sa pagsasanay
sa pagkilala sa magkakaibang makabaluhang tunog sa wikang
Itawes.
2. Magsagawa ng mga materyal sa wikang Itawes na maaaring
gamitin sa pagtuturo ng MTBMLE.
3. Magsagawa pa ng pag-aaral patungkol sa estraktura ng wikang
Itawes lalo na sa lebel ng morpolohiya at sintaksis tungo sa
pagbubuo ng gamiting ortograpiya nito.
4. Ihambing ang ponolohiya ng wikang Itawes sa iba pang wika ng
Pilipinas.