You are on page 1of 2

E.

nobela (Titser)

Pamagat: Titser

Awtor: Liwayway A. Arceo

Uri ng Panitikan: Nobela, isang serye mula sa magasing Liwayway noong 1950's

Wika: Pilipino

Taon ng Paglalathala: 1995

Tagapaglimbag: Ateneo de Manila University Press

Protagonista: Amelita Martinez at Mauro

Lugar: Isang pamayanan sa kanayunan ng Pilipinas

Punto de bista: Ikatlong Persona

Tema: Pakikialam ng ina sa pag-aasawa at propesyon ng anak, pag-iibigan ng dalawang guro sa kabila ng
kahirapan.

BUOD:

Ang nobelang Titser ni Liwayway Arceo ay sumesentro sa buhay ng mag-asawang Amelita at Mauro na
kapwa pinili ang propesyon ng pagtuturo. Nakapokus ang naratibo sa mariing di-pagsangayon ni Aling
Rosa, ang ina ni Amelita, sa pagsasamahan ng dalawa. Sapagkat ang kanyang apat na anak ay
nakapagtapos sa kolehiyo ng may "titulo," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng
kanyang bunso, dala na rin ng kaisipang hindi titulong maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa
kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si Aling Rosa sa
katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga haciendero na sumusuyo kay Amelita.
Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung
hindi si Mauro, isang ring guro sa pampublikong paaralan. Nang malaman na ipapakasal siya ni Aling
Rosa sa binatang si Osmundo, agad na nagkipagisang dibdib si Amelita kay Mauro. Dahil sa pagkabigo, at
dahil na rin sa poot sa bunsong anak, umalis si Aling Rosa sa probinsya at nagbakasyon sa mga anak na
nasa Maynila. Bagamat doon ay hindi siya inaaasikaso ng mga anak, labis pa rin ang kanyang kaligayahan
dahil sa asensong tinatamasa ng mga ito, at ikinakatwiran na lamang sa sarili na talagang abala ang mga
taong mauunlad ang buhay. Samantala, sa probinsya, nagdesisyon rin ang binatang si Osmundo na
umalis na sa nayon at magtungo sa Estados Unidos. Ngunit bago mangyari ito ay gumawa siya ng maitim
na plano laban sa mga bagong kasal. Inutusan niya ang isa sa mga katiwala na patayin si Mauro. Subalit
wala sa kaalaman ni Osmundo na hindi ito ginawa ng kanyang inutusan sapagkat ang anak nito ay
minsan ring pinagmalasakitan ng gurong si Mauro. Nasa ikapitong buwan pa lamang ng pagdadalantao si
Amelita nang ipinanganak ang kanilang anak na si Rosalida. Dahil kulang sa buwan ang bata ay kailangan
nitong manatili sa ospital. Nalaman ito ni Aling Rosa at agad na binisita ang anak, sa kabila ng hinanakit.
Kahit ganito ang sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni Amelita sa pagsasaring ukol sa mahirap na
pamumuhay ng mag-asawa. Ipinamumukha pa rin niya ang matinding pagtutol sa manugang na si
Mauro. Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata. Isang araw ay
nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang para sa kanyang pagdating.
Doon muling nagkatagpo sina Mauro at Osmundo, subalit kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan.
Taliwas naman dito ang nadaramang pangamba ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw.
Nararamdaman nitong may plano itong masama laban sa kanyang pamilya. Hindi pa rin nawawala ang
pag-ibig ni Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong
makilala niya si Rosalida, at naging magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay naisipang ipasyal ni
Osmundo si Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman nina Mauro at Amelita, at labis na nag-
alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si Rosalida ang paghihigantihan ni Osmundo ngunit di naglaon
ay nagbalik rin ang bata, ipinagmamalaki pa ang kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro
na rin ni Osmundo na tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si Amelita.
Nagkaroon ng malubhang karamdaman si Aling Rosa. Hinanap niya ang kanyang mga anak ngunit wala ni
isa mang dumating maliban kay Amelita na matiyagang nag-asikaso sa kanya. Pawang gamot at padalang
pera lamang ang ipinaabot ng apat na anak. At doon natauhan ang matanda sa kanyang pagkakamali.

You might also like