You are on page 1of 2

Wikang Filipino: Sagisag ng Pagkakaisa at Kakanyahang Pilipino

Lahat ng bagay sa mundo ay dumaranas ng tinatawag nating pagbabago. Sa panahon


natin ngayon ang wikang Filipino bilang wikang pambansa ay patuloy rin na nag-iiba at
umuunlad.  Ang pagkakaroon ng wikang pambansa ay nagbibigay daan sa pagkakaisa
ng mga mamamayan at pag-unlad ng isang komunidad. Ang Filipino bilang wikang
pambansa ay malawakan pa rin na ginagamit bilang paraan ng pakikipag-ugnayan at
talastasan. Ayon sa datos sa pag-aaral ni Gonzales (1998), 65 milyon mula sa
kabuuang 76 milyong mga Pilipino ang may kakayahang magsalita ng wikang Filipino,
subalit nakalulungkot na marami sa ating mga Pilipino ang mas sanay sa pagsasalita ng
wikang ingles. Mapapansin na marami sa mga kabataan ngayon ang mas nauunawaan
at sanay sa pagsasalita ng wikang ingles kumpara sa wikang Filipino, dahil dito na sila
sinanay ng kanilang mga magulang at hindi sila naturuan at nagabayan sa wastong
paggamit nito. 

Ang Filipino ay hindi lamang wikang pambansa, ito ay wika rin ng bayan. Ayon kay
Nolasco (2008), mayroong humigit-kumulang 170 iba’t ibang wika sa iba’t ibang pulo ng
Pilipinas. Ang wikang Filipino ang nagsilbing tulay upang magkaroon ng
pagkakaunawaan sa pagitan ng indibidwal na may magkaibang diyalektong ginagamit.
Hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng iba’t ibang wika sa pagkakaisa ng mga
Pilipino at mas umunlad ang wikang Filipino bilang wika ng pagkakaisa. Sa kabila ng
pagkilala sa Filipino bilang wikang pambansa, talamak pa rin ang paggamit ng wikang
ingles sa mga paaralan. Sa kasalukuyan, halos lahat ng mga aralin at aklat tulad ng
agham at kasaysayan ay nakasalin sa ingles. Sa karagdagan, ang wikang ingles din
ang ginagamit sa panturo gayung hindi lahat ng estudyante ay naiintindihan ito. Ang
kalagayan ng Filipino sa larangan ng edukasyon ay natatabunan dahil mas ginagamit
ang wikang ingles upang linangin ang mga mag-aaral. Dagdag pa rito, wikang ingles din
ang pangunahing wika na ginagamit sa larangan ng pananaliksik. Hindi na masyadong
pinagtutuunan ng pansin at pagpapahalaga ang Filipino bilang wika ng karunungan.

Ang pagpapalakas ng Filipino bilang wikang pambansa ang nagbibigay daan sa mas
maunlad na bayan at pagbubuklod-buklod ng mga Pilipino. Ang wikang Filipino ang
sagisag ng ating pagka Pilipino, ito ang siyang maipagmamalaki natin sa ating bansang
kinabibilangan. Ang wikang ito ang nagsisilbing solusyon sa mga problemang hindi
pagkakaunawaan at hindi pagkakaintindihan. Ito rin ang mabisang paraan upang
mabilis na maunawaan nating lahat ang talakayan. Sa pamamagitan ng wikang Filipino
lumalago ang ekonomiya ng bansa dahil ito ang ginagamit na paraan sa pakikipag-
transaksyon at ugnayan sa isa’t isa. 
Sanggunian: FILDIS book at PPT Discussion
Bernales, R., Cordero, M., Quijano, M., and De Vera, M. (2018). Filipino sa Iba’t ibang
Disiplina. Mutya Publishing House, p10.

You might also like