You are on page 1of 1

FILIPINONG WIKA, BIGKIS NG PAGKAKAISA

NI: SOPHIA M. METRAN

Ang wikang Filipino ay isang mahalagang sangkap para sa pagkakaisa


ng ating bansa. Ito ang ating pambansang wika na dapat nating ipagmalaki at
ipahalagahan. Sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino,
nagkakaunawaan tayo at nabubuo ang isang malasakit at pagkakaisa. Ang
pagkakaroon ng isang pambansang wika ay nagbibigay daan para sa mas
malalim na pag-unawa sa ating kultura, kasaysayan, at identidad bilang mga
Pilipino. Ito rin ang wikang ginagamit natin sa mga pormal na transaksyon,
edukasyon, at lipunang pangkalahatan. Ang pagpapahalaga sa wikang Filipino
ay pagpapahalaga rin sa ating pagkakaisa bilang isang bansa.

Ngunit sa kasalukuyan, nakikita natin ang pagkalat ng iba't ibang


dayuhang wika at ang pagkausad ng globalisasyon. Marami sa atin ang mas
nag-aaral at mas nagagamit ng ibang wika tulad ng Ingles o mga wikang
dayuhan. Mayroon din tayong mga kababayan na sipag mag-aral ng mga
wikang banyaga tulad ng Korean. Ang mga ito ay nararanasan natin sa
paglipas ng panahon. Ngunit ako’y may tanong: tunay nga ba nating
minamahal ang ating bansa kung hindi natin alam tangkilikin ang ating
sariling wika? Hindi dapat nating kalimutan ang mga paghihirap at sakripisyo
ng ating mga bayani, tulad ni Dr.Jose P. Rizal, upang mapaunlad ang wikang
Filipino. Ito ang sandata natin para sa pagkakaisa, at ang pagsasalin ng ating
kultura at mga pambansang kaalaman.

Sa kabuuan, ang pagkakaroon ng sariling wika ay hindi lamang isang


responsibilidad, kundi isang pagpapahalaga at pag-ibig sa ating bansa.
Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino sa ating pang-
araw-araw na pamumuhay, edukasyon, at iba pang aspeto ng ating lipunan.
Sa pamamagitan nito, hindi lamang natin mapapalago ang ating kultura at
sariling identidad, kundi maaaring magsilbing tulay para sa pagkakaisa ng
mga Pilipino. Ang pagtangkilik sa sariling wika ay isang malaking hakbang
patungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng ating bansa. Ngayon, ako'y muling
nagtatanong sa inyong lahat: Ano ang iyong magagawa bilang mamamayang
Pilipino upang itaguyod ang wikang Filipino bilang bigkis ng pagkakaisa?

You might also like