You are on page 1of 1

Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran

Ano nga ba ang kahulugang maikakapit sa wika? Ano ba ang Filipino bilang akademik na
wikang pangkaunlaran? Napakaraming kahulugan ang maikakapit sa wika hindi lamang bilang gamit sa
pakikipagtalastasan o instrumento sa mabisang pagpapahayag ng iniisip at nadarama ng tao. Sa
kahulugang ito, epektibong nagagamit ang wika bilang midyum sa pakikipag-usap at pakikipagugnayan ng tao sa kanyang kapwa. Dahil dito, maituturing na pag-aari ng tao ang wika at hindi ang
wika ang nagmamay-ari sa tao dahil nasa tao ang paraan kung paano ito gagamitin, sa anumang paraan,
maging sa mabuti o masama.
Iniaayon ng tao ang kanyang pamumuhay sa mundo mula sa mga dinaranas niyang iba't-ibang
yugto ng komunikasyon. Ang paggamit ng wika ay pinakamahalaga at pinakamaunlad sa paraang
pasalita upang magkaunawaan at makamtan ang ating mga pangunahing kailangan sa buhay. Likas sa
ating mga tao ang makisama, makihalubilo at makipagtalastasan sa kapwa bilang kasapi ng lipunan.
Dahil dito, tayo ay nangangailangan ng isang wikang panlahat na siyang magbubuklod sa atin at
magiging tulay na wika sa pag-uugnayan ng iba't-ibang pangkat-etniko sa kapuluan na may kanikanilang katutubong wikang ginagamit.
Ang ating wikang pambansa ay Filipino. Ang Filipino ay wikang panlahat na may malaking
ambag upang maging mabisa ang komunikasyon saan mang dako sa tahanan, paaralan, simbahan,
opisina, palengke at iba pang lugar at pagkakataon upang maging normal ang komunikasyon sa kapwa.
Nakagagawa tayo ng desisyon tungkol sa anumang bagay maging pangkabuhayan, panrelihiyon, pangedukasyon at pampulitika. Gayunpaman, nangangailangan din ng isang mabisang wika ang anumang
propesyon upang mapagtagumpayan ito.
Hindi maikakaila na sa kasalukuyan ay mayroon tayong wikang pambansa na nililinang at
patuloy na nililinang. Mahirap magtayo, madaling magwasak. Ang likha ng isang henerasyon na
pinaggugulan ng milyun-milyong piso ay hindi maipagwawalang-bahala o mawawasak sa isang
kumpas lamang ng panulat. Umuunlad ang wika sa pamamagitan ng pagtanggap at paggamit ng bayan.
Ating ipagpatuloy ang proseso ng pagpapadalisay at pagpapayaman nito. Tayong mga Pilipino ay may
sapat na kakayahang pagtibayin pa ang ating wikang pambansa. Isaalang-alang at bigyang-halaga natin
ang Wikang Filipino na siyang nagpapalawak at nagsisilbing matatag na pundasyon tungo sa kaunlaran
hindi lamang sa kasalukuyan kundi sa mga susunod pang henerasyon.

You might also like