You are on page 1of 15

Buod ng El Filibusterismo (Baitang 10)

Kabanata I: Sa Kubyerta

Patungo sa lalawigan ng Laguna ang bapor Tabo lulan ang iba’t ibang uri ng tao sa lipunan. Ang bapor ay
mabigat, bilog at hugis tabo, marusing sa kabila ng pagkukunwaring maputi, maharlika, at pormal. Ang mga
nasa ibabaw ng kubyerta ay ang mga Kastila, prayle, mayayaman, mga may katungkulan sa pamahalaan, at
mga Pilipinong nag-aakalang dugong bughaw. Sa ilalim naman ng kubyerta ay ang mga Indio, mga Intsik, at
mahihirap na mestiso.

Kabilang sa mga nasa bapor ay sina Donya Victorina na naghahanap sa kaniyang asawang si Don Tiburcio, si
Ben Zayb na isang mamahayag, ang mestisong mag-aalahas na si Simoun, at si Don Custodio.

Mapangahas na iminungkahi ni Simoun ang paggawa ng panibagong daan kung saan sisira ng maraming
poblasiyon at pangangailangan ng higit na paggawa mula sa mga Indio na nagsisilbi sa polo. Hindi naman
sumang-ayon dito si Don Custodio, ayon sa kaniya, magdudulot ito ng pag-aalsa mula sa mga mamamayan.

Nagwakas ang kabanata sa pagmumungkahi ni Don Custodio na hikayatin ang mga naninirahan malapit sa
ilog na mag-alaga na lamang ng mga itik.

Kabanata II: Ibabang Kubyerta

Nag-uusap sina Basilio, isang mag-aaral ng medisina, si Isagani, at si Kapitan Basilio. Pinag-uusapan nila ang
panukalang pagpapatayo ng isang paaralang pangwika. Isa ito sa pakay ni Basilio sa kaniyang pagbabalik sa
bayan ng San Diego. Ayos na ang lahat ng bagay na kakailanganin sa pagpapatayo ng akademya, ang
kailangan na lamang ay ang pahintulot ng Kapitan Heneral kaya kinakailangan niya itong makausap.

Nang bumaba si Simoun, inalok niya ng serbesa ang dalawang binata, sinabi raw ni Padre Camorra na
mabuting umiinom ng serbesa ngunit tumangging uminom ang dalawa. Ayon kay Basilio, mas mainam kung
tubig na lamang ang iniinom ng prayle upang matigil ang usap-usapan sa kaniya. Nakipagsagutan naman si
Isagani ukol sa kahalagahan ng tubig sa buhay, binalaan siya ni Basilio ngunit hindi pa rin tumigil sa
pagkikipagsagutan ang binata.

Nasa ibabang kubyerta rin si Padre Florentino na kinukumbinsi ng kapitan na umakyat sa itaas na kubyerta.
Ninais niyang mamalagi sa ibabang kubyerta sapagkat iniiwasan niyang makasalamuha si Donya Victorina. Ito
ay dahil sa kaniyang bahay nanunuluyan ang asawa ng donya. Mabait na prayle si Padre Florentino na tiyuhin
ni Isagani.

Kabanata III: Mga Alamat

Nagkakatuwaan na sa pagmamasid sa mga dinaraanan ng bapor at humupa na rin ang init ng nagdaang
pagtatalo. Tinanong ni Don Custodio kung saan nagtungo si Simoun. Sinagot naman ito ni Simoun na
nakapunta na siya sa maraming lugar kaya’t nagkakaroon na lamang siya ng interes sa mga lugar na
maraming alamat.

Nagsimulang maikuwento ang tungkol sa alamat ni Donya Geronima, isang matabang dalagang pinangakuan
ng kasal ng isang binata na di kalaunan ay naging arsobispo. Naging bantog siyang engkantada, sapagkat ugali
raw nitong maghagis sa ilog ng mga pinggan at kubyertos na pilak.
Ang ikalawang alamat naman ay tungkol sa isang Intsik na hindi binyagang Kristiyano. Namamangka ito sa ilog
nang diumano’y mag-anyong buwaya ang isang demonyo.

Naikuwento rin ang alamat ng Malapad na Bato, na itinuring na banal at tirahan ng mga espirito ngunit nang
masira ito ay naging taguan na lamang ng mga tulisan.

Nang madako sila sa lawa ng Laguna, tinanong ni Ben Zayb kung saang bahagi namatay ang nagngangalang
Crisostomo Ibarra. Itinuro ito ng kapitan at sinabi ni Padre Salvi na kasama na nito sa lawa ang Filibusterong
ama. Napansin ng mga kasama ang pananahimik at pamumutla ni Simoun sa isang tabi.

Kabanata IV: Kabesang Tales

May isang mag-anak na naninirahan sa puso ng gubat. Si Tandang Selo, ang anak na si Telesforo, at ang mag-
anak nito. Hinawan nila ang hangganan ng bayan upang magsaka doon, paniniwala nila’y wala nang
nagmamay-ari sa bahaging ito ng masukal na gubat. Namatay ang kaniyang asawa at panganay na anak dahil
sa matinding lagnat dulot na rin ng hirap na dinaranas. Noong una’y walang pumapansin sa kanila, ngunit
nang mag-aani na sila sa unang pagkakataon isang korporasyon ng prayleng asendero ang umangkin ng
lupang kanilang pinagtataniman. Hindi ito binawi kay Tales ngunit pinagbayad siya ng buwis na dalawampu
hanggang tatlumpung piso. At dahil mabait at ayaw ng gulo, pumayag si Tales.

Ngunit tumaas nang tumaas ang binabayarang buwis. Ginawa siyang cabeza de barangay na mangongolekta
ng buwis ng mga mamamayan. Nalugi siya nang malaki sapagkat siya ang nagpupuno ng kulang na buwis
kapag mayroong hindi nakapagbabayad, o buwis ng mga nangamatay na. Nang itinaas sa dalawandaang piso
ang singil sa lupa, tumutol na si Tales. Sinabi niyang sinomang nagnanais ng lupaing iyon ay kinakailangang
magdilig ng sariling dugo at maglibing ng asawa’t panganay na anak.

Nang ipag-utos ng Kapitan Heneral na ipagbawal ang pagdadala ng armas, nagtanod pa rin ang kabesa dala
ang kaniyang gulok. Dahil walang ibang panlaban, nabihag siya ng mga tulisan at pinatutubos kapalit ng
limandaang piso. Napilitang magbenta ng mga alahas si Juli, bukod sa relikaryong regalo ni Basilio, napilitan
din siyang manilbihan sa isang mayamang taga-nayon.

Kabanata V: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero

Bisperas ng pagdiriwang ng Pasko, nagdaraan ang prusisyong tangan ang iba’t ibang santo at santa. Sakay si
Basilio ng isang kalesang may relihiyosong kutsero na katatapos lamang kulatahin ng mga Guardia Civil dahil
nalimutan niyang dalhin ang kaniyang cedula. Ikinukuwento niya kay Basilio ang kasaysayan ng bawat santo at
santang dumaraan. Paniniwala ng kutsero na wala pang mga Guardia Civil noong panahon ng mga ito,
sapagkat walang mabubuhay nang matagal sa bugbog at kulata. Hindi napansin na namatay ang ilawan ng
kalesa, lumapit ang Guardia Civil sa kutsero upang pagbayarin ito ng multa. Bumaba na lamang si Basilio dahil
alam niyang magiging mahaba pa ang usapan. Sinuri niya ang kaniyang bayan habang siya’y naglalakad, ang
bayan na wala siya ni isang kamag-anak, ang bayan na maraming alaala ng kaniyang pagpapakahirap at
kasawian. Nang makarating sa tutuluyan, nalaman niya ang nangyaring pagkakadukot sa ama ni Juli na
kaniyang katipan.

Kabanata VI: Basilio

Nang simulang mag-ingay ang batingaw upang ihudyat ang simbang gabi, tinungo ni Basilio ang di
nadaraanang landas patungo sa matandang gubat na pagmamay-ari ng mga Ibarra. Binagtas niya ang
kadiliman upang tuntunin ang puntod ng ina. Labintatlong taon na ang nakalilipas nang mamatay ang ina sa
matinding pagdaralita.
Doon niya nakita ang isang lalaki na nag-utos na kumuha siya ng panggatong, magparikit ng apoy, at sunugin
ang bangkay ng isa pang di-kilalang lalaki. Tinulungan siya nitong humukay ng paglilibingan ng kaniyang ina.
Matapos ay binigyan siya ng salapi at inutusang tumakas. Nilisan niya ang lugar at nagtungo sa Maynila upang
manilbihan sa mayayaman kapalit ng kaniyang pag-aaral.

Nakita niya ang karwahe nina Kapitan Tiago at Tiya Isabel na noon ay malungkot dahil sa pagpasok ni Maria
Clara sa beateryo, tinanggap siya bilang utusan, walang upa ngunit makapag-aaral siya sa San Juan de Letran.
Sa mga unang taon niya sa unibersidad, nahirapan siyang lubos dahil sa mga kamag-aaral na nanlalait sa
kaniya, at mga prayleng guro na hindi siya pinapaboran. Ngunit nagsikap siya sa pagkakabisa ng mga librong
sa una’y hindi niya maunawaan. Sa ikatlong taon niya ng pag-aaral ng medisina ay marunong na siyang
manggamot kaya nakuha na niya ang respeto ng nakararami. Ngayon ay huling taon na niya, dalawang buwan
na lang ay magiging ganap na manggagamot na siya. Balak niyang bumalik sa bayang ito, pakasalan si Juli, at
mamuhay nang tahimik.

Kabanata VII: Simoun

Malapit sa puntod na pinanggalingan ni Basilio, may nakita siyang isang di-kilalang pigura ng lalaki. Nang
lapitan niya ito, laking gulat niya nang makita ang alaherong si Simoun. Naghuhukay ito, hindi suot ang
salaming asul kaya naman nagbago ang anyo nito. Naisip niya, na ang namatay na tagapagmana ng lupaing
iyon ay walang iba kundi ang alaherong si Simoun, na si Simoun ay si Crisostomo Ibarra.

Nilapitan niya ito at inalok ng tulong. Sa gulat ni Simoun, kinuha niya ang kaniyang rebolber at tinanong ang
binata kung nakikila siya nito. Batid ni Simoun na taglay ni Basilio ang lihim na makasisira sa kaniya mga balak.
Inamin niya kay Basilio na siya nga ang lalaking nagtungo sa gubat na iyon upang ilibing ang kaibigang
nagbuwis ng buhay para sa kaniya. Umiikot siya sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang magpayaman para
mangyari ang lahat ng kaniyang binabalak. Nagbalik siya sa bayang ito upang sirain ang pamahalaan nito sa
pamamagitan ng lalong pagpapabulok dito.

Kabanata VIII: Maligayang Pasko

Sa araw ng pasko, maagang nasigising ang mga bata at matatanda upang maghanda sa pista mayor. Habang
si Juli ay malungkot na naghahanda sa kaniyang pag-alis upang manilbihan, at inaalaala ang ama at nobyong si
Basilio. Nagmamadaling umalis si Juli upang hindi makita ang hinanakit ng kaniyang Ingkong. Nang magising si
Tandang Selo ay malungkot niyang pinagmasdan ang masasayang tao sa paligid, at iniisip niya ang
masalimuot na kinasapitan ng kaniyang pamilya. Ginusto niyang bumati sa mga taong bumibisita sa kaniya,
ngunit wala na ni isang salita ang kaya niyang bigkasin.

Kabanata IX: Ang Mga Pilato

Ang naturingang marurunong at nakaaangat ang siyang naging instrumento sa tuluyang pagkatalo ni
Kabesang Tales sa kaniyang asunto sa asenderong prayleng umaangkin ng kaniyang lupain. Ang mga hukom
na bagaman nalalamang walang karapatan ang mga prayleng magkamit ng lupain sa bayan ay natatakot
namang matanggal sa kanilang puwesto sa pamahalaan. Si Hermana Penchang naman na pinagsisilbihan ni
Juli ay saradong Katoliko at inoobliga ang dalaga na pag-aralan at sauluhin ang lahat ng dasal na Latin sa
libreto. Paniniwala niyang tinutulungan niyang malinis ang kaluluwa ng dalaga, sampu ng mga kasapi ng
pamilya nito.

Kabanata X: Karangyaan at Karalitaan


Nakabalik na si Kabesang Tales sa kaniyang lupain, at nalaman ang nangyari sa anak na dalaga at sa kaniyang
ama. Hiniling naman ng alaherong si Simoun na makituloy sa kaniyang tahanan upang magbenta at bumili ng
mga alahas mula sa mga mamamayan doon. Naging panauhin niya nang gabing iyon sina Kapitan Basilio,
Sinang, at Hermana Penchang. Samu’t saring mga alahas mula sa iba’t ibang lugar ang ipinakita ni Simoun,
ipaliliwanag ang kasaysayan at halaga ng mga ito. Nainsulto si Kabesang Tales sapagkat hawak ng lalaking ito
ang karangyaan ng mundo samantalang ang kaniyang pamilya ay sadyang sa hirap.

Nang gabing iyon, nakita ni Simoun ang relikaryo ni Juli na siyang naunang pagmamay-ari ni Maria Clara,
ibinigay ito ng dalaga sa isang ketongin na siya namang ipinambayad nito kay Basilio nang gamutin siya nito.
Nagustuhan ito ni Simoun kapalit ng limandaang piso para kay Kabesang Tales. Ipinakiusap niyang hihingin
muna ang pahintulot ng anak bago ito ipagbili. Kinabukasan, nakita ni Simoun ay lalagyan ng kaniyang
rebolber na wala nang laman bukod sa sulat at sa relikaryo. Humihingi ng paumanhin si Kabesang Tales sa
pagkuha ng kaniyang rebolber. Sinabi ng dating kabesa na kailangan niya ito dahil sasapi siya sa mga tulisan.
Lihim itong ikinatuwa ni Simoun dahil nakahanap siya ng isang taong mapangahas na marunong tumupad sa
pangako.

Kinagabihan, tatlong pagpatay ang naganap sa bayan–ang prayleng asendero, ang bagong may-ari ng lupa, at
ang asawa nito, basag ang bungo at ang isa naman ay may gilit sa leeg, kapuwa punong-puno ng lupa ang
bibig. Iniwan ang isang pilas ng papel na kinasusulatan ng “Tales” gamit ang dugo.

Kabanata XI: Los Baños

Nangangaso ang Kapitan Heneral sa gubat ng Bosoboso na mayaman sa usa’t baboy-ramo, ngunit dahil sa
mga kasama niyang banda ng musiko, mga prayle, kawal, at iba pang empleyado, ,m. naging mailap ang hayop
para sa kaniya. Bumalik na lamang siya sa bahay na tinutuluyan upang makapagpahinga at pag-usapan ang
mga proyekto na makatutulong sa pagpapaunlad ng bayan. Habang naglalaro ng baraha kasama ang mga
prayle na sadyang nagpapatalo, pinag-usapan nila ang tungkol sa pagpapahintulot na makagamit ng armas na
may mababang kalibre lamang, ang tungkol sa mga reklamo ng mga guro sa Tiani, ang panukala ni Don
Custodio na paggamit ng dating sabungan bilang akademya upang hindi lumaki ang gastos, at ang panukala
ng mga mag-aaral ukol sa pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila. Tinutulan ng ilang prayle ang huling
proyekto, dahil diumano’y kapag natuto ng wikang Kastila ang mga Indio ay magkakaroon na ang mga ito ng
lakas ng loob na sumagot-sagot at lumaban sa kanila. Ayon sa prayle, hindi dapat makialam ang mga Indio sa
interpretasyon ng mga batas at kung ano man ang mga nakasulat sa librong itinuturo ng mga prayle. Pinag-
usapan din ang pagpapalaya kay Tandang Selo bilang petisyon ng dalagang si Juli.

Kabanata XII: Placido Penitente

Matamlay na nagtungo si Placido Penitente sa Unibersidad ng Santo Tomas. Halos isang linggo pa lamang siya
dumating mula sa kaniyang bayan at dalawang beses na siyang sumulat sa ina na nais na niyang iwan ang
pag-aaral, umuwi, at magtrabaho na lamang. Pinakiusapan siya ng ina na tapusin lamang kahit ang Batsilyer
ng Artes, sapagkat nasa ikaapat na taon na rin siya ng pag-aaral. Ang paghahangad ni Placido na magtigil sa
pag-aaral ay palaisipan sa kaniyang mga kababayang taga-Tanawan, sapagkat siya’y bantog na matalinong
mag-aaral, walang bisyo, at masalapi ang kaniyang pamilya. Habang nasa daan ay nakita niya ang isa pang
mag-aaral na may kayabangan at paborito ng mga guro, si Juanito Pelaez. Kinamusta nito ang naging
bakasyon ni Placido at tinanong kung ano ang kanilang leksiyon para sa araw na iyon, ilang araw na rin kasing
walang klase gawa ng mga kaarawan ng prayle, mga pista ng santo, at ilang pag-ambon. Dumaan ang
karwaheng sakay ang isang magandang dilag, si Paulita Gomez, na sinundan ng tingin ng mga binata sa paligid
ng simbahan. Nang papasok na sa gusali, hinarang si Placido upang lumagda sa isang sulatin na nagsasaad ng
suporta sa pagpapatayo ng akademya na pinangungunahan ng mag-aaral na si Makaraig. Hindi lumagda si
Placido dahil hindi pa niya ito nababasa nang buo. Nahuli siya sa klase at sinadyang patunugin ang takong ng
kaniyang sapatos sa pag-asang mapansin ng guro kahit na mayroon itong isandaan at limampung mag-aaral.

Kabanata XIII: Klase sa Pisika

Sa isang klase sa pisika, naglelektura si Padre Millon patungkol sa katangian ng isang salamin. Pinakakabisa
nito sa mga mag-aaral ang laman ng libro na kaniyang ginagamit. Tinatanong niya ang mga mag-aaral ng mga
tusong tanong na lalong nagpapalito sa aralin. Inulan ng maraming tanong ang isang mag-aaral na natutulog
sa klase na siya namang tinulungan ni Juanito, nang makita ito ng prayle, ito naman ang tinanong nito.
Humingi ng tulong si Juanito kay Placido, sinipa niya ito na naging dahilan ng pagsigaw ng binata. Inulan ng
mura at maraming tanong si Placido. Sumagot ito nang pabalang na ang pinupunto ay lahat ng tanong ng
prayle ay magmumula lamang sa libro ang sagot dahil dito lamang ito nakasunod. Sinabihan siya nito ng
pilosopo at nilait ang kaniyang pagkatao. Sinagot ni Placido si Padre Millon at umalis sa klase nang walang
paalam. Habang pinagsasabihan ang natirang higit sa dalawandaang mag-aaral, tumunog ang kampanilya at
lumabas ang mga mag-aaral nang walang natutuhan sa klase ng pisika.

Kabanata XIV: Sa Bahay ng mga Estudyante

Malaki ang bahay na tinutuluyan ng mag-aaral na si Makaraig. Maluwang at may dalawang palapag na
tinutuluyan din ng iba pang binatang mag-aaral. Si Makaraig ang mayamang mag-aaral ng abogasya at pinuno
ng kilusan na nagsusulong ng pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila. Naroon ang mga mag-aaral na
sina Isagani, Sandoval, Pecson, at Pelaez. Pinag-uusapan nila ang naging resulta ng petisyon nila na
ipinagtanggol ni Padre Irene sa pagkuha ng panig ng Kapitan Heneral. Naiwan ang desisyon kay Don Custodio,
at kailangan nilang makuha ang pagkiling nito. Dalawang paraan ang kanilang naisip, pakiusapan ang
abogadong si Ginoong Pasta na tagapayo rin ng mga prayle o kausapin ang mananayaw na si Pepay na
kaibigan naman ni Don Custodio. Pinili nilang magtungo sa manananggol upang maging mas marangal ang
pamamaraan.

Kabanata XV: Si Senyor Pasta

Nagtungo si Isagani sa tanggapan ng manananggol na si Senyor Pasta. Pakikiusapan niya ito na kung maaari
ay mamagitan ng pagsang-ayon kung sakaling sumangguni si Don Custodio dito. Ngunit nabigo siya dahil ayon
sa manananggol ay maselan ang usaping ito. Marami siyang pag-aari na maaaring maapektuhan kung
kakalabanin ang batas, lalo na ang mga prayle, kaya pinili nitong huwag nang makialam.

Kabanata XVI: Mga Hapis ng Isang Tsino

Si Quiroga, na naghahangad magtatag na isang konsulado para sa kaniyang nasyon, ay nagdaos ng hapunan
sa itaas ng kaniyang malaking bazar sa Kalye Escolta. Dinaluhan ito ng maraming kilalang panauhin, dumating
din si Simoun upang singilin siya sa utang na siyam na libong piso. Sinabi ng Intsik na nalulugi siya kaya naman
inalok siya ni Simoun na babawasan ng dalawang libo ang utang nito kung papayag ito na itago sa kaniyang
bodega ang mga bagong armas na dumating. Hindi raw dapat mangamba ang Intsik dahil ililipat din ito sa
ibang bahay pagkatapos ng pagsisiyasat sa maraming bahay. Napilitang pumayag si Quiroga sa kasunduang
ito na kaniya ring pagkakakitaan.

Kabanata XVII: Ang Perya sa Quiapo


Ang mga panauhin ni Quiroga ay sama-samang nagtungo sa perya at kinausap ang namamahala ritong si Mr.
Leeds na kaibigan ni Simoun. Tuwang-tuwa si Padre Sibyla sa magagandang dilag na nakikita, lalo na nang
makita nito si Paulita na kasama ang nobyong si Isagani at tiyahing si Donya Victorina. Kinatuwaan nina Padre
Sibyla at mamamahayag na si Ben Zayb ang mga makukulay na pinta at iba pang panoorin sa perya na
naglalaman ng mga tagong mensaheng nais ipamalas ni Simoun sa mga tao. Dangan lamang na hindi nila
maunawaan ang kabuluhan ng mga pintang ito, bagkus pinipili lamang ng mga tao na gawing kasiya-siya ang
gabi dahil sa makulay at masayang tanawin sa paligid.

Kabanata XVIII: Mga Panlilinlang

Sinalubong ni Mr. Leeds ang mga pangunahing panauhin at ipinakita ang isang kahon na diumano’y
naglalaman ng abo na mula sa Ehipto. Sa pagbigkas ng mga salitang nakatala sa kahon ay lumabas ang isang
ulo, si Imuthis, na nabuhay diumano sa panahon ng Babylon. Ikinuwento nito ang kaniyang buhay bilang isang
mag-aaral at manlalakbay na nagbalik sa kaniyang bayan upang pagtaksilan lamang ng kaniyang mga
kababayan at mga prayleng kaniyang pinagkatiwalaan. Labis ang pagkatakot ni Padre Salvi dahil nakaharap
ang ulo ni Imuthis sa kaniya, at sa katotohanang naalaala niya ang kuwento ni Crisostomo Ibarra. Sa sobrang
takot ay nahimatay ang prayle. Kinabukasan, ipinag-utos ang pagbabawal sa palabas na ito sa perya ngunit
nakaalis na si Mr. Leeds patungong Hongkong.

Kabanata XIX: Ang Mitsa

Umalis ng unibersidad ang galit na galit na si Placido. Nais niyang ipakita na siya ay taga-Batangas at ang
paglait sa kaniya ay dapat na hugasan ng dugo. Lahat ng nakikita niya sa daan ay pinag-iisipan niyang gawan
ng masama. Nang humantong sa kaniyang tuluyan ay naabutan niya ang kaniyang inang si Kabesang Andang
na kaluluwas lamang mula sa kanilang lalawigan, pinakikiusapan siyang bumalik sa pag-aaral at isaalang-alang
ang kanilang mga sakripisyo para siya makapag-aral. Aniya, mas nanaisin pa niyang tumalon sa ilog kaysa
bumalik sa pag-aaral. Umalis siya sa kaniyang bahay, naglibot, at humantong sa perya, doon niya nakita at
nakausap si Simoun. Nagpatulong siya rito kung paano makapupunta sa Hongkong upang makapagpayaman
at makapaghiganti sa mga prayle. Isinama siya ni Simoun sa kaniyang karwahe at nagtungo sila sa bahay ng
dating maestro na ngayon ay nagsilbing gumagawa ng pulbura. Pinag-usapan nila ang kahandaan ng kilusan
sa pinaplanong paglusob. Sinabi ni Simoun ang kaniyang mga plano kay Placido at ang hudyat na unang putok
ng kanyon. Umalis si Placido na sigurado na sa kaniyang pagsali sa rebolusyong matagal nang binalak ni
Simoun.

Kabanata XX: Ang Ponente

Ang usapin ukol sa Akademya ng Wikang Kastila ay nasa kamay ni Don Custodio, na siyang pinagkatiwalaan ng
Kapitang Heneral. Si Don Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo, kilalang si Buena Tinta
(“Mapagkakatiwalaan ang Sabihin”), ay kabilang sa uri ng lipunang Manilenyo na ikinasisiya ang lahat ng
papuring natanggap upang higit na makilala at taguriang matalino’t kahanga-hanga. Gamit ang kayamanan ng
napangasawa ay nagnegosyo siya at nagtungo sa Madrid. Ngunit hindi siya pinansin ng mga tao roon dahil sa
kulang ang kaniyang pinag-aralan. Bumalik siya sa Pilipinas dala ang ideya na may mga ipinanganak upang
maging amo at mayroon din upang maging tagasunod lamang. Makalipas ang labinlimang araw, hawak na ni
Don Custodio ang kasulatan ukol sa kaniyang pasiya at handa na niya itong ipaalam sa lahat.

Kabanata 21: Tipos Manilenses

May malaking pagtatanghal sa Teatro de Variedades noong gabing iyon, ang Les Cloches de Corneville ng
kompanya ng operetang Pranses ni G. Jouy. Naging matunog ito sa mga pahayagan. Nahati ang madla sa
pagtanggap dito, ang mga operetista at antioperetista.
Si Camarroncocido, isang Kastilang namumuhay na aparang bpulubi ay sinabi sa kapwa niya taga-paskin na
dahil sa mga pralye kung kaya dinagsa ng mga tao ang palabas. Ipinagbawal ng mga prayle sa pangunguna ni
Padre Salvi ang opera, kasama ni Don Custodio, dahil ito raw ay mahalay.

Sa paglalakad-lakad ni Camarroncocido, napansin niya ang isang pangkat ng kalalakihan na tila hindi sanay
mag-amerikana at kinausa si Simoun. Sinabi nitong, isang putok ang hudyat. Narinig niya ito as iba pang mga
pangkat na nagsabing ang Kapitan Heneral ang may gusto nito, ang iba naman ay nagsabing mga prayle ang
may pasimuno nito.

Naroon din si Tadeo na gumagawa ng kung ano-anong kamangha-manghang kasinungalingan, sinasabing


malapit siya sa mga itinuturong taong maimpluwensiya kahit hindi totoo, para ipagmalaki sa kasamang
kababayan na unang beses pa lang sa lungsod.

Kabanata 22: Ang Pagtatanghal

Huli nang nagsimula ang pagtatanghal dahil sa huling pagdating ng Kapitan Heneral. Marami na ang nainip.
Nang magsimula ito, kaunti lamang ang nakauunawa ng Pranses at ang iba ay nagpapanggap na
nakakaunawa nito tulad ni Juanito Pelaez. Kasama siya ng mag-tiyang Paulita at Donya Victorina, bagay na
ipinagselos ni Isagani.

Ang artistang si Serpolette ay kilala pala si Padre Irene na isa talagang Hudyo at dating nasa Pransiya. Si Ben
Zayb ay abala sa pagsulat ng pawang kapintasan tungkol sa opera.

Ang mga estudyante naman ay kinausap si Pepay tungkol sa desisyon ni Don Custodio sa kanilang nais na
pagtatayo ng Akademya ng Wikang Kastila. Ipapailalim daw ang pamamahala nito sa Unibersidad, kung hindi
man ay sa relihiyosong korporasyon na interesdo ngunit mga estudyante ang mag-aasikaso sa paggugol.

Kabanata XXIII: Isang Bangkay

Hindi nagpunta sa teatro si Simoun para manood ng opera, gayundin si Basilio na nasa bahay ni Kapitan Tiago
para mag-aral at alagaan ito.

Dumating si Simoun na pinapapili si Basilio kung aanib ba sa kanila - sa bayan o sa mga nang-aapi. Sinabi rin
niyang ang tanging gagawin ni Basilio ay ilabas si Maria Clara mula sa kumbento ng Sta. Clara. Ito ay dahil si
Basilio lang ang nakakakilala kay Maria Clara at magiging abala si SImoun sa pagpatnubay ng himagsikan.

Sa kasamaang palad,sinabi ni Basilio kay SImoun na huli na siya dhail patay na si Maria Clara.HIndi
makapaniwala sa narinig si Simoun. Ibinunyag niya rin na ang tunay na dahilan ng himagsikan ay para makuha
si Maria Clara mula sa kumbento.

Pagkaalis ni Simoun, naalala ni Basilio ang binatang naglaho na si Ibarra, at ang dalagang si Maria Clara na
pinalaki sa kaligayahan at walang muwang sa tunay na mundo.

Kabanata XXIV: Mga Pangarap

Habang naglalakad si Isagani patungong Luneta, nagmuni-muni siya tungkol sa kaniyang mga pangarap para
sa bayan.
Kasabay niyon ang pag-iisip tungkol sa gabi ng panonood sa teatro kung saan nakita niya si Paulita at ang
kaniyang tiyang si Donya Victorina na kasama si Juanito Pelaez. Napuno siya ng panibugho at nais kausapin
ang kasintahan tungkol doon.

Nang dumating si Paulita, tinanong siya ni Donya Victorina tungkol kay Juanito Pelaez na nagugustuhan niya.
Nais din niyang malaman kung buhay o patay na ang asawa para malaman kung maaari na siyang muling
ikasal. Nang mapag-isa na ang magkasintahan, ibinahagi ni Isagani kay Paulita ang kaniyang mga pangarap at
pangitain para sa bayan. Sinagot naman ang mga ito ni Paulita nang may halong pag-aalinlangan at wala
gaanong atensiyon

Niyayang sumabay si Isagani sa karwahe ni Paulita papunta sa hapunan kasama ang iba pang estudyante.
Labis ang tuwa ni Isagani sa pagkakalapit nila ni Paulita na di na niya namalayang nakarating na sila sa
kaniyang destinasyon.

Kabanata XXV: Tawanan at Iyakan

Nagkaroon ng isang munting hapunan sa pansiterya ang mga estudyanteng bumubuo ng asosasyon para
"ipagdiwang" ang pagkamatay ng Akademya ng Wikang Kastila.

Ang kanilang kalungkutan at pagkadismaya ay itinago sa likod ng pagtutuya kay Don Custodio na
kumakatawan sa pamahalaan dahil sa kaniyang naging desisyon at sa mga prayle na nangungunang hadlang
sa pagpapatayo ng akademya. Ipinahayag nila ang mga ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng iba-ibang
putaheng ipinangalan nila sa mga kinauukulan.

Inihandog nila ang pansit langlang kay Don Custodio. Ang sopas ay tinaguriang sopas ng panukala; lumpiang
Intsik ang inalay kay Padre Irene; ang torta’y inukol sa prayle at binansagan itong torta ng mga prayle. Tumutol
si Isagani dahil may isa raw prayleng di dapat isama sa panunumpa. Tumutol din si Tadeo. Kahabag-habag
daw na inihambing ang alimasag sa mga prayle. Ang pansit gisado ay inukol sa pamahalaan at sa bayan. Ayon
kay Makaraig, ang pansit ay katutubong lutuing Pilipino. May ibig mag-alay ng pansit kay Quiroga na isa raw sa
apat na kapangyarihan sa Pilipinas. May isang nagsabi na sa Eminensiya Negra raw dapat ialay ang pansit.

Nagbigay ng talumpati si Pecson na tumutukoy sa mga prayle sa patuyang paraan. Mula raw sa kamusmusan
hanggang sa libingan ay kasama ng mga Pilipino ang prayle.

Nakita ng isa sa mga estudyante na may nagmamatyag sa kanila. Ito raw ang alipin ng bise rektor na nakita
nilang nakipag-usap sa hindi nakitang nakasakay sa karwahe ni Simoun.

Kabanata XXVI: Pasquinadas

Maagang umalis si Basilio para magtungo sa ospital, pumunta sa unibersidad para magtanong tungkol sa
kaniyang pagkuha ng lisensiya sa paggagamot, at para makipagkita kay Makaraig na balak niyang utangan sa
mga maaaring magastos.

Sa paglalakad niya, napansin niya na tila may kakaibang nangyari ngunit hindi niya alam kung ano. Ang alam
lang niya ay tungkol sa pinlanong himagsikan ni Simoun na ayaw niyang madamay.

Nakasalubong niya ang propesor ng klinika na nagsabi sa kaniya tungkol sa mga paskin na natagpuan sa pinto
ng unibersidad. Tinukoy raw ng bise rektor na kagagawan ang mga iyon ng estudyante at pinaghahanap ang
mga estudyanteng kasapi ng asosayon at kasama sa hapunan noong kinagabihan. Pinayuhan ng propesor si
Basilio na umuwi at itapon ang anumang mga pag-aari nito na maaaring magpadawit sa kaniya sa mga
nangyari.

Nakasalubong din niya ang propesor sa Patolohiya na nagsbing alam nitong nangangamoy bangkay na si
Kapitan Tiago at dinadalaw na ng uwak at buwitre.

Habang naglalakad si Basilio nakasalubong niya sina Sandoval, na hindi siya pinansin, at si Juanito Pelaez, na
paulit-ulit nagsabing inosente siya at si Basilio ang kaniyang saksi. Nakita rin niya si Isagani na nagbibigay ng
talumpati sa isang silid-aralan.

Nang puntahan niya si Makaraig sa bahay nito nakita niya ang dalawang guwardiya beterano sa labas.
Tinanong siya ng mga ito at dinakip din kasama ni Makaraig. Habang tumatawa at kampante, sinabi ni
Makaraig na marangal ang ipinakita ni Basilio sa pag-aakalang kusang sumama si Basilio sa panahong iyon na
nagkakahulihan. Sinabi ni Basilio ang pakay niya kay Makaraig habang nakasakay sa karwahe nang sila ay
dakpin, sinabi naman ni Makaraig na makakaasa si Basilio sa kaniya.

Kabanata XXVII: Ang Prayle at ang Pilipino

Ipinatawag ni Padre Florentino si Isagani at sila ay nagpalitan ng kuro-kuro.

Sinimulan ng prayle sabihin na sa walong taong pagtuturo niya sa napakarami nang estudyante, nililibak at
pinagbubulong-bulungan nila ang mga prayle kapag nakatalikod at kung nakaharap ay magmamano at
nanlilimos ng pansin.

Sinabi ni Isagani na dahil ang sinomang magsabi nang malakas ng kaniyang tunay nainiisip ay inuusig.

Tinanong ni Padre Florentino kung ano ang nais ng mga estudyante sa kanilang mga prayle na sinagot ni
Isagani na nais niyang tupdin ng mga prayle ang kanilang tungkulin na magpalaganap ng edukasyon sa mga
estudyanteng Pilipino. Pinapatay raw ng mga prayle ang sigasig ng mga estudyante sa pag-aaral at panay
makaluma ang itinuturo.

Sinagot ang mga ito ni Padre Florentino na tanging sa karapat-dapat lang daw dapat ibigay ang karunungan.
Nasasalaula lamang ang karunungan sa mga taong walang karakter at moralidad. Nang itanong ni Isagani
kung bakit may mga taong walang karakter o moralidad, sinabi ng padre na hindi niya alam. Hindi naniwala
ang binata. Hindi niya direktang sinabi na responsable rin ang mga prayle kung gayon sa kawalan ng
moralidad ng mga tao, sa haba ng panahong sakop nila ang Pilipinas.

Nang muling sabihin ni Isagani na ang nais ng mga estudyante ay tangkiliki ng mga prayle ang pagpapalaya sa
pagtuturo, hindi sumang-ayon si Padre Florentino.

Ayon kay Isagani, titigil lamang ang mga estudyante sa kanilang pagkilos at kapusukan kung paghuhusayin ng
mga propesor ang kanilang pakikitungo sa mga estudyante. Wala raw gaanong pakinabang ang panahong
ginugugol sa klase at nawawalan ng dangal ang mga estudyante. Sinagot siya ni Padre Florentino na hindi
naman pinipilit ang kabataang mag-aral, sa halip ay maaari namang magbukid na lang.

Sinagot siya ni Isagani na ang pumipilit sa kabataang mag-aral ay ang panlilibak ng gobyerno at prayle sa mga
Indio dahil sa kaniyang kamangmangan kung kaya pinagkakaitan ng karapatan at pinagsasamantalahan.
Tinapos ni Padre Florentino ang kanilang pag-uusap. Sa labas, kusang pumunta si Isagani sa goberyno sibil
upang makiisa sa mga dinakip. Humanga ang padre sa talas ng pakikipag-usap ni Isagani at kinainggitan ang
mga Heswitang naging guro nito. Ang mga Heswita naman ay itinatwa siya sa pagkatakot na idamay sila nito.

Kabanata XXVIII: Tatakot

Sa pahayagang El Grito, isinulat ni Ben Zayb na tama siya sa madalas niyang sabihing nakasasama sa Pilipinas
ang pagtutuo sa kabataan. Ito’y pinatunayan ng mga paskil.

Naging takot ang lahat mula sa Heneral hanggang sa mga Intsik. Ang mga prayle ay di nakasipot para tingnan
ang mga bagong paninda ni Quiroga. Ang Intsik man ay nag-ayos ng tindahan na madaling maisara kung
sakali. Inisip ni Quiroga na magtungo kay Simoun at isangguni kung panahon na upang gamitin ang mga baril,
pulbura, at bala na ipinatago nito sa kaniya. Ngunit hindi niya nakausap si Simoun. Ipinasabi lamang na huwag
galawin ni Quiroga ang anuman sa kinalalagyan.

Nagkaroon ng sari-sariling mungkahi at bali-balitang kumalat dahil sa pagkatakot ng mga tao. May nagsabing
magpabaril agad ang mga pilibusterilyo para matigil ang gulo, magpalakad ng mga kawal sa lansangan nang
may kabayo at dalang kanyon para magpalaganap ng katahimikan.

Sa bahay ni Kapitan Tiago, ibinalita ni Padre Irene ang pagkakakulong ni Basilio at kung ano-ano pang kuwento
kaya labis na natakot ang kapitan at namatay.

Nagkaroon din ng sari-sariling gulo dahil sa pag-aalala at pagkatakot na ang bawat kaguluhan o pagsuway sa
utos ay simula ng himagsikan.

Sa tirahan nina Placido Penitente, hindi naniniwala ang platero sa mga paskin. Gawa lang daw iyon ni Padre
Salvi. Ayon naman sa isa’y si Quiroga ang may gawa niyo. May ibig daw ipasok na kontrabando si Quiroga at
nasa look na sandaang libong pisong mehikano. Nagkaroon daw ng kaguluhan. Pinadulasan ang mga kawani
sa adwana at nakalusot ang salapi.

May narinig silang mga yabag. Natigil ang usapan kay Quiroga. Nagkunwaring ang binanggit ng isa ay si San
Pascual Bailon. Si Placido ang dumating kasama ang manggagawa ng pulbura ni Simoun, ang dating maestro.

Hindi raw nakausap ni Placido ang mga bilanggo na umabot sa tatlumpu. Ayon sa manggagawa ng pulbura ay
magpupugutan ng ulo sa gabing iyon. Hindi raw mangyayari iyon, anang isa, dahil si Simoun na siyang
madalas magpayo niyon ay maysakit. Nagkapalitan ng tingin ang dalawang bagong dating.

Nang gabing iyon ay pinalitan ang mga tanod sa pinto ng siyudad. Ang ipinalit ay mga artilyerong Kastila.
Kinabukasan ay nakatagpo sa Luneta, malapit sa pinto, ng bangkay ng isang dalagitang kayumanggi, halos
hubad. Ngunit nakita man iyon ni Ben Zayb ay hindi na niya ibinalita.

Kabanata XXIX: Mga Huling Salita Tungkol kay Kapitan Tiyago

Patay na si Kapitan Tiago at naging pambihira ang kaniyang libing. Si Padre Irene ang hinirang ni Kapitan Tiago
na tagpamahala at tagapagpaganap ng kaniyang testamento. Isang bahagi ng kayamanan ni Kapitan Tiago ang
ipinamahagi sa Sta. Clara, isang bahagi para sa Papa, sa Arsobispo, at sa mga Korporasyong relihiyoso, at nag-
iwan ng dalawampung piso para sa matrikula ng mga dukhang estudyante. Ang ipinamanang dalawampu’t
limang piso para kay Basilio ay binawi raw ng kapitan dahil sa kawalang-utang na loob ng binata rito sa mga
huling araw ng kaniyang buhay. Ngunit minabuti nang ipabalik ni Padre Irene na kinuha niya sa sariling bulsa.
Nagkaroon ng usap-usapan na nagpakita raw si Kapitan Tiago sa mga mongha na nakasuot ng frak, maumbok
ang pisngi dahil sa pagnguya ng nganga, may hawak na manok, at pipa na panghitit ng opyo.

Pinagtalunan din kung ano ang mangyayari kay Kapitan Tiago sa langit at kapag naglaro sila ng sabong ni San
Pedro. At pinag-usapan sa iba ring umpukan kung ano ang ipapasuot kay Kapitan Tiago.

Iminungkahi ni Kapitan Tinong ang abito ng Pransiskano na nasa kaniyang pag-aari. Sigurado raw na ililigtas
mula sa impyerno ng abitong ito ang magsusuot nito kahit gula-gulanit na ito. Nagkakahalaga ito ng
tatlumpung piso. Isang sastre naman na suki raw ni Kapitan Tiago ang nagsabing suotan na lang ito ng frak
tulad ng kung paano siya nakita ng mga mongha. Iminungkahi niya ang yari niyang frak sa halaga lamagn
dalawampu't limang piso. Hindi pumayag si Padre Irene at sinabing hindi naman daw mahalaga sa Diyos ang
pananamit sa langit.

Naging magarbo ang libing ni Kapitan Tiago. Sa isang tabi, taimtim na hinilig ni Donya Patrocinio, ang dating
karibal ni Kapitan Tiago sa mga relihiyosong gawain, na mamatay na rin upang gawing mas magarbo ang
kaniyang libing.

Kabanata XXX: Juli

Nakarating sa San Diego ang balitang patay na si Kapitan Tiago at nakulong si Basilio. Mas pinag-usapan ng
mga tao ang pagkakakulong ni Basilio kung saan marami ang hindi makapaniwala dahil payapaat maingat raw
na tao si Basilio. Hindi rin sila naniniwala na kagagawan ng mga estudyante ang mga paskin at ang pag-aalsa.
Sa tingin nila ay kagagawan ito ng mga prayle na naghihingati kay Basilio dahil sa pagtubos nito kay Juli, ang
anak ng tulisang si Kabesang Tales na nakaaaway ng mga relhiyosong korporasyon.

Labis namang ipinagdamdam ito ni Juli, ang kasingtahan ni Basilio, na noong una ay hindi makapaniwala sa
pagkakakulong ni Basilio. Hinimok siya ni Hermana Bali na humingi ng tulong kay Padre Camorra ngunit ayaw
ni Juli.

Lumapit sila sa eskribyante ngunit hanggang sa San Diego lamang ang saklaw ng kapangyarihan nito. Maging
ang Jues de Paz ay walang magagawa at iminungkahi ring lumapit mismo si Juli kay Padre Camorra, sa halip na
si Hermana Bali. Alam ni Hermana Bali kung bakit nag-aalangan si Juli dahil may reputasyon si Padre Camorra
na mahilig sa kababaihan.

Iyon nga ang tunay na dahilan ni Juli. Alam niya ang pagnanasa sa kaniya ni Padre Camorra. Nang humingi siya
ng tulong dito para ilabas si Tata Selo sa kulungan, sinabi nito na hindi sapat ang mga salita ng pasasalamat ni
Juli at kinakailangan ng "pagpapakasakit." Hindi ito kayang gawin ni Juli bukod sa alam niyang ikagagalit ito ng
kaniyang amang si Kabesang Tales at ng kasintahan.

Tiniis ni Juli na huwag humingi ng tulong sa padre. Nagdulot naman ito sa kaniyang matinding pagkabalisa
kung kaya siya binabangungot. Nang ibalita sa kaniya na nakalabas na ang lahat ng iba pang estudyanteng
nakulong maliban na lang kay Basilio dahil wala itong mahihingan ng tulong para makalaya, nagdesisyon na si
Juli na lumapit kay Padre Camorra. Muli siyang nagpasama kay Hermana Bali. Habang papalapit sa kumbento,
gustong umatras ni Juli ngunit pinilit siya ng Hermana.

Kinahapunan, laganap ang balita na isang dalaga ang tumalon mula sa bintana ng kumbento, nahulog sa
damuhan at namatay. Isang nakatatandang babae naman ang patakbong lumabas ng kumbento at
nagsisisgaw na parang baliw.
Isang matandang lalaki na tila pipi at mula sa nayon ang nagpunta sa kumbento. Nais makita ang kura ngunit
wla raw ito, sabi ng mga sakristan. Pumunta rin siya sa gobernadorsilyo, Jues de Paz, at tenyente ngunit
pawang wala ang lahat ng ito at nasa kumbento raw para sa isang pagpupulong. Kinagabihan narinig ng lahat
ang malakas na iyak mula sa matanda. Pagsapit ng umaga, wala na ito at wala na rin ang sibat na pangaso
nito.

Kabanata 31: Ang Mataas na Kawani

Kung susuriin, puro tungkol sa Europa ang nilalaman ng mga peryodiko sa Pilipinas, mga papuri, pambobola,
at patungkol sa tagumpay ng mga operatang Pranses kaya ilang bahagi lamang ng peryodiko ang nailalaan sa
mga nangyayari sa lalawigan. Lumalabas lamang ang ilang ulat tungkol sa mga tulisang pinamumunuan ni
Matanglawin kapag ang sinalakay ang isang kumbento o isang Kastila.Hindi inulat ang pagkamatay ni Juli.
Napabalita ang pag-alis ni Padre Camorra upang manirahan sa kumbento sa Maynila. Naawa pa si Ben Zayb
sa prayle dahil may mabuting kalooban daw ito. Napalaya na ang mga nakakulong na mag-aaral. Unang
napalabas ang mayamang si Makaraig, at si Isagani ang huli dahil isang linggo pa bago nakaluwas ang amaing
si Padre Florentino. Ipinagtanggol ng mataas na kawani si Basilio, ngunit lalo iyong nakasama nang malaman
ng Kapitan Heneral na dati lamang itong utusan. Ipinaalala ng mataas na kawani ang tungkulin ng Kapitan
Heneral sa bayan, ang karapatan ng mga Pilipinong maghimagsik dahil sa naranasan nilang kalupitan. Ngunit
nagmatigas lamang ang Kapitan Heneral hanggang sa lumubha ang alitan sa pagitan ng dalawa. Nagbitiw sa
katungkulan ang mataas na kawani at ipinabatid ang kaniyang pagbabalik sa Espanya. Pinaalalahanan niya
ang isang kutsero na kung darating ang panahon na makapagsarili ang Pilipinas, huwag kalimutang hindi
nagkulang ang Espanya sa mga pusong lumalaban para sa inyong mga karapatan.

Kabanata 32: Mga Bunga ng Paskil

Dahil sa pagkakadakip sa mga mag-aaral na kabilang sa kapisanan, maraming mga magulang ang nagpatigil
ng pag-aaral sa kanilang mga anak at nag-utos na harapin na lamang ang pagsasaka. Hindi nakapasa ang ilang
kasapi naman ng kapisanan nang magbigay ng pagsusulit ang unibersidad. Nagsunog ng aklat si Tadeo bilang
parangal sa sarili. Pumasa naman si Isagani sa asignatura ng amain, at bumagsak naman sa iba. Nanatili pa
ring nakakulong si Basilio. Dinalaw siya ng kutserong si Sinong upang ibalita ang pagkamatay ni Juli at
pagkawala ni Tandang Selo. Nang gumaling si Simoun, ibinalita sa kaniyang ni Ben Zayb na nakuha ni Ginoong
Pelaez ang bahay ni Kapitna Tiago nang libre. Ilang araw pa, napabalita na ang pagpapakasal ni Paulita Gomez
kay Juanito Pelaez. Naglaho ang pag-ibig ng dalaga kay Isagani nang mabalitaan ang pagkakasangkot ng binata
sa paskil at sa pagkakabilanggo. Idaraos ang pag-iisang dibdib dalawang araw bago umalis ang Kapitan
Heneral patungong Espanya.

Kabanata 33: Ang Huling Katuwiran

Naging abala si Simoun sa pag-aayos ng kaniyang mga alahas at armas. Dumating na ang pinakahihintay
niyang araw. Aalis siya kasabay ng Kapitan Heneral. Lalong tumigas at naging malungkot ang mukha ni
Simoun, lumalim ang kunot sa noo. Ibinilin niya sa katiwala na papasukin na lamang si Basilio dahil inaasahan
niya ang pagdating nito.

Nang makita ni Simoun ang binata, naawa siya rito. Humpak ang pisngi, gusot ang maruming damit, at gulo-
gulo ang buhok. Tila ito bangkay na nabuhay sa sindak, ayon kay Simoun. Nang magsalita si Basilio, sinabi
niyang handa na siyang sumama kay Simoun at tumulong sa iba pang naaapi. Ikinatuwa ito ni Simoun. Aniya,
noong una, buhay pa kay Basilio ang pag-ibig, ngunit ngayon naghahari na siya sa kaniyang kalooban dahil
patay na sa kaniya ang lahat.
Dinala ni Simoun si Basilio sa kaniyang laboratoryo. Ipinakita niya rito ang isang napakagandang lampara.
Namangha si Basilio. Nang mabasa ni Basilio ang nakatatak sa bote bigla itong natakot at napaurong.
Ikinuwento ni Simoun ang kaniyang plano. Ipinaliwanag niya na ilalagay ang lamparang yaon sa gitna ng isang
kioskong kakainan sa pistang gaganapin sa gabing iyon. Magbibigay ng isang maningning na liwanag ang
lampara ngunit pagkaraan ng dalawampung minuto, lalamlam ito at sa gayon kapag tinangkang itaas ang
mitsa, puputok ito. Kasabay ng pagsabog ang mga pulburang nakatago sa mga sahig at bubong ng silid-
kainan. Itinanong ni Basilio kung papatayin lahat, at mariing “Oo” ang tugon ni Simoun. Nang sumang-ayon si
Basilio, iniabot ni Simoun ang rebolber dito. Nagbilin si Simoun na maghintay na lamang sa simbahan ng San
Sebastian sa ganap na ikasampu ng gabi. Pinalalayo ito sa daang Anluwage sa ikasiyam ng gabi. Batid ni
Simoun na sa pagkakataong ito, handa na ang bayan sa paghihimagsik at tiyak na magtatagumpay sila.

Kabanata 34: Ang Kasal

Nag-iisip si Basilio kung ano ang kaniyang magagawa hanggang sa sumapit ang malagim na sandali. Malapit
nang mag-ikapito ng gabi. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang pag-aalala sa lampara. Hindi niya alam kung
saan magsisimula ang gulo. Nahinuha ni Basilio na sa dating bahay ni Kapitan Tiago dahil sinabihan siya na
lumayo sa kalye Anluwage. Nakita rin niya ang pagbabago at paghahandang ginawa sa bahay para sa
pagdiriwang. Ilang sandali pa, nakita niya ang bagong kasal. Naawa siya sa kaibigang si Isagani. Nais niyang
ipaalam sa binata ang plano ngunit hindi niya alam kung nasaan ito. Kilala niya rin ang maprinsipyong si
Isagani, alam niyang hindi ito makikialam sa pagpatay. Natiyak ni Basilio ang kaniyang hinala na sa dating
bahay ni Kapitan Tiyago idaraos ang kasal, papunta rito ang lahat. Tumutugtog ang orketra ng masasayang
musika. Siksikan ang mga tao. Isang mahabang mesa para sa tatlumpung tao ang nasa kalagitnaan at sa
paligid at may maliit na mesita para sa dalawa o tatlong tao. Nakabukod sa isang malapad na asoteo, sa isang
kiosko na sadyang niyari ukol dito ang hapag para sa mga panauhing pandangal.

Kabanata 35: Ang Pagdiriwang

Nagsimulang magdatingan ang mga panauhin. Dumating sa bahay ang bagong kasal. Dumating din ang
Kapitan Heneral bilang pangunahing panauhin. Samantala, nanonood lamang si Basilio sa harapan ng
tahanang iyon, pabago-bago ang isip. Nababagabag siya at tila nais iligtas ang mga walang sala sa malagim na
magaganap. Subalit nang makita sina Padre Irene at Padre Salvi, muling sumiklab ang kaniyang kalooban.
Pagkaraan ng ilang sandali, nakita niyang bumaba sa karuwahe si Simoun, dala-dala ang isang lampara.
Tinungo ang hagdan at pumahik sa bahay. Marami ang humanga sa lamparang dala ni Simoun. Agad ding
umalis si Simoun sa tahanan at nagpahatid sa Escolta.

Nangatal sa takot, mabilis ding umalis si Basilio. Nakasalubong niya si Isagani at sinabi rito ang plano ni
Simoun. Nang makita ang labis na pagkatakot sa mukha ni Basilio, nagpasiya si Isagani na makisangkot na.

Sa loob naman ng pagdiriwang, may isang papel na pinagpasa-pasahan na may nakasulat na “Mane thecel
phares” at sa ilalim ay nakalagda ang pangalan ni Juan Crisostomo Ibarra. Nagtanong ang Kapitan Heneral
kung sino ito at sinagot naman siya ni Don Custodio na isa itong Pilibustero na higit sampung taon nang patay.
Nangilabot si Don Custodio sa mensahe ng sulat, kamatayan ng lahat sa gabing iyon, agad niyang nabitawan
ang kaniyang kubyertos. Nauwi sa matinding takot ang pagkabahala ng lahat. Nangulimlim na ang ilaw at
iniutos ng Kapitan Heneral na itaas ang mitsa ng lampara. Maya-maya pa’y may isang aninong nagmamadaling
sumunggab sa lampara at itinapon ito sa ilog, agad ding nawala ang aninong iyon. Inakala ng marami na isa
itong magnanakaw kaya lalong nagkagulo sa pagdiriwang.

Kabanata 36: Ang Kagipitan ni Ben Zayb


Maagang umuwi si Ben Zayb upang lamayin ang isang balita. Nais niyang mabigyan ng papuri ang Kapitan
Heneral bago umalis ng bansa. Subalit sa kaniyang pagkabigo, hindi naipalathala ang pinaghandaang katha.
Ninasa niyang magkaroon sana ng ibang pangyayaring maaari niyang pag-ukulan ng ibang balita. Hindi siya
nabigo sapagkat sa oras ding iyon, dumating ang balitang nilusob ng ilang tulisan ang bahay pahingahan ng
mga prayle. Malubha ang isang prayle. Pagkakataon na ito upang gawing bayani ang kura. Pinalaki niya ang
balita. Nakipagtalo siya sa nagsabi ng katotohanan pagkat masisira ang kaniyang isinulat. Kailangan palakihin
ang pangyayari.

Kabanata 37: Ang Hiwaga

Sa tahanan ng mga Orenda naging paksa ng usapan ng mag-anak ang naganap noong gabi sa handaan.
Matamang nakikinig ang lahat sa balita ng platerong si Chichoy. Namangha ang lahat nang sabihin niyang si
Simoun ang naglagay ng mga bayong ng pulbura. Nabatid daw niya ito buhat sa isang kaibigang tagasulat sa
isang kawanihan. Idinagdag niyang nakisama si Simoun sa Kapitan Heneral at kay Don Timoteo Pelaez upang
magawa ang pakay. Naalaala nga nila na naroroon sa handaan si Simoun ngunit nagmamadali ring umalis
nang maghahapunan na.

Kabanata 38: Sawimpalad

Patuloy na naghasik ng lagim sa buong Luzon si Matanglawin. Nilusob niya ang mga pook na ‘di inaakalang
kanilang lulusubin. Sinunog ang kawayanan sa Batangas, sinira ang mga pananim, pinatay ang hukom
pamayapa sa Tiani, nilooban ang isang bayan sa Cavite at kinuha lahat ng armas. Walang nangyari sa mahigpit
na kautusan laban sa mga tulisan. Dahil sa walang kakayahan ang mga guwardiya sibil sa pagdakip ng mga
tulisan, mga walang salang magsasaka ang kanilang dinarakip at pinahihirapan. Ayon sa mga bihag, mas
malulupit pa ang mga guwardiya sibil na kanilang kababayan kaysa sa mga Kastila.

Kabanata 39: Wakas (Sa Landas ng Paglaya)

Sugatan at nanghihinang kumatok si Simoun sa tahanan ni Padre Florentino. Buong puso naman itong
tinanggap ng indiyong pari at ginamot ang mga sugat nito. Inakala na lamang nitong pinaghigantihan ito ng
mga naiinggit sa kaniya at ng mga kinuhanan niya ng mga kayamanan. Nang araw na iyon, nabatid ni Padre
Florentino na darating ang mga guwardiya sibil sa kaniyang tahanan upang hulihin si Simoun, buhay man o
patay.

Nalaman ito ni Don Tiburcio de Espadaña at sa pag-aakalang siya ang huhulihin ng mga guwardiya sibiln dahil
sa kagagawan ng kaniyang asawa, agad itong nag-empake at umalis. Ipinabatid ni Padre Florentino kay
Simoun ang paparating na mga Guardia Civil. Hindi alam ng prayle kung patatakasin o itatago lamang si
Simoun. Ngunit sinabi ni Simoun na anomang oras, matatapos na ang paghihirap niya. Napagtanto ni Padre
Florentino na uminom ng lason si Simoun. Mas nanaisin pa raw nitong mamatay kaysa mahuli nang buhay
ninoman.

Bago malagutan ng hininga, ipinagtapat ni Simoun kay Padre Florentino ang lahat ng kaniyang lihim. Ayon kay
Padre Florentino, kagagawaan ng Maykapal ang kaniyang pagkabigo sapagkat hindi nito nanaisin ang paraan
na pinili ni Simoun upang makapaghiganti.

Namatay si Simoun na bakas sa mukha ang hapis na dinanas sa kaniyang buhay, ang sakit sa kaniyang
pagkatao na dala-dala niya hanggang sa kaniyang kamatayan. Samantala, kinuha naman ni Padre Florentino
ang maletang kinalalagyan ng kayamanan ni Simoun, nanaog ito at dinala sa batong inuupuan ni Isagani
upang masdan ang kalaliman ng dagat. Dito niya inihagis ang kayamanan ni Simoun. –WAKAS-

You might also like