Professional Documents
Culture Documents
Polangui, Albay
MODYUL 1
BARAYTI AT BARYASYON
Myra O. Lipnica
Instructor
ALAM MO NA BA?
BALIK-ARAL: Ilan ang Pangunahing wika sa Pilipinas? Ano ang definisyon ng Barayti ng Wika? Ano ang
definisyon ng Baryasyon ng Wika? Marahil ay hindi na sa inyo bago ang mga katanungang ito sapagkat
natalakay niyo na ang mga ito noong kayo ay nasa mababang taon pa lamang sa kolehiyo. Subalit,
para mas mapalawak ninyo ang inyong kaalaman sa paksang ito ay balik-tanawin natin ang ating
naging talakayan…
INTRODUKSIYON Sa araling ito ay bahagyang babalikan natin ang mga definisyon ng Baryasyon at
Barayti ng Wika, maging ang mga uri at halmbawa nito. Palalalimin din natin ang paksa na ating
tinatalakay batay sa pahayag ng isang dalubhasa sa wika na si Gng. Leticia Macaraeg, susuriin ang
kanyang sinabi at magbibigay rin kayo ng mga halimbawa mula sa inyong mga sariling dayalekto.
LAYUNING PAGKATUTO
1. Matalakay ang definisyon at uri ng mga barayti at baryasyon ng wika.
2. Maalaman ang naging isang pag-aaral sa barayti at baryasyon ng wika.
Ang bawat wika ay may sariling henyo o likas na kakayahan – may kapasidad itong bumuo ng mga
salita, kakaibang padron, paraan ng pagsasama ng mga grupo ng salita para makabuo ng pangungusap
at sariling pananda ng diskurso. Bago talakayin ang mga varayti ng wika at mga pag – aaral ditto,
mahalagang mapag – iba ang wika at diyalekto. Dalawa ang ginagamit na pag – iiba sa wika at
diyalekto. Ang una ay batay sa laki, i.e., ang wika ay mas malaki kaysa kaniyang diyalekto. Ang varayti
na tinatawag na wika ay mas maraming lingguwistikong aytem kaysa sa diyalekto. Kaya’t ang Filipino
ay isang wika na bumubuo sa lahat ng diyalekto nito tulad ng Filipino sa Metro Manila, Filipino sa
Baguio o Filipino sa Metro Cebu. Ang ikalawang pag – iiba ng wika at diyalekto ay batay sa prestihiyo –
ang wika ay may prestihiyong hindi makikita sa diyalekto. Kung ito ang pagbabatayan, ang wikang
Ingles halimbawa na ginagamit sa pormal na pagsulat ay istandard na Ingles samantalang diyalekto
lamang iyong hindi nagagamit ng gayon. Bagama’t sa pananaw ng lingguwistika ay walang wikang
mataas o mababa. Ang varayti ng wika ay isang maliit na grupo ng pormal o makabuluhang katangian
na nauugnay sa patikular na uri ng katangiang sosyo – sitwasyonal. Hinati ni Catford ang varayti ng
wika sa dalawang malalaking uri. Una, ang humigit – kumulang ay permanente para sa
tagapagsalita/tagabasa (performer) at ikalawa, ang humigit – kumulang ay pansamantala dahil
nagbabago kung may pagbabago sa sitwasyon ng pahayag. Ang mga varayting permanente ay
binubuo ng idyolek at diyalekto. Idyolek ang varayti ng wikang kaugnay sa personal na kakanyahan ng
tagapagsalita; ang varayti ng wikang ginagamit ng partikular na indibidwal. Ang mga tanda ng idyolek
ay maaaring idyosinkratikong katangian na istatistikal tulad ng tendensiyang gumamit ng partikular na
bokabularyo nang napakadalas. Ayon kay Catford, permanente na humigit – kumulang, ang idyolek ng
isang taong may sapat na gulang. Diyalekto naman yaong varayting batay sa lugar, panahon, at
katayuan sa buhay. Kaya’t may tinatawag na diyalekto heograpiko, diyalektong temporal, at
diyalektong sosyal. Ito ang varayti ng wika na nakikita sa pormal o substantibong katangiang kaugnay
ng pinanggalingan ng tagapagsalita o grupo ng tagapagsalita sa isa sa tatlong dimensiyon: espasyo,
panahon, at katayuang sosyal. Ang pansamantalang varayti ng wika ay kaugnay sa kagyat na
sitwasyon ng pahayag. Nabibilang dito ang register, mode, at estilo. Ang register ay varayting kaugnay
ng higit na malawak na panlipunang papel na ginagampanan ng tagapagsalita sa oras ng
pagpapahayag. Halimbawa, may tinatawag na siyentipikong register, relihiyosong register, o
panserbisyong publikong register. Ang varayting kaugnay sa bilang at katangian ng addresses at
relasyon ng performer sa kanila ay nasa ilalim ng estilo. Ang estilo ay maaaring pormal, kolokyal, at
intimeyt. Ikatlo ang mode o yaong varayting kaugnay sa midyum na ginagamit, maaaring pasalita o
pasulat. Para kina Gregory at Caroll, dalawa ang pangunahing uri ng baryasyon ayon sa gamit ng wika:
diyalekto at diatypes. Ang terminong diatypic varieties ay ginamit nina Gregory at Caroll upang
tukuyin ang register na para sa kanila ay “repleksiyong lingguwistiko ng paulit – ulit na katangian sa
paggamit ng wika.” Ang field, mode, at tenor of discourse ay mga dimension ng baryasyon ng
sitwasyon kaugnay ng papel ng performer na nagbubunga ng diatypic varieties o diatypes.
MGA REKOMENDASYON Magsagawa ng katulad na pag-aaral sa iba pang mga programang talakayan
at pagtuunan ng pansin ang mga sumusunod: 1. Relasyon ng kasarian o gender 2. Gulang ng mag
kalahok sa pag-aaral 3. Natapos na kurso o naabot na pinag-aralan 4. Gawain o hanapbuhay Masusing
pag-aral ang varayti ng Filipino na ginagamit sa mga programang talakyan sa radyo o telebisyon. At
gamitin ang kinalabasan ng pag-aaral na ito bilang batayan sa paggamit sa broadcast media.
PAGTATAYA: GAWAIN
GAWAIN 2
Magtala ng limang (5) halimbawa ng sariling dayalekto, itumbas sa Pambansang antas ng wika at
ibigay ang tamang pagbigkas nito. Halimbawa : a. Abo (abô) - ayaw
PAGTANAW SA SUSUNOD NA ARALIN Marami nang mga naisagawang pag-aaral sa mga baryasyon at
barayti ng Pilipinas, subalit dahil sa ang wika ay umuunlad at nagbabago ay patuloy rin ang pagluma
ng mga pag-aaral na ito. Sa katunayan ay hindi na nga nabibigyan ng pansin ang mga pag-aaral sa mga
sarili natin na wika, partikular na sa ating mga dayalekto, kaya kung magpapatuloy ito ay mamamatay
ang ating wika sa kamay ng wikang banyaga. Sa susunod ay pag-aaralan naman natin ang naging pag-
aaral sa Varayti ng Tagalog-Pateros sa Domeyn ng Balutan.
SELF AND MODULE EVALUATION: Ang iyong matapat na paghuhusga sa mga sumusunod na
pamantayan ay makatutulong upang mapagbuti ang mga susunod na modyul.
1. Kailangang ayusin upang maging mabisa
2. Nakatutugon ngunit hindi sapat
3. Sapat ang pagkakabuo at tumutugon sa pangangailangan
4.Lubusang nakatutugon sa pangangailangan upang maisakatuparan ang layunin ng modyul
SANGGUNIAN:
AKLAT:
Alcaraz, Cid V. et. Al. Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Lorimar Publishing Co. Inc. Quezon City.
2005. Lorenzo, Carmelita S. et. Al. Sining ng Pakikipagtalastasang Panlipunan. National Book Store,
Mandaluyong City. 2002.
INTERNET:
https://po.pnuresearchportal.org/ejournal/index.php/normallights/article/vie w/38/31