You are on page 1of 41

Kalipunan ng

mga Akdang
Pampanitikan
GE13 – Panitikang Panlipunan

Kompilasyong inihanda ni:

Jessie Rose G. Curay, LPT


Talaan ng Nilalaman

I. Panitikan Hinggil sa Intelektwalisasyon


 Miliminas ni Nilo Par Pamonag
 Ang Maling Edukasyon sa Kolehiyo ni Jorge Bacobo
 Ang Guryon ni Ildefonso Santos
II. Panitikan Hinggil sa Kahirapan
 Mabangis na Lungsod ni Efren Abueg
 Ang Ugat ng Kahirapan ni Gregorio Butuin
III. Panitikan Hinggil sa Karapatang Pangtao
 Kalupi ni Benjamin Pascual
 Isang Dipang Langit ni Amado Hernandez
IV. Panitikan Hinggil sa Isyung Pangmanggagawa
 Isang Tula sa Manggagawa ni Amado Hernandez
 Mga Bukas na Liham sa Hacienda Luisita ni Alexander Martin
Remollino
V. Panitikan Hinggil sa Isyung Pangmagsasaka
 Tata Selo
 Walang Panginoon ni Deogracias Rosario
 Ang Magsasaka ni Julian Cruz Balmacedo
VI. Panitikan Hinggil sa Isyung Lokal, Nasyonal at Globalisasyon
 Republikang Basahan
 Pambansang Dekalogo sa Tangkilikan ni Manuel Roxas
 Balita ng Asin
VII. Panitikan Hinggil sa Isyung Pangkasarian
 Geyluv ni Honorio Bartolome
 Ako’y Isang Sirena ni Antonette Mae A. Sazon
 Sirena ni Aristotle Pollisco
VIII. Panitikan Hinggil sa Sitwasyon ng mga Pangkat Mayorya at
Minorya sa Bansa
 Timawa ni Agustin Fabian
 Sandaang Damit ni Fanny Garcia
 Upuan ni Aristotle Pollisco
IX. Panitikan Hinggil sa Diaspora ng Pilipinas sa Ibang Bansa
 Walang Natira ni Aristotle Pollisco
X. Panitikan Hinggil sa Migrasyon ng Pilipino sa Ibayong Dagat

XI. Buhay ng Overseas Filipino Worker (OFW)

XII. Panitikan Hinggil sa Diaspora at Pagkabansa
 Binibining Phathupats ni Juan Crisostomo Sotto
XIII. Paglalakbay ng Pilipino sa Ibayong Dagat katulad ng Asia,
Europa, Middle East at Amerika sa Buong Daigdig
 Pelikulang Anak
Miliminas: Taong 0069
Nilo Par Pamonag
Salin ni: Ruby V. Gamboa-Alcantara

Miliminas, ito ang pangkat ng mga pulo na matatagpuan sa kalagitanaan ng Dagat Pasipiko bago
pa nagkaroon ng malaking pagbaha. Ang pangkat na ito ng pulo ay binubuo ng higit sa 7,200
mga pulo.

Ang Miliminas, ito ang tawag sa mga mamamayan ng nasabing kapuluan, ay katulad din natin
ang mga balat at hitsura. Ang kanilang pananalita ay katulad rin sa atin. Ngunit dahilan sa
nahuhuli sila sa sibilisasyon may mga pag-uugali sila at pagsasalita na kaiba rin sa atin.

Mik ang tawag sa kanilang pera. At tawag nila sa isang taong mayroong isang milyong mik, o
higit pa ay mikinaryo. Sa pagbibihis malaki ang pagkakaiba natin sa kanila . Ang kanilang tawag
sa pormal na damit para sa mga babae ay ang katumbas sa atin ngayon na bathing suit at
kamiseta at korto para sa lalaki.

Para mapangalagaan ang kanilang moralidad sa pagbibihis, may batas silang ipinatutupad na
hulihin ang sinumang magdaramit ng mahaba pa sa sa mini-skirt at micro-skirt.

Ang upuan sa kanilang mga sasakyan ay nilalagyan ng kiluhan upang masukat ang timbang ng
mga pasahero dahil ito ang pagbabatayan ng kanilang pamasahe. Ito ang tinatawag ng kanilang
Public "Diservice Commission" na equality before the kilo.

Tungkol naman sa pamamalakad ng trapiko ay may ordinansa sila na nagpaparusa sa mabagal


magpatakbo. Ang kasalanan ng mabagal magpatakbo ay tinatawag na not overspeeding.

Maayroon din silang serbisyo sa tubig na tinatawag na Nawasdak. Ang ahensyang ito ay may 3
uri ng tubo. Ang una ay nilalabasan ng Malinis na tubig; ang ikalawa ay nilalabasan ng
Maruming tubing; at ang ikatlo, walang tubing kundi Hangin lamang. Nakapagtataka? Ito ang
pag-uuri ng Quatwasdak; Ang gripo na may malinis na tubig ay mahal ang bayad at para sa
mayaman lamang; ang may maruming tubig, para sa lahat ng marunong magtrabaho o kung
mayaman naman, gustong magtrabaho; at ang pangatlo, para sa mga mahirap at ito ay walang
bayad.

Mayroon ding nagmomonopolyo ng kuryente. Ito ang Patay Electric Company. Tatlo rin ang uri
ng serbisyo nito sa publiko. Ito ang Light Service, Brownout Service at Blackout Service. Ang
Light service ay nagbibigay ng ilaw sa araw at gabi. Ang Brownout service ay nagbibigay ng ilaw
kung hindi mo kailangan at mawawala kung kailangan mo ang ilaw sa pagkain ng hapunan at
pagbabasa kung gabi. Kung gusto mo lang ng pangdekorasyon, ang dapat mong ipakabit ay
iyong Blackout service.

Ang mga sidewalk sa kanilang lungsod ay higit na malalapad kaysa sa atin. Bakit nga ba? Ang
dahilan ay sapagkat ang mga bazaar ang umuukupa ng mga sidewalk at ang mga nagtitinda ng
sigarilyo at kung anu-ano ang siyang umuukupa ng mga kwartu-kwarto na kung sa atin ngayon
ay mga bazaar. At sabihin pa, ang mga may-ari ng mga bazaar ang hinuhuli ng mga pulis sa
kanilang pagtitinda sa mga sidewalk.

Ang mga opisyal sa bansa na tumaba habang sila ay nasa serbisyo ay pinapatawan ng sala o
akusasyon sa kanilang mga resolution, genuine na mga batas , at iba pa.

Upang mapagkatiwalaan ang mataas na opisyal ng bansa, itinatag ang anti-genuine commission
para sa paghuli ng mga nagpaparami ng pag-aari o tumatanggap ng mga lagay na genuine, tulad
ng genuine na resolutions, genuine na pera, genuine na batas, at iba pa.

Ang pinakamalaking tindahan ay tinatawag na Super Blackmarket. May pintura itong itim. Dito
ipinagbibili ang mga bagay na ngayon ay ipinagbabawal tulad ng busil na sigarilyo, apyan, mga
bagay na ninakaw, at mga ipinagbibiling pekeng bagay. Ang mga genuine na bagay ay
ipinagbibili ng patago at tigkakaunti lamang dahil laging hinuhuli ng mga alagad ng katiwalian
ang nagbebenta ng mga ito at kinukumpiska pa ang kanilang mga paninda. Katiwalian ang
tawag nila sa kanilang batas, at ang nagpapatupad nito ay tinatawag nilang alagad ng
katiwalian.

Ang mga baril ng mga alagad ng katiwalian ay paltik. Dahil sa ang nag-aaring lisensyadong baril
ay hinuhuli at pinapatawan ng salang illegal possession of genuine firearm.

Sa panahong ito ay uso rin ang kickback na kaunti lang ang ikinaiba sa ating tinatawag na
kickback ngayon. Ang mga buwaya ng bansa (ito ang tawag sa mga mataas na opisyal sa
pamahalaan) ay sinisipa sa likod para sa bawat gatas o milk na tanggaping suhol sa kanyang
mga transaksyon. Ang mga buwaya ng bansa ay tumitigil sa pagpapasipa kapag makapal na ang
kanilang likod dahil ito ang magiging isang batayan sa pagpili ng isang "Outstanding Buwaya of
the Year".

Dalawang klase ng batas ang ipinalabas ng kanilang batasan na tinatawag na "Circus of


Miliminas". Ang isang batas ay para sa mayaman at ang isa ay para sa mahirap.

Ang mga alagad ng bansa ay maliit lang ang sweldo pero malaki naman ang kanilang maaaring
gastusing representasyon.

Ang mga mamamayan ng Miliminas ay masyadong relihiyoso. Tatlo ang paborito nilang santo-
ang mik (ang pera mismo), ang buwaya, at si Santasa, isang taong may sungay at buntot katulad
ng tinatawag natin ngayong satanas. Ang pinakamalaking kasalanang magagawa ay ang hindi
pagpatay, hindi pagtataksil sa asawa at hindi pag-angkin sa yaman ng iba, pagkaawa sa mga
mahirap at hindi pagbibigay ng anumang hingin sa kanila ng mga buwaya ng bansa.

Ang mga malaking transakyon ng pamahalaan ay pinagkakasunduan sa ilalim ng puno, at


tinatawag nila itong shady transactions. Ang iba naman ay binubuo sa ilalim ng mesa ng mga
opisyal ng pamahalaan. Dahil dito, ang mga mesa ay mataas para hindi mauntog ang ulo ng mga
opisyal kapag sumusuot sila sa ilalim nito.

Ang mga hues de pas natin ngayon ay tinatawag nila na hues de paupas. Parang nakakatawa,
ano? Pero iyan ang katotohanan. At isa pang nakapagtataka, ang ginugwardyahan ay ang mga
walang kasalanan. Bakit ganoon ang pamamalakad ng hustisya rito? Iyan ang batas. At ang
balak ay mapili ng hues de paupas kung sinu-sino sa mga mamamayan ang palaaway at
eskandaloso at sino ang mababait. Pagkatapos ng bista at bumaba na ang hatol, ibinibilanggo
ang mga walang sala upang ihiwalay sa maraming mga nakakalayang masasamang tao. Sabihin
pa, malalaki ang bilangguan dito at kumpleto sa mga kasangkapan kaysa sa labas. Ang lahat ng
bilanggo ay tinatawag na VIP (Very Important Prisoner).

Kung tungkol sa sistema ng pagpili ng mga opisyal, ibang-iba sa atin. Simula pa lang ng
kampanya, magkaharap na sa entablado ang magkakalaban sa pulitika. Nagbabatuhan ng putik.
Sa atin ngayon ang mudslinging ay pasaring lamang sa mga talumpati samantalang sa kanila ay
talagang ginagawa. Ang bawat kandidato ay dapat magsinungaling, magmura, mambato ng
putik sa kalaban, mangako ng mga hindi matutupad, dahil kung hindi nya ito gagawin ay
pawawalan ng bisa ang kanyang kandidatura ng komisyon ng kalokohan, ang ahensyang
namamahala sa eleksyon. Sa araw ay namimili rin ang tao ng iboboto kahit na ang isinusulat sa
balota ay hindi na nila pinag-iisipan. Ang inisip nila ay ang naipon na bala ng mga kandidato, at
mga napatay ng kanilang mga kampon, at ang may pinakamaraming pera. Ang kanilang ibinoto
ay tinatawag na ibinoto sa bala at hindi ibinoto sa balota.

Ang mga pulitiko at ang kanilang mga kampon ay hindi natatakot mapatay at pumatay sa
panahon ng kampanya at eleksyon dahilan sa kanilang paniniwalang ito ang magdadala sa
kanilang kaluluwa sa impyerno kung saan mabubuhay sila nang maligaya kasama si Santasa, ang
kanilang paboritong santo.

Ang Eleksyon ay tuwing ikalawang taon. Kung gayon ay masasabi natin na madaling maubos ang
mga mamamayan dito kung madali ang patayan sa panahon ng eleksyon. Subalit nababawi rin
ito ng imbensyon ng isang bantog na baliw (ito ang tawag nila sa kanilang henyo) na nakabuo ng
isang tabletang kung iinumin ng mag-asawa ay magkakaanak ang babae ng isang instant baby,
na ipinagbubuntis sa loob lamang ng dalwampu't apat na oras.
Napakadali ng pagpapalit-palit ng kapangyarihan sa MIliminas. Patuloy pa rin ang pag-iral ng
mga bayang kontento na sa klase ng pamamalakad dito na sa panahon ngayon ay masasabing
kabaligtaran ng mga pangyayari. Ipinagmamalaki pa ng matataas ang katungkulan sa
pamahalaan ang pagsasamantala sa kabuhayan ng mga mamamayan. Ang bagong Milimino,
ang mga bayaning gumagala sa kapuluan, sila ang magigiting na tumanggap ng mga papuri na
maririnig mo sa bibig ng nakaraang administrasyon. At sinu ang kanilang pinagtutungkulan? Ang
pinagtutungkulan nila ng papuri ay mga ismagler, mga namomorsyento, mga kickback artist,
mga mayamang nag aapi sa mga mahirap, mga nang-aagaw ng lupa ng may lupa, mga alagad ng
katiwalian na nang-aabuso sa mga mamamayan, mga hues de paupas at mga pislak(piskal) na
hindi tumitingin sa kisalp ng espada ng katarungan at timbangan ng katotohanan kundi
tumitingin sa kalansing ng pilak at timbangan ng malalakas at maykapangyarihan, mga walang
ginagawa sa bayan kundi aksayahin ang kaban ng bansa na sa halip na gamitin ang kanilang
katungkulan sa pagsisilbi sa publiko ay ginagamit pa ito sa pangangamkam ng yaman.

Ang ilan sa mga alagad ng bayan na sa ngayon na masasabi nating gumagawa ng mabuti ay
nagtatago, nahihiya dahil pinagtatawanan sila ng kanilang mga kasamahan. Hindi lang iyan,
kinukutya pa sila, at kung mahuli ng kanilang hepe ay kinagagalitan pa at inaalis sa trabaho.

May ilang kabataang malawak ang pagiisip na tumawag ng isang pulong kung saan ipinaliwanag
nila ang kaibahan ng pamamahala na kanilang isinasagawa. Ang kanilang prinsipyo ay humingi
ng isang klase ng pag-uugnayan ng mga namamahala at pinamamahalaan. Noong simula ay
tinatawanan lamang sila ng mga pinuno. Ngunit ng lumaon ay madame na ang dumadalo sa
kanilang pulong, bukod pa sa mga mahirap. Ipinagbawal ng pamahalaan ang pagdaraos ng
pulong ng grupong ito ng mga kabataan na tinatawag nilang dungis ng lipunan.

Ang simpatya ng mga mahirap ay nakuha ng mga kabataan. At ang pagbabawal sa kalayaan ng
mga ito, at nang lumaon ay pagpatay ng ilan sa kanila, ang naging dahilan ng pagkagalit ng mga
mayaman at ng may katungkulan. Sumiklab ang isang rebulusyong lumaganap sa buong
kapuluan ng Miliminas.

Bilang parusa sa kanilang dyos na si Santasa, dumating ang isang malaking baha, nagkaroon ng
malakas na paglindol hanggang sa pumutok ang isang malaking bulkan sa kailaliman ng dagat sa
gitna ng kapuluan na siyang naging dahilan ng paglalaho ng Miliminas sa sanlibutan.
Maling Edukasyon Sa Kolehiyo
Jorge Bocobo

Isa kayang posibilidad na sa halip na maging tunay na edukasyon ang itinuturo sa


kolehiyo ay maling edukasyon? Ang sagot ko dito ay “oo.” Isa itong kabalintunaan, subalit
hindi maitatatwangkatotohanan. Naniniwala tayong lahat sa kahalagahan ng edukasyon sa
unibersidad, kung kaya’t tayo ay nag-aaral sa mga unibersidad. Datapwat, katulad ng mga
paraan upang mapaunlad ang pamumuhay, magagamit ang edukasyon upang magtayo,
maggupo, magturo o manlinlang.

Nagkaroon ako ng pagkakataong suriin ang mga kalakaran at kaisipan sa loob ng


sampung taon ng paglilingkod sa Unibersidad ng Pilipinas. Karamihan sa mga estudyante
ay nakatupad sa inaatas sa kanilang tungkulin sa ilang aspekto ng unibersidad. Subalit
malungkot aminin na ang kilos at pag-iisip ng maraming estudyante ay nagbibigay-daan
sa pagkabansot ng isipan, sa pagkatuyo ng puso at sa pagkitil sa kaluluwa. Tatalakayin ko
ang tatlong paraan ng maling edukasyon na binabayaran ng mga estudyante ng mataas na
matrikula at di-mabilang na sakripisyo.

Una, nariyan ang di rasyunal na pagsamba sa pahina. “Ano ang sinasabi ng aklat?”
ang pinakamahalagang tanong saisip ng mga estudyante tuwing kakaharapin nila ang
mga suliranin na kinakailangangn gamitan ng pangangatwiran. Maraming estudyante ang
halos mabaliw sa paghagilap ng impormasyon hanggang sa maging kasintaas ang mga ito ng
bundok at ang isip ay madaganan ng datos. Wala nang ginawa ang estudyante kundi ang
mag-isip kung papaano dadami ang impormasyong hawak nila; Sa ganoon, nawawala ang
kanilang kakayahang mag-isip sa malinaw at makapangyarihang paraan. Nakalulungkot
makinig sa kanilang pagtatalo at talakayan Sapagkat dahop sila sa katutubong sigla ng malinaw
na pangangatwiran, puno ang kanilang talakayan ng walang kawawaang argumento sa
halip ng malusog na pangangatwiran at wastong pag-iisip.

Sa gayon, isinusuko ng mga estudyante ang kanilang kakanyahan sa mga aklat na


nagbibigay-daan sa pagkawala ng kanilang iwing karapatan --ang mag-isip para sa kanilang
sarili. At kung nagtangka silang gumawa ng sariling pasya, ipinakita nila ang kanilang pagiging
pedantiko. Mananatiling mapanlinlang ang edukasyon hanggang hindi nalilinang ng mga
estudyante ang kakayahan nilang mangatwiran sa isang tama at mapanariling paraan.

Ihambing ang mga estudyanteng mahilig sa pagkutingting sa kaalaman ng mga


Juan dela Cruz sa baryo. Kakaunti lamang ang nabasa ni Juan dela Cruz; hindi pinapurol ng di
natutunaw ng impormasyon ang kanyang iwing talino; tiwalag ang kaniyang isip sa katakut-
takot at mabibigat na impormasyong hinakot mula sa aklat. Matalim ang kaniyang pang-unawa,
mahusay ang kaniyang pagpapasya, matalino ang kaniyang mga kuro-kuro. Pasaring na
wiwiwkain niya sa matalinongt pilosospong: “Lumabis ang karunungan mo?”

Pangalawa, ginawang pangunahin at panghuling layunin ng maraming estudyante ang


pagiging mahusay at propesyunal. Ipinasya nilang maging mahusay na abogado, mediko,
inhinyero at magsasaka. Hindi na ako titigil pa upang usisain kung gaano kabigat na sisi ang
ilalatag sa pintuan ng unibersidad dahil sa hindi makatwirang emfasis sa espesyalisasyon.
Hindi maitatawang malakas ang kalakarang naturan, subalit hindi manlamang tayo mag-isip
upang tingnan ang kabayaran nito. Isa ang ating paniniwala: naniniwala ako na walang
kabuluhan ang edukasyon kung hindi nito pinalalawak ang pananaw ng tao, pinalalalim
ang kaniyang kakayahang dumamay at pinaghahandog ng gabay tungo sa matalinong
pagkukuro at malalim na damdamin. Ngunit, paano natin maaasahan ang ganitong bunga mula
sa kondisyong kung saan na nagiging hamak na listahan ng batas ang isang estdyante sa
abogasya, isang preskripsyon ang taong magiging manggagamot, isang pormula ang isang
inhinyero? Ilan sa mga estudyante natin sa kolehiyo ang nagbabasa ng panitikan? Hindi nga ba
natin tinatanong kung hindi tunay na kinikitil ng labis na emfasis sa espesyalisasyon
nakaaakantig na pang-unawa sa kagandahan at ang dakilang pagmamahal sa mga maiinam na
bagay na taglay ng ating mga estudyante, at maaari nilang pabungahin sa isang
makapangyarihang kakayahan? Winika nga ni Keats:”panghabambuhay na kaligayahan ang
anumang bagay na puno ng kagandahan.” Subalit batid natin na batay sa panlasa ang
kagandahan. Kung hindi natin malilinang ang wastong pagkilala sa mga kagandahan at
kadakilaan, mananatiling payak at nakababagot ang ating kapaligiran.

Maaga tayong gumigising at lumalabas sa umaga subalit winawalang-bahala ng


ating kaluluwa ang umasa ng katahimikan at ang katamisang hatid ng hamog sa madaling-araw.
Ating namamalas ang maraming bituin sa gabi, subalit para lamang silang makintab na bato
hindi binibigyan ng lunas ng kanilang maamong liwanag ang ating puso; at hindi natin
nararanasan ang nakagugulat at nakaantig ng kaluluwang may paghaang sa dakilang
pagkakaisa ng sansinukob. Tinatamaan tayo ng pinilakang liwanag ng buwan subalit hindi
natin nararamdaman ang katahimikan sa mga sandaling ito. Minamasdan natin ang mga
matataas na bundok subalit hindi tayo naakit sa kanilang tahimik na kapangyarihan.
Nakababasa tayo ng walang-kamatayang tula subalit hindi tayo maantig sa kanilang tinig, at
waring isang pangitaing madaling mawala ang kanilang malalim na kaisipan. Ating sinusuri
ang isang estatwa na taglay ang walang lipas na kagandahan ng guhit at iba pang
katangian subalit para sa atin ay isa lamang itong kopyang walang halaga. Sabihin ninyo sa akin,
iyan ba ang uri ng buhay na dadayuhin sa kolehiyo? Subalit ang labis na espesyalisasyonna
hinahabol ng mga estudyante ng buong sigla ay itinakdang magbubunga ng ganitong uri
ng buhay na walang damdamin at sing-tuyo-ng-alikabok.
Maaari kong sabihin na mahusay ang edukasyon ng naunang salinlahi. Sinasabi ng mga
nakatatanda sa atin, at sila ay may katwiran, na hindi nalilinang ng bagong edukasyon
ang puso, di tulad ng mga naunang edukasyon.

Panghuli, pinalalabo ng ganitong espesyalisasyon na nakapako sa tagumpay sa


prospesyon sa hinaharap, ang pananw sa buhay. Nanganganib na maging makitid ang
ating pilosopiya sa buhay sapagkat nasanay na tayong mag-isip ng tungkol sa maalwang
buhay na materyal. Oo nga’t kailangan nating maging praktikal. Hindi natin lubusang masasagot
ang katanungan kung hindi natin lilinangin ang wastong saloobin at paniniwala at nang sa gayon
ay maihiwalay natin ang latak sa ginto, ang ipa sa palay ng buhay. Dapat natin isagawa ito hindi
pagkaraan ng pagtatapos kung hindi bago magtapos sa unibersidad; sapagkat kung tapos na
ang lahat, ang suma at ang kakanyahang edukasyon ay ang pormulasyon ng layunin ng buhay,
kalakip ang tanging kasanayan sa isang aspekto ng karunungan upang magkaroon ng
katuparan ang layunin ng buhay sa isang mabisang paraan. Subalit paano natin maihahanay ang
mga elemento ng ating pilosopiya sa buhay kung lahat ng ating sandali ay iniuukol sa
paggawang takdang-aralin, sa mga pag-eksperimento sa laboratoryo at kung walang tigil
ang ating pagtanggap ng impormasyon.

Muli, nararapat magsiupo ang mga estudyante sa paanan ni Juan dela cruz na kakaunti
ang pinag-aralan upang matutuhan nila ang tunay na karunungan. Madalas siyang
tawaging mangmang, subalit siya ang pinakamarunong sa mga pinakamarunong, sapagkat
natuklasan na niya ang kaligayahan ng taong nakababatid ng dahilan kung bakit nabubuhay.
Hindi taglay ni Juan dela Cruz ang kanyang kababaang-loob ang adhika at ang ”ambisyon
na labis ang taas.” Mapapahiya ang maarte at kumplikadong alituntunin at gawi ng mga
edukadong babae at lalaki kung itatabi sa payak at matibay na mga katangian ni Juan dela Cruz.
Kulang ang anumang papuri para sa katatagan ng loob ni Juan dela Cruz sa gitna ng kahirapan.
Matibay na batayan ng isang buhay na lipunan ang pagmamahal niya sa tahanan, kalakip
ang walang balatkayong katapatan. Napatunayan na rin ang kanyang pagmamahal sa
bayan. Maaari bang matuto ang ating edukasyon kay Juan dela Cruz o baka naman hindi
sila pinagiging karapat-dapat na maging estudyante ni Juan dela Cruz ng ating edukasyon?

Sa pagwawakas, napansin ko sa mga estudyante natin ang nakagagambalang


babala ng di-wastong edukasyon. Ilan dito ang mga sumusunod: kakulanagn sa sariling
pasya ata pagmamahal sa walang-lamang pilosopiya, dahil na rin naman sa pagsamba
sa pahina at nagmamadaling paghahanap ng mga impormasyon; ang unti-unting pagkitil sa
kakayahang maantig na kagandahan at kadakilaan dahil na rin sa espesyalisasyon at ang
pagpapabaya sa tungkuling-bigyang katuturan ang pilosopiya sa buhay na bunga ng labis na
empasis sa pagsasanay tungo sa pagiging isang propesyunal.
Ang Guryon
Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon


na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo’t paulo’y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri’y bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan
na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti’t dumagit, saanman sumuot…
O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!
Mabangis na Lungsod
Efren R. Abueg

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na


lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong
lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang
lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol
lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis
na liwanag ng mga ilaw-dagitab. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong
gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong,
ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon
katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya kung
naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.

Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang
nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga
tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga taong
pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar.
Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at
mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at
halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At
nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga
taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming
palad. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso
ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran
ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang
naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang
sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.

“Mama... Ale, palimos na po.” Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na


parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay
napapahalaga ng pagmamadali ng pag-iwas. “Palimos na po, ale... hindi pa po ako
nanananghali!” Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap,
pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas
naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa
kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni
kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kaniya
ng limang piso, sa lahat. Walang bawas. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno.
Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay. At ang mga kamay
ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi,
mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa, ngunit kailan man ay hidni
nakarating sa kaniyang bituka. “Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!” Ang
mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga
tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.

Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali,


narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala
pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa
katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kaniyang palad
at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kaniyang kinaroroonan. “Malapit nang
dumating si Bruno...” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa
lahat na maaring makarinig. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang
bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga
laman at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng
isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taon malamig, walang
awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kaniyang kalooban.
Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kaniyang gutom at
pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t
waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang marahas na bagay.

Ilang barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat ang
mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga
kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa
kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa kaabalahan niya’y
hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman
ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng
pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas.

“Adong... ayun na si Bruno” narinig niyang wika ni Aling Ebeng. Tinanaw ni Adong ang
ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na
mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kaniyang
bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong
biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang
apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang
palad ang mga baryang napagpalimusan. “Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno
na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!” Narinig


man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa simula’y marahan,
ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot
siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong
salu-salubong sa paglalakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting
iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan
ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang
musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa
malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula’t pa’y nakilala niya
at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kaniyang bulsa. At iyon ay matagal
din niyang ipinakalansing.“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang
tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay
parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon
ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan. “Bitiwan mo ako!
Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag
na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At
pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang
kumandong sa kaniya.
Ang Ugat ng Kahirapan
Gregorio V. Bituin Jr.

PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan,
ang mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang
naghahangad ng pagbabago sa lipunan.

Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano
ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang
pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila
ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas.

Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran. Ayon naman sa
isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila
ng Maykapal. Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang
marami ay dahil sa kamangmangan. Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran.
Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng
kahirapan.

Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya
silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at
malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong
nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang
naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong
nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi.

Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa
pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero
napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala
ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang
paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa
biyaya.
Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at
napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang
kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.

Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang
kanyang gawin. Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang
populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan
ay pawang nakaririwasa sa buhay.

Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong
pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para
mapawi ang kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t
hindi pantay ang hatian ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika,
makina’t lupain, marami ang lalo pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga
produktong galing sa mga pabrika at ani sa mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga
kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong
lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na ang
tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap.

Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong
kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang
daluhan ang isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay
nagsiuwing bigo, pagkat sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga
pabrika’t makina, ay hindi makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito.

Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga
manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na
tinagurian nilang Unang Internasyunal.
Ang Kalupi
Benjamin Pascual

Mataaas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit
na barung-barong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na
bahagyang pinagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakakintal ang kagandahan ng kaaya
ayang umaga. At sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa pagkakalapat at maputla,
ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga;
sa gabing iyon at tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na
taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin
namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang magkaroon ng isang anak na nagtapos
sa high school ay hindi na isang maliit na gaya niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para
niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuutang puting-puti, kipkip ang ilang
libro at nakangiti patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa
kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon
din siya ng mamaniganging may sinasabi rin naman. Nasa daan na siya, para pa niyang
naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong
isinusukat sa harap ng salamin ang nabuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan.
Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang pangnang sisidlan ng kanyang
pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang-bayan ng Tondo,
ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw
ito at kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili
rin siya ng garbansos. Gusting-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na
garbansos.

Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na


ang di-makamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na
pakanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng
mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling
magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya
daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang
dumating siya sa panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas
ng humahangos na isang batang lalaki, na sa kanilang pagbabangga ay muntik na niyang
ikabuwal. Ang siko ng bata at tumama sa kanyang kaliwang dibdib.

“Ano ka ba?” bulyaw ni Aling Marta.


“Kay sikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

“Pasensiya na kayo, Ale,” sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos na
tig-bebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho
kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.” “Pasensya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng
kawalang-ingat mo’y pagpapasensyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.”

Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumasok. Paano’t paanuman, naisip niya, ako
ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay
sa kanya pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita
sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala
siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga
tuyong paninda at bumili ng isang kartong mantika.

“Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na
siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.

“Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.” Natawa si
Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad.

“Bakit ho?” anito.


“A, e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e, magkano naman ang laman?” ang tanong nga babae.

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod
ng kanyang asawa nang sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit sa di pa ma’y
nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin,
“E, sandaan at sampung piso ho.”

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng
mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala
ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa
kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon
nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung ano ang kasuutan nito
na maaari niyang pagkakilanlan, ang tabas ng mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa
harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at mangilan-ngilang namimili at
mga batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalinga-linga siya. Patakbo uli siyang
lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at
sa gawing dulo ng pusisyon, na di-kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng
mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng
kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaaring magkamali; ang wakwak na
kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama
ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na
tig-bebeinte.

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.

“Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot ng pitaka ko,
ano? Huwag kang magkakaila!”

Tiyakan ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-


aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong
sumagot: “Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”

“Anong wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at
wala nang iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano, ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong
iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!” Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang
nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawk sa liig ng
bata at ito’y pilit na iniharap sa kababaihan.

“Aba, kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e banggain ako,” sabi niya.
“Nang magbabayad ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko, e wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho
sa palengke’y maraming naglipanang batang gaya niyan.” “Tena,” sabi ni Aling Marta sa bata.
“Sumama ka sa akin.”

“Bakit ho, saan ninyo ‘ko dadalhin?”

“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta na pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis.
Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang
dalawang-kamayin ang pag-aalis sa mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa
pagkakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang
uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga nanonood ay
lumapit an isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit ay
sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong.

“Naseguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e naramdaman ko ang
kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad
pagka’t akoy nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot at ang nagmamapa-sa-
duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang
mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiiyak, ay lumabas ang
isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at
ang tig-bebeinteng bangos.

“Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?” tanong ng pulis
kay Aling Marta. “Siya ho at wala nang iba,” sagot ni Aling Marta.

“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata.
“Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.” “Wala ho akong dinukot na maski ano sa
kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang
kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O,
ano, hindi ba ganoon kayong mga tekas kung lumakad, isa-isa, dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang
mabuti ho yata, Mamang Pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong matakot
iyan at magsabi ng totoo.”

Tumindig ang pulis. “Hindi natin kara-karaka madadala ito nang walang evidencia.
Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang
dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”

“E, ano pang evidencia ang hinahanap mo?” sabi ni Aling Marta na nakalimutan
ang pamumupo. “Sinabi ko nang binangga ako nang pasadya, na naramdaman ko ang kanyang
kamay sa aking bulsa. Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat
gawin. Maya-maya, muling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa
kanyang bulsa. “Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata. “Andres Reyes po.”

“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang
paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang
sagot. “Ang tatay ko ho, e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko
nakatira, sa Blumentritt. Kung minsan naman ho, e sa mga lola ko sa Quiapo at kung minsan, e
sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tondo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam,
para mamayang tanghali.”

“Samakatwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tondo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng
bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa, e.”
Ang walang-kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa
kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami
ang tao sa paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at
pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata, e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” sabi niya.
“Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman
ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.” Hirap sa inyo ay sabad kayo nang
sabad, e,” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati
kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon n’yo sabihin ang gusto n’yong sabihin at doon n’yo
gawin ang gusto n’yong gawin.”

Inakbayan nito ang bata at inilakad patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiimik na si
Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay ngingti-ngiti habang silang tatlo ay
minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

“Maghintay kayo rito sandal at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” sabi sa kanya at
pumasok. Naiwan siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo,
sisiguk-sigok, nilalaro ng mga payat na daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga
siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumapasok sa palengke. Inisip
niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang paghintay bago siya makauwi: dalawa, tatlo o
maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang
kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang naririnig ang sasabihin
nito kung siya’y uuwi na walang dalang anuman, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang
poot sa kanya na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumulak sa
kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa
isang bisig at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalingat niyang pinipilit sa likod.
“Tinamaan ka ng lintik na bata ka!” sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang
binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, e ako, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo
dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”

Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa
kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay para-parang nangapatdan ng dila upang
makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa
baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig
ay buong panggigigil na kinagat.

Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay
makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng
nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalala niya ang kalayaan, kalayaan kay
Aling Marta at sa dumarakip na pulis, at siya ay humanap ng malulusutan at nang
makakita ay walang lingod-likod na tumakbo, patungo sa ibayo ng maluwang na daan. Bahagya
na niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta; ang
sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya nang umabot sa kanyang
pandinig ang malakas na busina ng isang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay
nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa
pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madidilim na anino ng mga
mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.

Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng
kanyang mukha ay aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang
gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng
paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siya ay
binubuntunan ng sisi. Bakit ba ako manganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili,
Ginawa ko lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyaring ito’y
pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.

Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata


ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay
ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay
natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kamiseta ay tuluyan nang nawalat sa kanyang
katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis, ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang
mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.

“Maski kapkapan n’yo ako, e wala kayong makukuha sa akin,” sabing pagatul-gatol ng
nilalabasan ng dugo sa iong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.” May kung anong malamig
ang naramdaman ni Aling Martang gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay pilit na
nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang
pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa
kanyang sarili.

“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya.


Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak na naman ang kanyang kuwaderno at lapis.
“Siguro matutuwa na kayo niyan.”

“Sa palagay kaya ninyo ay may sasagutin ako sa nangyari?” tanong ni Aling Marta.
“Wala naman sa palagay ko,” sagot ng pulis. “Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi
ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang
mananagot niyan.” May himig pangungutya ang tinig ng pulis. “Makaaalis nap o ako?”
tanong ni Aling Marta. “Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa
akin ang inyong pangalan at direksiyon ng inyong bahay upang kung mangailangan ng
kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”

Ibinigay ni Aling Marta ang kanyang pangalan at tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang
tinging lumayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulung-magulo ang kanyang isip;
Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumalakad siya ngayon
na walang-tiyak na patutunguhan. Naalaala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang
ulam na dapat niyang iuwi na, sana’y naiuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata
ng kanyang asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon,
magagalit, hanggang siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na
pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng
panangis hanggang sa sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay. Katakut-takot na gulo at
kahihiyan! Sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-
uulapang diwa sa bangkay ng batang natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.

Kung di sa tinamaan ng lintik na iyan ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa
sarili. Kasi’y imbi, walang-pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba.
Mabuti nga sa kanya! Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit
papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay
malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito
at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang
paghahangad na makapagpadala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at
maipamata sa kapwa na sila ay hindi naghihirap, ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya
kikibo. Ililingid din niya ang nangyayaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng
iskandalo at anuman pangangatwirang gawin niya ay siya rin ang sisisihin nito sa dakong huli; at
kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihiman niya ito. At tungkol sa ulam,
mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Godyang, at iyon ang kanyang ipamimili; nasabi
niya rito na ang nawala niyang pera ay sandaan at sampung piso at ang halagang iyon ay
napakalaki na upang ang lima o sampung piso ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi
iyon makapaghihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa maninipis na labi ni Aling Marta
nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.

Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang, bago siya pumasok ng


tarangkahan, ay natatanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang
barung-barong. Nakangiti ito at siya ang minamasdan, ngunit nang malapit na siya at makita
ang kanyang dala ay napakunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag.
Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.

“Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na


ga-graduate. “A, e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking
pitaka.” Nagkatinginan ang mag-ama. “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa, “ang
pitaka mo, e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong
bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka
kumuha ng pinamili mo niyan?”
Biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta
ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para
niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito: Maski kapkapan ninyo ako, e
wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para
siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang kanyang buong paligid;
at bago siya tuluyang nawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng
kanyang asawa’t anak, at papaliit, lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?

Isang Dipang Langit


Amado V. Hernandez

Ako’y ipiniit ng linsil na puno


hangad palibhasang diwa ko’y piitin,
katawang marupok, aniya’y pagsuko,
damdami’y supil na’t mithiin ay supil.
Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas


ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,


sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki’y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo’y tila isang tanikala


na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.
Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,
kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang


sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;
kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon –


bilangguang mandi’y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap


at batis pa rin itong aking puso:
piita’y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog


at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw


sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!

Bartolina ng Muntinlupa – Abril 22, 1952


Isang Tula sa Manggagawa
Amado V. Hernandez

I
Ako'y manggagawa: butil ng buhangin Ang munti'y talagang dustain sa mundo
Sa dagat ng buhay ay masuliranin, Subali't ang bakal, hamak ma'y alam kong
Nguni't ang palad ko'y utang din sa akin! Nagagawang baril, gulok, punglo, maso...
Sa sariling pawis pinapanggaling Ang buhangi'y sangkap sa isang palasyo't
Ang dinadamit ko't aking kinakain. Ang bato ang siyang haligi ng templo!

II VI
Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang Madalas man akong pawalang halaga
At pikit ang mata ng sangkatauhan, Ang uri ko'y hindi mababawasan pa:
Dahilan sa aki'y kahariharian Ang ginto saan ma'y napagkikilala,
Ang nangapatayo sa bundok at ilang, Ang bango takpan ma'y hindi nagbabawa!
Pinapagningning ko ang dating karimlan. Ako ay bayaning bisig ang sandata,
Ang pawis ko'y lakas, buhay at pag-asa!
III
At ang kabihasnan ng buong daigdig VII
Ay bunga ng aking mga pagsasakit Anak pawis akong dukha at maliit,
Ang Kapwa ko tao'y binigyan ng bagwis Ang tahana'y dampa na pawid ang atip,
Upang makalipad hanggang himpapawid! Nguni't ang dambanang pinakamarikit
Utang din sa aking paggawa kung bakit, Ay utang sa aking matipunong bisig
Ang pusod ng dagat ay nasasaliksik! At ang boong yaman sa silong ng langit
Ay mula sa aking kasipaga't pawis!
IV
Ang mga gusali, dagat at sasakyan VIII
Ay nalikhang lahat ng bakal kong kamay, Pagmalasin ninyo! Tila isang anghel
Ang ginto at pilak, ang uling at bakal, Ng pagkakaisang sa langit nanggaling,
Ay dahil sa akin kung kaya't nabungkal, Larawan ng Bayang maganda't mahinhin
Ako'y manggagawa ng maraming bagay Na wala nang gapos ng pagkaalipin,
Pangalawang Diyos sa lupang ibabaw. Liwayway ng layang darating, darating,
At mamamanaag paglipas ng dilim!
V
Gayon ma'y malimit dustain ako, Pawis, Hunyo 5, 1946
Mga Bukas na Liham sa Hacienda Luisita
Alexander Martin Remollino
I ang iyong mga kabayo, Mikaela Cojuangco.
Sa tamis ng bawat iluwal mong butil ng asukal Ni hindi madapuan ng init ang iyong mga
ay pait ng luha’t pawis ng sakada’t manggagawa kabayo
na nilalamon ng kagutuman. sa kanilang nakaerkong mga estable,
Sa bawat pakikibaka alang-alang sa buhay habang sakal ng init-kalan ang inyong mga
ng mga nagbubungkal ng iyong lupa sakada
ay may paghingang pinuputol ng mga punlo sa kanilang mga tahanang masasahol pa sa
sa ibabaw ng iyong nabubundat na tiyan. lungga ng daga.
Hacienda Luisita, At ay! sawimpalad ang iyong mga kabayo
saanman ibaling ang mga mata sa isang araw na di makapag-ulam ng karneng
ay mukha mong nakangisi ang natatanaw: inangkat,
nakikita ko sa iyong mga pinaslang na welgista samantalang pista na sa inyong mga sakada
ang mga ibinuwal na sakada ng Escalante ang sila’y makapag-ulam ng kahit bulati.
at mga itinumbang magsasaka sa Mendiola. Bakit may mga nag-aaklas na Escalante, Mikaela
Magpista ka, Hacienda Luisita, Cojuangco?
sa tamis ng dugo ng mga binaklasan ng buhay Sapagkat kayraming kawangis ng inyong mga
nang dahil sa paggigiit ng karapatang mabuhay. sakada
Ngunit mangilabot ka, sa iba’t ibang panig nitong Pilipinas.
pagkat wala pang nakapagbubuwal At sa bawat mabuwal sa bawat Escalante,
at walang makapagbubuwal dumarami ang manghaharana ni Jocelynang
sa Bundok Arayat! Baliwag.

II IV
Gaano maaaring kumapal ang mukha ng tao? Hinding-hindi malunok nitong diwa
Higit pa sa kapal ng etera na kayong kahapon lang ay kapalitang-salita
ng buong kalawakan. ay maaari ring nakilala ko na lamang
Kaya naman nasisikmurang magyabang ng tao bilang mga pangalan sa isang luksang-parangal.
kung kanyang naipambibili ng pinakamahal na Sino silang naghasik ng kamatayan
mga alahas sa lupang pinagtatamnan ng matatamis ninyong
ang dugong piniga mula sa nag-uusliang ugat pangarap?
ng mga manggagawa’t sakada sa tubuhan. Galit ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw.
Ngunit hanggang saan makalilipad ang Ngunit lalong galit ang magnanakaw
kapalaluan? sa kanyang pinagnakawan —
Hindi sapat ang kislap ng mga alahas lalo’t binabawi sa kanya ang ninakaw.
upang pawiin ang pagdidilim ng karangalan. Ay! silang mga dugong-bughaw na nagnakaw
Kristina, ng inyong mga buhay, sila ang nagtanim
ngayon pa lamang ay nalulusaw na ang inyong ng mga punlo sa lupa ng inyong pakikibaka.
pangalan Silang mga magnanakaw ay nagpapanggap na
sa naglalagablab na panduduro ng kasaysayan mga may-ari
na magsasalaysay ng inyong kaimpaktuhan ng lupang ni hindi nila dampian ng mga daliri.
Sa patuloy na pagbibigkis-bisig ninyo’t ng
III tanang nakauunawa,
Mga maharlika ng mapapalad sa sandaigdigan darating ang araw na sila’y magsisihalik sa lupa.
Tata Selo
Rogelio Sicat

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas
ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang
bakuran ng bahay-pamahalaan. Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y
naghahangan makalapit sa istaked.

“Totoo ba, Tata Selo?”


“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa
noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris
niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng
asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang
kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi
ko ho mapaniwalaan.”

Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang
harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa
kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa
kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.

“Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso
ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming
nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin
siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa
San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa
istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo.

“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala
na akong saka?”

Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya
ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang
nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang
lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng
Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit
isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang
po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung
maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo
pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako
nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.”

Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa
isang pulis.

“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid
na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na
naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata.

Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.

“Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka.
Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y
tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng
saka ay saan pa ako pupunta?”

“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.” Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo.
Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?” Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya
sa balikat.

“Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni
Tata Selo na ulila na sa ina.

Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan
si Saling?”

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata
Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng
kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang
hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.


“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang
dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod
hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng


batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa
kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

“Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo
sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa
nasasalaminang mesa.

“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si
Tata Selo.

“Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati
pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“
“Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa
kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka.
Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?”

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil.
Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para
malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po,
tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka
sapagkat iba na ang magsasaka.
‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman,
‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po
ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”

“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.

Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—
ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa
ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang
kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.

“Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.


Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka anang hepe.”
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya.”

Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa


simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian.
Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.

“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na
nakayuko at di pa natitinag sa upuan. “Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo.
Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo. “Tinungkod po niya ako ng
tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo. Itinayo ng hepe
si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si Tata Selo,
nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng


tinungkod…” Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.

“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na
nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.

Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na
naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng
buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-
ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.

“Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa
matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.”

Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata


Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at
hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-
sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang
kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.

“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit
sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.

“Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po
ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.”

Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit
pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si
Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.

May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok
ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid
sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion.
Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang
ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata
Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.

Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang
anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas
na humagulgol.

Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan.

Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo.
Halos buhatan siyang dalawang pulis.

Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya
ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may
sakit ka!”
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang
buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang
namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa
mga nakatinging pulis.

“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak.
Huwag, huwag ka nang magsasabi…”

Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa
istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.

“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”

Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo
pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng
istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang
nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at
malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha
sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa
kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na
umabot sa kanya. “Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang
umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na
nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May
kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon.
Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa
kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng
araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata
na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na
ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila,
lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…
Walang Panginoon
Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay


malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya
malaman kung saan magtutungo. Isinisiksik ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang
hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang tainga.

Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng
bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayunman,
kahit na saan siyang magsiksik, kahit na saan siya magtutungo, kahit na anong gawin niyang
pagpapasak sa kaniyang tainga ay lalong nanunuot sa kaniyang pandinig ang malungkot na tinig
ng batingaw.
“Tapos na ba? Tapos…” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili
kung wala na siyang nauulinigang ano mang taginting ng kampana. “Tapos na. Tapos…” ang
sunud-sunod namang itinugon ng kanyang ina paniwalang-paniwala hindi nga naririnig ang
malungkot na animas.
“Ngunit Marcos..” ang baling uli na matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong
marinig ang oras na ukol sa kaluluwa?” iya’y pagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng
dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na Marcos, marami
kang dapat ipagdasal. Una-una’y ang iyong ama,ikalawa’y ang kapatid mong panganay, ikatlo’y
ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita.” Ang hul;ing pangalan ay binigkas na marahan ng
matandang babae.
Si marcos ay di kumibo. Samantalang pinararangalan siya ng kaniyang ina, ang mga mata
niyang galing sa pagkapikit kaya’t nanlalabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahan siniputan ng
ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya magsasalita. Subalit sas kanyang sarili, sa
kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap may nagsasalita.
“Dahil din sas kanila, lalung-lalo na kay Anit, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng
batingaw,” ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang labi hanggang sa dumugo upang
ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin.
Akala nang ina’y nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matandaay
nabasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si
Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang namatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong,
mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng
pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupunyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa, lahat
ng pag-iimpok na ginawa upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita. At saka
namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang
gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ang
kanyang ibig libangi. Ito ang nais niyang aliwin. Kung maari sana’y mabunutan ng tinik na
subyang sa dibdib ang kanyang anak.
“Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka
kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara.” “Si Inang naman,” ang
naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasabi nang malakas. Sa kanyang
sarili’y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano kapait para sa kanya ang
pagkamatay ni Anita, palibhasa’y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyayari sa
pagkamatay nito.
“Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat,” ang nasabi niya uli sa kanyang sarili
samantalang minamasdan niya ang kanyang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang
bayan na ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita, “ disi’y hindi ako itataboy sa kasiyahan.
Pinag-usapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagkat
mabuti ang lagay ng tanim nilang palay, nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating
na taglay ang utus ng hukumang sila’y pinaalis sa kanilang lupang kinatatayuan , at
sinamsamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang unang naitanong ni Marcos sa ina matapos
matunghayan ang utos ng hukuman.
“Anak ko!” ang palahaw na panngis ng matandang babae sabay kapit sa leeg ng anak.
“Bakit ka mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?”
Ang tinig ng matanda ay nakapagpapalubag sa kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng
bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa- isang nagbabalik sa alaala
niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi’y talagang sa kanunununuan ng kaniyang ama ang naturang lupa. Walang sino
mang sumisingil ng buwis at walang sino mang nakikialam sa ano mang bunga ng kanilang mga
tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging ano man sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay may nagpasukat ng lupa at sinasabing kanila.
Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit
sa kanilang karalitaan upang tangkilin ang kanilang karalitaan upang tangkilin ang kanilang
katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis
doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat
ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon
sa pagkakautang sa may lupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng
takipan at talindawa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob ng kay Don
Teong. Ang kapatid niya’y namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito at higit sa lahat,
nalalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng amang nakipagtagpong minsan
sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo’y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, maging isang taon noon. Sapul nang
dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa
Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng mallaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang
kanyang lkalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa
ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskwelahan sa silong ng kumbento sa
kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap
siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay
Marcos ang hilig sas pagkatuto sapagkat sa pabanib niya sa mga samahang pambayn ay
natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang
pahayagan at lingguhan sa sarilng wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang
kung wala na siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng nobela at ibang akdang katutuhan niya sa
wikang Tagalog, o kaya’y salin sa wikang ito.
Lalo na ng magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang
buhay kundi ang balang araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na
may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang “ang lahat ng
tao, kahit hindi magkakulay ay sadyang magkapantay,” ay tinatanggap din niya ang palasak na
kawikaang “ ang katapat ng langit ay pusalian”. Dahil diyan kahit bahagya ay hindi siya nag-
atubili nang pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsa si Anita ay
namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa
lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking
sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampastikin ay inabot niya si
Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawatin ang kaliwa niyang bisig sa may
baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawang niyang paa sa ilalim kayat pumaibabaw
sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagtikad ng dalawa niyang paa ay
nakasapit sila sa pampang.
“Marcos, matagal na rin kitang iniibig,” ang tapat ni Anita sa binata., makaraan ng may
ilang buwan buhat nang siya’y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang lisanin ang lupang
gayong ang sabi ay ari ng kanilang mga ninuno ay binubuwisan na nila at sinamsam pa ngayon.
At saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayung kabuktutan?
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang bagang. Kinagat niya ang kanyang
labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang mga kamay hanggang matimo
sa palad niya ang kanyang mag kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot
na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang!
Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Mliit naman ang kanilang bayan upang malihaim pa
kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa
pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbalita
kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita nang
tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber.
Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaring maging dahilan iyon ng
bigla pang pagkamatay ng kanyang inibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya
ay mawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng
pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binibuwisan. Pangangagaw ng
lupa sa kanila. Pagpapautang ng patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay ng
kanyang kapatid. At saka noon pagtatangka sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay
nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag. Saka
nitong huli, ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulong ng kanilang
pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki
ang puso sa pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng
may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya’y maari pa siyang makalunok ng
bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapuwat nang tanggapin niya ang utos
ng hukuman na pinaalis siya roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na
niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa
hukuman ng mga tao.
“Huminahon ka, anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga
maliit. Magtiis tayo.”
Hindi na niya itinuloy ang paghahanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng
agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya
ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat ng limang alaga niya. Llumabas siya sa bukid
at hinampasan niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at
panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaaanong pawis ang nawala sa kanya
upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay
nila’y magbungng mabuti? Saka ngayo’y pakikinabangan at matutungo sa ibang kamay?
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man nyang magdimlan ng
isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alaala ng kanyang ina’y walang iniwan sa
bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig upang
huwag niyang pabayaan ang kaniyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang
nalalabing buhay, bago nalagutan ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila’y nagsasarili.
“Tutungo tayo sa hilag at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka;
paris ni Don Teong, di kailangan magkaroon din ako ng gayak na paris niya.”
Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina. Wala siyang
nalalaman kundi takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay
isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon
ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ang matanda.
“Marcos,” sabi ng matanda. Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay
hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong. Kung may magiging sukli man lamang
tayo sa ating ani ngayon?”
“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak, “nalaglag po ang dahon sa
kanyang kapanahunan.”
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man ay may nagunita siyang isang
bagay na ibig niyang malaman sa anak.
“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran mo?” tinutukoy ang kalabaw na mahal na
mahal ni Marcos. Maaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasyahan ni Don
Teong ay numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit
hinihingi ng pagkakataon.
Nagunuta niya ang sinabi Rizal na “walang mang-aalipin kung walang napaalipin”.
Napahilig siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang
pamamaslang sa kanya ni Don Teong na takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos
ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay
walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa
hangad na mahamig na lahat ang kkayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba
ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa.
“Kailangang maputol ang kalupitang ito!” ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahan na
ginawa ni Marcos.
“Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter at latigo,anak ko?” ang tanong ng matanda kay
Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
“Inihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng
anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito di tayo’y magiging malaya,” ang tila wala sa loob na
tugon ng anak.
Ang tototo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili
ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, gora, switer at sak
adala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugulan
ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito’y umungol na ang alingawngaw ay abot
hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung di niya nakitang halos apoy ang lumalabas sa dalawang
mata ng hayop ay hindi pa niya ito titigila. Sa gayon ay matulin ay matulin siyang nagtatago
upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siya’y daratnan niya nag kaniyang inang
matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng
isang malaking kandila.
“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y
napahamak ka na.”
Si Don Teong ay ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kaniyang lupa, ang
ipinanganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon, ay
hindi makapagpigil ang sinuman. Nalalaman din ng matandang babae na laging dalang rebolber
sa beywang ang mayamng asendero buhat ng magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi
niyang inaalala ang pagalis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis,
walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa
pagkasuwang sa kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita kay Don Teong ay tila may
sinisimpang galit sapagkat bigla na lamang sinibad ang mayamng matanda at nasapol ang
kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay
tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman sa kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang switer
sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad angkapangyarihan upang gumawa ng kailangang
pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halag sa hindi kumikilos na ayos ng
kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila
malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang
hayop. Si Marcos ay nakatingin din sa orasan ng gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang
kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi gaya ng dating ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin
ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya’y ang matapang na kalabaw.
“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.
Ang Magsasaka
Tula ni Julian Cruz Balmaceda

Sa maghapong singkad ikaw’y nasa-linang


Sulong mo’y ararong batak ng kalabaw.
Di mo pinapansin ang lamig at ginaw,
Ang basal ng lupa’y mabungkal mo lamang.
Iyong isinabog ang binhi sa lupa
Na ikalulunas ng iyong dalita;
Tag-ani’y dumating sa dili-kawasa
Lahat ng hirap mo’y nabihis ng tuwa.
Anupa’t ang bawat butil
Ng bigas na naging kanin
Sa isip at diwa nami’y
May aral na itinanim.
Iya’y tunay na larawan
Ng lahat mong kapaguran
Bawat butil na masayang
Ay pintig ng iyong buhay.
Kaya nga’t sa aming puso’t dilidili,
Nakintal ang isang ginintuang sabi;
Sa lahat at bawat bayaning lalaki
Ikaw, magsasaka, ang lalong bayani.
Ang Magsasaka ni Julian Cruz Balmacedo
XIV. Panitikan Hinggil sa Isyung Lokal, Nasyonal at Globalisasyon
 Republikang Basahan
 Pambansang Dekalogo sa Tangkilikan ni Manuel Roxas
 Balita ng Asin
XV. Panitikan Hinggil sa Isyung Pangkasarian
 Geyluv ni Honorio Bartolome
 Ako’y Isang Sirena ni Antonette Mae A. Sazon
 Sirena ni Aristotle Pollisco
XVI. Panitikan Hinggil sa Sitwasyon ng mga Pangkat Mayorya at
Minorya sa Bansa
 Timawa ni Agustin Fabian
 Sandaang Damit ni Fanny Garcia
 Upuan ni Aristotle Pollisco
XVII. Panitikan Hinggil sa Diaspora ng Pilipinas sa Ibang Bansa
 Walang Natira ni Aristotle Pollisco
XVIII. Panitikan Hinggil sa Migrasyon ng Pilipino sa Ibayong Dagat

XIX. Buhay ng Overseas Filipino Worker (OFW)

XX. Panitikan Hinggil sa Diaspora at Pagkabansa
 Binibining Phathupats ni Juan Crisostomo Sotto
XXI. Paglalakbay ng Pilipino sa Ibayong Dagat katulad ng Asia,
Europa, Middle East at Amerika sa Buong Daigdig
 Pelikulang Anak

You might also like