You are on page 1of 5

II.

Paglalarawan sa Buod ng Pelikula Bagong guro si Melinda Santiago sa Mababang Paaralan ng


Malawig. Siya ang pumalit kay Pilar na nagtungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho at
magkaroon ng mas malaking suweldo. Si Melinda ay may talento sa pagtugtog ng “flute”.
Katatapos lamang niya ng kolehiyo sa kursong “education”. Inaasahan ng kaniyang pamilya, lalo
na ng kaniyang ina, na susunod siya sa Amerika at doon magtrabaho, ngunit ayaw niya sapagkat
nais muna niyang pag-isipang mabuti kung saan ba talaga siya nararapat tumigil. Nais niyang
alamin kung ano ba talaga ang para sa kaniya, ang magtungo sa Amerika kasama ng kaniyang ina
o ang magpunta sa Malawig at doon magturo. Nagtungo muna siya sa Malawig. Tinanggap niya
ang malaking hamon sa kaniyang buhay – ang magturo sa paaralan ng Malawig kung saan salat sa
kabuhayan ang mga pamilya ng mga mag-aaral sa lugar na ito, kaya't ang mga bata ay inoobliga
ng kanilang mga magulang ng responsibilidad sa bahay at sa paghahanapbuhay. Ang sitwasyon na
ito ay nakaapekto sa pananaw ng mga kabataan sa pangarap, edukasyon, katarungan, at
kababaihan na ikinabahala naman ni Melinda. Kasama sa pagsubok na kaniyang kinaharap ay ang
pagiging korupt ni Mrs. Pantalan, ang punong guro ng paaralan ng Malawig. Siya ay nagtitinda ng
“ice candy” sa mga bata at nagkaroon pa ng pagkakataon na sinabi niya sa mga bata na kapag
hindi sila bibili ay hindi nila makukuha ang kanilang card. Ngunit nagagawa lamang ito ni Mrs.
Pantalan dahil may pinag-aaral itong mga anak na nasa kolehiyo na. Makikita sa pelikula na si Mr.
Singh, isang Bumbay, ay nagpapatong ng sampong pursyentong interes sa mga tseke ng titser
dahil siya ang nagpapasuweldo sa mga ito. Nagtitinda rin siya ng iba’t-ibang bagay na may
malaking halaga. Ngunit sa kabila nito, natutuwa pa ang mga residente sa kaniya dahil kumpleto
siya sa mga pangangailangan ng mga tao at dahil siya naman ay ubod nang mabait. Nagkaroon
din ng mga bagyo at sunog na nagsilbing dahilan ng pagkasira ng mga libro, silid-aralan, at iba
pang mga kagamitan sa eskuwelahan. Ang sitwasyong ito ay nagsilbing hamon kay Melinda.
Nasubok ang kaniyang pakikihamon nang sumali ang paaralan ng Malawig sa isang choral contest.
Bagama’t nakitaan niya ng interes at kakayahan ang mga mag-aaral, hindi naman naging madali
sa kaniya ang paghimok sa mga magulang ng mga ito na payagan silang sumali sa paligsahan.
Tanging si Luz, ina nina Popoy at Obet, ang pumayag sa kaniyang hinihiling. Si Luz ang tumulong
kay Melinda na himukin ang iba pang mga magulang na napagtagumpayan naman nila. Nangako
si Melinda na magbibigay siya ng bagong uniporme kina Popoy at Obet upang hindi na sila
maghiraman. Subalit isang araw, nadamay at napatay ang batang si Popoy sa isang enkwentro ng
NPA at military nang minsan siyang sumama sa kanyang amang si Fidel na isa sa mga lider ng
NPA. Dahil sa trahedya ay tumamlay ang dating masiglang paghahanda ng mga bata para sa
paligsahan. Ngunit sa kabila nito, napagdesisyunan pa rin nang mga batang ipagpatuloy ang
kanilang pag-eensayo maliban lang kay Obet, kapatid ni Popoy, dahil sila ay lilipat sa ibang bayan
kung nasaan ang iba nilang kamag-anak. Sa huli, nakasali pa rin si Obet sa paligsahan dahil sa
pagpayag ng kaniyang ina na sundin ang kaniyang kagustuhan. Sa kaniyang pagkahuli, nakita niya
si Mr. Singh at inihatid naman siya nito sa Central School, ang pagdarausan ng paligsahan. Nanalo
ang kanilang grupo na lubos nilang ikinagalak. Pagkalipas ng panahon, umalis si Melinda
patungong Amerika at doon naman niya sinubukang mamuhay. Iniwan ni Melinda ang baryo na
puno ng inspirasyon at pag-asa. Tinuruan niya ang bawat isa na ipaglaban ang nais na pagbabago
sapagkat nasa kamay lang natin ang lahat. III. Panunuri sa Pelikula Sa panahon natin ngayon, hindi
na kakaiba ang makasalamuha ng mga taong pabaya at naka-upo na lamang sa isang tabi dahil
tinanggap na nila ang kanilang masaklap na kalagayan. Sila ang mga taong hindi man lamang
nagsusumikap abutin ang kanilang mga pangarap dahil sa nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang
buhay.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katotohanang masisilayan sa tunay na buhay at sa pelikulang “
Mga Munting Tinig”. Sa tingin niyo ba, kung tayo ay ganito mag-isip, kumilos, at makipagkapwa–
tao, ano pang matitira sa atin? Ano pang lipunan at buhay ang ating kakaharapin? At higit sa
lahat, sino pa ang maiiwang kikilos upang matupad ang ating mga pangarap kung mismong ikaw,
na sarili mo, ay hindi kikilos? Sa pelikulang ito makakapulot ng aral at magkakapagbigay
inspirasyon sa mga tao upang ipagpatuloy ang kanilang buhay na may lakas ng loob at puno ng
pangarap at pag-asa. A. Tema Ang tema ay maituturing na pinakapundasyon sa pagsusuri ng isang
pelikula. Isinasaad nito ang pinakapaksa, layunin, o mensahe ng pelikula. Ang Pelikulang “Mga
Munting Tinig” ay nagtataglay ng maraming aral na higit na makabubuti sa mga manunuod lalo na
sa mga bata. Sa pelikulang ito, makikita ang mga taong hirap sa kanilang buhay. Ang tema ng
pelikulang ito ay ang “Kahirapan ay hindi hadlang sa pangarap at pag-asa ng mga tao lalo na nang
mga kabataan”. Ang temang ito ay mahusay na pinakita’t ginampanan ng mga tauhan lalong-lalo
na ng pangunahing tauhan na si Melinda na ginanapan ni Alessadra de Rossi. Masasalamin sa
kaniya ang katangian ng taong masigla at puno ng pag-asa.

Ang kahirapan ay hindi hadlang sa ating mga pangarap na minimithi ng bawat isa. Ang lahat ay
nagtataglay ng biyayang talento na ipinagkaloob ng Maykapal upang gamitin sa tama na siyang
ikauunlad ng bawat isa at hindi lamang para sa sariling kapakanan. Ang kaalaman at paniniwala
ng kabataan ay kakaiba kumpara sa mga matatanda. Dapat ay maging bukas ang isipan ng bawat
isa sa lahat ng aspeto ng buhay.

Bawat nilalang, bata man o matanda, babae man o lalaki, ay may paninindigan na dapat marinig
ng buong mundo. Walang sinuman ang may karapatang hadlangan ang karapatan ng bawat
nilalang na makapagpahayag ng kaniya-kaniyang saloobin o damdamin. Ang mga mumunting tinig
ng bawat isa, kapag pinag-isa, ay makakapagpabago sa ating lipunan. B. Mga Tauhan

Kung mapapanood ang pelikulang "Mga Munting Tinig", makikita dito na hindi lamang umiikot
ang storya sa iisang tauhan. Bagama't ang pelikulang ito ay naka-pokus kung paano baguhin ng
isang gurong si Melinda Santiago ang buhay at pananaw ng mga mag-aaral ng Malawig.
Ipinapakita rin dito kung ano ang pinagdadaanan ng bawat mag-aaral na lubos na nakatulong
upang mas lalong maintindihan ng manonood ang pelikula. Ipinakita dito ang buhay ni Obet at ni
Popoy. Sila ay magkapatid na naghihiraman sa iisang uniporme. Naipakita sa pelikula na ayaw ni
Obet na maging katulad ng kanyang amang si Fidel na lider ng NPA. Naipakita rin dito ang
pagbebenta ni Binibining Pantalan ng ice candy at sapilitang pinapabili ang mga mag-aaral upang
may dagdag na kita dahil siya ay may anak na pinapaaral sa maynila. Makikita rin dito ang batang
babaeng nagngangalang Gema na pinapatigil na ng kanyang ina sa pag-aaral dahil sa kagustuhan
nitong tumulong na lamang siya sa pag-aalaga ng kaniyang mga kapatid dahil ayon sa kanyang
ina, ang mga babae ay sa nararapat lamang na nasa bahay at siyang gumagawa ng mga gawaing
bahay at inaalagaan ang mga anak. Makikita rin ang gurong si Solita na ipinapalinis ang kaniyang
tahanan sa mga bata. Matatanaw din dito ang pagbabago ng bawat tauhan dahil sa nangyayari sa
kanilang kapaligiran. Isang halimbawa dito ang pagkamatay ni Popoy dahil siya ay sumama sa
kanyang ama. Dahil dito, nawalan ng pag-asa si Obet. Ang mga sitwasyon ng mga bata ang
nagtulak kay Melinda upang gumawa ng paraan para mabigyan ng pag-asa ang mga mag-aaral sa
Malawig. Si Melinda ang naging dahilan ng pagbabago ng mga pananaw ng mga magulang, guro
at mag-aaral ng Malawig. Hinikayat ni Melinda ang mga bata na sumali sa isang singing contest
bagama't ayaw pumayag ng mga magulang dahil ayon sakanila kailangan maghanapbuhay ng
mga bata. Tanging si Luz, ina ni Popoy at Obet, ang naniwala at tumulong sa kaniya. Nagkaroon
man sila ng problema dahil sa hindi pagpayag ng mga magulang, hindi ito naging hadlang sa
kagustuhan nilang manalo. Sa pagkapanalo ng mga mag-aaral, ito ay nagdulot ng malaking
pagbabago sa mga mamamayan ng malawig. Nagkaroon sila ng bagong pag-asa. Natutunan nila
na ang kahirapan ay hindi hadlang para mangarap. Samakatuwid, makikita sa mga tauhan na
nawawalan na sila ng pag-asa dahil sa kahirapan. Ito ay sumasalamin sa ibang buhay ng kapwa
natin Pilipino. Maging inspirasyon sana sakanila ang pelikulang ito dahil hindi hadlang ang
kahirapan upang tayo ay umahon at magkaroon ng bagong pag-asa. C. Uri ng Pananaw o Paningin
Maraming uri ang pananaw o paningin na maaaring gamitin sa panunuring pampelikula. Isa sa
mga ito ay ang obhetibong pananaw. Ang pananaw na ito ay lubos na nagamit at nakita sa
pelikulang “Mga Munting Tinig”. Ang pananaw na ito ay nagpapakita na sa iba’t-ibang eksena ay
hindi limitado sa kung ano ang nakikita ng tauhan sa isang tagpo. Makikita natin sa pelikula ang
iba’t ibang captions ng mga tauhan. Tulad na nga lang sa iba’t ibang pagpakakahulugan ng mga
buhay ng mga tauhan. Makikita sa pelikula na ang bawat tauhan ay may kaniya-kaniyang
pananaw sa buhay tulad ni Melinda. Ang kaniyang pananaw sa buhay ay lahat ng tao ay libre at
may karapatang mangarap, hindi tulad ng ina ni Gema na ang pananaw ay ang kababaihan ay
walang karapatang mangarap dahil pambahay lamang ang mga ito – taga-alaga ng anak, kapatid,
at sa gawaing-bahay. Ang relasyon ng mga tauhan sa camera ay naging perspektibo sa mga
manonood. D. Shot Ang shot ay ang mga kilos o aksyong nakunan ng kamera sa pag-andar
hanggang sa paghinto nito. May tatlong uri ng shot na ipinakita sa pelikulang “Mga Munting
Tinig”. Una rito ay ang “Long Shot”. Ang istilo nang pagkuhang ito ay nagpapakita ng pangunahing
lugar o tauhan na may malayong agwat sa kamera. Ipinapakita din ng “Long Shot” ang relasyon ng
mga bagay o mga tauhan sa kapaligiran. Ginamit ito upang Makita ang kabuuan ng lugar kung
saan isinagawa ang mga pangyayari. Halimbawa nito ay ang tagpuan sa pelikulang noong
nagtuturo ang gurong si Melinda sa kaniyang mga estudyante sa isang patag na lupa sa labas ng
kanilang silidaralan sapagkat katatapos lamang nang bagyo na nagdulot ng pinsala sa mga silid-
aralan na pinag-aaralan nang mga bata. Ang pangalawang shot naman ay ang “Medium Shot”. Sa
kuhang ito naman makikita ang pantay na taas mula baywang hanggang taas ng mga tauhan o
mga bagay. Makikita ito noong nag-uusap si Melinda at Chayong na ina ni Pilar. At ang pinakahuli
namang shot ay ang tinatawag na “Close-up Shot”. Ang kuhang ito ay nagpapakita ng maliliit na
distansya sa pagitan ng tauhan at ng kamera. Ito ang paraan ng direktor para ipakita sa mga
manonood ang mga detalyeng nais niyang pagtuunan ng pansin. Makikita ito sa pelikula noong
umiiyak si Melinda sapagkat siya ay nalulungkot sa pagkamatay ng isa sa kaniyang mga
estudyanteng si Popoy. Dito labis na naipakita ang pagkalungkot at pagdadalamhati ni Melinda. E.
Editing ng Pelikula Ang editing ng pelikula ay masasabing maayos ang pagkaka-edit kung angkop
ang pagkakasunod-sunod ng mga eksena o kuha kapag pinagsama-sama na ang mga ito. Sa
panahong nagawa ang dekalibreng pelikula, Mga Munting Tinig, na humakot ng mga parangal ay
di natin maipagkakailang maganda at malinaw ng pagkahati-hati at pagkasunud-sunod ng mga
eksena. Ang bawat anggulo ng mga tauhan ay naaangkop sa isang eksena patungo sa ikalawang
eksena. Sa pelikulang ito, kapag nag-iisip ang mga tauhan ay siguradong may kalakip din itong
eksena, kaya hindi malilito ang mga manunuod kung ano talaga ang nangyari sa tagpong iyon.
Ngunit minsan ay may mga eksenang hindi masyadong naipapaliwanag ng klaro o kaya naman ay
mabitin-bitin ang daloy ng mga pangyayari. Makikita ito noong si Popoy at ang kaniyang ama ay
bigla nalang namatay. Hindi man lang ipinakita kung papaano sila namatay pero sa kabila nito,
halata naman ang dahilan. Naiintindihan pa din naman ng mga manunuod ang daloy ng kuwento.
Sa kalahatan, malambot at matiwasay ang pag-usad ng bawat eksena sa pelikula. Ang editor ng
pelikulang ito ay si George Jarlego sa tulong ni Ely Cruz, ang sinematograpiya ng pelikula.
Buod ng Munting Tinig Si Melinda Santiago ay isang baguhang guro ng Malawig Elementary
School. Siya ay humalili kay Pilar na nagtungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho at magkaroon
ng mas malaking suweldo. Siya din ay nagtapos sa unibersidad bilang guro at inaasahan ng kanyang
pamilya na doon magtatrabaho sa Amerika ngunit ang kanyang naging desisyon ay kumuha ng
mapanghamong trabaho sa isang pampublikong paaralan na kulang sa mga kagamitan at may mga
korap na tauhan. Ang paaralan na ito ay matatagpuan sa isang mahirap na liblib na baryo. Salat sa
kabuhayan ang mga pamilya ng mga mag-aaral sa lugar ito, kaya ang mga batang estudyante ay
inoobliga ng kanilang mga magulang na maghanapbuhay. Ang ganitong kalagayan ay nakaaapekto sa
pananaw ng mga kabataan sa pangarap, edukasyon, katarungan, at kababaihan na ikinabahala naman
ni Melinda. Isa pa sa pagsubok na hinarap ni Melinda ay ang pagiging korap ng punong guro ng
Malawig Elementary School na si Mrs.Pantalan. Siya ay nagtitinda ng ‘ice candy’ sa mga estudyante
at mayroong isang sitwasyon na sinabi niya na “kapag hindi sila bumili ay hindi makukuha ang card
at ang hindi magbabayad ay may minus 5”. Ngunit may dahilan naman si Mrs. Pantalan kung bakit
niya ito nagagawa at ito ay sa kadahilanang siya ay may pinapa-aral na anak na nasa kolehiyo na. Si
Mr. Singh naman ay isang bumbay na nagpapatong ng interes sa mga tseke ng mga guro dahil siya
ang nagpapasuweldo sa mga ito. Ngunit sa kabila noon ay madami pa rin ang natutuwa sa kanya
dahil siya ay mabait at kumpleto siya sa mga pangangailangan ng mga residente sa baryong ito. Isa
pa sa sumubok kay Melinda ay noong sumali ang paaralan ng Malawig sa isang choral contest.
Nakitaan niya ng interes at kakayahan ang mga mag-aaral ngunit, nahirapan siya na himokin ang
mga magulang ng mga bata na pasalihin sila sa kompetesyon na iyon. Tanging ang ina lang nina
Popoy at Boyet na si Luz ang pumayag at siya ang tumulong upang mapapayag ang iba pang mga
magulang. Nakikita ang galak at saya sa mga mukha ng bawat bata sa tuwing sila ay nagsasanay.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkaroon ng engkwentro ang NPA at military at nadamay
at napatay ang batang si Popoy dahil minsan siyang sumama sa kanyang ama na isa sa mga lider ng
NPA. Dahil sa trahedya ay tumamlay ang dating masiglang pagsasanay ng mga bata para sa
paligsahan. Ngunit sa kabila nito, napagdesisyunan pa rin nang mga batang ipagpatuloy ang kanilang
pagsasanay maliban lang kay Obet, kapatid ni Popoy, dahil sila ay lilipat sa ibang bayan kung nasaan
ang iba nilang kamag-anak. Sa huli, nakasali pa rin si Obet sa paligsahan dahil sa pagpayag ng
kaniyang ina na sundin ang kaniyang kagustuhan. Dahil sa siya ay naiwan nang mga lalaban sa
paligsahan, inihatid siya ni Mr. Singh sa Central School, kung saan idaraos ang paligsahan. Nanalo
ang kanilang grupo na lubos nilang ikinasaya. Pagkalipas ng panahon, umalis si Melinda patungong
Amerika at doon naman niya sinubukang mamuhay. Iniwan ni Melinda ang baryo na puno ng
inspirasyon at pag-asa. Tinuruan niya ang bawat isa na ipaglaban ang nais na pagbabago dahil para sa
kanya ay ito ay nasa atin lang ding mga palad

You might also like