You are on page 1of 3

ANG ALAMAT NG ILOG PASIG

Noong unang panahon sa Timog Katagalugan may dalawang batang matalik na


magkaibigan sina Paz at Makisig. Magiliw sila sa isa’t isa, nagkakasundo sa lahat ng
bagay. Ang kanilang mga kanayon, nagkakaisang sila ang dapat magkatuluyan pagdating
ng tamang panahon. Lumaking maganda si Paz, si Makisig ay nagbinatang magandang
lalaki, naging mahusay na makata si Makisig, si Paz ay may malamyos na tinig.
Nilalapatan ni Makisig ang kanyang mga tula ng musika, samantalang si Paz naman ang
umaawit ng mga obra ng binata sa saliw ng gitara nito. Tuwang-tuwa ang mga taga-
nayon ng magpasyang magpakasal sina Paz at Makisig, ang lahat ay nagpresentang
tutulong sa paghahanda ng kasal, ngunit dumalaw si Don Gaston sa mga magulang ni
Paz.

“Matagal na panahon na ang pagkakautang ninyo sa akin kailangan magbayad na kayo


kung hindi ay kukunin ko ang lupang sinasaka ninyo bilang kabayaran,” wika ng Don.

Nagmakaawa ang mga magulang ni Paz sa Don, hindi naging maganda ang ani dahil sa
sunod-sunod na bagyo.

“Gagawin po naming lahat ang gusto ninyo huwag lamang po ninyong kunin ang lupang
minana pa namin sa aming mga ninuno.”

“Babalik ako!” wika ng Don

Isang araw bago ang kasal nina Paz at Makisig ay ipinatawag ni Don Gaston ang
mga magulang ni Paz. Nasa ituktok ng burol ang marangyang bahay ng Don, nakaratay
ang Don.

“Malubha ang aking sakit, ” aniya “iniwan ako ng aking mga utusan dahil ayaw nilang
alagaan ako. Ipinatawag ko kayo dahil sinabi ninyong kahit ano ang hilingin ko ay
ibibigay ninyo.”

“Ano po ang gusto ninyong gawin namin?” tanong ng ama ni Paz.

“Kailangan ko ng mag-aalaga sa akin, si Paz.”

“Ngunit ikakasal na po si Paz kay Makisig!” tutol ng ama ni Paz.

“Dalhin ninyo rito si Paz, kung hindi ay mawawala sa inyo ang inyong lupa.”

Walang nagawa si Paz kundi ang umiyak, nakataya ang lupang tanging yaman ng
pamilya. Kinagabihan ay tinahak niya ang daan patungo sa bahay ng Don sa ituktok ng
burol, nagbitiw siya ng pangako.

“Mahal kita Makisig, hintayin mo ako, ipinapangako kong babalik ako sa’yo.”
Nalungkot ang buong nayon, nanghinayang sa naudlot na pag-iisang dibdib nina Paz at
Makisig. Dala ng labis na kalungkutan umalis ng nayon si Makisig, siya man ay nagbitaw
ng pangako habang binabagtas niya ang daan patungo sa kabilang burol.

“Babalik ako at magpapakasal tayo Paz, ipinapangako ko.”

Gabi-gabi habang natutulog ang inaalagaang Don, nagpupunta si Paz sa gilid ng burol
tangan ang isang gasera inaaninag niya ang nayon sa ibaba.

“Makisig, mangako ka sa akin, ako lang ang mamahalin mo,” ibubulong niya sa hangin.

Walang tigil ang kanyang pag-iyak, panay ang daloy ng kanyang mga luha. Sa kabilang
burol si Makisig ay naghihintay rin, nakikita ang liwanag ng gasera sa malayo.

“Oo Paz sa muling pagkikita natin ay wala ng makahahadlang sa kasal natin.”

Walang tigil din ang kanyang pagluha, pumapatak ang mga butil sa lupa, gumugulong sa
dalisdis ng burol. Gabi-gabi nagpupunta ang magkasintahan sa gilid ng ituktok ng
dalawang burol sabay na lumuluha, ang mga butil ng mga luha dumadaloy sa paanan ng
dalawang burol.

Isang araw sinabi ni Don Gaston kay Paz

“Alam ko kung anong ‘yong isinakripisyo Paz, dama ko ang pagmamahal mo kay
Makisig.”

Inutusan ng Don ang dalaga na kunin ang isang lumang baul sa isang lihim na bahagi ng
bahay. Namangha si Paz nang buksan ng Don ang baul.

“Bago ako pumanaw ay ihahandog ko ang mga ito sa iyo Paz, mga diyamante at alahas
na ginto ang laman ng baul, hindi lamang ang inyong lupa kundi ang yamang ito ang
kabayaran ng iyong kadakilaan, ito ay para din sa inyong busilak at dalisay na pag-
iibigan ni Makisig. ”

Nang araw ding iyon ay tahimik na pumanaw ang Don. Nang magtakipsilim ay dinala ni
Paz ang baul sa gilid ng burol.

“Kahit anong kayamanan ay hindi matutumbasan ng pag-ibig ko sa’yo Makisig,” wika


niya. “Hindi ako liligaya ibigay man sa akin ang lahat ng mga alahas sa mundo”.

Nagulat siya ng maaninag niya ang tubig na umaagos sa paanan ng burol kagya’t na
inihagis niya ang baul, nagliwanag ang kumakagat na dilim sa kislap ng mga diyamante
at ginto at naaninag niya ang lalaking nakatayo sa gilid ng ituktok ng kabilang burol.

“Makisig! Makisig!” sigaw niya.


Narinig ni Makisig ang sigaw bumaba siya ng burol at nilangoy niya ang tubig patawid sa
kabilang burol. Nagniningning ang mga diyamanteng palutang-lutang sa tubig, nang
marating niya si Paz ay niyakap niya ng mahigpit ang dalaga.

Bumalik ang saya sa buong nayon nang matuloy ang pag-iisang dibdib nina Paz at
Makisig. Noong una, nahiwagaan ang mga tao sa biglang pagbukal ng ilog sa pagitan ng
dalawang burol kalaunan iniugnay nila ang ilog sa dalisay na pag-ibig nina Paz at
Makisig para sa isa’t isa

Ang ilog ang naging buhay na simbolo ng kanilang wagas na pagmamahalan. Ang
kwento nina Paz at Makisig ay nagpasalin-salin sa mga henerasyon, marami ang
nagsabing ang gaserang dala ni Paz sa burol gabi-gabi ay ang buwan na nakatunghay sa
umaagos na tubig sa ibaba at ang mga bituin daw sa langit ay ang paghunab lamang ng
mga diyamanteng kanyang isinabog sa tubig. Ang mga makata at manunulat naging
paboritong paksa ang ilog sa kanilang mga obra, ang ilog nina Paz at Makisig kalaunan
ang ilog ay tinawag na “Ilog Pasig”.

You might also like