You are on page 1of 7

Republic of the Philippines

Department of Education – Region III Central Luzon

DIVISION OF CITY OF SAN FERNANDO

Self-Instructional Packets (SIPacks)


Araling Panlipunan Grade 10 – COVID 19 Lesson
Quarter 1 – WEEK 1
I. LAYUNIN
Ang araling ito ay tungkol sa mahahalagang kaalaman na dapat mong matutuhan bilang
isang mag-aaral hinggil sa COVID-19. Pagkatapos mong mapag-aralan ang isang linggong
kurikulum, inaasahang magagawa/matututuhan mo ang sumusunod na layunin:
1. Masasabi ang pagkakaiba ng outbreak, epidemic, at pandemic;
2. Matutukoy ang pinagmulan at kahulugan ng COVID-19;
3. Maiisa-isa ang mga hakbang o paraan upang maiwasan ang COVID-19;
4. Mauunawaan ang mga ginawang hakbang ng pamahalaan laban sa COVID-19;
5. Makapagbibigay ng sariling pananaw o opinyon sa mga paksang tinalakay;
6. Magagawa ang mga itinakdang karagdagang gawain ukol sa paksa; at
7. Mapahahalagahan ang mga natutuhan ukol sa COVID-19 para sa pang-araw-araw na
gawain.
II. NILALAMAN
Paksa: Sa Gitna ng Krisis Mula sa COVID-19

III. KAGAMITANG PANTURO


A. Sanggunian
• COVID-19 PH Official website, www.COVID-19.gov.ph (Laging Handa)
• Department of Health Official website, https://www.doh.gov.ph/COVID-19/Gabay-sa-
Publiko
• https://www.youtube.com/watch?v=OfwpTMteKMk
• https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/communication/buttons-badges.html
• https://www.youtube.com/watch?v=h1B14cWLsn8
• Talakayan, https://www.youtube.com/watch?v=TUH4kIgnEK0
• Nilalaman ng Bayanihan to Heal as One Act,
https://www.youtube.com/watch?v=oaaSDPG_8TY

IV. PAMARAAN
Oryentasyon para sa mga mag-aaral, pag-organisa ng klase, pagbibigay
ng mga aklat at iba pang mga pangunang gawain (kung face-to-face)

A. Balik-aral sa nakaraang aralin at/o Pagsisimula ng bagong aralin/ Subukin


Sa araling ito ay iyong matutunghayan ang iba’t ibang kaalaman hinggil sa COVID-19.
Handa ka na ba?

B. Paghahabi ng layunin sa aralin/ Pag-uugnay ng mga halimbawa sa bagong


Aralin (Panimula/Tuklasin)
Gawain 1: Tunghayan ang mga larawang nasa ibaba:

Page 1 of 7
1. Sa iyong pagsusuri sa mga larawan na nasa itaas, anong tanong kaya ang iyong
mabubuo mula sa mga imaheng ito?
2. Sumulat ka ng tig-iisang kaisipan/ katanungan na nais mong malaman sa bawat
larawan, ilagay ito sa iyong sagutang kwaderno.
3. Basahin mong muli ang iyong mga nabuong tanong sa bawat larawan at iyan ay
tatalakayin sa mga susunod na bahagi ng talakayan.

C. Pag-uugnay ng mga halimbawa sa bagong aralin


Sa bahaging ito ay iyong simulan ang pag-aaral ukol sa COVID-19. Maaaring ikaw ay may
sariling kuwento o karanasan ukol dito mula nang ipinatupad ang tinatawag na Enhanced
Community Quarantine o ECQ. Ilan sa iyong naisulat na tanong sa nakalipas na gawain
ay iyong matutunghayan sa bahaging ito. Basahin ito nang mabuti at siguraduhing
makapagbibigay ka ng iyong sariling saloobin o mga natutuhan sa bawat paksa gamit ang
mga gabay na tanong. Isulat ito sa iyong sagutang kwaderno. Magsimula ka nang
magbasa.
1. Ano ang pagkakaiba ng outbreak, epidemic, at pandemic?
Base sa pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention, ang outbreak ay
ang biglaang paglaganap ng isang sakit. Maliit ang sakop nito kumpara sa epidemic at
pandemic. Ginagamit ang terminong outbreak para sa mga limitadong geographic area
na sakop ng sakit. Ang epidemic ay ang biglaang pagtaas ng bilang ng kaso ng isang
sakit kumpara sa inaasahang bilang o normal expectancy sa isang rehiyon gaya ng
biglaang pagkalat ng COVID-19 sa Wuhan, China mula Disyembre 2019. Kapag
kumalat na ang sakit sa labas ng isang komunidad, nagiging epidemic na ito. Itinuturing
na pandemic naman ang isang sakit kung kumalat na ito sa iba’t ibang bansa at
kontinente at nakaaapekto sa malaking bilang ng indibidwal.

Gawain 2: Gabay na tanong para sa unang paksa:


a. Saan nagkakaiba ang tatlo: outbreak, epidemic, at pandemic?
b. Masasabi mo bang madaling tugunan ang isang sakit na nasa kategoryang
epidemic kaysa sa pandemic? Ipaliwanag ang iyong sagot.
c. Ang isang sakit ba na wala pang lunas o gamot ay maituturing na pandemic? Oo o
hindi? Bakit?

Page 2 of 7
2. Saan, kailan, at paano nagsimula ang COVID-19? (Maaaring tunghayan ang video na nasa
link na ito: (Talakayan) https://www.youtube.com/watch?v=TUH4kIgnEK0) o basahin ang tekstong
ito.
Ayon sa masusing pag-aaral ng
mga siyentipiko, lumalabas na ito
ay nagsimula sa Wuhan, China.
Ang unang kaso ng COVID-19 ay
naitala noong November 17,
2019, subalit lumipas pa ang
isang buwan bago ito opisyal na
nadiskubre na isang bagong
virus. Ang Wuhan ay malaking
kapital ng Hubei probinsiya ng China na pinaniniwalaang nagsimula ang outbreak sa
isang wet market ng Wuhan kung saan nagkakaroon ng kalakalan ng iba’t ibang mga
exotic na mga hayop na ginagawang laman tiyan ng mga naninirahan doon. Marami
ring naniniwala na ang pangunahing carrier ng virus na ito ay nanggaling sa mga paniki
at naipasa ito sa ibang mga hayop. Mayroon ding mga naglipanang paniniwala o mga
haka-haka ukol sa sinasabing “Conspiracy Theories,” at ang “bio-engineer,” na ang ibig
sabihin ay sinadyang gawin ng tao ang virus upang gawing sandata o weapon. Ang
lahat ang mga ito ay wala pang konkretong ebidensya upang paniwalaan at
kasalukuyan pang inaaral ng mga siyentipiko ang totoong pinagmulan ng virus.

Gawain 3: Gabay na mga tanong para sa ikalawang paksa:


a. Paano nagsimula sa China ang COVID-19?
b. Bakit kaya pinaniniwalaang nagsimula ang outbreak sa isang wet market ng
Wuhan?
c. Sa iba’t ibang ispekulasyon o paniniwala ukol sa pinagmulan ng virus, alin ang mas
pinaniniwalaan mo at bakit? Ipaliwanag ang iyong sagot.
D. Pagtatalakay ng bagong konsepto at paglalahad ng bagong kasanayan #1
(Paglinang/ Alamin Mo/Paunlarin)
3. Ano ang COVID-19 at ang iba pang mga konseptong nakadikit dito?
Ang mga coronavirus ay isang
malaking pamilya ng mga virus.
Zoonotic virus ang mga ito, ibig
sabihin naipapasa ng mga hayop
ang virus sa mga tao.
Pinaniniwalaang pangunahing
carrier ang mga paniki at kalaunan
ay naipapasa nila ito sa ibang mga
hayop, tulad ng mga “dromedary
camels” na nagdulot ng Middle East
Respiratory Syndrome – Coronavirus o MERS-CoV. Marami sa kanila ang humahawa
sa mga hayop, ngunit ang ilang mga coronavirus mula sa mga hayop ay maaaring
mag-evolve (magbago) na maging isang bagong coronavirus para sa mga tao na
maaaring kumalat mula sa tao-sa-tao. Ito ang nangyari sa bagong coronavirus na kilala
bilang SARS-CoV-2, na nagdudulot ng sakit na kilala bilang COVID-19. Samakatuwid
ang tawag mismo sa virus ay SARS-CoV-2 at ang sakit na dulot ng virus na ito ay
COVID-19, tulad ng sakit na AIDS ang pinagmulan na virus ay Human
Immunodeficiency Virus o HIV. Sa kasalukuyan, wala pang nadidiskubreng gamot o
bakuna (vaccine) para sa sakit na ito.

Page 3 of 7
Gawain 4: Gabay na tanong para sa ikatlong paksa:
a. Paano mo bibigyan ng sariling pakahulugan ang COVID-19?
b. Sa iyong sariling pagkakaunawa, paano nagkakaiba ang mga salitang: coronavirus,
nCov-19 (novel Coronavirus), at COVID-19?
c. Magbigay ng iba pang halimbawa ng mga sakit na pinagmumulan ng ibang mga
virus. Ipaliwanag kung paano ito maiiwasan.

4. Ano-ano ang mga pagsubok sa kalusugan na kinakaharap ng buong mundo dala


ng iba’t ibang virus?
Marami nang naranasan na iba’t ibang
pagsubok sa kalusugan ang buong mundo
na hinarap ng bawat mamamayan sa iba’t
ibang panig ng daigdig. Ilan sa mga ito ang
SARS-1 noong 2002 hanggang 2004 na
nagmula rin sa bansang China,
Guangdong na nakapagtala ng 8,908 na
kaso at 774 na namatay. Ang H1N1 o
Swine Flu naman ay may naitalang
574,400 namatay. Kasama rin sa mga ito
ang Ebola, at ang pinakamapaminsalang
virus, ang Spanish Flu ng 1918. Isa itong
influenza pandemic virus na kumitil sa
buhay nang nasa 50 hanggang 100
milyong katao at nakapagtala ng mahigit
500 milyong kataong nagpositibo sa sakit.
Itong 2019 – 2020 ay patuloy pa rin tayong
nakikipaglaban sa COVID-19 at umaasang matutuldukan ang pagdami ng mga
nahahawa sa sakit at ang pagkitil nito sa buhay ng bawat tao sa buong mundo.

Gawain 5: Gabay na mga tanong para sa ikaapat na paksa:


a. Bakit kaya patuloy nating nararanasan ang mga suliraning pangkalusugan na
kumikitil sa maraming buhay ng mga tao sa buong mundo?
b. Sa iyong palagay, may mga paghahanda kaya ang bawat bansa sa mga ganitong
suliranin? Patunayan ang iyong sagot.
c. Gumawa ng paghahambing sa mga datos gamit ang tsart sa ibaba:

Mga Sakit Bilang ng mga Taong Bilang ng mga Taong Namatay


nagkaroon ng sakit
(buong mundo)
SARS-1
Swine Flu
Spanish Flu

E. Paglinang sa Kabihasnan/ Paglalahat ng aralin sa pang-araw-araw na buhay


(Gawin Mo/Gawain) Pagyamanin
Matapos mong malaman ang ilang mahahalagang paksa ukol sa COVID-19 at
nakapagbigay ng iyong mga natutuhan mula sa mga gabay na tanong, maaari ka nang
magpatuloy sa susunod na gawain.

5. Ano-ano ang mga paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19?


Mahalagang malaman mo at maintindihan ang mga hakbang upang ikaw ay makaiwas
sa sakit na COVID-19. Ang mga ito ay kailangang maging bahagi ng iyong pang-araw-
Page 4 of 7
araw na buhay, ang madalas nga nating sabihin ay “New Normal,” na ang ibig sabihin
ay mga pagbabagong ating sinusunod ay siya ng magiging normal sa ating pang-araw-
araw na buhay ayon sa kasalukuyang sitwasyon. Patuloy mong isabuhay ang mga ito
dahil hanggang walang nakikitang gamot laban sa COVID-19 ay patuloy pa ring kakalat
at dadami ang maaapektuhan ng virus na ito.

Gawain 6: Gamit ang iyong sariling karanasan at mga nababasa o napapanood, paano
mo maipakikita ang mga mungkahing gawain upang maiwasan ang pagkakaroon ng
COVID-19. Itala mo ang iyong mga sagot sa iyong sagutang kwaderno. Maaaring ang mga
ito ay ginagawa mo sa loob ng bahay, sa labas ng bahay, o maging sa paaralan.

6. Ano-anong hakbang ang mga ginawa ng pamahalaan laban sa COVID-19?


Ang bawat mamamayan ay may kani-kaniyang paraang ginawa upang matugunan ang
suliraning ito. Malaking bahagi ng solusyon sa mga ganitong suliranin ay ang suportang
manggagaling sa ating bansa at mga namumuno nito. Ipagpatuloy mo ang iyong
pagbabasa para sa paksang ito.

a. Pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ – ito ay ipinatupad


ng pamahalaan bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19. Sa ilalim ng ECQ
ay ipinatutupad ang mga sumusunod:
• Maaaring lumabas ng kanilang tahanan: ang mga empleyado ng mga
establisimyentong nagbibigay ng basic at essential services tulad ng
supermarket, parmasya, bangko, at iba pa; pulis, military, at iba pang
uniformed personnel; mga health worker at ang mga nagtatrabaho sa
emergency response teams; at mga media personnel na may pahintulot
mula sa Presidential Communications Operations Office o PCOO.
• Mahigpit na pinaaalalahanan ang mga taong pinakananganganib na
magkasakit na manatili sa kani-kanilang mga bahay tulad ng mga senior
citizen, mga may iniindang sakit (altapresyon, diabetes, sakit sa puso, hika,
atbp) mga buntis; at mga batang may edad na 21 pababa.
• Hinihikayat ang mga employer na bumuo ng work arrangement na hindi
nangangailangan ng aktuwal na pagpunta sa lugar ng trabaho.
• Hindi dapat papuntahin ng mga employer ang mga empleyado sa lugar ng
trabaho maliban kung ang kompanya ay nagbibigay ng pangunahing
pangangailangan.
• Pagbibigay ng mga Home Quarantine Pass ng bawat barangay para sa
naatasang lumabas ng bahay upang bumili ng mga pangunahing
pangangailangan tulad ng pagbili ng pagkain at mga gamot.
• Hindi pahihintulutan bumiyahe o pumasada ang anumang uri ng
pampublikong transportasyon, kabilang ang mga tricycle, pedicab, taxi,
Grab, jeepney, bus, MRT at LRT.
• Inaatasan ang mga kinauukulang LGU na magbigay ng point-to-point
transportation para sa mga taong awtorisadong pumasok sa trabaho, lalo na
ang mga health worker.
• Hindi pagpapahintulot na magbukas ang mga kainan o restaurant, mga
malls, sinehan, pasugalan, mga hotels, at mga resorts.
• Pagpapahinto sa pag-aaral at pagpapasara ng mga paaralan.

Nauunawaan mo ba ang iyong mga binasang panuntunan mula sa ECQ? Sinunod mo


ba ang mga ito?

Page 5 of 7
Gawain 7: Gabay na mga tanong para sa ikaanim na paksa:
a. Mula sa nabasa mong mga hakbang na ipinatutupad sa ilalim ng Enhanced
Community Quarantine o ECQ, ano-ano pa ang hindi nabanggit? Itala ang mga ito
sa iyong sagutang kuwaderno.
b. Sa iyong sariling karanasan, nakatulong ba ang ECQ upang mabawasan ang
pagkalat ng COVID-19? Patunayan ang iyong sagot.
c. Ano ang pagkakaiba ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa General
Community Quarantine o GCQ o Modified GCQ? Sa bahaging ito, maaari kang
magtanong sa iyong mga kasama sa bahay.

7. Ano ang nilalaman ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One
Act?
Ito ay ang batas na nagbigay ng special authority sa Pangulo ng Pilipinas para
malabanan at mapabilis ang mga gagawing hakbang tungo sa pagharap sa hamong
dala ng COVID-19 sa bansa. Ilan sa mga mahahalagang nilalaman nito ay ang
sumusunod:
• ang bawat pamilyang nabibilang sa low-income household ay makatatanggap
ng 5,000 – 8,000 pesos kada buwan sa loob ng dalawang buwan o ang
tinatawag na Social Amelioration Program o SAP.
• magkakaroon ng 30-day grace period para sa pagbabayad ng mga loans at
renta sa bahay.
• makatatanggap ng 5,000 – 8,000 pesos ang mga miyembro ng conditional cash
transfer.
• may karapatan ang gobyerno na tiyakin ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng sweldo
ng mga empleyado.
• pagpapatupad ng work-from-home scheme sa mga empleyado ng gobyerno at
pribadong sektor.
• titiyakin ng pamahalaan na mapabilis ang daloy ng medical needs at food
supplies.
• mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding at over-pricing sa mga pangunahing
bilihin gaya ng alcohol, face masks, pagkain, tisyu at vitamins.
• magkakaroon ng mabilis na access ang pamahalaan sa delivery ng mga test
kits dahil luluwagan ng mga polisiyang kailangan dito.
• ang distribusyon ng Personal Protective Equipment o PPE, face masks, face
shields, at alcohol ay hindi dapat ma-delay.
• pinalawig din ng batas na ito ang filing ng income tax return or ITR deadline.
• ang mga medical at health practitioners ay makatatanggap ng karagdagang risk
allowance na iba pa sa kanilang hazard pay.
• sagot ng PHILHEALTH ang lahat ng gagastusin kung sakaling maospital ang
mga frontliner.
• bibigyan ng 100,000 pesos ang mga health worker na magkakaroon ng COVID-
19 habang gumaganap ng kanilang tungkulin.
• bibigyan ng isang milyong piso ang mga health worker na namatay habang
naka-duty laban sa COVID-19.

Gawain 8: Gabay na mga tanong para sa ika-pitong paksa:


a. Paano nakatulong ang “Bayanihan to Heal as One Act” sa pagharap ng
pamahalaan laban sa COVID-19?
b. Sa iyong karanasan, nasunod ba nang tama at naaayon sa kung sino ang dapat
mabigayan ng mga ayuda mula sa Social Amelioration Program o SAP?

Page 6 of 7
Araling Panlipunan Grade 10
Lingguhang Pagsusulit at Aplikasyon (Written & Performance Task)
Quarter 1 – Week 1 (School Year 2021 – 2022)

Pangalan: _________________________________ Paaralan: _________________ Section: ______ Score


WRITTEN WORK – 15
Panuto: Basahin ang bawat pahayag. Mula sa mga pagpipilian sa loob ng kahon at isulat ang LETRA ng pinakaangkop na
paksang tinutukoy ng bawat pahayag.
A. Pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19 B. Mga sintomas ng COVID-19
C. Klasipikasyon ng COVID-19 D. Pagsugpo o paglaban sa pandemya
E. Enhanced Community Quarantine (ECQ) F. Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as
One Act

1. Sa panahong ito ay hindi pinapahintulutan na magbukas ang mga kainan o restaurant, mga malls,
sinehan, pasugalan, mga hotels, at mga resorts.
2. Isang epektibong gawain upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 ay ang madalas at tamang
paraan ng paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol sa pagkakataong hindi pa makapaghugas.
3. Ang bawat pamilyang nabibilang sa low-income household ay makatatanggap ng 5,000 – 8,000 pesos
kada buwan sa loob ng dalawang buwan o ang tinatawag na Social Amelioration Program o SAP.
4. Ang taong may COVID-19 ay karaniwang nakakaranas ng ubong walang plema.

5. Maaaring lumabas ng kanilang tahanan: ang mga empleyado ng mga establisimyentong nagbibigay
ng basic at essential services tulad ng supermarket, parmasya, bangko, at iba pa; pulis, military, at iba
pang uniformed personnel; mga health worker at ang mga nagtatrabaho sa emergency response
teams; at mga media personnel na may pahintulot mula sa Presidential Communications Operations
Office o PCOO.
6. Hinihikayat ang lahat na magpabakuna sa anumang uri ng bakunang ibinibigay ng pamahalaan.

7. Ang home quarantine ay ginagawa ng taong walang sintomas ng COVID-19 ngunit nanggaling sa
ibang lugar kung saan ito laganap o may nakasalamuhang may sakit nito.
8. Bibigyan ng 100,000 pesos ang mga health worker na magkakaroon ng COVID-19 habang
gumaganap ng kanilang tungkulin.
9. Ang taong may COVID-19 ay maaaring mahirapan sa paghinga, at sa mga malulubhang kaso,
posibleng mangailangan ng ventilator upang makahinga.
10. Kasong probable ang tawag sa kasong suspect na sumailalim sa RT-PCR test na ang resulta ay hindi
tiyak o hinihintay pa.

PERFORMANCE TASK – 20 puntos


Basahin ang isang bahagi ng artikulong inilabas ng ABS-CBN noong July 23, 2021, ukol sa Delta variant.
Delta variant may local transmission na sa Pilipinas (ABS-CBN News, Posted at Jul 23, 2021, 09:02 PM)
MAYNILA - May local transmission na ng COVID-19 Delta variant sa Pilipinas, ayon sa Department of Health. Iba ito sa community
transmission kung saan laganap na ang hawahan at hindi na matukoy ang pagkakaugnay ng mga kaso ng sakit. Sa mga kasong naitala ng
DOH, nasa antas pa lang ng local transmission ang nasabing variant. Ganito ang nakita ng DOH sa ilang kaso ng Delta variant, kung saan
ang hawahan ay nangyari sa loob ng isang bahay at sa lamay.
"'Yung cluster of infection ng isa na may Delta variant, nakitaan natin na may nagtatrabaho sa isang lugar at umuwi sa bahay, at doon po
sila ay nagkaroon ng pagkakahawahawa. Nagkaroon din tayo ng isang returning overseas Filipino na umuwi dahil namatay ang nanay," ani
DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire. "Pagkatapos 'yung nanay niya, best friend po 'yung asawa na nagkaroon naman ng sakit sa
isang lugar sa ating bansa. At noong um-attend ng wake 'yung asawang na nagkasakit, du'n po nagsimula 'yung cluster of infection sa lugar
na ito," dagdag niya. Magkakamag-anak din ang dalawang kaso ng Delta variant sa Calamba, Laguna, ayon kay DOH - Calabarzon director
Dr. Eduardo Janairo. Sa tala ng DOH, sinasabing 6 sa mga Delta variant case ay nasa Bataan; dalawa naman ang nasa Laguna, isa ang
nasa Maynila, dalawa ang nasa Pasig at isa naman ang nasa Taguig. Nalipat naman sa Metro Manila ang isang kasong naiulat sa Bicol
Region matapos isailalim sa validation.

1. Ano ang pagkakaiba ng community transmission at local transmission?


2. Ano ang iyong pagkakaunawa sa Delta variant?
3. Paano tinutugunan ng pamahalaan ang Delta variant na kumakalat sa ating bansa?
4. May kakayahan ba ang ating gobyerno na maagapan ang pandemyang ating kinakaharap sa kasalukuyan? Patunayan.
5. Bilang mag-aaral, paano ka naghahanda sa lumalalang pandemyang ito?

4 na puntos 3 puntos 1 puntos


Akma/ wasto/ makabuluhan, at may May ilang salita o mga konsepto sa sagot Karamihan sa mga naisulat na tugon ay
kaisahan ang isinulat na sagot na hindi tugma o angkop sa tanong hindi akma o tugma sa tanong

Page 7 of 7

You might also like