You are on page 1of 13

PAGSULAT NG SINTESIS TUNGO SA MAPANGHIKAYAT

NA PAGPAPAHAYAG

Mula sa mga tinalakay sa una at ikalawang gabay sa pampagkatuto, isa sa mga kalikasan
ng akademikong pagsulat upang maging katanggap-tanggap at mapanghikayat ay ang
paggamit ng mga ideya ng ibang tao o eksperto (tiyakin lamang na may Awtoridad at
Kredibilidad ang nagbibigay ng impormasyon). Pinatatatag nito ang paksa, layunin, at
kabuuan ng sulatin. Maging maingat lamang sa pagsasagawa, o kailangan na tama, upang
maiwasan ang panganib ng plagiarismo (ang pag-angkin o pagpapakita ng gawa o ideya ng
ibang tao bilang iyong sarili, mayroon man o wala ang kanilang pahintulot, sa pamamagitan
ng pagsasama nito sa iyong gawa nang walang ganap na pagkilala (Oxford, 2022)). At ang
pinakamahusay na paraan sa maayos na pagsulat na naiiwasan ang plagiarismo ay ang
pagkakaroon ng kasanayang pang-akademiko na tinitiyak ang tamang pagsisipi ng mga
impormasyon o pagkakaroon ng mga sanggunian.

Maliban sa paggamit ng mga ideya ng ibang tao o eksperto, kailangan din na maging
mabisa ang sulatin (batay sa layunin) na natitiyak na mahihikayat ang mga mambabasa
(maging ang mga makikinig o manonood ng pagpapahayag ng sulatin). Ang kasanayan na
magsasaayos nito ay ang ayon sa "lohikal na daloy" , na nakakatulong sa pagtukoy na ang
lahat ng aspeto sa pagsulat ay tumutulong sa mambabasa upang maaayos na maintindihan
ang kaisipan o saloobin - mula sa isang pangungusap patungo sa susunod na walang
puwang, paghinto, o pagtalon sa pagitan ng mga ipinapahayag na ideya.

Sa gabay na ito ay ating bibigyan ng malawak na pag-aaral ang mga kasanayang


pang-akademiko at ganitong uri ng sulatin kung saan pinagsasama-sama ang mga
impormasyon, partikular na sa isang pangyayari o paksa na may layuning makapagbigay
kalinawan o makapanghikayat sa kausap.

PAGSULAT NG SINTESIS

Ang sulatin at kasanayan na kamamalasan ng pagsasama-sama ng mga impormasyon,


mga akda, punto, argumento, at iba pa na nakapagbibigay kaalaman o kaya naman ay
makahihikayat sa pinapanindigang punto de bista hinggil sa isang paksa ay tinatawag na
sinthesis. Ito ay nagmula sa salitang Griyego na syntithenai na sa Ingles ay put together o
combine (Harper, 2016).

May kaugnayan ang sintesis sa buod dahil ang buod ang nagbibigay ng pinaikli at
pangunahing impormasyon. Mula sa pinagsasama-sama na dalawa o higit pa na mga buod,
at mula sa isa at sa iba pang kaugnay na materyal, ang sintesis ay nakapagbibigay ng lahat
o sapat na impormasyon sa punto o paksa ng mabilis at epektibo. Ito ay nakakatulong sa
mambabasa lalo na sa mag-aaral (iskolar) na makuha ang mga pangunahin at
magkakaugnay na impormasyon upang mapalalim ang pag-unawa sa kung bakit nangyayari
ang isang bagay at kung saan eksaktong pupunta ang mga bagay.
Kung pag-uusapan sa mga sulating pampaaralan, ang sintesis ay maaaring maanyo
sa dalawa: nagpapaliwanag o explanatory synthesis at argumentatibo o argumentative
synthesis.

1. Nagpapaliwanag o explanatory synthesis. Binibigyang linaw dito ang paksa sa


pamamagitan ng paghahatid ng paksa sa kanyang mga bahagi at binibigyang linaw
ito sa lalong pagkaunawa ng mga mambabasa. Gumagamit ito ng deskripsiyon o
paglalarawan sa paksa upang maibigay ng mas malinaw ang kaisipang ipinapahayag
ng teksto.

2. Argumentatibo o argumentative synthesis. Naglalahad ng mga makatotohanang


impormasyong mula sa iba’t ibang reperensya na inilalahad sa paraang lohikal
upang suportahan at ilahad ang pananaw ng sumulat ng akda.

Mga Uri at Katangian ng Isang Mahusay na Sintesis

Ang pagsulat at pagsasagawa ng sintesis ay hindi lamang isang sulatin na


pinagsasama-sama ang mga kaisapan at magkakaugnay na impormasyon dahil ito ay dapat
na nakapaglalahad ng matatag na posisyon at natutukoy ang mga ugnayan sa pagitan ng
mga impormasyon. Kaya iba ito sa paglalagom, paghahambing, o pagsusuri na may mga
pinagsasama-sama ding impormasyon at kaisipan. At madalas itong isinasagawa upang
makatulong sa pagpapasya at sa pagbuo ng mga patakaran.

Ilan sa mga uri nito ay ang mga sumusunod:

1. Background Synthesis. Ito ang pagsasama-sama ng mga sanligang impormasyon


ukol sa paksa, at karaniwan itong inaayos ayon sa tema at hindi ayon sa
sanggunian.

2. Thesis-driven Synthesis. Ito ay halos katulad ng background synthesis ngunit


nagkakaiba lamang sila sa pagtuon, sapagkat sa ganitong uri ng sintesis hindi
lamang simpleng pagpapakilala at paglalahad ng paksa, ito ay nagbibigay ng
malinaw na pag-uugnay ng mga punto sa tesis ng sulatin.

3. Synthesis for the literature. Ito ang pagbabalik-tanaw o pagrebyu sa mga naisulat
nang literature o literatura ukol sa paksa na kadalasang ginagamit sa mga sulating
pananaliksik. Karaniwang isinaayos ang sulatin batay sa mga sanggunian ngunit
maari rin namang ayusin ito batay sa paksa.

Sa pagsulat ng mga ito, mahalagang bigyang pansin ang mga sumusunod na


katangiang dapat nitong taglayin:

1. nagpapakita ng wastong impormasyon at mga datos mula sa mga sanggunian at


mayroong magkaibang estruktura sa paglalahad;
2. madaling makita ang mga impormasyon mula sa mga ginamit na reperensya gamit
ang wastong organisasyon ng manunulat sa teksto; at
3. napapalawak nito ang pagkaunawa ng mga mambabasa sa mga teksto o akdang
pinag-uugnay-ugnay at napagtitibay nito ang nilalaman ng mga pinaghanguang
teskto.

Mga Gabay o Hakbangin sa Pagsulat ng Sintesis

Sa pagsulat ng ganitong sulatin ay kinakailangang ang manunulat ay may malawak na


kaalaman gayundin ang maraming oras sa paggalugad ng mga hanguang kailangan sa
kanyang sulatin. Ang mga sumusunod na hakbang ay isinaayos kasama ang ibinahagi ni
John McNiel sa kanyang Step-by-Step Synthesis (2020):

I. BAGO SUMULAT

1. Tukuyin at Linawin ang Layunin sa Pagsulat. Ang magiging layunin ng manunulat


ang magbibigay direksyon o gabay sa kanya kung anong uri, anyo ang kanyang
gagamitin, para saan ito gayundin ang paggalugad sa mga gagamiting reperensya o
sanggunian kaugnay dito.

2. Piliin ang Sangguniang Aangkop sa Layunin. Ang pagtatagumpay ng sulating ito


ay nakasalalay sa tiyak na layunin at angkop na sangguniang gagamitin dito.

3. Basahin at Unawain ang mga Sanggunian. Basahin ang bawat artikulo, kabanata
o iba pang mapagkukunan nang maraming beses na may iba't ibang layunin para sa
bawat pagbasa.

Ø Sa unang pagbasa ay makuha ang pangkalahatang-ideya ng materyal at maging


pamilyar sa mga pangunahing kaalaman.

Ø Sa ikalawang pagbasa ay mapalalim ang pagkaunawa sa materyal at


mamarkahan ang mga pangunahing konstruksyon, natuklasan o argumento na
nauugnay sa iyong claim. Maaaring gumamit ng iba't ibang kulay ng highlighter
upang madali makita ang magkakaugnay na impormasyon.

Ø Sa ikatlong pagbasa ay magkaroon ng pagbabalik-aral at lubusan na pagtatala ng


mga pangunahing ideya at kaugnay na mga detalye.

4. Kunin ng organisado ang mga tala sa bawat pinaghanguan ng impormasyon.


Maaaring isabay ito sa ikatlong pagbasa, kung saan nagkakaroon na ng pagtatala sa
bawat pahina o sanggunian na may label (may-akda at taon sa itaas). Maaari rin na
isagawa ito ng may table na nahahati sa dalawa: ang una ay naglalaman ng mga
pangunahing salita o parirala upang makuha ang pangunahing konsepto at ang
ikalawa ay mga detalye.
5. Buuin ang Tesis ng Sulatin. Kailangang tiyak ang tesis ng sulatin sapagkat ito ang
magiging pangunahing ideya ng awtput. Ilahad ito sa pamamagitan ng buong
pangungusap.

6. Tukuyin ang mga kaugnay na konsepto at pansuportang mapagkukunan.


Kapag maayos na ang mga sanggunian at tala, tukuyin na ang mga konseptong
makikita sa mga ito (hal. mga partikular na natuklasan sa paksa o pananaliksik, mga
kahulugan ng mga termino, mga implikasyon sa hinaharap at iba pang mga ideya na
hinihimok ng layunin ng iyong papel). Tandaan lamang na hindi lahat ng
pinagmulan/sanggunian ay tutugon sa bawat konsepto, kaya maaaring sa una ay
gumawa muna ng master list ng lahat ng mga konsepto at sanggunian, at
pagkatapos ay hanapin ang lahat ng mga magkakaugnay at mapagkukunan na
sumasaklaw sa bawat partikular na konsepto sa artikulo o kabanata.

7. Isaayos ang tala. Sa pagsasaayos ng tala, isipin na ito ay pinuputol at inaayos ayon
sa inaasahang artikulo; ikinakategorya ang mga ito ayon sa konsepto at isulat/i-paste
ang mga ito sa isang bagong pahina. Habang inililipat ang mga tala, bigyang-pansin
kung aling mga may-akda ang sumasang-ayon at kung alin ang nagtataas ng mga
natatanging ideya na nauugnay sa konsepto; makakatulong ito sa paggawa ng mga
koneksyon habang sumusulat..

8. Ayusin ang mga konsepto sa isang balangkas. Ito ang pagsasaayos ng batayan
ng papel gamit ang nabuong tala ng konsepto at koneksyon. Dito nagpapasya kung
paano makahulugang pagsasama-samahin ang mga konsepto sa ilalim ng mas
malalaking tema. At ang teknik sa pagbuo ng sintesis ay nakaayon sa bubuuing
balangkas ng manunulat. Mayroong iba’t ibang teknik sa pagbuo ng sintesis tulad ng
pagbibigay halimbawa o ilustrasyon, strawman technique, konsesyon, pagbubuod,
pagdadahilan, komparison at contrast gayundin ang pagdadahilan.

Ø Pagbibigay halimbawa o ilustrasyon- Tinutukoy dito ang partikular na halimbawa o


ilustrasyong ginamit sa sanggunian. Sa paglalahad nito ay inilalagay kung sino ang
nagsabi at saan nanggaling ang impormasyon.
Ø Strawman technique- Ito ay isang di pangkaraniwang teknik kung saan nagbibigay
ang manunulat ng argumentong kontra tesis ngunit sinusundan agad ito ng
pagbibigay kahinaan ng nasabing argumento. Sa bahaging ito ay
napapawalang-saysay ang nilahad na kontra-tesis.
Ø Pagbubuod- Pinakamadaling paraan ng pagsulat ng sintesis kung saan nilalagom
lamang ang mga impormasyon sa sanggunian.
Ø Pagdadahilan- Sa pagsulat nito ay iniisa-isa ang dahilan kung bakit totoo at
mahalaga ang nailahad na tesis. Sa bahaging ito ay inilalahad ang mga
impormasyong nagpapatibay sa iniharap na paniniwala.

II. HABANG SUMUSULAT


9. Isulat ang Burador. Isulat ang sintesis gamit ang teknik na angkop sa sulatin ngunit
maaring gumamit ng iba’ ibang teknik kung sa tingin ng manunulat ay mas epektibo
ito para sa mga mambabasa.
10. Ilista ang mga Sanggunian. Gamit ang pormat na prineskrayb ng guro, ilista at
ayusin ang mga ginamit na sanggunian. Isang mahalagang kasanayan ang
pagbibigay ng pagkilala sa anomang akda o sinomang awtor na pinaghanguan ng
impormasyon sa ginagawang akademikong sulatin.
11. Rebisahin ang Sintesis. Basahing muli ang sintesis at tukuyin ang mga kahinaan
nito. Hanapin ang mga kamalian sa pagsulat at higit sa lahat ang nakitang punto na
dapat baguhin.

III. PAGKATAPOS SUMULAT

12. Isulat ang Pinal na Tesis. Pagkatapos marebisa ang ginawang burador ay maari
nang buuin ng manunulat ang kanyang pinal na sintesis.

PAGSULAT NG POSISYONG PAPEL


Ngayong may kasanayan ka na sa pagbubuod at sintesis, ito na ang pagkakataon para
gamitin ang kasanayan na ito sa pagpapahayag ng iyong posisyon sa isang paksa o isyu.
Simulan natin ang aralin na ito sa mga pahayag nina Robert Frost, isang tanyag na
makatang Amerikano, at Margaret Thatcher, dating Punong Ministro ng Britanya. Ayon kay
Frost, “The middle of the road is where the white line is, and that’s the worst place to drive"
(sa Filipino, "Ang gitna ng kalsada ay ang lugar kung nasaan ang puting linya, at iyon ang
pinakamasamang lugar upang magmaneho"), samantalang si Margaret Thatcher ay
nagsabing “Standing in the middle of the road is very dangerous; you get knocked down by
the traffic from both sides” (sa Filipino, “Ang pagtayo sa gitna ng kalsada ay lubhang
mapanganib; natumba ka sa traffic mula sa magkabilang gilid”). Ano ang masasabi mo sa
kanilang mga pahayag?

Sa pagsulat o pagpapahayag, maaari natin itong nagpapahiwatig na may mga


pagkakataong kailangang mamili ng panig: kaliwa o kanan, tama o mali, sang-ayon o hindi
sang-ayon sa pinagtutuunang paksa. Sa kabuuang ito, ang pagpili ng panig ay isang
pangangailagan - hindi maaaring walang pinapanigan; hindi pwedeng nyutral o walang gitna;
kailangang may tiyak na posisyon. At sa mga pahayag na ito, saan ka?

Kahulugan at Mga Batayang Katangian ng Posisyong Papel

Ang posisyong papel ay isang sanaysay na naglalahad ng opinyon hinggil sa isang usapin,
karaniwan ng awtor o ng isang tiyak na entidad tulad ng isang partidong politikal. Ang mga
posisyong papel ay inilalathala sa akademya, sa politika, sa batas at iba pang domeyn. Ang
mga ito’y may iba’t ibang anyo, mula sa pinakapayak na anyo ng liham patnugot/ editor
hanggang sa pinakakomplikadong anyo ng akademikong posisyong papel. Ginagamit din
ang mga posisyong papel ng malalaking organisasyon upang isapubiko ang mga opisyal na
paniniwala at mga rekomendasyon ng pangkat.
Ayon kina Axelrod at Cooper (2013), ang iba’t ibang anyo ng posisyong papel ay may
mga batayang katangiang ipinagkakatulad: depinadong isyu, klarong posisyon,
mapagkumbinsing argumento at angkop na tono.

1. Depinadong Isyu. Ang mga posisyong papel ay hinggil sa mga kontrobersyal na


isyu, mga bagay na pinagtatalunan ng tao. Ang isyu ay maaaring mula sa isang
partikular na okasyon o sa isang nagaganap na debate. Ano’t ano man ang pinagmulan
ng isyu, kailangang malinaw ng manunulat ang isyu. Dagdag pa sa pagpapatotoo na
ang isyu ay umiiral, kailangan ding mabigyang- kahulugan ng manunulat ang isyu para
sa layunin ng pagsulat.

2. Klarong Posisyon. Maliban sa pagbibigay-kahulugan sa isyu, kailangang mailahad


nang malinaw ng awtor ang kanyang posisyon hinggil doon. Minsan, ang posisyon ay
kwalipayd upang maakomodeyt ang mga nagsasalungatang argumento, ngunit hindi
maaring ang posisyong malabo o ang o indesisyon niya. Marapat na ideklara na agad
ng awtor ng kanyang posisyon sa tesis na pahayag sa simula pa lamang ng sanaysay.
Ang adbentahe ng estratehiyang ito ay naglalaman na agad ng mambabasa ang
kinatatayuan ng awtor. May iba namang nagpapahayag ng kanilang tesis matapos ang
maikling introduksyong nagbibigay-kahulugan sa pananaw na hindi sinasang-ayunan.
Maaari ring ang tesis na pahayag ay matagpuan sa hulihan. Ang pagpapaliban ng tesis
ay angkop kung nais ng awtor na timbangin muna ang magkabilang panig bago ilahad
ang kanyang sariling opinyon.

3. Mapagkumbinsing Argumento. Hindi maaring ipagpilitan lamang ng awtor ang


kanyang paniniwala. Upang makumbinsi ang mga mambabasa, kailangang magbigay
ang awtor ng matalinong pangangatwiran at solidong ebidensya upang suportahan ang
kanyang posisyon. Kailangan niya ring maisaalang-alang ang mga posibleng
nagsasalungatan argumento na maaring kanyang sang-ayunan o kontrahin.

a. Matalinong Katwiran. Upang matiyak na masusundan ng mambabasa


ang isang argumento, kailangang malinaw na maipapaliwanag ang mga pangunahing
puntong sumusuporta sa posisyon. Kailangang iwasan ang pangmamaliit sa oposisyon
at iba pang maling pangangatwiran, sa halip, dapat isaisip ang layuning matumbok ang
katotohanan.

b. Solidong Ebidensya. Ang awtor ay kailangan ding magbanggit ng iba’t


ibang uri ng ebidensyang sumusuporta sa kanyang posisyon. Ilan sa mga ito ay ang
anekdota, awtoridad at estadistika. Ang anekdota ay ginagamit upang palakasin at
ilarawan ang isang argumento. Ang mga testimonya naman ng mga awtoridad na
maalam sa isyu ay nagbibigay-kredibilidad sa argumento. Samantala, ang estadistika
naman ay kailangang mailahad kasama ang pinaghanguan ng impormasyon. Ang mga
matalinong mambabasa ay karaniwang iskeptikal sa estadistikang walang atribusyon
ng hanguan.

c. Kontra-Argumento. Kailangan ding isaalang-alang ng awtor ang mga


salungatang pananaw na maaaring kanyang iakomodeyt o pabulaanan. Sa
pag-aakomodeyt ng argumento, tinatanggap ng awtor ang baliditi niyon at
kinakwalipayd niya ang kanyang sariling pananaw bilang pagsasaalang-alang. Sa
pagpapabulaan, sinisikap ng awtor na ipakita kung paano nagiging mali ang isang
argumento.

4. Angkop na Tono. Isang hamon para sa mga manunulat ng posisyong papel ang
pagpili ng tono na gagamitin sa kanilang sulatin. Kailangang isaalang-alang ang
katuwiran at ng wikang gamit sa pagsulat. Dahil dito, may ilang manunulat na
gumagamit ng impormal at kolokyal na tono sa pagtatangka nilang makipagdaupan sa
kanilang mambabasa. Halimbawa, maingat na ginamit ni Martin Luther King ang
palakaibigan at risonableng tono bago ilahad ang kanyang argumento. May
pagkakataon namang kailangang gumamit ng seryosong tono upang hindi ipalagay ng
mamababsa na hindi sineseryoso ng manunulat ang isyu. Ang isang mabigat na isyu ay
maaaring kailangan namang gamitan ng matapang na tono. Ano’t ano man ang pipiliing
tono sa pagsulat, kailangang batay ito sa maingat na pagsasaalang-alang sa bigat ng
isyu. Sa mga target na mambabasa, sa layunin ng manunulat at iba pang salik, upang
maging angkop ang tono sa isang ispesipikong posisyong papel.

Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel

Sa pagsulat ng Posisyong Papel, maaari nating gamitin ang sumusunod na halaw sa mga
ibinahaging hakbang ng Thought.Co at nina Allene Basa-Julian at Nestor B. Lontoc (2016),
at Dayag (2017):

1. Pumili ng paksa. Ang posisyong papel ay iinog sa iyong personal na paniniwala na


sinusuportahan ang pananaliksik. Kung gayon, ang pagsulat nito ay isang oportunidad
na gamitin ang iyong matitibay na damdamin. Kaya, pumili ng paksang malapit sa iyo,
nang maisapuso mo ang pagsulat nito. Madalas, ang wastong pagpili ng paksa ay
humahantong sa higit na mabuting resulta.

2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik. Kailangan ng panimulang pananaliksik


upang malaman kung may mga ebidensyang sumusuporta sa iyong posisyon. Hindi mo
gugustuhin madikit sa isang posisyong guguho kapag inatake.

3. Hamunin ang iyong sariling paksa. Napakahalagang hakbang ito. Kailangang alam
mo hindi lamang ang iyong sariling posisyon, kundi maging ang sa salungat sa iyo.
Kailangang alam mo ang mga posibleng hamong iyong kakaharapin. Kailangang kasing
makontra mo sa iyong posisyong-papel ang salungat na argumento sa pamamaghitan
ng iyong kontra-argumento.

4. Ipagpatuloy ang pangongolekta ng mga sumusuportang ebidensya. Kapag


natukoy mo na ang iyong posisyong masusuportahan at ang kahinaan ng kabilang
panig, handa ka nang ipagpatuloy ang iyong panaliksik. Sikaping makakolekta ng iba’t
ibang suporta tulad ng opinyon ng mga eksperto ang mga personal na karanasan. Ang
pagsangguni sa mga kaugnay na aklat at babasahin, maging sa mga site na may
mabuting reputasyon at pakikipanayam sa mga awtoridad ay makatutulong nang lubos.
5. Gumawa ng balangkas. Ang posisyong papel ay maaring ayusin ayon sa kasunod
na pormat:

a. Ipakilala ang iyong paksa sa pamamagitan ng kaunting kaligirang


impormasyon. Gawin ito hanggang sa iyong tesis na pahayag na naggigiit sa iyong
posisyon.

b. Maglista ng ilang posibleng pagputol sa iyong posisyon.

c. Kilalanin at suportahan ang ilang salungat na argumento (kung mayroong


dapat na iakomodeyt sa iyong posisyon)

d. Ipaliwanag kung bakit ang iyong posisyon ang siya pa ring pinakamainam
sa kabila ng lakas ng mga kontra-argumento.

e. Lagumin ang iyong argumento at ilahad muli ang iyong posisyon.

6. Isulat na ang iyong posisyong papel. Sa pagsulat ng posisyong papel, kailangang


maipamalas ang tiwala sa sarili (confidence). Sa sulating ito, kailangang maipahayag
ang iyong opinyon nang may awtoridad. Tandaang ang layunin mo ay maipakitang ang
iyong posisyon ay tama. Maging mapaggiit (assertive), ngunit huwag
magtonong-mayabang (cocky).Ilahad ang iyong mga pinupunto at suportahan ang mga
iyon ng mga ebidensya.

Sa pagsulat ng mga bahagi ng posisyong papel, maaaring sundin ang mga


sumusunod:

I. INTRODUKSYON O PANIMULA

○ Ilahad ang Paksa


○ Magbigay ng paunang paliwanag ukol sa paksa at kung bakit mahalaga
itong pag-usapan
○ Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon
tungkol sa isyu.

NOTA: Ang bahaging ito ay may dalawang layunin: upang ipahiwatig ang paksa at ang
iyong diskarte dito (o ang iyong thesis statement), at upang pukawin ang interes ng
iyong mambabasa sa iyong sasabihin. Ang isang epektibong paraan ng pagpapakilala
ng isang paksa ay ilagay ito sa konteksto - upang magbigay ng isang uri ng backdrop
na maglalagay nito sa pananaw. At dapat mong talakayin ang lugar kung saan
naaangkop ang iyong paksa, at pagkatapos ay unti-unting humahantong sa iyong
partikular na larangan ng talakayan (thesis statement).

II. PAGLALAHAD NG COUNTER ARGUMENT O MGA ARGUMENTONG


TUMUTUTOL O KUMUKONTRA SA IYONG TESIS
○ Ilahad ang argumentong tutol sa iyong tesis.
○ Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang
binanggit na counter argument
○ Patunayang mali o walang katotohanang ang mga counter argument ng
iyong inilahad.
○ Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginagawang
panunuligsa.

NOTA:

- Maaari kang bumuo ng mga kontra-argumento sa pamamagitan ng pagtatanong sa


iyong sarili kung ano ang maaaring sabihin ng isang taong hindi sumasang-ayon sa iyo
tungkol sa bawat isa sa mga puntong iyong ginawa o tungkol sa iyong posisyon sa
kabuuan. Kapag nakapag-isip ka na ng ilang kontra-argumento, isaalang-alang kung
paano mo sasagutin ang mga ito: aaminin mo ba na may punto ang iyong kalaban
ngunit ipaliwanag kung bakit dapat gayunpaman tanggapin ng iyong madla ang iyong
argumento? Tatanggihan mo ba ang kontra-argumento at ipaliwanag kung bakit ito
nagkakamali? Sa alinmang paraan, gugustuhin mong iwanan ang iyong mambabasa na
may pakiramdam na ang iyong argumento ay mas malakas kaysa sa salungat na mga
argumento.

- Kapag nagbubuod ka ng magkasalungat na argumento, dapat ilahad ang bawat


argumento nang patas at obhetibo, sa halip kutyain ito. Mas magandang ipakita na
sineseryoso mong isinasaalang-alang ang maraming panig ng isyu, at hindi mo
basta-basta inaatake o kinukutya ang iyong mga kalaban o ibang punto.

III. PAGLALAHAD NG IYONG POSISYON O PANGANGATWIRAN TUNGKOL SA


ISYU

○ Ipahayag o ilahad ang mula unang punto hanggang sa pangatlong punto


ng iyong posisyon o paliwanag.
○ Ilahad ang iyong matalinong pananaw sa unang punto.
○ Maglahad ng mga patunay at ebidensya na hinango sa
mapagkakatiwalaang sanggunian.
○ Ipahayag o ilahad ang pangalawang punto ng iyong posisyon o
paliwanag.
○ Upang higit na maging matibay ang iyong pangangatwiran o posisyon,
sikaping maglahad ng tatlo o higit pang mga puntos tungkol sa isyu.

NOTA: Maaaring bumuo ng balangkas/listahan ukol dito:


A. Igiit ang unang punto ng iyong pahayag/posisyon

1. Ibigay ang iyong edukado at matalinong opinyon


2. Magbigay ng suporta/patunay gamit ang higit sa isang pinagmulan (mas
mabuti na tatlo)

B. Igiit ang ikalawang punto ng iyong pahayag

1. Ibigay ang iyong edukado at matalinong opinyon


2. Magbigay ng suporta/patunay gamit ang higit sa isang pinagmulan (mas
mabuti na tatlo)

C. Igiit ang ikatlong punto iyong pahayag

1. Ibigay ang iyong edukado at matalinong opinyon


2. Magbigay ng suporta/patunay gamit ang higit sa isang pinagmulan (mas
mabuti na tatlo)

IV. KONGKLUSYON

● Ilahad muli ang iyong argumento o tesis.

NOTA: Ang pinakasimple at pinakapangunahing konklusyon ay ang muling pagsasaad


ng tesis sa ibang salita at pagkatapos ay tinatalakay ang mga implikasyon nito

PAGSASAGAWA NG TALUMPATI

Ang mga mapanghikayat na pagsulat ay hindi lamang humahangga sa mga


babasahin, maaari din ito maging isang sining ng pakikipagtalastasan; nabubuo at
nabibigkas ng isang talumpati.

Ang talumpati ay ang masining at pormal na pagsasalita sa harap ng madla na


maaring may layuning magbigay impormasyon sa isang paksa o kaya nama’y
manghikayat o mangatwiran hinggil sa ipinaglalabang punto de bista. Ayon kay
Mangahis, Nuncio at Javillo (2008), ito ay maaring magkaiba-iba batay sa paghahanda
ng isang tagapagsalita, at binibigyang pokus nito maliban sa paraan ng pagbigkas ang
lawak ng nilalaman ng tekstong ibabahagi sa mambabasa.
Kung ikaw ay gagawa ng talumpati, ano ang magiging paksa at tuon nito? Paano
mo titiyakin na ito ay magiging epektibo? At makakatulong ba ang mga unang aralin,
ang sintesis at posisyong papel, sa pagbuo at kaayusan nito?

Mga Uri ng Talumpati Batay sa Nilalaman at Pamamaraan


May iba’t ibang uri ng talumpati batay sa nilalaman nito at sa pamamaraan ng pagbigkas.
Kung pagbabatayan ang nilalaman, maaring mailarawan ang sulating ito sa uring
impormatibo o kaya nama’y mapanghikayat. Pagdating naman sa pamamaraan ay maari
itong mauri sa impromptu o biglaang talumpati at ekstemporanyo o pinaghandaan.

Batay sa Nilalaman

1. Impormatibong Talumpati. Ito ay nagbibigay linaw o nagpapaliwanag hinggil sa


anumang bagay, maaring pangyayari, sa sinumang tao, konsepto, lugar, isyung
panlipunan at iba pa. Napakalawak ng maaaring paksain sa uring ito.

Mahalaga na mailahad nang malinaw ang nilalaman ng talumpati. Maaring


gumamit ng mga paghahambing, pagbibigay ilustrasyon at pag-uugnay ng mga
konsepto upang lalong maunawaan ng mga mambabasa ang kaisipan ng sulatin.
Iniiwasang gumamit sa uring ito ng mga masyadong abstrakto at teknikal na mga
termino para sa madaling pagkaunawa ng mga mambabasa. Maaring gumamit ng
biswal na presentasyon at paglalarawan gayundin ng mga matitibay na datos at
estadistikang pag-aaral, mga pahayag at pangyayari sa lalong mas malinaw ng
pagtalakay ng paksa. Isa sa mga halimbawa nito ay ang SONA o State of the Nation
Address ng Pangulo ng Pilipinas.

2. Mapanghikayat na Talumpati. Kadalasang pinagtutuunan ng pansin ng ganitong


mga sulatin ay ang mga napapanahong isyu, mga usapin sa kaganapang panlipunan,
ekonomiya, pang-edukasyon at iba’t iba pang aspekto na siyang pinagtatalunan ng
grupo ng mga tao. Ang mananalumpati sa bahaging ito ay may pinaninindiganang isyu
na nais ipagdiinan sa mga tagapakinig. May tatlong pagdulog sa mapanghikayat na
talumpati at ito ay ang mga sumusunod:

a. Pagkuwestyon sa katotohanan. Nagsisilbing tagapagsalita at


tagapagtaguyod ng isang posisyon ang mananalumpati. Dito ay inilalahad niya ang
mga datos, pag-aaral at iba’t ibang katotohanan upang pagtibayin ang kanyang
paninindigan.

b. Pagkuwestyon sa pagpapahalaga. Ito ay nakapokus sa subhetibong


paghatol ng mga etikal, mabuti o masamang usapin o kung tama ba ito o mali.
Kailangang katanggap-tanggap sa lipunan ang pangangatwirang isinasagawa ng
tagapagsalita. Halimbawa rito ay ang mga usaping ukol sa pagpapahintulot sa
diborsyo, usapin sa same sex marriage at marami pang iba.

c. Pagkuwestyon sa Polisiya. Nilalayon nito na hikayatin na kumilos o


magpasyang umaksyon ang isang tagapakinig. Hinihikayat sila sa pamamagitan ng
paglalahad ng mga plano na nagpapakita ng praktikalidad at kahingian ng
pangangailangan ng isang bagong panukala. Upang mahikayat ang mga
tagapakinig ay kailangang ispesiko ang mga planong inilalahad dito.

Dalawang Paraan ng Pagtatalumpati


1. Impromptu o Biglaang Talumpati- Walang paunang paghahanda ang
tagapagsalita at sa uring ito ay nasusukat ang lawak ng kaalamang mayroon ang
mananalumpati bagamat walang mga naunang pag-aaral o pagbabasa hinggil sa
paksa.

Bagamat walang sapat na paghahanda ay may mga batayang hakbangin sa


pagbuo nito. Unang itinuturo sa mga mananalumpati ang paglalahad sa mga
tagapakinig ng sentro ng paksa at layunin sa pagsasagawa nito maging ang mga
katanungang lilinawin sa pagtatapos ng gawain. Pagkatapos mailahad ang mga ito sa
mga tagapakinig ay ipaliliwanag naman at lilinawin ang pangunahing punto na nais
bigyang diin at lalakipan ito ng mga katibayan at mga pag-aaral.

2. Ekstemporanyo o Pinaghandaang Talumpati- Ito naman ay pinaghandaan at


pinag-aralan ng tagapagsalita ang pagsasagawa nito. Bagamat may kaukulang
preparasyon ay kailangan pa ring maging ispontanyo ang komunikasyon sa pagitan ng
tagapakinig at tagapagsalita. Madalas ding sinasaulo ang ganitong talumpati at may
isinagawang pagtatala upang maging gabay sa pagbigkas.

Mga Gabay sa Pagsulat at Pagpapahayag ng Talumpati

Pagsulat ng Talumpati

Ang pagtatagumpay ng isang mananalumpati ay nakasalalay kung naipagtagumpay


niya ang pagbabahagi ng kaalamang kailangang maiparating sa mga tagapakinig. Ngunit
upang maisagawa ito ay kailangang may sapat na kaalaman ang isang tagapagsalita sa
marapat na hakbang sa pagbuo nito. Sa pamamagitan ni Jeff Schmitt (2013) ay tinipon ng
forbes.com mula sa mga pinagkakatiwalaan pagdating sa talumpati ang iba’t ibang gabay sa
pagsulat nito at ito ay ang mga sumusunod:

1. Ilahad ang pangunahin at pinakamahalagang kaisipan. Ibigay lamang ang isa o


dalawang pinakamahahalang ideya na pag-iisipan ng tagapakinig. Dahil maliban sa
maikli lamang ang nakalaang oras sa talumpati ay hindi lahat ng mga impormasyon ay
naaalala ng tagapakinig sa nilahad ng mananalumpati.

2. Maging natural sa pagpapahayag. Mas epektibo ang paglalahad kung


kumbersasyonal ang pagpapahayag ng mananalumpati. Magagawa ito kung maiikling
pangungusap ang gagamitin at hindi mahirap unawain para sa mga tagapakinig. Ang
abstraktong pahayag ay di makatutulong sa paglalahad ng kaisipan kayat sikaping
madaling makasusunod ang mga tagapakinig sa daloy at nilalaman ng talumpati.

Upang maging handa sa pagbigkas nito ay kailangang sanayin ng mananalumpati ang


paglalahad nito at palaging basahin nang malakas habang isinusulat ang talumpati. Dahil ito
ay nakalaan para sa mga tagapakinig, na nangangailangan ng kaugnayan (rapport) sa
madla. Kaya siguruhing gumamit ng kongkretong salita, mga halimbawa at wasto ang mga
katibayang ginamit. Kung natapos na ang burador ay marapat na suriing mabuti ng
mananalumpati ang mga pahayag at ang mga komplikadong pahayag ay dapat maalis at
gawing simple ang paglalahad.
Sa pagpapahayag, upang maging epektibo ito, ang mananalumpati ay kailangang
maghanda (kung may nakalaan na oras ukol dito) at kung biglaan man ay isaalang-alang
ang mga sumusunod:

1. Magandang personalidad - mula sa maayos at angkop na pananamit, tindig at


postyur (maging natural o relaks lamang), at panuunan ng tingin (may binabasa man
o wala, huwag kakalimutan na tumingin sa madla upang magkaroon ng koneksyon
sa kanila);

2. Malinaw ang pananalita - kasama dito ang kawastuhan ng mga salita at bigkas ng
mga ito (angkop lamang na hindi mabilis at hindi rin mabagal), ang pagbibigay ng
diwa o empasis, tono ng pananalita, at ang kaangkupan ng lakas at pagtaas at
pagbaba ng boses o tinig;

3. Malawak na kaalaman sa paksang tinatalakay - na nakakadagdag ng tiwala sa


sarili at sa maayos na interpretasyon ng talumpati;

4. Mahusay na paggamit ng kumpas - kailangang angkop ang kilos/kumpas o galaw


sa ipinapahayag o kinakailangang interpretasyon/pagbibigay-diin; at

5. Kasanayan sa pagtatalumpati - mula sa kahandaan, kaalaman sa paksa, at


kahusayan sa pagsasalita na epektibo ang pagpapahayag ayon sa layunin at
inaasahan ng madla.

You might also like