You are on page 1of 25

UNANG PAGBASA

Oseas 14, 2-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong


Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan. Dalhin ninyo ang inyong
kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami.
Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.
Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay ng mga kabayo. Hindi na
namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay.
Sa iyo lamang nakasusumpong ng awa ang mga ulila.” Sabi ng Panginoon,
“Patatawarin ko na ang aking bayan. Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit. Ako’y matutulad sa hamog na
magpapasariwa sa Israel, at mamumulaklak siyang gaya ng liryo, mag-uugat na
tulad ng matibay na punongkahoy; dadami ang kanyang mga sanga, gaganda
siyang tulad ng puno ng olibo, at hahalimuyak gaya ng Libano. Magbabalik sila at
tatahan sa ilalim ng aking kalinga. Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas, at ang bango’y katulad ng alak mula sa
Libano. Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan! Ako lamang ang tumutugon
at nagbabantay sa iyo. Ako’y katulad ng sipres na laging luntian, at mula sa akin
ang iyong bunga.” Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat
mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak
ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyong kagandahang-loob mga
kasalanan ko’y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! Linisin mo sana
ang aking karumhan at ipatawad mo yaring kasalanan!

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
Nais mo sa aki’y isang pusong tapat; puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko’y hugasan at ako’y puputi nang walang kapantay.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. Sa
iyong harapa’y h’wag akong alisin; ang Espiritu mo ang papaghariin.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas, ibalik at ako ay gawin mong tapat. Turuan
mo akong makapagsalita, at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 16-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Ngayon,


sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Maging
matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat
kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at
hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga
gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil.
Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung
paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat
hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa
pamamagitan ninyo.

“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang
gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga
magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang
manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo
sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo
napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

May tiwala sa paggabay at proteksyon ng Diyos, halina at lumapit tayo sa kanya na


siyang laging handa sa pagkalingang hindi magmamaliw.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Ama, ipadala mo sa amin ang iyong espiritu.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging matatag at walang takot na
ipahayag ang mensahe ng Diyos sa gitna ng mga pagbatikos, manalangin tayo sa
Panginoon.
Ang mga bansa at ang sangkatauhan nawa’y mapalaya sa makasalanang
sistema ng opresyon at terorismo, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nakararanas ng pagsubok sa kanilang buhay may-asawa nawa’y
makatanggap ng biyaya na magsumikap na mapanatili ang kanilang mga pangako,
manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahihirapan ng takot at ligalig nawa’y makatagpo ng
kaligtasan sa ating komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y umani ng pabuya sa kanilang mabuting mga
gawain sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, ikaw ang pinagmumulan ng buhay. Lupigin mo ang kadiliman ng kasamaan


sa aming mga puso at punuin mo kami ng liwanag ng iyong pagpapala. Hinihiling
namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa
isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa
buong Templo. May mga Serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na
pakpak. Dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa buong katawan, at dalawa ang
ginagamit sa paglipad. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:
“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan; Ang kanyang
kaningninga’y laganap sa sanlibutan.” Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang
pundasyon ng templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako.
Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang
labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon,
ang Makapangyarihang Hari.”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na


patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang
sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino
ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako.
Ako ang isugo n’yo.”

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!


Ang damit n’ya’y maharlika.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan


ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Panginoo’y naghari na!


Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan


kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.

Panginoo’y naghari na!


Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,


sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad
na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping higit sa kanyang panginoon.
Masiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa
kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul,
lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o


nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa
liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong
katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa
halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa
impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman,
kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama.
Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit
kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman
sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa kain sa harapan
ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Natitipon bilang isang komunidad na nagdiriwang ng misteryo ng ating kaligtasan


at mulat ang ating kaisipan sa kanyang pag-ibig sa bawat isa sa atin, dumulog tayo
sa pananalangin sa Diyos, ang ating walang hanggang Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Ama, ipagsanggalang Mo ang aming kaluluwa at katawan.
Ang Santo Papa, mga obispo, at mga tinawag nawa’y maging gabay ng Bayan ng
Diyos upang umakay sa sangkatauhan sa kaalaman at pananampalataya kay Kristo,
manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mabigyan ng biyaya na harapin ang mahihirap na pagsubok nang
may katapangan, nalalaman na panig sa atin ang Panginoon na nagbibigay sa atin
ng lakas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y magnilay sa tawag ng pagiging pari o relihiyoso at
relihiyosa upang mapaglabanan nila ang pagdududa, takot, at kalituhan,
manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makadama ng kagalingan at
kasiyahan na tanging si Kristo lamang ang makapagbibigay, manalangin tayo sa
Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y umani ng pabuya sa kanilang mabuting mga gawain
sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, ipinauubaya namin sa iyo ang aming mga mithiin. Bigyan mo
kami ng lakas na makasunod sa iyo sa gitna ng mga pagsubok at paghihirap.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10-17

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Mga pinuno ng Sodoma, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon; mga


namamayan sa Gomorra, pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos. Ang sabi niya,
“Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog. Sawa na ako sa mga
tupang sinusunog at sa taba ng bakang inihahandog; hindi ako nalulugod sa dugo
ng mga toro at mga kambing. Sino ang may sabi sa inyong magdala niyan sa harap
ko? Sino ang may utos sa inyong magparoo’t parito sa aking templo? Huwag na
kayong maghahandog nang paimbabaw; nasusuklam ako sa usok niyan, nababagot
na ako sa inyong mga pagtitipon kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng
Pamamahinga, dahil sa pananatili ninyo sa inyong kasalanan. Labis akong
nasusuklam sa inyong pagdiriwang ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan;
suyang-suya na ako sa mga iyan at hindi ko na matatagalan. Kapag kayo’y
tumawag sa akin, ibabaling ko sa malayo ang aking mukha. Hindi ko kayo
papansinin kahit na kayo’y manalangin nang manalangin. Hindi ko kayo
pakikinggan sapagkat marami kayong inutang na buhay. Magpakabuti na kayo,
magbalik-loob sa akin; talikdan na ninyo ang masasamang gawain. Tumigil na
kayo ng paggawa ng masama. Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti; pairalin ang
katarungan; itigil ang pang-aapi; tulungan ang mga ulila ipagtanggol ang mga
balo.”

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos


ay sasagipin n’yang lubos.

Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog, ni sa inyong mga haing sa


dambana’y sinusunog, bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan, maging
iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.

Ang masunurin sa Diyos


ay sasagipin n’yang lubos.

Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos? At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan
natutungod? Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot, at ni ayaw na
tanggapin yaong aking mga utos.

Ang masunurin sa Diyos


ay sasagipin n’yang lubos.

Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana, kaya naman ang akala, kayo’t ako’y
magkaisa; ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan upang inyong
maunawa ang ginawang kamalian. Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain, ay
handog ng pagsalamat, pagpupuring walang maliw; akin namang ililigtas ang lahat
na masunurin.

Ang masunurin sa Diyos


ay sasagipin n’yang lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 34 – 11, 1

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong
isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang
magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin
ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang
manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang
tao’y ang kanya na ring kasambahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At
ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa
akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi
karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan
nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.

“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay


tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa
siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap
sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang
nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na
malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong
tatanggap siya ng gantimpala.”
Matapos tagubilinan ang labindalawang alagad, umalis si Hesus upang magturo at
mangaral sa mga bayang malapit doon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Kung tapat tayo kay Kristo, huwag natin asahan na magiging sikat tayo. Nawa’y
hubugin ang ating mga hangarin ng hiwagang ito ng Kaharian ng Langit.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Panginoon, ikaw ang aming buhay.
Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging matapang at lagi nang
tapat sa pananampalataya sa gitna ng pakikipagtunggali at pag-uusig, manalangin
tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y magkaroon ng lakas at tapang upang gabayan
ang kanilang mga anak sa daan ng pananampalataya at Kristiyanong pamumuhay,
manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y magkaroon ng lakas na mapaglabanan ang
impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nalulumbay, mga naliligalig at yaong nagdurusa sa
isip at katawan nawa’y hipuin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y maging masayang walang hanggan sa
Kaharian ng Diyos Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, ipinadala mo ang iyong Anak upang tulungan kami sa aming
mga pakikibaka sa buhay. Bigyan mo kami ng kapanatagan sa kabila ng aming
pagdurusa, at bigyan mo kami ng lakas na kumilos nang mayroong pananalig sa
iyong salita. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 1-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang kapanahunan ni Acaz, na anak ni Jotam at apo naman ni Uzias na hari ng


Juda, ang Jerusalem ay sinalakay ni Rezin, hari ng Siria, at ni Peka, anak ni
Remalias, hari ng Israel. Ngunit hindi sila nagtagumpay. Nakaabot sa sambahayan
ni David ang balitang nagkasundo na ang Siria at ang Israel. Kaya’t ang hari,
gayun din ang buong bayan, ay nanginig sa takot na animo’y mga punongkahoy na
inuugoy ng hangin.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Jasub at


salubungin ninyo si Acaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng
tubig mula sa Tipunan ng Tubig sa Itaas, sa daang patungo sa Bilaran ng Damit.
Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot.
Huwag masisira ang loob mo dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ng
anak ni Remalias; ang dalawang iyan ay parang dalawang kahoy na umuusok
ngunit di nagdidingas.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at
ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:

‘Lusubin natin ang Juda, pasukuin natin at sakupin, papaghariin natin doon ang
anak ni Tabeel.’ Akong Panginoon ang nagsasabing hindi na ito mauulit. Pagkat
ang Siria’y mahina pa sa Damasco na punong-lungsod niya at ang Damasco’y mas
mahina kay Haring Rezin. Ang Israel naman, mawawasak sa loob ng animnapu’t
limang araw. Malakas pa sa Israel ang Samaria na kanyang punong-lungsod, at ang
Samaria ay hindi lalakas kaysa kay Haring Peka. Ikaw ay mapapahamak pag hindi
nanatili ang iyong pananalig sa Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 5-6. 7-8

Ang D’yos ang s’yang nagtatanod


sa kanyang banal na lungsod.
Dakila ang Poon, dapat papurihan, sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal. Ang
Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod,

Ang D’yos ang s’yang nagtatanod


sa kanyang banal na lungsod.
Bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob. Sa
piling ng Diyos ligtas ang sinuman, sa loob ng muog ng banal na bayan.

Ang D’yos ang s’yang nagtatanod


sa kanyang banal na lungsod.
Itong mga hari ay nagtipun-tipon, upang sumalakay sa Bundok ng Sion; sila ay
nagulat nang ito’y mamasdan, pawang nagsitakas at nahintakutan.

Ang D’yos ang s’yang nagtatanod


sa kanyang banal na lungsod.
Ang nakakatulad ng pangamba nila ay ang pagluluwal ng butihing ina. Sa hanging
amiha’y kanyang winawasak ang naglalakihang barkong naglalayag.

Ang D’yos ang s’yang nagtatanod


sa kanyang banal na lungsod.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 20-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng
maraming kababalaghan sapagkat hindi sila nagsisi’t tumalikod sa kanilang mga
kasalanan. “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at
Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, malaon na sanang
nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila’y
nagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat
ang sasapitin ninyo kaysa sasapitin ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw,
Capernaum, ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades!
Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo,
sana’y nanatili pa ito hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng
Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa inyo kaysa dinanas ng Sodoma.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Matiisin ang Diyos at mulat sa


ating mga paghihirap. Manalangin tayo sa kanya upang tulungan niya tayo sa daan
ng pagbabalik-loob at pagbabagumbuhay.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Panibaguhin Mo kami, Panginoon.
Ang Kristiyanong nananalig nawa’y tumugon sa tawag ng pananampalataya
at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y bigyan ng Diyos ng katapangan na italaga ang ating sarili para
maging malaya kay Kristo ang mga taong napipiit sa kanilang pagkamakasarili,
manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong may mga pusong hungkag at nanlalamig nawa’y makatagpo ng
kaligayahan sa pag-ibig ng Diyos at ng kanilang kapwa, manalangin tayo sa
Panginoon.
Ang mga may karamdaman sa isip at katawan nawa’y magkaroon ng ganap
na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y masiyahan sa maliwanag na bukang-liwayway
ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos ng habag at pag-ibig, pakinggan mo ang daing ng mundong nasusukol sa


pagdurusa at pagkakasala. Palayain mo nawa kami Amen.

UNANG PAGBASA
Isaias 10, 5-7. 13-16

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo at malupit
na kasangkapan ng aking galit. Susuguin ko siya laban sa isang bayang
tampalasan, sa bayang kinapopootan ko, upang ito’y wasakin at samsaman ng lahat
ng yaman at yurakang parang putik sa lansangan. Ngunit wala ito sa kanyang
isipan, hindi ito ang kanyang hangad. Ang layunin niya’y manira at magpasuko ng
maraming bansa. Sapagkat ganito ang sabi niya: “Nagawa ko iyan pagkat ako’y
malakas, marunong at matalino. Inalis ko ang hangganan ng mga bansa, at
sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan, at ibinagsak sa lupa ang mga
nakaluklok sa trono. Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang
kumukuha ng pugad ng ibon. Dinampot ko ang buong daigdig na parang
dumadampot ng itlog na iniwan ng inahin, walang pakpak na pumagaspas, ni
huning narinig.”

Makapagmamalaki ba ang palakol sa may-ari nito? Makapagmamataas ba ang


lagari sa gumagamit niyon? Ang baston pa ba ang magwawasiwas sa may hawak
nito? Kaya nga ang magigiting niyang mandirigma ay pagkakasakitin ng
Panginoon. At sa ilalim ng kanilang maringal na kasuotan mag-aapoy sa init ang
kanilang katawan, parang sigang malagablab.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15

Ang Poo’y di tatalikod


sa kanyang hirang na lingkod.
Yaong mga hinirang mo ay kanilang nililipol, inaapi nila yaong tinubos mo,
Panginoon. Ang mga ulila, balo’t mamamayan ng ibang bansa, pinapatay nila ito at
kanilang pinupuksa.

Ang Poo’y di tatalikod


sa kanyang hirang na lingkod.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ng Diyos, hindi kami nakikita ni pansin
ng Diyos ni Jacob.” Unawain ninyo, bayan, kayong pahat ang isipan: hanggang
kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?

Ang Poo’y di tatalikod


sa kanyang hirang na lingkod.
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata’t tainga, akala ba ninyo’y bingi at ni
hindi makakita? Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol? Di ba siya’ng guro
nila pagkat siya ang marunong?

Ang Poo’y di tatalikod


sa kanyang hirang na lingkod.
Ang lingkod ng Panginoo’y hindi niya iiwanan, yaong mga hirang niya’y hindi
niya tatalikdan; mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan, diwang ito ang
susundin ng tapat ang pamumuhay.

Ang Poo’y di tatalikod sa kanyang hirang na lingkod.


MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng


langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at
matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat
gayun ang ikinalulugod mo.

Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak
kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong
marapating pagpahayagan ng Anak.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Ibinunyag ng Ama ang misteryo ng Kaharian sa mga maliliit. Manalangin tayo sa


Diyos na nagpapahayag ng kanyang pag-ibig sa mga maliliit at mabababang loob.
Dalhin natin sa ating Amang nasa Langit ang lahat ng ating pangangailangan na
may buong pananalig sa kanyang mapagmahal na kalinga.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Amang nasa langit, basbasan Mo ang Iyong mga anak.
Ang Simbahan nawa’y bigyan ng higit na pansin ang mga dukha,
manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno nawa’y pakinggan ang mga hinaing at
pangangailangan ng pinakamahirap na mamamayan, manalangin tayo sa
Panginoon.
Ang mga bata nawa’y makilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating
pagtuturo at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kalinga at kagalingan mula sa mga
taong nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga namatay nawa’y magkaroon ng kasiyahan sa walang
hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, gawin mo kaming matalino sa iyong karunungan at tulungan


mo kaming makasunod sa iyo sa kababaang-loob na ipinakita sa amin ng iyong
Anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

UNANG PAGBASA
Isaias 26, 7-9. 12. 16-19

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias Pinapatnubayan mo ang mga taong


matuwid, at pinapatag mo ang kanyang landas. Panginoon, sinusunod ka namin at
inaasahan, ikaw lamang ang lahat sa aming buhay. Pagsapit ng gabi’y hinahanap-
hanap ka ng aking kaluluwa. Kapag ang batas mo’y umiral sa daigdig, ang lahat ng
tao’y mamumuhay nang matuwid. Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kasaganaan, at
anumang magawa nami’y dahil sa iyong pagpapala. Hinanap ka nila sa gitna ng
hirap, nang parusahan mo’y ikaw ang tinawag. Ang katulad namin sa iyong
harapan ay babaing manganganak, napapasigaw sa tindi ng hirap. Nagdanas kami
ng matinding hirap, ngunit walang naidulot na kabutihan walang tagumpay na
naidulot sa bayan, wala kaming nagawa anuman. Ngunit ang mga anak mong
namatay ay muling mabubuhay mga bangkay ay gigising at aawit sa galak; kung
ang paanong ang hamog ay nagpapasariwa sa lupa, gayun ang espiritu ng Diyos,
nagbibigay-buhay sa mga patay.

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21

Mula sa iyong luklukan,


lahat ay ‘yong minamasdan.
Ikaw, Panginoon, ay haring walang hanggang di ka malilimot ng buong kinapal.
Ikaw ay mahabag, tulungan ang Sion, pagkat dumating na ang takdang panahon.
Mahal pa rin siya ng ‘yong mga lingcod bagamat nawasak at gumuhong lubos.

Mula sa iyong luklukan,


lahat ay ‘yong minamasdan.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot, Maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion, ika’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin, Di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
Ito’y matititik upang matunghayan, ng sunod na lahing di pa dumaratal;
ikaw nga, O Poon, ay papurihan. Mula sa itaas, luklukan mong banal,
Ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan. Iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay, upang palayain sa hirap na taglay.

Mula sa iyong luklukan,


lahat ay ‘yong minamasdan.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na
napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.
Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at
mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong
kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang
pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Sinabi ni Hesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at


pagiginhawahin ko kayo” (Mt 11:28). May pananalig sa kanyang pangako,
ipahayag natin ang ating mga pangangailangan sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Jesus, Ikaw ang aming kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at
pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutukso sa kawalan ng pag-asa dahil sa bigat ng kanilang mga
suliranin nawa’y makatagpo ng sandigan kay Jesus at mailagay sa kanyang mga
kamay ang kanilang mga alalahanin at ligalig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa maligalig na kaisipan nawa’y magkaroon ng
kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nahihirapan sa tindi ng sakit ng katawan at karamdaman nawa’y
makatagpo ng kasiyahan at kagalingan sa mga kumakalinga at nag-aaruga sa
kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magbunyi sa walang hanggang kaligayahan sa
Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak ang kapahingahan kapag
kami ay nabibigatan. Ipaubaya mo na tuwina kaming makatugon sa kanyang
paggabay at mapalakas kami upang maging kanyang daan ng kapayapaan.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen

You might also like