You are on page 1of 5

UNANG PAGBASA

Pagbasa mula sa aklat ni Ester


Noong mga araw na iyon, labis na nabagabag si Reyna
Ester. Dumulog siya Panginoon. Ganito ang daing niya sa
Panginoong Diyos ng Israel:
“Panginoon ko, tanging Ikaw ang Hari namin. Tulungan
mo ako na ngayo’y nag-iisa at walang ibang maasahang
tutulong kundi ikaw lamang. Iligtas mo kami, Panginoon.
Tulungan mo ako ngayo’y nag-iisa at walang ibang
maaasahang tutulong kundi ikaw lamang.”
“O Diyos, higit na makapangyarihan sa lahat, pakinggan
mo ang tinig ng mga nawawalan ng pag-asa. Iligtas mo kami
sa kapangyarihan ng kasamaan at iligtas mo ako sa aking
takot.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.

D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.

Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!


At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!

D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.

Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
Pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.

D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.

Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,


At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.

D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.

Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,


bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”

D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan
IKALAWANG PAGBASA

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng


isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil
dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay
nagkasala.

Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan,


ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob
na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si
Hesukristo. Sa pamamagitan ng isang tao – si Adan – naghari ang
kamatayan dahil sa kanyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng
isang tao – si Hesukristo – higit ang kinamtan ng mga kinahabagan nang
sagana at pinawalang-sala: sila’y maghahari sa buhay. Kay laki ng
kahigtan ng pagpapalang ito kaysa kasawiang iyon.

Kaya’t kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan


ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng
kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay
marami ang naging makasalanan, gayun din naman, marami ang
pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao.

Ang Salita ng Diyos

ALELUYA
Lucas 1, 45

Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
sa pananalig mong tapat
sa D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si
Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng
ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo
akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina
sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang
tatlumpung gallon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning
panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng
tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos, sinabi
niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na
naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga
katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi
niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang
nainom ang tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit ipinagpahuli ninyo ang
masarap na alak.”

Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni


Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa
kanya ang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Setyembre 24, 2022
Kabanal-banalang Ina ng awa

P - Diyos ng hiwaga, nasa tabi ka namin at nalalaman mo kung ano ang


bumabagabag sa amin. Kaisa ni Maria, ang Ina ng iyong Anak at amin ding
Ina, tumatawag kami sa iyo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


o kaya
Panginoon, umaasa kami sa iyo.

L - Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari, at mga relihiyoso nawa’y maging tapat
sa kanilang pangako sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

L - Ang mga mananampalataya nawa’y palakasin ang kanilang pagtitiwala at


pananalig sa iyong tulong at maging handa nawa silang sundin ang iyong
kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
L - Ang mga pinahihirapan ng mga natatagong sakit nawa’y magpasan ng kanilang
krus nang buong tapang lalo na kung walang nakahandang dagling panlunas,
manalangin tayo sa Panginoon.

L - Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kagalingan, manalangin tayo sa


Panginoon.

L - Ang namayapa naming mga kaanak at mga kaibigan nawa’y tumanggap ng


kanilang gantimpalang Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

P - Panginoon, tulungan mo kami upang kami ay maging handang


ipagkatiwala ang aming mga sarili sa iyo katulad nang ginawa ni Maria.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

You might also like