You are on page 1of 11

MGA PAGBASA SA UNANG ARAW NG TRIDUUM

(OCTOBER 04, 2023 - MIYERKULES)

UNANG PAGBASA
Nehemias 2, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias

Noong panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari. Isang araw, buwan ng
Nisan, ikadalawampung taon ng paghahari ni Artajerjes, dinulutan ko siya ng kanyang
inuming alak. Napansin niyang ako’y malungkot. Noon lamang niya ako nakitang gayun.
Tinanog niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo’y wala kang sakit, bakit ka
ganyan? Sinidlang ako ng takot. Gayunma’y sinabi ko sa hari, “Nawa’y ingatan kayo ng
Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lungsod na pinaglibingan ng
aking mga ninuno ay wasak at sunog ang mga pintuan.” “O, ano ngayon ang ibig mo?”
tanong ng hari. Tumawag ako sa Diyos, at pagkatapos sinabi ko sa hari, “Kung
pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda upang itayong muli
ang binaggit kong lungsod.” Sinabi sa akin ng hari na noo’y katabi ng reyna, “Gaanong
katagal ka roon? Kailan ka babalik?” Nagtaning ako ng panahon at malugod naman akong
pinahintulutan. Nakiusap akong bigyan din ng mga liham para sa mga gobernador sa
ibayo ng ilog upang paraanin ako patungong Juda. Sa aking pakiusap ay gumawa na rin
siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan upang bigyan ako ng kahoy
na gagamitin sa pintuan ng muog ng templo, ng pader ng lungsod at ng tahanang aking
titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6

Kung ika’y aking limutin,


wala na ‘kong aawitin.

Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,


kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.

Kung ika’y aking limutin,


wala na ‘kong aawitin.

Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,


na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, ninyong nais nilang awit.

Kung ika’y aking limutin,


wala na ‘kong aawitin.
Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.

Kung ika’y aking limutin,


wala na ‘kong aawitin.

Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin


sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.

Kung ika’y aking limutin,


wala na ‘kong aawitin.

ALELUYA
Filipos 3, 8-9

Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 57-62

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad,
may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus,
“May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man
lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.”
Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing
ang akin ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng
kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng
Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam
muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-
aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Layman/Pari: Iniluluhog natin sa Diyos Ama ang ating mga pangangailangan dahil
tinawag tayo ng kanyang Anak na si Jesus upang sundan siya. Manalangin tayo nang may
pananalig para sa biyaya na tanggapin ang pagtawag na ito.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.


o kaya
Ama, gawin Mo kaming ganap kay Kristo.

Ang mga pinuno ng Simbahan at lahat ng nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y


masigasig na magpatuloy sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating komunidad nawa’y mapanibago sa araw-araw sa pamamagitan ng


pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa mas maganda at mabuting
buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nawalan na ng pag-asa dahil sa mga kasalanan nawa’y mapagtanto na kasama
nating naglalakbay ang ating Panginoon at tinutulungan tayo sa pagpasan ng ating krus,
manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga pinahina ng karamdaman o pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas-loob ng


kasiyahang mula sa Diyos sa pamamagitan ng kalinga at pag-aaruga ng kanilang mga
kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao na sumunod kay Jesus sa buhay na ito nawa’y makapasok sa walang
hanggang presensya ng Diyos sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.

Layman/Pari: Ama naming nasa langit, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng


iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon. Amen.

MGA PAGBASA SA IKALAWANG ARAW NG TRIDUUM


(OCTOBER 05, 2023 - HUWEBES)

UNANG PAGBASA
Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12

Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias

Noong mga araw na iyon, unang araw ng ikapitong buwan ng taon, nagkatipon ang lahat
ng Israelita sa Jerusalem, sa liwasang bayang nasa harapan ng Pintuan patungo sa Tubig.
Hiningi nila kay Ezra ang aklat ng Kautusan ni Moises na ipinatutupad ng Panginoon sa
bayang Israel. Si Ezra ay isang saserdote at dalubhasa sa kautusan na sinugo ng
Panginoon nang panahon ni Moises. Kinuha nga ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa
kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-
unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga
taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti. Siya ay
nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon.
Si Ezra ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay
tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!” ang
wika niya. Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.”
Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon. Binasa ni Ezra nang
maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan. Nang
malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang
kalooban, anupat sila’y napaiyak. “Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong
Diyos,” wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita. Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga
kaya’t sinabi nila, “Huwag kayong umiyak.” Wika pa nila, “Umuwi na kayo at magdiwang!
Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y
dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.” Ang mga
tao’y inaliw ng mga Levita, at pinatahimik ang mga ito. Wika sa kanila, “Walang dapat
malungkot sa inyo, sapagkat ang araw na ito ay banal.” Umuwing masaya ang lahat upang
magdiwang, kumain sila at uminom at binahaginan naman ang wala. Silang lahat ay
nagdiwang sapagkat naunawa nga nila ang ipinaliwanag sa kanila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Ating kabutiha’t lugod


ay nasa loobin ng D’yos.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,


ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.

Ating kabutiha’t lugod


ay nasa loobin ng D’yos.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,


liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Ating kabutiha’t lugod


ay nasa loobin ng D’yos.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,


isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.

Ating kabutiha’t lugod


ay nasa loobin ng D’yos.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.

Ating kabutiha’t lugod


ay nasa loobin ng D’yos.

ALELUYA
Marcos 1, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya
sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa
kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa
may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo!
Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong
magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang
makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo,
‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang
nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito.
Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot
sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa.
Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan,
kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at
sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang
bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo,
‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala
sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyong nalalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’
Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng
mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Layman/Pari: Lumapit tayo sa Panginoon ng ani, at ipanalangin natin ang mga


pangangailangan ng Simbahan at ng buong mundo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


o kaya
Basbasan mo ang aming pagpapagal, O Panginoon.

Ang lahat ng sumasampalataya nawa’y maging mulat na tinawag ng Diyos sa


pagpapalaganap ng kanyang Kaharian ng kapayapaan sa daigdig, manalangin tayo sa
Panginoon.

Tayo nawa’y maging mulat sa ating bokasyon na magpahayag ng Mabuting Balita ng


kaligtasan sa ating pamayanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magsasakang nagbubungkal ng lupa nawa’y biyayaan ng mabuting panahon at


mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nahihirapan sa buhay nawa’y makilala ang Diyos na
nagmamalasakit sa kanila sa pamamagitan ng pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya,
manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao na nagpagal sa buhay na ito nawa’y tumanggap ng makalangit na
gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.

Layman/Pari: Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming makilahok nang masaya sa
gawaing pagpapahayag ng iyong Ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa na aming
pinakikita sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon. Amen.

MGA PAGBASA SA IKATLONG ARAW NG TRIDUUM


(OCTOBER 06, 2023 - BIYERNES)

UNANG PAGBASA
Baruc 1, 15-22

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Matuwid ang Panginoon naming Diyos. Ngunit lipos kami ng kadustaan hanggang ngayon
– kaming mga taga-Juda, mga mamamayan ng Jerusalem, pati aming mga hari, mga
pinuno, mga saserdote, mga propeta at mga ninuno – pagkat nagkasala kami sa Panginoon
naming Diyos. Nilabag namin ang kanyang mga utos. Hindi kami nakinig sa kanya. Hindi
namin sinunod ang mga tuntuning ibinigay niya sa amin. Mula nang ang mga ninuno
namin ay ilabas ng Panginoon sa Egipto, patuloy kami ng pagtataksil sa kanya hanggang
ngayon. Naging suwail kami. Kaya ngayon ay naghihirap kami. Nagaganap sa amin ang
sumpa na ibinabala ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises nang ang mga ninuno namin
ay ialis niya
sa Egipto at dalhin sa isang lupaing mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Hindi
namin pinakinggan ang mga salita ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng mga
propeta. Ang sinunod nami’y ang masasamang hilig at panay kasamaan ang aming ginawa.
Sumamba kami sa mga diyus-diyusan at gumawa kami ng kinasusuklaman ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 1-2. 3. 5. 8. 9

Dahil sa ngalan mo, Poon,


iligtas mo kami ngayon.

Panginoong Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako,
hayo’t iyong masdan!
Winasak ang lungsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
Ang mga katawan
ng mga lingkod mo’y ginawang pagkain niyong mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.

Dahil sa ngalan mo, Poon,


iligtas mo kami ngayon.

Dugo ng bayan mo’y


ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang naglilibing.
Ang kalapit-bansang
doo’y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
Iyang iyong galit sa amin,
O Poon, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami’y tutupok?

Dahil sa ngalan mo, Poon,


iligtas mo kami ngayon.

Huwag mong parusahan


kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
Ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.

Dahil sa ngalan mo, Poon,


iligtas mo kami ngayon.

Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.

Dahil sa ngalan mo, Poon,


iligtas mo kami ngayon.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida!
Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin
sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y
nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa
kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum,
Ibig mong mataas hanggang sa langit?
Ibabagsak ka sa Hades!
“Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin,
at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Layman/Pari: Ipanalangin natin ang lahat ng lalaki at babae upang pakinggan nila si
Kristo at tumugon sila sa tawag ng pagbabalik-loob at pagbabago.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


o kaya
Panginoon, buksan mo ang aming mga puso.

Ang Simbahan nawa’y maging instrumento ng pagpapanumbalik ng mga tao sa kawan at


maging instrumento ng paghahanda sa kanilang pagpasok sa Kaharian ng Diyos,
manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y magkapit-kamay sa pagdadala ng kalayaan at


dangal sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y mapanibago araw-araw sa pamamagitan ng pananalig sa Salita ng Diyos na


tumatawag sa atin sa higit na mabuting pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinahina ng pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas sa pag-ibig at suporta ng


kanilang mga kapamilya at mga mahal sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makamtan ang walang hanggang kaligtasan, manalangin
tayo sa Panginoon.

Layman/Pari: Walang hanggang Ama, hilumin mo ang aming pagmakasarili at buksan ang
aming puso na tanggapin ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

MGA PAGBASA SA ARAW NG KAPISTAHAN


(OCTOBER 07, 2023 - SABADO)

UNANG PAGBASA
Baruc 4, 5-12. 27-29

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan. Dahil sa inyo, buhay pa ang bansang
Israel. Ipinagbili kayo sa mga dayuhan hindi upang lipulin. Ipinasakop kayo sa iba pagkat
ginalit ninyo ang Diyos. Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kanya,
nilait ninyo ang sa inyo’y lumikha. Kinalimutan ninyo ang Diyos na sa inyo’y nag-alaga sa
pasimula, at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo’y nag-aruga. Nakita ng
Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo at kanyang sinabi, “Mga kalapit-bayan ko, ako’y
pinararanas ng Diyos ng matinding hirap. Ang mga mamamayan ko’y ipinabihag ng
Walang Hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway. Maligaya ko silang pinalaki ngunit
nanangis ako sa dalamhati nang sila’y kunin sa akin. Huwag sanang ikagalak ninuman
ang aking kasawian. Naiwan akong nangungulila dahil sa pagkakasala ng aking mga
mamamayan. Tinalikdan nila ang Kautusan ng Diyos at ako’y naging isang bayang wasak
at tiwangwang. “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak. Tumawag kayo sa Diyos.
Pinarusahan nga niya kayo, ngunit hindi niya kayo pababayaan. Noon, kayo ay lumayo sa
kanya. Ngayon nama’y manumbalik kayo at maglingkod sa kanya nang buong pagsisikap.
Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito ang siya ring magkakaloob sa inyo ng
tuwang walang katapusan pag kayo’y iniligtas na niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
(KAKANTAHIN ANG SALMONG TUGUNAN)

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi
nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.”
Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat.
Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak
sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo,
hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang
pangalan ninyo.” Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At
sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo
sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y
tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.” “Ibinigay sa akin ng
aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang
nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat
nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga
hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din
nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Mahal na Birheng Maria ng Rosaryo
Layman/Pari: Manalangin tayo sa ating Ama sa tulong ng makapangyarihang
pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, Reyna ng Banal na Rosaryo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


o kaya
Ama, pagpalain mo kami sa pamamagitan ng mga panalangin ng Birheng Maria.

Tulad ni Maria nawa’y pagnilayan ng Simbahan ang misteryo ng buhay at pag-ibig ng


Diyos na nahayag kay Kristo at sa mga pangyayari ng ating panahon, manalangin tayo sa
Panginoon.

Sa halip na tustusan ng mga bansa ang kanilang mga sandatang pandigma at pangwasak
nawa’y higit nilang paglaanan ang mga kagamitan para sa pagtataguyod ng kapayapaan,
manalangin tayo sa Panginoon.

Kaisa ni Maria tayo nawa’y magpatuloy sa pananalangin at pagsisikap na matupad ang


plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng maka-inang pangangalaga ni Maria, ang mga maysakit at


nagdadalamhati nawa’y makatagpo ng paghilom at paglubag ng kalooban, manalangin tayo
sa Panginoon.

Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng buhay na walang hanggan,
manalangin tayo sa Panginoon.
Layman/Pari: Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin para sa rosaryo at sa
mensahe ng kapayapaan na hatid ni Maria sa aming mundo. Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

You might also like