susulat ng kahit anuman na patungkol sa iyo. Sa pagsulat ko nito, ang aking mga alaala sa iyo at ang ideya na mayroon ako sa iyo ay mananatiling buhay sa mga salita. Kung pwede lang kalimutan ang mga nadarama ay ginawa ko na. Kung pwede lang limutin at burahin ang ideya na iginuhit ko sa isipan ko tungkol sa iyo– baka noon pa lamang ay ginawa ko na.
Natatakot ako. Natatakot akong ang kulay ng
ating pagkakaibigan ay mabahiran ng kulay ng pag-ibig na tanga. Natatakot ako. Ngunit heto ako ngayon, inaalala ka. Heto ako ngayon, sumusulat tungkol sa iyo. Heto ako ngayon at nilalapat ko ang mga memorya ko kasama ka sa akdang ito.
May aaminin ako. Madalas akong wala sa
wisyo pero hindi naman ako mababaw na tao. May mga bagay rin akong naiisip na nais kong pag-usapan, tulad na lamang ng mga katagang ‘love is blind’. Hindi ito bago sa pandinig pero ano nga ba talaga ang nais iparating ng mga salitang ito? Bulag nga ba ang pag-ibig? Parang mali. Parang hindi naman bulag ang pag-ibig. Parang ako ata. Ako ata ang bulag dahil napamahal ako sa matalik kong kaibigan. Dahan-dahan kong dinukot ang aking mga mata mula sa aking mukha at itinapon sa basurahan. Pinilit ko na makalimutan ang salitang ‘kaibigan’. Pinilit ko na makalimutan ang kulay ng pagkakaibigan na pumipinta sa istorya nating dalawa, at ninais na palitan ito ng kulay ng pag-iibigan. Ang tanga, ‘di ba?
Nagsimula siguro noong gabing inaya mo
akong matulog sa bahay ninyo dahil may trabahong kailangan lingunin ang aking mga magulang. Umiyak ako noon dahil ayaw kong maiwan nang mag-isa pero hinawakan mo ang aking kamay at sinabihan ng ‘tahan na.’
Bata pa tayo noon, wala pa tayong kamuwang
muwang— kaya hindi ko maintindihan kung bakit parang sasabog ang aking dibdib tuwing nginingitian mo ako.
Nagpatuloy ang istorya nating dalawa mula
noon. Nagpatuloy ang ganoong relasyon sa pagitan natin. Hindi tayo magkapatid kahit lagi tayong nag-aasaran. Magkaibigan tayo dahil simula bata pa lamang tayo ay magkatabi na ang ating mga tirahan, pero hindi tayo magka- ibigan kahit na ang isa’t isa ay ang ating tahanan.
Ang daming nagsabi sa akin na maling
mahulog sa kaibigan– na kapag tropa lang, tropa lang dapat. Ang sabi nila tumigil na raw ako sa aking pagkahibang. At sinubukan ko naman na pigilan ang aking nararamdaman. Ang tagal kong sinasabi sa sarili ko na wala na. Ubos na. Tapos na. Tapos na yung mga panahon na inaasam kong magiging akin ka. Oras na. Tama na. Kakalimutan ko na ang mga nadarama.
Pero sa kaloob-looban ko, mayroon pa. Nasa
puso pa rin kita. May isang butil, isang patak, isang mantsa ng ikaw na hinding hindi maglalaho sa akin.
Kung nais mong malaman ang katotohanan sa
likod ng mga katagang ‘love is blind,’ halika rito at umupo sa tabihan ko, ikukuwento ko sa iyo kung paanong dahan-dahan kong dinukot ang aking mga mata mula sa aking mukha para lang ibigin ka.