You are on page 1of 9

MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI

KABANATA 5:
ANG PAGHAHANDA NG DEBATE O PAGTATALO

Mga Layunin:

a.) Naibibigay ang kahulugan ng dabate o pagtatalo.


b.) Naiisa-isa ang mga pamantayan sa pagatatalo o debate.
c.) Nakapagsasagawa ng debate ayon sa mga pamatayan.

ANG MGA DAPAT TANDAAN SA PAKIKIPAGTALO

1. Gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagsisiyasat at pagsusuri.

2. Magharap ng iba’t ibang uri patunay o katibayan.

3. Magkaroon ng maayos na paglalahad ng katuwiran.

4. Maging matalas ang isipan sa paghalata ng maling pagmamatwid at maging maagap


sa paghaharap ng ganting matwid.

5. Iwasan ang paglabag sa hinihinging kagandahang-asal at kapinuhan.

6. Pamalagiin ang pagpipitagan sa katalo at sa nakikinig. Isyu ang pinagtatalunan hindi


ang katauhan ng nagtatalong magkatunggali.

7. Sa simula pa lamang, magkaroon na agad ng pagkakasundo tungkol sa pakahulugan


sa paksang tatalakayin.

PAHINA 74
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI

MGA DAPAT GAWIN NG KALAHOK SA PAGTATALO

1. Pagtitipon ng mga Datos

-Kailangang nakahanda ang makikipagtalo sa mahahalagang datos na


kakailanganin niya sa pagmamatwid. Ang mga maaring pagkunan ng mga mahahalagang
datos bilang pang-suporta sa mga katotohanang babanggitin sa pagmamatwid ay

b) Iba’t ibang sangguniang aklat

c) Magasin at mga lathalain, brosyur, pamplet, peryodiko

d) Mula sa sariling pagmamasid

e) Mula sa pagmamasid ng ibang tao,

f) Opinyon ng may awtoridad sa paksa o isyu.

2. Pagpili ng Awtoridad

-Kung kaylangang sumangguni at humingi ng opinion sa ibang tao, tiyaking ito ay


awtoridad sa paksang isasangguni. Siya ba’y may malaking kakayanan at kaalaman
tungkol sa paksa? Walang bigat ang opinyon, kahit na sabihin ng bantog at dalubhasang
doctor ng medisina kung halimbawa’y ang isyu ay tungkol sa larangan ng edukasyon.
Higit na magiging kapani-paniwala ang opinion ng isang taong nakalinya sa edukasyon
kung ang isyu ay tungkol sa edukasyon.

3.Pagpili ng Katibayan

- Sa pagpili ng ilalahad na mga katibayan, tiyaking ito ay kasang-ayon at kaisa sa


pagmamatwid ng iba pang gagamiting katibayan. Tiyaking ito’y naaayon sa
pangkalahatang karanasan ng tao, at sa gayo’y maluwag na matanggap ng
pangkalahatang publiko . Isaalang-alang din ang petsa ng pagkakapahayag. Ito ba ang
pinakabago, pinakahuling binanggit na katotohanan o katibayan.

PAHINA 75
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI

4.Paghahanay ng mga Patunay at Katibayan

- Isaayos ang mga patunay at katibayan, kasama ng pangangatwiran, sa isang


sistematiko at maayos na pagkakabuo.

- Sikaping ang bawat bahagi ng talumpati ay tumutulong sa pagbuo ng mga


pangunahin at natatanging mga diwa. Pagsasamahin sa isang talata ang mga isipan at
diwang may pagkakaugnay-ugnay sa isa’t isa. Bigyan ng diin o emphasis ang
mahahalagang kaisipan.

- Mahalagang piliin din ang mga pinakaangkop na salita na mabisang


magpapahayag sa kaisipan at diwang ninanais ilahad. Tandaang pumili ng mga tiyak at
payak na pananalita upang matamo ang isang malinaw na paghahanay ng mga patunay
at katibayan.

DAPAT TANDAAN SA TALUMPATING PAGTULIGSA

1. Mahinahon at maliwanag nailahad ang mga kamalian sa katuwiran ng kalaban.

2. Ipaalam ang kakulangan sa mga katibayan ng kalaban.

3. Ipaliwanag ang kahinaan at kamalian ng mga argument ng kalaban.

4. Ipaalam sa kalaban na walang kaugnayang mga binanggit na katwiran sa paksang


pinagtatalunan.

5. Ipaalam sa kalaban at mga tagapamahala kung may paglabag sa mga alituntunin sa


pagtuligsa.

6. Tapusin ang talumpati sa pamamagitan ng paglalagom sa mga inilahad na katuwiran at


katibayan

MGA TAGAPAGSALITA O SPEAKER

a. Beneficiallity – ang ibinibigay ng talumpati ng tagapagsalita ay kung anong mga


benipisyong makukuha sa proposisyong pinagtatalunan.

b. Practicability – ibinibigay ng talumpating tagapagsalita kung bakit possible ba o


praktikal na maisakatuparan ang hinihingi.

PAHINA 76
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
c. Necessity – ang ibinibigay ng talumpating tagapagsalita ay hinihingi ng sitwasyon
bilang kailanagn at tunay na solusyon.

DAPAT TANDAAN SA PAGTATALO

1. Kailangan magkaroon ng isang kapasyahan o oposisyon na nakasaad sa isang


positibong pahayag.

2. Isalang-alang ang antas ng pang-uunawa ng mga nakikinig.

3. Kailangan may katumbas na katibayan ang lahat ng katwiran at ito ay nakahalad sa


isang maayos na pagpapahayag.

4. Ilahad nang maayos at mahinahon ang mga mali sa katwiran at kalaban

5. Ipaliwanag ang mga kahinaan ng mga ebidensya o patunay na inilahad ng kalaban

DAPAT TANDAAN SA PAGTATANONG

1. Huwag hayaan magamit ng iyong kalaban ang oras ng iyong pagtatanong.

2. Ang tanong ay dapat nasasagot lamang sa OO o HINDI.

3. Ibigay lamang ang sagot sa hinihingi ng tanong.

4. Ipaalam sa tagapamahala ng pagtatalo kung lumabag sa itinakdang pamantayan ng


pagtatanong ang isa sa kanila.

5. Ang mga tanong ay nauukol lamang sa paksang pinagkasunduan.

MGA KATANGIANG DAPAT TAGLAYIN NG ISANG MAHUSAY NA DEBATER

Ang mga sumusunod ay mga karaniwang pinagbabasehan ng mga hurado sa pagiging


mapanghikayat kaya’t kailangang isaalang-alang ng isang debater.

1.Nilalaman – Napakahalagang may malawak na kaalaman ang isang debater patungkol


sa panig na kanyang ipinagtatanggol at maging sa pangkalahatang paksa ng debate.
Kailangan niyang magkaroon sapat na panahon upang mapaghandaan ang sandaling ito
at kasama sa paghahanda ang malawak na pagbabasa, pananaliksik at pangangalap ng
datos at ebidensya tungkol sa paksa upang magbigay ng bigat at patunay sa
katotohanan ng kanyang ipinahahayag.

PAHINA 77
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
2.Estilo – Dito makikita ang husay ng debater sa pagsasalita, sa pagpili ng tamang
salitang gagamitin, at sa kaangkupan ng pagbuo niya ng mga pangungusap na kanyang
babanggitin sa debate. Papasok din dito ang linaw at lakas o taginting ng kanyang boses,
husay ng tindig, kumpiyansa sa sarili, at iba pa.

3.Estratehiya – Dito makikita ang husay ng debater sa pagsalo o pagsagot sa mga


argumento, at kung paano niya maitatawag ng pansin ang kanyang proposisyon. Dito rin
makikita kung gaano kahusay ang pagkakahabi ng mga argumento ng magkakagrupo.
Mahalagang mag-usap at magplano nang maigi ang magkakagrupo upang ang
babanggiting patotoo o pagpapabulaan ng isa ay susuporta at hindi kokontra sa mga
sasabihin ng iba.

Narito ang halimbawa ng pagtatalo patungkol sa mga napapanahong usapin.

PAKSA:

Upang Makaahon sa Hirap, Alin ang Mas Dapat Unahin:


PAGTATRABAHO o PAG-AARAL?

Lakandiwa: Sa lahat ng nangarito sa aking harapan Sa mga guro, magulang,


estudyante’t kabataan Isang mapagpalang araw po, mga kaibigan Ang makita’t
makasama kayo’y isang karangalan

Kaming inyong mga lingkod, dito sa tanghalan Ay magbibigay linaw sa isyung


pagtatalunan Magiliw na inihahandog ang isang balagtasan Upang maipamalas ang
husay sa pangangatwiran

Paksa natin ngayo’y ordinaryo’t luma na Ngunit karaniwang pinagmumulan ng mga


dilemma ng ating mga kabataang hitik sa problema Lalo na yaong mga kapus-palad sa
pera

Alin nga ba ang mas dapat pagtuunan ng pansin Upang makaahon sa kahirapan, alin
ang uunahin Ngayong araw ay ating titimbangin Dalawang papipilian, ating titimbangin

Sa ating pagsisimula, narito sa aking gawing kanan Tagapagtanggol ng edukasyon,


binibining makatwiran “Pag-aaral muna” ito ang kanyang ipaglalaban Ang mas dapat daw
unahin higit sa anupaman.

PAHINA 78
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
Pag-aaral: Pagkat ako’y lumaki at nahubog sa paaralan Naniniwala akong edukasyon
ang dapat pagtuunan Higit na bigyang pansin bago ang pagkakakitaan Pagkat sa
panahon ngayon, dapat ay may pinag- aralan

Ako nga po pala ang inyong butihing lingkod Antonette Franco po, pag- aaral ang
ikakayod Samahan ninyo akong itatak ng buong lugod Ang mga kaisipang sasambitin, sa
inyong diwang pagod

Lakandiwa: Ayan mga kaibigan, inyo nang nasilayan Anyo ng unang makata dito sa
labanan
Kilalanin naman natin ngayon, pangalawang makikipagtagisan “Trabaho Muna” ang sagot
niya sa kahirapan

Pagtatrabaho: Bago ang lahat, nais ko munang magpugay Sa mga nangarito’y binabati
ko ng magandang buhay Sa mga ganitong paksa, wala ng dapat pang pag- usapan
Pagkat maliwanag pa sa sikat ng araw, trabaho ang kailangan

Upang makaahon sa hirap, Reina Franco nga po pala Panig sa pagtatrabaho upang
makaipon ng pera Sa tulad nating mahihirap, di nga ba’t mas praktikal pa? Ang
makahanap agad ng trabaho para sa pamilya.

Lakandiwa: Ngayon nagpakilala na ang magkabilang panig Inyo nang nasilayan ang
kanilang unang tindig Kaya’t di na natin patatagalin pa, tensyon sa paligid Atin nang
simulan balitaktakang may himig

Nawa’y kayong lahat ay mataimtim na makinig Upang maunawaan ipinaglalaban ng


bawat panig Limiing mabuti ang bigat ng bawat tinig At mga gintong kaisipa’y iukit na sa
dibdib.

Pag-aaral: Pag-aaral muna ang dapat pagtuunan Kapag may pinag-aralan, trabaho’y
madali lamang Di nga ba’t edukasyon raw ang susi sa kaunlaran? At upang magkaroon
ng magandang kinabukasan

Mga pangarap ay madali nang matutupad Kung bawat isa’y pag-aaral ang inaatupag Sa
tulad nating mahirap, di na dapat pang matulad
Sa mga nagtrabaho agad ngunit di naman umunlad

Sa panahon ngayon, diploma ay kailangan Upang makuha ng trabaho, iyon na ang


batayan Pagkat mas lamang, ang may malawak na karunungan At yaong nahasa ng
husto sa wastong kasanayan.

PAHINA 79
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
Paano ka magtatrabaho kung wala kang nalalaman? Makapasok ka man ngunit pawing
mga panandalian lamang. Trabahong mahihirap at walang kasiguraduhan At tiyak walang
mararating ang iyong pinaghirapan

Mas mabuti pa kung ika’y nagtiyaga at nagtanim Pagkat kalaunan iyo ring aanihin Bunga
ng pinaghirapan di ka bibiguin Kaya’t sa kahirapan ay makakaahon rin.

Pagtatrabaho: Paano naman yaong kapus-kapalaran? Ni hindi nga natutustusan ang


mga pangangailangan Paano pa kaya ang mga gastusin sa paaralan Mas mabuti pang
magtrabaho nang may pagkakitaan

Ang mga pangarap ay ‘di naman natutunaw Ang paaralan, hindi ka naman tatakasan
Ngunit ang mga gastusin sa pang-araw araw Iyan ang problema sa kasalukuyan.

Mga karunungang iyong ipinagmamalaki Hindi lang naman yan sa paaralan mahuhuli
Maraming paraan upang ika’y maging intelehente At samahan na rin ng ibayong
pagpupursige.

Nag-aaral ka nga ngunit di naman matiyaga Maalam ka nga ngunit di naman hinahasa
Mas mabuti pa ang magtrabaho nang may mahita Inaalam mo pa lang, akin nang
ginagawa.

Lakandiwa: Pahiram muna ng sandali mga kaibigan kong makata Hinga-hinga muna ng
malalim at baka magkahika Pareho naman kayong may katwiran ukol sa paksa
Kaya’t nasa inyong dalawa ang aking lubos na paghanga

Paninindigang matatag tila di yata matitibag Mga puntong magagaling, bubuyog na


mabibihag Mga tagapakinig na sa katotohana’y di bulag Maaakit sumang-ayon kahit sa
kaloobay labag.

Pag-aaral: Ngunit paano ka uunlad sa mga pipitsuging trabaho? Natanggap ka nga


ngunit bilang service crew Magkano na lang ba ang sasahurin mo? Kung puro pang-
animang buwan lang ang kontrata mo.

Ang punto ko lang naman ay iyong pag-isipan Kapag propesyonal ka’y mas maganda
ang kinabukasan Permanente ang trabaho kung may pinag-aralan At di ka basta basta
masisipa nang among mayaman.

Kapag di ka nagtapos at nagtrabaho agad Kahit tumambling ka pa’y di ka uunlad


Kakarampot na kita, yan lang ba ang iyong hangad? Mangangarap ka rin lang ba’t di pa
isagad?

PAHINA 80
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
Kung panustos lang ang iyong katwiran Problema sa salapi’y medaling solusyunan
Maraming mga tao na yan din ang pinagdaanan Ngunit nagtapos pagkat diskarte lang
ang kailangan

Pagtatrabaho: Diskarte! Yan ang narinig kong sinambit mo. Sa palagaymo ba’y hindi yan
ang ginagawa ko? Kaya nga magtatrabaho upang mabuhay sa mundo At nang makapag-
impok, ‘trabaho agad’ ang diskarte ko.

Maraming nakapag- aral na ngayon ay namomroblema Walang trabaho at sa bahay ay


tambay muna May diploma nga ngunit di naman nakakapasa Tinalo pa ng mga walang
pinag-aralang kakompetensiya

Oo, ikaw nga’y armado ng kaalaman Ngunit mas pinipili pa rin ang may karanasan
Pagkat tayong mga tao, natututo di lamang sa paaralan Maging sa labas, maraming
matututunan

Sinabi mong di uunlad yaong di nakapag-aral? Buksan mo iyong mga mata at magmasid
sa kapaligiran Hindi mo ba nakikita na ngayo’y mas nakakaangat pa sa buhay Mga taong
nagsimula sa mababa ngunit kalauna’y nagtagumpay

Maraming nakapagtapo na di sapat ang kaalaman Ni hindi alam kung aling deriksyon ang
pupuntahan Diplomang papel tangi lamang pinanghahawakan Na wala ring halaga sa
gunting ng kaalaman.

Lakandiwa: Bakit ganun? Ako yata’y mas lalong nalito Tila gusto kong lagnatin sa init ng
pagtatalo. Ramdam na ramdam ko bigat ng bawat punto Magkaibang katwiran, hugot
mula sa puso

Pag-aaral: Kaalamang natutunan mula sa pag-aaral Maaari pang ipagsanggalang sa


lupit ng buhay Sa mga pang-aapi’y di basta basta bibigay Pagkat alam ng mabuti kung
saan lulugar

Mga di nakapag-aral at nagtrabaho agad Inaapi- api at yuko ulo kung maglakad Sa utos
ng iba ay agad agad pumapayag Pagkat kalakaran sa mundo sila ay bulag.

Pagtatrabaho: Ngunit pakatandaan, hindi lahat ay mangmang May mga taong di


nakapagtapos ngunit patuloy ang laban Sa buhay ay nanagana at kahit walang
pinagaralan Pagkat sipag at tiyaga ang ipinuhunan

PAHINA 81
MODYUL SANAYSAY AT TALUMPATI
Kaya ka rin lang nag-aaral ay upang makapagtrabaho At mabilis na makaahon sa hirap
ng buhay sa mundo Ki mag-aral ki magtrabaho, ang hahantunga’y pareho Kaya’y bakit pa
mag-aaral kung yun lang din ang dulo?

Pag-aaral: Ngunit aking katunggali, nais ko lamang ipaalala Na kapag nakapagtapos ka’y
pag-asenso’y sigurado na Mas mataas na posisyon, mas malakas ang kita Na ibig
sabihin, magandang kinabukasa’y abot kamay na.

Sa konting panahon lamang na gugugulin Magastos man sa turing kahit pa balibaliktarin


Maliit na ipinuhunan, triple ang balik sa atin Sakripisyo ng pamilya’y masusuklian din.

Pagtatrabaho: Di nga ba’t sakripisyo rin ang pagtatrabaho muna? Isinakripisyo ang pag-
aaral para din sa pamilya Ngunit mas nakapag-impok at sa buhay ay nanagana Umahon
sa kahirapan at buhay ay nag-iba

Kung uunahin ang pag-aaral, wala namang mahihita Pagkat araw araw ay sa gastusin
mamomroblema Ni walang panlaman sa tiyan pagkat walang kuwalta Maapektuhan ang
lahat pati pokus sa ginagawa

Lakandiwa: Matapos ninyong mapakinggan ang dalawang makata Nasa inyong mga
kamay ang paghatol ng pasya Tayog ng katwiran ay hindi maisasansala Parehong may
punto na makaahon sa dalita

Mga binitiwang salita nawa’y maging inyong gabay Lalo na ng mga kabataan sa
pagdedesisyon sa buhay Pagkat iyon ang inyong susi sa pagkamit ng tagumpay At sa
patuloy na pagkapit sa baging na matibay

Hanggang dito na lamang mga kaibigan Pansamantala’y kami muna’y magpapaalam


Nawa’y nagustuhan munti naming pagtatalo Magandang araw po’t sumainyo ang buhay
ng kasaganaan.

https://panitikanblog.wordpress.com/2016/05/07/debate-o-pakikipagtalo/
https://www.haikudeck.com/pagtatalo-o-debate-education-presentation-ALOWAC2BnO
Pamahayagang Pangkampus ng Bagong Milenyo,| Ceciliano Jose-Cruz,Rex Bookstore, 2003

PAHINA 82

You might also like