You are on page 1of 9

MASINING NA PAGPAPAHAYAG

MODYUL 8-PANGANGATWIRAN (ANG DEBATE O PAGTATALO)

LAYUNIN: Natutukoy ang iba’t ibang uri ng debate at naiuugnay ang sarili sa
mga kasalukuyang sitwasyon ngayon sa lipunan.

PANGANGATWIRAN
 Ang pangangatwiran ay isang uri ng pagpapahayag na ang pangunahing
layunin ay magpatunay ng katotohanan at pinaniniwalaan at ipatanggap ang
katotohanang iyon sa nakikinig o bumabasa.
 Ang isang nangangatwiran ay dapat na magtaglay ng sapat na kaalaman
tungkol sa isang paksang pinangangatwiranan.

Sa isang mabisang pangangatwiran, mahalagang isaalang-aalang ang


sumusunod:
1. Malalim na kaalaman at pagkaunawa sa paksang ipagmamatuwid.
2. Dapat maging maliwanag at tiyak ang pagmamatuwid.
3. May sapat na katwiran at katibayang magpapatunay sa pagmamatuwid.
4. Dapat ay may kaugnayan sa paksa ang katibayan at katwiran upang
makapanghikayat.
5. Pairalin ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukas na kaisipan sa
pagpapahayag ng kaalamang ilalahad.

Isang paraan upang maipakita ang kasanayan sa pangangatwiran ay ang


pakikipagdebate.

ANG DEBATE
 Ang debate ay isang sining ng pakikipagtalastasan sa pagpapahayag ng ating
saloobin, nararamdaman o paniniwala tungkol sa isang paksa, isyu o usapin.
 Ang pagtatalo o debate ay isang pormal, tuwirang pasalitang paligsahan sa
pangangatwiran ng dalawang magkasalungat na panig tungkol sa isang tiyak
na proposisyon sa isang tiyak na panahon at pagdiriwang.
 Sa debate, mayroong dalawang pangkat na binubuo ng isang pangkat na
panig sa proposisyon at isang pangkat sa oposisyon o hindi sumasang-ayon
sa proposisyon.
 Mayroon ding isang moderator na nagsisilbing tagapamagitan ng dalawang
panig at nasisigurong maayos ang magiging takbo ng debate.
 Mayroong hurado sa debate na nagsisilbing patas na tagahatol sa mga
iiwanang salita ng dalawang panig.
 Mayroon ding timekeeper na magsisilbing tagabantay ng oras upang hindi
lumagpas sa oras ang pagpapahayag ng magkabilang panig.
 Sa debate ay bibigyan ang dalawang panig ng sapat na oras upang
maihanay at mailatag ang kanilang mga salita at punto. Bibigyan din sila ng
oras para banggain ang mga salitang sasabihin ng kanilang katunggali.
Paghahanda sa Pagtatalo
1. Kailangang may isang paksa o proposisyong pinagtatalunan. Ito ay isinasaad
sa isang paturol o pasalaysay na pangungusap na may tapik at panaguri.
Kailangang ito ay may isang paksa lamang, malinaw, tiyak, napapanahon at
maluwag na maaaring pagtalunan. Narito ang halimbawa:
A. Pasyahan, na ang karunungan ay higit na mahalaga kaysa kayamanan.
B. Pasyahan, na gawing legal ang prostitusyon sa Pilipinas.
2. Bigyang katuturan o liwanagin ang mga termino sa proposisyon.
3. Magtipon ng mga patunay na suporta sa magkasalungat na pananaw.
4. Pag-aralan ng dalawang panig ng proposisyon. Kailangang pag-aralan at
paghandaan ang panig ng katunggali. Sa ganito, handang harapin at sagutin ang
pangangatwiran ng katunggali.
5. Sa pagpili ng awtoridad, kilalanin at gamitin ang pahayag ng isang eksperto,
yaong may mataas na pinag-aralan o kilala sa mga bagay na pinatotohanan.
6. Tungkol naman sa pagtatanong ay narito ang dapat sundin.
a) Tanong na nasasagot ng “Oo” o “Hindi” lamang ang dapat itanong.
b) Magtanong tungkol sa talumpating kabibigay ng sinundang salita.
c) Hindi dapat magtanong ang dalawang tagapagsalita sa iisang
tagapakinig.
d) Huwag pahintulutang magtanong sa kaniya ang kalaban kung siya
ang nagtatanong.
7. Tungkol sa pagtuligsa
A. Ipahayag ang mga kamalian o kahinaan ng kalaban.
B. Ilahad ang mga walang katotohanang sinabi ng kalaban.
C. Talakayin ang mga kahinaang katibayan ng kalaban.
D. Ipabatid na wala sa paksa ang mga patunay at katwiran ng kalaban.
E. Lagumin ang mga sariling katwiran at patunay sa sariling katwiran.
8. Dapat ihanay ng pabalangkas ang lagom ng mga matuwid. Ito’y binubuo ng
tatlong bahagi: Panimula, Patotoo at Kongklusyon.

A. MGA URI NG PAGTATALO


Ang di-pormal na pagtatalo -ipinaliliwanag ng tagapangulo ang paksang
pagtatalunan at saka binubuksan ang pagtatalo. Malayang makatitindig ang
sinumang handang magmatuwid. Kapag may nagkasabay sa pagtayo, ang
tagapangulo ang magpapasya kung sino sa kanila ang papayagang mangatwiran.
Kalimitan, ang unang tumindig sa kanila o ang pinakamatanda ang kinikilala ng
tagapangulo. Malaya siyang makapagsalita sang-ayon man o salungat sa
itinakdang oras lamang upang makapagsalita ang pagbobotohan o pagpili.

Ang paraang Oregon- Oxford -maaaring dalawa o tatlo ang tagapagsalita ng


bawat panig, kung dalawa ang tagapagsalita sa bawat panig. Narito ang
pagkakasunod-sunod:
Unang Sang-ayon - magsabi ng unang sang-ayon
Pangalawang Salungat - magsasabi ng ganap na paliwanag para di-
sumang-ayon
Pangalawang Sang-ayon - magtatanong sa pangalawang salungat.
Unang Salungat - manggagawad ng ganting matuwid sa talumpati.
Unang Sang-ayon - magtatapos sa pagtatalo sa pamamagitan ng ganting
matuwid sa talumpati.
Ang Paraang Lincoln-Douglas- may tag-iisang tagapagsalita sa bawat panig.
Unang magsasalita ang tagapagsalita sa panig ng sang-ayon. Maglalaan naman
ng ganting matuwid o pagpapabulaanan ng unang tapos, magbibigay ng
pagbubuod ang bawat panig, sa ganun ding kaparaanang sunud-sunod.

Ang Balagtasan at Batutian - ang mga ito ay uri ng pagtatalong patula na


may sukat at tugma. Kadalasang pinapaksa sa mga ito ang hinggil sa suliranin o
usaping panlipunan. Maaaring dalawa o higit pang dalawang bilang ang panig sa
pagtutunggali. Maingat ang mga pananalitang ginamit dito.

B. KATANGIAN NG MGA TAGAPAKINIG / AWDYENS


Sinasabing ang awdyens ay grupo ng mga tao na sumasailalim sa pormal na
kondisyon para makinig sa isang tagapagsalita. Ang salitang awdyens ay
kumakatawan sa grupo o pangkat ng mga tagapakinig. Ang mga taong
nanonood ng mga silent motion pictures ay tinatawag na spectator ngunit ang
taong nanonood sa play o speech ay ang awdyens.
Una, ang awdyens ay nag-iisip o kumikilos mag-isa at hindi pangkatan. Ang
tagapagsalita ang sentro ng kaisipan ng awdyens, kaya sa kaniyang pagsasalita
ang tagapagsalita ay gumagawa ng pakikiisa sa isip ng awdyens.
Pangalawa, ang awdyens ay bumubuo ng maayos na kapaligiran sa
pamamagitan ng self - restraint. Kung ang isang miyembro ay magiging maingay
o walang galang , ang miyembro ay kadalasang pinagsasabihan sa maayos na
kaparaanan sumasang-ayon sa nakayarian.

Pangatlo, ang awdyens ay may sapat na kaalaman, iba-iba man ang


pananaw ngunit ang iisipin nila ay iisa. Batid din ng awdyens ang kanilang -kuro
sa huli, bagamat ang ilan dito ay sumang-ayon.

Pang-apat, ang awdyens ay nag-uusap kasama ng tagapagsalita. Ang


kasama ng tagapagsalita ay sumasabay sa reaksyon ng mga awdyens.

Ang isang matagumpay na tagapagsalita ay umaayon kung gaano kakilala ng


mga tagapagsalita ang awdyens, ang kanilang kakayahang humusga at bumuo.
Kapag hinihingi ng pagkakataong mapag-isa ng tagapagsalita at ang
damdamin ng tao sa gayon ay sang-ayon ang lahat. Paano gagawin ng
tagapagsalita na mapag-isa ang kanilang desisyon at pananaw? Hindi naman
maaaring sabihin na “ngayon kayong lahat ay sang-ayon at payag sa naging
bunga” kinakailangan na marunong ang tagapagsalita na magdala ng salita na
magbibigay motibo sa pagbabago ng kanilang pananaw.
Makatutulong ang kaalaman sa damdamin ng tao sa pamamagitan ng
pagsasaayos ng tagapagsalita ng speech. Itinuturing itong isa sa mga
pinakamahalaga upang maging matagumpay ang speech.

Narito ang mga sumusunod na makaaapekto sa kilos ng mga awdyens.

1. Halaga sa sarili - ipadama sa mga awdyens na para sa kanila ang speech at


maimulat nila na mahalaga sila sa tagapagsalita.
2. Lakas - ang tagapagsalita ay nararapat lamang maging malakas sa harap ng
awdyens dahil dito rin kukuha ng lakas ang awdyens.
3. Reputasyon - ang tagapagsalita ay dapat lamang na may malinis at maayos
na pangalan sa harap ng awdyens dahil kung walang reputasyon ang
tagapagsalita, mawawalan ng gana ang mga awdyens na makinig.
4. Kahalagahan - alam dapat ng tagapagsalita kung anoa ng mga bagay na
mahalaga sa awdyens.
5. Panlasa - gusto ng mga awdyens na madaling makuha ang kanilang loob sa
pamamagitan ng pagpapakita ng tagapagsalita ng kanilang gusto.
6. Pagmamahal - ang pinakamahalaga sa speech dahil ito ang nagpapadama sa
awdyens na kailangan nilang makinig. Dahil ang pagsasalita ay nangunguna
sa buhay ng tao, ang direktang tinatanggap ng isang tagapakinig,
kinakailangang pag-aralan ng awdyens at alamin ang sining ng sikolohiya
niyo.

GAWAIN 1
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

1) Ano ang mga bagay na dapat isaalang-alang sa isang mabisang


pangangatwiran?

Mga bagay na dapat isaalang alang sa isang mabisang pangangatuwiran ay


alamin at unawain ang paksang ipagmamatuwid, dapat maging maliwanag at
tiyak, sapat na katwiran at katibayang makapagpapatunay, dapat may
kaugnayan sa paksa ang katibayan at katwiran upang makapanghikayat, pairalin
ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukas ang isipan sa pagpapahayag ng
kaalamang ilalahad at tiyaking mapagkakatiwalaan aqng mga ilalahad na
katwiran.

2) Paano isinasagawa ang isang masining na pagtatalo?

Ang debate o pakikipagtalo ay isang pormal na pakikipagtalong may


estruktura at sistemang sinusundan. Isinasagawa ito ng dalawang grupo o
indibidwal na may magkaslungat na panig tungkol sa isang partikular na paksa;
ang dalawang panig ay: Ang proposisyon o sumasasang-ayon, at ang oposisyon
o sumasalungat. May isang moderator na magiging tagapamagitan upang
matiyak na magiging maayos ang daloy ng debate at igagalang ng bawat
kalahok ang tuntunin ng debate. Pagkatapos ng debate, may mga huradong
magpapasiya kung kaninong panig ang higit na nakapanghikayat o mas kapani-
paniwala. Ang mga hurado ay dapat walang kinikilngan sa dalawang panig at
kailangang nakaupo nang magkakalayo sa isa’t-isa at hindi mag-usap-usap bago
magbigay ng kani-kanilang hatol upang maiwasang maimpluwensiyahan ang
hatol ng isa’t-isa.
  Ang debate ay hindi katulad ng mga ordinaryong argumento. Sa
pakikipagtalong ito, ang bawat kalahok ay binibigyan ng pantay na oras o
pagkakataon upang makapaglahad ng kani-kanilang mga patoo gayundin ng
pagpabulaan o rebuttal. May nakatalaga ring timekeeper sa isang debate upang
matiyak na masusunod ng bawat tagapagsalita ang oras na laan para sa kanila.
Karaniwang ang paksa sa isang debate ay ibinibigay nang mas maaga upang
makapaghanda ang dalawang panig para sa kani-kanilang mga argumento.
3) Ano ang layunin ng pangangatwiran? Bakit mahalagang matutuhan ito?

Ang layunin ng pangangatuwiran ay kumbinsihin ang oposisyon na tama ka.


Kapag ang dalawang panig aynagkasundo sa paksao kapag ang mga
argumentong isang panig ay mas kapani-kapaniwalakaysa sa kabilang panig iyon
ay kapag ang debate ay magtatapos. Ito ay mahalagang pag aralan kahit sa
anong antas dahil ito ay kapaki pakinabang na kasanayan para sa iba pang mga
gawaing pang akademiko at sa buhay pangkalahatan. Natututo tayong
ipaliwanag ang ating mga sariling ideya at tasahin ang ibat ibang pananaw,
maging sa debate round, political discussion, classroom o sa nakasulat na
sanaysay.

4) Naranasan mo na bang lumahok sa isang debate? Kung oo, ano-ano ang ang
mga katangiang dapat taglayin ng isang taong lalahok sa gawaing ito?

Oo naranasan kunang sumali sa mga patimpalak na debate at ang mga


dapat tandaan at taglayi ng isang kalahok ay ang; nilalaman –
Napakahalagang may malawak na kaalaman ang isang debater patungkol sa
panig na kanyang ipinagtatanggol at maging sa pangkalahatang paksa
ng debate. Kailangan niyang magkaroon sapat na panahon upang
mapaghandaan ang sandaling ito at kasama sa paghahanda ang malawak na
pagbabasa, pananaliksik at pangangalap ng datos at ebidensya tungkol sa
paksa upang magbigay ng bigat at patunay sa katotohanan ng kanyang
ipinahahayag; Estilo – Dito makikita ang husay ng debater sa pagsasalita, sa
pagpili ng tamang salitang gagamitin, at sa kaangkupan ng pagbuo niya ng
mga pangungusap na kanyang babanggitin sa debate. Papasok din dito ang
linaw at lakas o taginting ng kanyang boses, husay ng tindig, kumpiyansa sa
sarili, at iba pa; at
Estratehiya– Dito makikita ang husay ng debater sa pagsalo o pagsagot sa
mga argumento, at kung paano niya maitatawag ng pansin ang kanyang
proposisyon. Dito rin makikita kung gaano kahusay ang pagkakahabi ng mga
argumento ng magkakagrupo. Mahalagang mag-usap at magplano nang
maigi ang magkakagrupo upang ang babanggiting patotoo o pagpapabulaan
ng isa ay susuporta at hindi kokontra sa mga sasabihin ng iba.

GAWAIN 2
Panuto: Panoorin ang video patungkol sa isang debate. Sumulat ng iyong
reaksyon patungkol sa napanood mong video. I-click ang link na ito.
https://youtu.be/CqZ-xmE_tGA

Isulat ang iyong reaksyon sa loob ng kahon.

*Gabay sa pagsulat ng REAKSYON SA VIDEO


1. Anong uri ng debate ang iyong napanood?
2. Paano sinimulan ang pagdedebate?
3. Sino-sino ang mga kabilang sa isinagawang debate?
4. Maayos ba ang daloy ng kanilang pagdedebate?
5. Ano-ano ang mga prosesong isinagawa para sa matagumpay na pagdedebate.

Debate patungkol sa Divorce

Ang debate na ginanap sa Rizal High School ay patungkol sa kung


sang-ayon o di sang-ayon sa pagsasabatas ng Divorce dito sa Pilipinas.
Ang dalawang grupo ay may tag tatlong miyembro na nanggaling din sa
paaralang Rizal.

Sa aking pagkakaintindi gumamit sila ng Paraang Oregon- Oxford at Di-


pormal na pangangatuwiran na paraan. Ang mga kalahok sa sang ayon
na grupo ay sina Janine, Norlie at Jess samantalang sa di sang ayon sa
pagpapatupad na grupo ay sina Erica, Josh at Tanya. Sinimulan ang
debate sa pamamagitan ng paglalapag ng mga tanong mula sa host, dito
sasagutin at naglalapag ng mga ebidesya at sources ang sang ayon na
grupo. Pagkatapos magsalita ay susunod naman ang di sang ayon na
grup na sasagutin ang mga linapag na ebidensya ng kabilang grupo at
vice versa na. Pagkatapos ng round na ito ditto ay nagtanong na ang
mga awdyens patungkol naman sa saloobin nila sa dalawang grupo.

Sa simulang debate ito ay maayos at naibigay ang mga


impormasyon ng maayos at maliwag. Maganda ang estratahiya ng
dalawang grupo dahil sila ay nagpakita na palaban at di sila aatras.
Maganda ang daloy nito dahil ang lahat ay nakakasagot at may oras na
nakalaan para sa kanilang lahat. Ang proseso na ginamit nila na
napansin ko para magkaroon sila ng tagumpay na pangangatuwiran ay
ang pagbibigay ng mga mapagkakatiwalaang sources at ang pagbibigay
nila ng mga sagot na di lumalalyo sa Divorce.

Ang dalawang grupo ay nagbigay ng magandang debate na mahirap


piliin kung sino ang nanalo. Ngunit sa aking palagay at nakita ang
grupong sang ayon sa pagpapatupad ng divorce ang mas nagbigay linaw
at nagkaroon ng maayos na pagbibigay ng impormasyon ang nanalo
saakin.
Pamantayan sa Pagsulat ng Reaksyon sa Video (20 puntos)
Gumamit ng tamang bantas at wastong mga salita -5 puntos

Maayos ang paglalahad ng mga ideya na may kinalaman sa napanood -5 puntos

Nasagot nang mahusay ang mga gabay na tanong sa pagsulat ng reaksyon -10
puntos

GAWAIN 3
Panuto: Ipagpalagay na ikaw ay sang-ayon sa “Mandatory Vaccination”.
Pangatwiranan ang iyong pagsang-ayon patungkol sa nasabing paksa. Maaaring
maglatag ka ng iyong mga ebidensya o mga pahayag ng mga kilalang tao o
eksperto patungkol dito upang mas kapani-paniwala at kahanga-hanga ang iyong
pangangatwiran. Isulat ang iyong katwiran sa nakalaang espasyo sa ibaba.

Mandatory vaccination
Ang pagbabakuna na dapat imandatory ay isang bagay na
matagal nang pinagtatalunan. Ang pagbabakuna laban sa Covid-19
ay nakikita bilang isang ruta pabalik sa normalidad ayon sa World
Health Organization, isang pagtakas mula sa kasalukuyang mga
paghihigpit na katulad hindi tayo makikipagkamay, yakapin ang
mga mahal sa buhay o malayang maglakbay.

Sa panig ng gustong ipabasatas ang mandatory vaccination ay


ang mga nagsasabing ang batas ay nagkaroon ng malaking epekto
sa iba pang mga lugar ng kalusugan at kaligtasan ng publiko
katulad ng smoking ban kaya bakit hindi gawin ang pareho sa
pagbabakuna. Ang pagbabakuna ay isa sa pinaka-epektibong
interbensyon para sa kalusugan ng publiko sa buong mundo, para
sa pagligtas ng mga buhay at pagtaguyod ng mabuting
kalusugan.Sa kabila ng pagdami ng kaso ng covid 19, ang
pagbibigay ng mga bakuna ay naging epektibo dahil nabawasan sa
ilang mga bansa ang kaso ng virus. Ang mga bakuna ay
naglalaman ng mahina o hindi aktibo na mga bahagi ng isang
partikular na organismo na nag-uudyok ng isang immune response
sa loob ng katawan. Ang mga mas bagong bakuna ay naglalaman
ng blueprint para sa paggawa ng mga antigens sa halip na ang
antigen mismo. Hindi alintana kung ang bakuna ay binubuo ng
antigen mismo o blueprint upang ang katawan ay makagawa ng
antigen, ang mahina na bersyon na ito ay hindi magiging sanhi ng
sakit sa taong tumatanggap ng bakuna, ngunit ito ay mag-udyok
sa kanilang immune system upang tumugon nang marami tulad ng
mangyayari sa unang reaksyon nito sa aktwal na pathogen. Ayon
sa EdWeek Research, 58 porsyento ng mga Amerikanong may
sapat na gulang ang nagsabi sa isang poll ng Gallup na inilabas
noong Nobyembre na nagsasabing epektibo at mas protektado na
sila sa COVID-19. 70 na porsyento naman ang nagpahiwatig sa
isang kamakailang poll ng EdWeek Research Center na kahit di
mandatory ang vaccination ay magpapabakuna pa rin sila.Ang isa
pang 27 porsyento ay nagsabing magpapabakuna lamang sila
kung ito ay ipinamandatory na ng gobyerno.

Ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay:

 mababawasan ang panganib ng pagkakasakit sa COVID-19


 magbibigay sa iyo ng proteksyon laban sa malubhang
pagkakasakit kung mahawahan ka ng COVID-19
 tutulong na maprotektahan ang iyong mga kaibigan, pamilya
at komunidad.

Kung karamihan sa mga tao ay nabakunahan, ang mikrobyo ng


COVID-19 ay hindi madaling kakalat. Mapoprotektahan din nito
ang mga taong di-maaaring mabakunahan.Kaya dapat isabatas
ang mandatory vaccination dahil hindi lamang ito ang susi para
tayo maging proktektado ito din ang susi para tayo ay makalaya sa
kulungang dulot nito.
PAMANTAYAN SA PAGSULAT NG PAHAYAG SA KATWIRAN (20 puntos)
Naglatag ng mga ebidensya at “citations” - 10 puntos
Maayos at organisado ang mga binuong pangungusap -5 puntos
Maganda at nakagaganyak ang pangangatwiran - 5 puntos

INIHANDA NI: BB. JULIE ANN A. CALIBUSO

You might also like