You are on page 1of 10

Artikulo 1

Pangalan at Lawak ng Saklaw


Seksyon 1 – Ang pangalan ng samahan ay
LAKAS MANGINGISDA NG BARANGAY TAMBONG (LAMBAT)
Seksyon 2 – Ang lawak ng saklaw ng samahan ay mga mangingisda na naninirahan sa Barangay
Tambong, Gloria, Silangang Mindoro.

Artikulo II
Opisyal na Lugar ng Tanggapan at Pahatirang Sulat
Ang opisyal na lugar ng tanggapan at pahatiran ng sulat ng samahan ay sa Hiraya Farm and
Resort, Sitio Agusan, Barangay Tambong, Gloria, Silangang Mindoro.

Artikulo III
Adhikain ng Samahan
Na ang aming adhikain ay ang makabuo ng isang samahan ng mga mangingisda na naglalayong
mapaunlad ang kabuhayan ng bawat pamilya sa aming Komunidad sa pamamagitan ng
pagkakaisa at pagtululungan gamit ang aming lakas o kakayahan sa pangangalaga ng Inang
Kalikasan na nakaugat sa aming malalim na pananampalataya sa Manlilikha.
Artikulo IV
Layunin at Kadahilan
Seksyon 1 – Ang mga layunin at kadahilanan ng pagtatag ng samahan ay ang mga sumusunod:
1. Pag-aaral at Pagsasabuhay ng Salita ng Diyos.
2. Paunlarin ang kaalaman sa pangangalaga sa Kalikasan.
3. Patibayin ang ugnayan ng mga kasapi.
4. Alagaan at protektahan ang mga yamang dagat, Marine Protected Areas (MPA) at beach
forest.
5. Paglilinis nang regular sa mga baybaying dagat.
6. Pakikisangkot na may malasakit ng mga kasapi sa mga gawain ng Samahan.
7. Pagbibigay tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa Komunidad.

Artikulo V
Kasapian
Seksyon 1 – Ang kasapian ay bukas sa lahat ng mangingisda na naninirahan sa Barangay
Tambong, Gloria, Silangang Mindoro, nasa tamang edad at may kakayahang
makipagkasundo, makipagtulungan at mapaunlad ang buhay at kabuhayan ng bawat kasapi
ng Samahan.
Seksyon 2 – Paghahangad ng Pagsapi
1. Ang isang tao na naghahangad na sumapi sa samahan ay nararapat magpakita ng
kanyang hangarin sa pamamagitan ng pagsulat ng aplikasyon na isusumite sa kalihim ng
samahan. Ang aplikasyon ay isusumite ng kalihim sa mga halal ng pinuno upang
pagtibayin.
2. Ang aplikasyon ay nararapat na pagtibayin ng mga halal ng mga pinuno na ipababatid sa
aplikante ang desisyon.
Seksyon 3 – Tungkulin at Responsibilidad ng isang Kasapi.
Ang isang kasapi ay may tungkulin at responsibilidad gaya ng sumusunod:
a. Sumunod at gawin ang mga ipinag-uutos ng Alituntuning Panloob, pinagbabawal at
kautusan at sa mga patakaran ng samahan.
b. Dumalo sa lahat ng pagpupulong at aktibidad ng kasapian.
c. Magbigay ng halagang P100.00 sa pagsapi sa samahan at magbayad ng buwanang
butaw na nagkakahalaga ng P50.00 pesos at iba pang mga bayarin sa samahan.
d. Itaguyod ang layunin at kadahilanan ng pagbuo ng samahan.
Seksyon 4 – Karapatan ng Kasapi
Ang isang kasapi na may karapatang bumoto ay may mga sumusunod na karapatan.
a. Makilahok sa talakayang sa mga pagpupulong ng kasapian;
b. Bumoto sa mga paksa na pagbobotohan sa mga pagpupulong
c. Maghangad ng mga inihahalal na tungkulin sang-ayon sa mga probisyon ng Alituntuning
Pangloob, kautusan at patakaran ng samahan.
d. Gumamit ng kahit anong paglilingkod ng samahan matapos masunod ang mga
kondisyon at kailangan dito.
e. Siyasatin ang mga tala at talaan ng pananalapi ng samahan sa panahon na bukas ang
tanggapan.

Ang isang kasapi ay mabibigyan ng karapatang bumoto kung siya ay:


1. Nakikilahok sa pag-iimpok upang magamit na puhunan ng samahan.
2. Nakikilahok sa mga gawain ng samahan na ang isang kasapi ay kinakailangang
makilahok.
3. Hindi lumabag sa mga itinakda ng Alituntuning Panloob, mga tuntunin, pagbabawal at
patakaran ng samahan.
4. Sumunod sa mga pananagutan, tungkulin at mga gawain ng kasapian.

Seksyon 5 – Pagtatapos at Pagtigil ng Pagkakasapi


Ang pagtatapos ng Pagkakasapi ay maaring kusang-loob na pagbibitiw o sapilitang pagtatapos.
Ang pagkamatay, pagkabaliw o panghabangbuhay na pagkawala ng kakayahan upang
makaganap sa tungkulin, pananagutan at mga gawain at paglipat ng tirahan ng samahan ay
dahilan ng sapilitang pagtatapos ng pagkakasapi.
Ang isang kasapi na kusang-loob na nagbibitiw sa pagkakasapi ay nararapat na magbigay ng
sulat-pagbibitiw sa kalihim na ipapasa sa mga halal na namumuno upang pagtibayin. Ang mga
kasaping kusang nagbibitiw ay nararapat na walang pananagutang pananalapi o anupaman sa
samahan upang mapagtibay ng lupon.
Mga kadahilanan sa sapilitang pagtatapos ng pagkakasapi:
a. Lumabag o Lumalabag sa alituntuning pangloob, mga tuntunin, kabawalan at patakaran
ng samahan.
b. Hindi dumadalo sa mga pagpupulong at gawaing ng kasapian. Ang bilang na di pagdalo
ay naitakda na hindi lalagpas sa tatlong (3) beses kahit ano ang kadahilanan. Maari muli
maghangad ng pag-sapi sa samahan pagbabayarin ng multa sa halagang Dalawang
Daang Piso (Php 200.00)
c. Gumawa o gumagawa ng mga bagay na lubhang nakasisira sa samahan, sa mga halal na
namumuno at sa mga nakararaming kasapi ng samahan.
d. Ang sapilitang pagtatapos ng kasapi ay pagtitibayin ng mga halal na pinuno ng samahan
sa pamamagitan ng nakakaraming boto matapos marinig ang panig ng kasapi.

Artikulo VI – Pagpupulong
Seksyon 1 – Taunang Pagpupulong ng Kasapian
Ang taunang pagpupulong ng kasapian ay pagpasiyahan ng mga opisyal ng samahan subalit ito
ay nararapat gawin sa buwan ng Pebrero kada Taon.
Seksyon 2 – Ang Di-karaniwang Pagpupulong ng kasapian ay maaring ipatawag ng mga opisyal
ng samahan kung kinakailangan o sa kahilingan ng ikatlong dami ng kasapian.
Seksyon 3 – Paunawa o Paanyaya sa Pagpupulong
Ang paunawa o paanyaya sa pagpupulong ng kasapian ay maaring gawing ng Kalihim sa
pamamagitan ng sulat – paanyaya na may katunayan ng pagtanggap o sa pamamagitan ng
pasalitang pasabi subalit nararapat na may katunayan na ang kasapi ay napasabihan.
Ang paunawa o paanyaya ay nararapat gawin isang linggo bago sumapit ang itinakdang petsa o
araw ng pagpupulong.
Seksyon 4 – Sapat na Dami ng Kasapi sa Pagpupulong o Korum
Ang sapat na dami ng kasapi sa pagpupulong o korum ay nararapat na higit sa kalahati ng
kasapian (51%) na may karapatang bumoto, maliban sa mga pagpupulong na ang
kinakailangang pagpapasiyahan ay mga bagay na kinakailangan ang higit na daming ng kasapi.
Seksyon 5 – Mga Paksang Talakayin
a. Katunayan ng pagpupulong ng paanyaya
b. Pagtawag sa mga Dumalo
c. Pagpapatunay ng sapat na dami ng kasapi sa pagpupulong
d. Pagbasa at pagpapatibay sa nakaraan katitikan ng pagpupulong ng mga kasapian
e. Di – natapos na paksa sa nakaraang pagpupulong ng kasapian
f. Ulat ng Pangulo at Ingat-yaman
g. Paghahalal at pagtatanghal ng mga halal na opisyal ng samahan
h. Iba pang paksa
Seksyon 6 – Pagboto o Paghalal
Ang isang kasapi ay may karapatan sa isang boto sa lahat ng paksa o bagay na inihain sa
kapulungan para pagbotohan at sa paghahalal ng Lupong ng Tagapamahala at mga
Tapagapangasiwa ng samahan.
Ang paghahalal sa mga Lupon ng Tagapamahala at Tagapangasiwa ay sa pamamagitan ng
pagsulat sa balota na sadyang ginawa para dito.
Ang boto ay Pangagasiwaan ng isang komite na bubuin ng mga opisyal na samahan mula sa mga
kasapian na hindi kasali sa mga inihahalal. Ito ay bubuuin ng Tagapangulo, Kalihim at isang
kasapi.
Seksyon 7 – Tagal ng Panunungkulan ng mga Nahalal
Ang mga opisyales ay manunungkulan sa loob ng dalawang taon (2) taon. Sakaling may
malubhang paglabag na nagawa, ang opisyales ay maaarig mapalitan anumang oras na naisin ng
Samahan.

Artikulo VII
Pamunuan
Seksyon 1 – Mga ihahalal na Mamumuno
Ang mga ihahalal na Mamumuno ay labing-isa (11). Sila ay ang mga sumusunod:
1. Pangulo
2. Pangalawang Pangulo
3. Kalihim
4. Ingat-Yaman
5. Tagasuri
6. Mga Mangangalakal (2)
7. Mga Tagapagbalita (2)
8. Mga Tagapamayapa (2)
Seksyon 2 – Paraan ng Paghalal
Ang mga opisyal ay iboboto ng mga kasapi. Una ay magkakaroon ng nominasyon. Pangalawa,
mula sa mga nominadong pangalan ay boboto ang lahat ng isang beses. Ang sinumang
makakuha ng majority vote ang siyang mananalo sa posisyon. Kung magkaroon ng parehong
bilang ng boto, magkakaroon muli ng botohan at ang makakakuha ng mataas na boto ang
siyang mananalo.
Seksyon 3 – Termino ng Nahalal na Opisyales
Ang mga Opisyales ay manunungkulan sa loob ng dalawang (2) taon.

Artikulo VIII
Karapatan at Tungkulin ng mga Opisyales
Seksyon 1 – Pangulo
Ang Pangulo ng samahan ang may siyang:
1. Mamumuno sa pagpupulong ng kasapian, tagapangasiwa at iba pang pagpupulong.
2. Magpapatupad ng lahat ng kapasyahan ng mga opisyal ng samahan.
3. Siya ang mamahala at mangangasiwa sa mga gawain at pagkilos ng samahan.
4. Siya ay magbibigay sa kasapian sa taunang pagpupulong ng isang buong ulat ng mga
gawain at pagpapalakad ng samahan sa kanyan panunungkulan.
5. Siya ang magtatagubilin o magrerekomenda sa mga opisyal ng samahan sa pagkakaroon
at pag-upa sa mga tauhan at kawani ng samahan.
Seksyon 2 – Pangalawang Pangulo
Ang Pangalawang Pangulo ang gaganap sa mga gawain at tungkulin ng pangulo sa mga
pagkakataon na ito ay wala o hindi makakaganap sa pasubali na sa usapin ng kamatayan,
magbibitiw, mapatalsik o panghabangbuhay na hindi makaganap sa mga gawain at tungkulin
ang pangulo, ang mga opisyal ng samahan ay maaring magpatawag ng di-karaniwang
pagpupulong ng kasapian upang maghalal ng pangulo.
Seksyon 3 – Kalihim
Ang kalihim ay ihahalal mula sa hanay ng kasapi o hirangin ng Pangulo ayon sa kapasyahan ng
kasapian. Ang kalihim ay gaganap sa mga sumusuno na tungkulin:
1. Magtala ng lahat ng katitikan ng pagpupulong ng mga halal na pinuno, pangkaraniwan at
di-pangkaraniwan pulong ng kasapian at iba pang mga pagpupulong ng samahan.
2. Magtaglay ng buo at hustong talaan ng mga kasapi at buo, husto at tamang tala ng
lahat na pagpupulong ng mga halal na pinuno, kasapian at ng samahan.
3. Magpadala ng paunawa o paanyaya sa mga pagpulong.
4. Ilipat sa kanyang kapalit o kahalili ang lahat ng aklat, tala, at mga pag-aari ng samahan
na nasa kanyang pag-iingat.
5. Gumanap sa tungkuli ng ingat yaman sa mga pagkakataon na ito ay wala at hindi
makagaganap sa tungkulin.

Seksyon 4 – Ingat-Yaman
Ang Ingat-yaman ay gaganap sa sumusunod na tungkulin.
1. Pangalagaan ang pananalapi, ari-arian at mga papeles at dokumento ng pagmamay-ari
ng samahan.
2. Magtaglay ng buo at husting tala ng lahat ng transaksyon sa pananalapi upang
patunayan ang kanyang hawak na salapi ng samahan sa anumang oras o panahon.
3. Magbayad ayon sa tagubilin ng pangulo o sa lahat ng pananalaping bayarin at patunayan
ang katayuan ang pananalapi ng samahan sa mga ulat – pananalapi na iniulat,
kapulungan ng kasapian at mga sangay o tanggapan ng pamahalaan.
4. Ilipat ang mga salapi, ari-arian at mga papeles at dokumento ng samahan na nasa
kanyang pag-iingat sa kanyang kapalit o kahalili.
Seksyon 5 – Tagasuri
Ang tagasuri ay ihahalal mula sa hanay ng mga bumubotong kasapi. Ang tagasuri ay may mga
sumusunod na gawain.
1. Suriin ang lahat ng transaksyon na nauukol sa pananalapi sa samahan.
2. Magsuri ng mga isinasagawang programa at proyekto kung ito’y naayon sa disenyo, mga
itinakdang gawain at kapasyahan ng mga namumuno o opisyal ng samahan.
3. Suriin ang pagganap sa tungkulin ng mga opisyal o namumuno sa samahan ayon sa
itinakda ng alintuntuning panloob at kapasyahan ng mga opisyal o namumuno ng
samahan.
4. Magbibigay ng ulat sa taunang pagpupulong sa kasapian hinggil sa mga ginanap na
tungkulin.
Seksyon 6 - Mga Mangangalakal (Business Managers)
Ang mga Mangangalakal ay may tungkuling:
1. Magpaplano ng mga pamamaraan upang mapaunlad ang kapirahan ng samahan.
2. Lumikha o magrekomenda ng mga livelihood projects para sa samahan.
3. Makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, pribadong tao o samahan sa maaaring
itulong sa samahan.
Seksyon 7 - Mga Tagapagbalita (PRO)
Ang mga tagapagbalita ay may tungkuling makipag-unayan sa pangulo at kalihim hinggil sa mga
impormasyon, paalaala, paanyaya, paunawa at iba pa na kanilang ipapakalat o ipapadala sa
mga kasapi ng samahan.
Seksyon 8 - Mga Tagapamayapa
Ang mga Tagapamayapa ay may tungkuling:
1. Tumulong sa mga opisyales ng samahan upang maipatupad ang mga batas at alituntunin
ng samahan.
2. Magsilbing tagapamagitan sa mga di nagkakaunawaang kasapi.
3. Ipabatid sa mga opisyales ng samahan ang mga nakikita/naoobserbahang gawain/kilos
na makakasira sa samahan.
4. Tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng grupo sa mga panahong ng
pagpupulong.

Artikulo IX
Pagtatanggal ng Opisyales at Pagpapalit ng Bakanteng Posisyon

Seksyo 1 – Pagtatanggal ng Opisyales


Dalawang (2) taon ang karaniwang tagal ng panunungkulan ng isang Opisyales subalit sakaling
may mga malubhang paglabag sa batas ng Samahan, siya ay maaaring tanggalin sa tungkulin.
Pag-uusapan muna ng mga Opisyales ang kaso at kung sadyang malubha ay mapipilitan itong
tanggalin. Ganunpaman, maaaring umapela sa mga Opisyales o Samahan ang isang Opisyal
bago tuluyang tanggalin sa puwesto.
Seksyon 2 – Pagpapalit ng Bakanteng Posisyon
Ang sinumang sadyang magbibitiw sa tungkulin o sapilitang tinanggal bilang Opisyal ng
Samahan ay agad na papalitan. Magpapatawag ng espesyal na pulong ang Pangulo ng Samahan
para mapalitan ang nasabing bakanteng puwesto. Dadaanin ito sa botohan.

Artikulo X
Pagpupulong
Seksyon 1 – Buwanang Pulong
Ang regular na buwanang pulong ay gaganapin tuwing Unang Linggo (1st Sunday of the Month).
Seksyon 2 – Kapulungan o General Assembly
Ang Kapulungan o General Assembly ay gaganapin minsan sa isang taon at ito ay mangyayari sa
unang linggo ng Desyembre. Ito ay dadaluhan ng lahat ng Kasapian.
Seksyon 3 – Taong Pisikal (Fiscal Year)
Ang fiscal year ng Samahan ay mula Enero 1 hanggang Disyember 31 ng bawat taon.
Seksyon 4 – Agenda o Pag-uusapan
Ang mga Pag-uusapan ay ang mga sumusunod:
1. Pag-ulat ng Kalagayan ng Samahan (Positibo at Negatibo).
2. Pagtatasa sa mga nakaraang gawain.
3. Pag-uulat ng Pananalapi ng Samahan.
4. Mga Patakaran o Policies na dapat baguhin/tanggalin o dagdagan.
5. Pagpaplano ng mga gawain sa susunod na taon.
Seksyon 5 – Kapangyarihan at Hangganan ng Kapulungan
Ang mga aktibong miyembro lamang ang may karapatang bumuto, magbigay ng puna o
suhestyon sa mga usapin ng Samahan. Ang anumang mapagkasundan ng nakararami ay
susundin ng lahat ng kasapi ng Samahan.
Seksyon 6 – Korum sa mga Pagpupulong
Ang korum sa mga pagpupulong ay dapat 50% + one ng buong Kasapian.

Artikulo XI
Pananalapi o Pondo
Seksyon 1 – Laang Salapi
Ang laang salapi ng samahan ay magmumula sa impok, utang at hiram, regalo, bigay at tulong
ng mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor mula sa loob at labas ng bansang Pilipinas.
Seksyon 2 – Opisyal na Lagakan
Ang mga halal na pinuno ang siyang magtatakda ng bangko na magiging opisyal na lagakan ng
salapi at ng mga opisyal na taga lagda dito na nakapangalan sa Samahan.
Seksyon 3 - Paglagak ng Pera
Ang pagkuha at paglagak sa bangko ng pera o tseke at iba pang instrumento ay gagawin ng mga
binigyan ng kapangyarihan ng mga halal na pinuno sa pamamagitan ng kapasyahan na ibibigay
sa opisyal na lagakang bangko.
Seksyon 4 – Pagmamay-ari ng Samahan
Sa panahon na ang samahan ay mawala o mapagkasunduang matapos, ang lahat ng pera o
tseke at kagamitan na hindi nakapangalan o pag-aari ng myembro ay ipapamigay sa kawang-
gawa o sa simbahan.
Seksyon 5 – Bahaginan ng Kikitain ng Samahan o Profit Sharing
Sa anumang kikitain ng Samahan ay ganito ang magiging bahaginan:
20% - mapupunta sa Pondo ng Samahan.
10% - laan para sa pagtulong sa Pamayanan
70% - paghahatian ng lahat ng Kasapi.
Seksyon 6 – Pasimula at Pagsasara ng libro ng Pondo/Kaperahan
Sa unang linggo ng Enero ang Pasimula at katapusang linggo ng Desyembre ang Pagsasara ng
Libro ng Pondo/Kaperahan.

Artikulo XII
Samu’t Sari na Usapan
Seksyon 1 – Libro ng Pananalapi
Ang Libro ng Pananalapi ay hawak at responsibilidad ng Ingat-yaman. Magbibigay siya ng ulat sa
kalagayan ng Pananalapi sa buwanang pagpupulong.
Seksyo 2 – Pagsusuri
Ang pagsusuri sa Libro ng Pananalapi ay 2 beses na gagawin ng Tagasuri; una sa buwan ng
Hunyo at ikalawa sa buwan ng Desyembre.
Seksyon 3 – Taunang Ulat
Ang taunang ulat ay gagawin sa General Assembly; unang linggo ng Desyembre.
Seksyon 4 – Batas Panloob
Ang Samahan ay maaaring magpatupad ng mga Batas Panloob na makakabuti sa lahat at ang
mga ito ay kikilanlin ng lahat ng kasapi. Ituturing na malaking pagkakasala ang sinumang
lumabag dito.

Artikulo XIII
Selyo ng Samahan
Seksyon 1 – Selyo ng Samahan
Ang hugis at disenyo ng selyo ng samahan ay pagpapasyahan ng Lupon ng mga Tagapamahala
Artikulo XIV
Pagsususog

Seksyon 1
Ang anumang pagbabago sa mga itinakda sa alituntuning panglabas at pangloob at artikulo ng
inkorporasyon ay gagawin sa pamamagitan ng nakakaraming boto ng lahat ng mga halal na
pinuno na pinagtibay ng 2/3 boto ng mga kasapi na may karapatang bumoto sa isang
pangkaraniwang o di – pangkaraniwang pagpupulong ng kasapian sa sadyang tinawag para dito.

Pinagtibay ng Pangkalahatang Kasapian ngayong ika-7 ng buwan ng Pebrero sa taong 2022, sa


Bayan ng Gloria, Lalawigan ng Silangang Mindoro.

Pinapatunayan ko ang Kawastuhan.

Milflor J. Lincallo
Kalihim

Pinagtibay ni:

Jovy Villaruel
Pangulo
Mga Opisyales ng Samahang LAMBAT

Pangalan Sedula Lagda

Pangulo
Jovy Villaruel _______________ ________________
Pangalawang Pangulo
Joel Valdez _______________ ________________
Kalihim
Milflor J. Licallo _______________ _________________
Ingat Yaman
Joseph B. Jamilla _______________ _________________
Tagasuri
June Logdat _______________ ________________
Mga Mangangalakal
Judelyn S. Patron ________________ _________________
Edmar Racelis ________________ _________________

Mga Tagapagbalita
Ernesto Salazar _______________ ________________
Allan J. Osicos _______________ ________________

Mga Tagapamayapa
Jerry Montejo ________________ ________________
Joberto L. Jalos ________________ ________________
Mga Miyembro ng Samahang LAMBAT

Pangalan Sedula Lagda


1. Noel Lincallo ___________________ __________________

1. Joel S. Villaruel __________________ __________________

2. Eric T. Sagaoinit __________________ __________________

3. Ronel Lincallo ___________________ __________________

4. Leovigildo Salazar ____________________ _________________

5. Jaypee Lumalang ____________________ _________________

6. Jerry Lincallo ___________________ __________________

7. Dante Belen ___________________ _________________

8. Marivic Valdez ___________________ _________________

9. Analiza Villaruel ___________________ _________________

You might also like