You are on page 1of 7

ARALIN 6: KASANAYAN SA PAG-UNAWA

I.Mga Kasanayan:
1. Natutukoy ang kahalagahan ng pagbasa sa buhay ng tao.
2. Naiisa-isa at naipaliliwanag ang mga kasanayan sa pag-unawa sa binasa.
3. Nailalapat ang mga kasanayan sa pag-unawa sa pamamagitan ng aktuwal na pagsusuri
sa isang akda.

II. Mahahalagang Tala:

ANG MABISANG PAGBASA


Bakit tayo nagbabasa?

 Karamihan sa atin ay bumabasa upang magkaroon ng kabatiran, madama ang damdaming


isinasaad ng binabasa, matuto at lumaya sa ating kinaroroonang maliit na daigdig. Sa
paglalagay natin sa ating sarili sa katayuan ng mga tauhang gumaganap sa akda, nakikilala
nating mabuti ang ating sarili at ang ating kaugnayan sa ating kapwa tao.
 Sa pagbabasa, naaantig ang ating damdaming pagkahabag at pagiging sensitibo.
 Nagdudulot ito ng iba’t ibang pananaw sa buhay, panlasa, at pagpapasya.
 Ang pagbabasa ay gintong susi sa daigdig ng kaliwanagan at lugod. Kaya, sa pagbabasa,
natutuklasan natin ang hiwaga ng daigdig, masasaliksik natin ang mga natipong karunungan
at matututuhan ang mga bagay na dati ay wala tayong kaalaman.

 Ayon kay Wiliiam Gray (1950), kinikilalang “Ama ng Pagbasa”, ang pagbasa ay isang
prosesong binubuo ng apat na hakbang:
1. Pagdama sa kahulugan ng salita
2. Pag-unawa sa kahulugan nito
3. Reaksiyon sa kahulugan nito batay sa dating kaalaman
4. Pag-uugnay sa ideya sa karanasan

 Ayon kay Kenneth Goodman (1982), ang pagbasa ay isang suliranin sa prosesong pangwika,
isang larong saykolinggwistika. Pumipili ang bumabasa ng sapat na pahiwatig mula sa limbag
na pahina at hinuhulaan kung anong nararapat na salita ang maaaring manguna o sumunod
sa kanyang nabasa. Ang kaayusan ng salita o sintaks o pahiwatig na semantic ay
nakatutulong nang malaki sa pag-unawa sa mga nakalimbag na pahayag. Sinasabi niyang
ang mga proseso ng pagbabasa ay pag-ikot ng paghahalimbawa, paghihinuha, pagsubok, at
pagkilatis sa katotohanan.

 Ayon kay Smith (1978), may dalawang uri ng impormasyong kailangan sa pagbabasa.
1. Biswal na impormasyon - makikita mula sa mga limbag na pahina
2. Hindi biswal na impormasyon – sumasaklaw sa pagkaunawa na kaugnay ng wika, ang
pagiging pamilyar sa paksa, ang pangkalahatang kakayahan sa pagbasa at ang
kaalaman sa kahulugan ng salita.
Pahina 1
 Ang bilis ng pagbasa ay nakasalalay sa mga sumusunod:
1. Uri ng Materyal
2. Layunin sa pagbasa
3. Talasalitaan
4. Haba at hirap ng mga pangungusap o talata

MGA KASANAYAN SA PAG-UNAWA

Pagkuha ng Pangunahin at Tiyak na Detalye, Skimming, at Scanning

 Skimming - pinaraanang pagbasa at pinakamabilisna pagbasang magagawa ng isang tao.


- pahapyaw na pagbasa ng mga pahiwatig sa seleksiyon katulad ng pamagat at
paksang pangungusap.
 Scanning - sa pagbasang ito, kailangang hanapin ang isang ap aglar na impormasyon sa
aklat o sa anumang babasahin.
Paghihinuha
 Ang manunulat ay nagbibigay ng mga pahiwatig sa maaaring mangyari, hindi niya ito tuwirang
sinasabi o ipinahahayag.Sa mga naturang pahiwatig, ang bumabasa ay nakabubuo ng
palagay o nanghuhula. Nagiging hamon ito sa kanya ngunit hindi siya makabubuo ng palagay
o hinuha kung hindi niya nauunawaan ang kanyang binabasa.
 Ang pagiging handa at pagkakaroon ng kasanayan sa pag-unawa sa binasa katulad ng
pagkakaroon ng malawak na talasalitaan, kakayahang magpakahulugan, sa mga
patalinghagang pagpapahayag, at katalasan ng isip sa mga pahiwatig ng may-akda ay
makatutulong sa pagbuo ng hinuha. Ang isang matalinong mambabasa ay nakabubuo ng mga
hinuhang sa dakong huli ay matutuklasan niyang naging katotohanan.

Paglalahat
 Ito ay paglalagom ng mga kaalaman at impormasyong natutuhan o nakuha sa teksto o akdang
binasa. Kailangang maayos ang pagkakabuo ng lagom at kung maikling kuwento ang akda ay
kailangang sunod-sunod ang mga pangyayari.Hindi dapat na padampot-dampot upang
maging malinaw ang pagpapahayag.

Pagwawakas
 Karaniwang ginagamit ito sa pagbabasa ng maikling kuwento, maikling nobela, pagbuo ng
buod ng sanaysay, at talumpati. May mga manunulat na sadyang pinuputol ang kanilang
kuwento at binibigyan ng pagkakataon ang bumabasa na siyang magbigay ng wakas. Hindi
niya inaagaw sa mambabasa ang sarap na maging manunuklas.

Pagkilatis sa Katotohanan at Opinyon


 Dapat na makilala ng bumabasa kung ang mga nakasaad at mga pangyayari sa akdang
kanyang binasa ay may Verisimilitude o ang pagiging sang-ayon sa katotohanan ng buhay.
Dapat niyang malaman kung likha lamang ang mga ito ng mayamang guniguni ng may-akda o
opinyon lamang niya.

Pahina 2
Pagtukoy sa Layunin ng Teksto
 Matutuklasan ng isang matalinong mambabasa ang mga layunin ng sumulat ng teksto o
seleksiyon. Maaaring ang layunin ay manlibang, manghikayat, magpaliwanag, magbigay ng
impormasyon magpahayag ng kuro-kuro, at iba pa. May mga manunulat naman na ang
layunin sa pagsulat ay magbigay-diin sa mga kahalagahang pantao (values). Kapag
pinahalahagan ng mambabasa ang layunin ng manunulat ay matagumpay ang may-akda sa
kanyang layunin sapagkat naunawaan ang mensaheng nais ihatid.

Pagsusuri sa mga Pamamaraang Ginamit ng May-akda sa Paghatid ng Mensahe


 Kailangan ang matamang pagsusuri sa mga pamamaraang ginamit ng awtor sa paghahatid ng
mensahe upang lubos na maunawaan ang nilalaman ng teksto o akdang binasa.
 Pamamaraang ginagamit sa paglalahad: paghahalimbawa, pag-uulit, paghahambing at
pagsalungat, pagpapakilala ng pinagmulan, sanhi at bunga, at iba pa.
 Pamamaraang ginagamit sa maikling kuwento: may balangkas, daloy ng kamalayan o
flahback, uring nakatago ang tunay na dula, uring tila sinasadyang guluhin ang pagsasalaysay,
uring paputol at uring binubuo ng hiwa-hiwalay na ulat.
 Kailangan ding suriin kung ang pamamaraang ginamit ay gumigising o umaantig sa damdamin
ng mambabasa at nagbibigay sa kanya ng kaisipang ilagay ang sarili sa katayuan ng
pangunahing tauhan.

Pagbibigay ng Ebalwasyon sa mga Ebidensiya at Pangangatuwiran


 Sa pagbibigay ng ebalwasyon ay kailangang matibay ang mga ebidensiya at pangangatuwiran
sa akdang binasa.
 Maaaring gumamit ng paraang pabuod o pasaklaw kapag nangangatuwiran ang pahayag. Sa
paraang pabuod, ang pagbibigay ng ebalwasyon ay nagsisimula sa payak patungo sa
masaklaw at sa paraang pasaklaw naman, nagsisimula sa masklaw patungo sa payak.
 Sa pagsusuri sa talumpati, kailangang tingnang mabuti at isa-isahin ang mga katibayan at
ebidensiya sa bahaging paninindigan nito.
 Sa maiikling kuwento naman ay magagamit ang mga natutunan ng mag-aaral sa pag-unawa o
komprehensiyon sa pagbibigay ng reaksiyon sa naganap na pangyayarin sa akda.
 Masasabi nilang naantig ang damdmain nila sapagkat nadama nila ang iba’t ibang uri ng
damdamin katulad ng galak, lungkot, pagkapoot, pagkasuklam, pagkahabag, at iba pa habang
binabasa nila ang akda. Maipapahayag din nila sa ebalwasyon kung naakit ang kanilang
kawilihan at hindi sila nakadama ng pagkabagot habang binabasa ang akda.

III.Gawaing Pagsasanay: (Isulat sa answer sheet)

1. Ipaliwanag sa sariling pahayag kung bakit bumabasa ang isang tao.(3 pts.)
2. Ipaliwanag: “Ang pagbasa ay gintong susi sa daigdig ng kaliwanagan at lugod.” (3 pts.)
3. Isa-isahin ang mga bagay na may kinalaman sa bilis ng pagbabasa. Ipaliwanag sa
pamamagitan ng halimbawa kung paano nakaaapekto sa bilis ng pagbasa ang bawat isa.
(12 pts.)

Pahina 3
4. Basahin ang kuwentong “Ang Sugat na Hindi Nakikita”. Pagkatapos, sumulat ng
paghihinuha, paglalahat at sariling pagwawakas ng kuwento. (9 pts.)
5. Ano ang layunin ng mag-akda sa pagsulat ng kuwento? (1 pt.)
6. Anong pamamaraan ang ginamit niya sa paghatid ng mensahe? (1 pt.)

IV. Learning Insights (Isulat sa answer sheet)

Ang Sugat na Hindi Nakikita (The Invisible Wound)


Ni Karoly Kisfaludi

Isang umaga samantalang ang espesyalistang siruhano ay nagpapahiga pa sa


kanyang higaan ay nagkaroon siya ng isang pasyenteng labis ang pagmamadali.Pumasok
ang isang lalaking kagalanggalang na mapagwawaring nagmula sa angkang kabilang sa
mataas na lipunan. Mababakas sa kanyang maputlang mukha at sa kaanyuaang hindi
mapalagay ang malabis na pagdurusa at pagtitiis. Pinaupo siya ng siruhano at tinanong,
“Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?”. Buong paghihirap na inalis ng lalaki ang sakbat sa
kanyang kanang kamay at nagwika, “Huwag kang magtaka kung wala kang nakikitang
sugat sa aking kamay, Hindi pangkaraniwan ang aking sakit.” Itinuro ng maysakit ang
isang bahaging pabilog sa pagitan ng dalawang malalaking ugat ngunit bigla niyang hinila
ang kanyang kamay nang maingat na diniinan ng daliri ng doctor ang bahaging kanyang
itinuturo. “Iyon ba ang kumikirot?” ang tanong ng manggagamot. Hindi sumagot ang
lalaki ngunit ang mga luhang pumapatak mula sa mga mata nito ang nagpatunay ng kirot
na tinitiis.”Nakapagtataka ngunit wala akong nakikitang kapansanan!” Muling sinuri ng
siruhano ang kamay nito sa pamamagitan ng mikroskopyo,kinunan din niya ng
temperatura at umiling-iling. “Sa palagay ko’y may kapulahan ng bahagya ang masakit
na bahagi”. “Saan?” “Dito.” Gumuhit ng pabilog sa likod ng kanyang kamay na kasinlaki
ng pera.Pinagmasdan ng doctor ang kausap. Inisip niyang siya ay nakikitungo sa isang
taong nasisiraan ng bait. Naglabas ng isang libong florin ang lalaki upang patunayan sa
doktor na hindi siya nagbibiro. Ngunit umiling ang doktor. “Ialay mo man sa akin ang
lahat ng yaman mo ay hindi ko maaaring tistisin ang isang malusog na kamay.”Bakit
Hindi?” “Sapagkat malalabag ang gayon sa aking sinumpaan na tungkulin bilang
manggagamot.” Nagulat ang doktor nang biglang inilabas ng lalaki ang kanyang lanseta
sapagkat walang patalim na nakalabas sa tanggapan ng doktor. Bago mahadlangan ng
siruhano ang panauhin ay naibaon na nito nang malalim sa kamay ang lanseta. “Tigil na
‘yan!” ang sigaw
-pahina 5-
Pahina 4
ng doktor sa pangambang baka sa kawalang muwang ng lalaki ay maputol pati ang
mahahalagang ugat. “Kung naniniwala kang dapat tistisin ang kamay mo ay ikaw ang
masusunod. Ako ang titistis.”Inihanda ng doktor ang mga dapat gawin. Matatag na tiniis
ng lalaki ang pagtitistis, Siya ay napabuntong hininga nang buong kasiyahan at tila ba
naibsan sa balikat ng isang mabigat na pasanin. Nang mabendahan ang sugat,lubos
siyang naginhawaan at bakas sa kanyang mukha ang katiwasayan. Lubos ang kanyang
pasasalamat sa doktor at umalis. Tatlong linggo ang nakalipas,muling bumalik ang lalaki.
Idinaraing na naman ang napakakirot na bahaging tinistis noon ng siruhano. “Hindi sapat
ang lalim ng pagkakahiwa mo,nagbalik ang kirot na mahigit pa sa dati, para na akong
mamamatay. Kailangang tistisin mong muli.”Sinuri ng siruhano ang bahaging kanyang
tinistis.Iyon ay naghilom na at natatakpan ng bagong balat.Nasa ayos ang lahat.Walang
lagnat ang maysakit ngunit kumikinig ang halos lahat ng bahagi ng katawan nito.Walang
nagawa ang siruhano kundi tistising muli ang bahaging tinistis niya noon. Nawala ang
kirot ngunit ang lalaki bagamat nakadama ng kaginhawaan ay hindi ngumiti sa doktor
nang magpaalam. “Umasa kang magkikita tayong muli”,wika ng maysakit na tila
nakatitiyak sa kanyang sinabi. Nakalipas ang isang buwan, hindi na bumalik ang
lalaki.Lumipas pa ang isang Linggo, sa halip isang liham mula sa lalaki ang dumating.
Malugod na binuksan ito ng siruhano sa pag-aakalang ang nilalaman nito ay
nagbabalitang ang kirot ay hindi na bumalik. Ganito ang nilalaman ng liham.

Mahal kong Doktor,


Hindi ko nais na pabayaan ka na lamang sa iyong agam-agam tungkol sa aking
mahiwagang karamdaman.Ibig kong ipabatid ang pinagmulan ng sakit kong ito.  Anim na
buwan na ang nakalipas,sa panahong iyon ay ako na marahil ang pinakamaligayang tao.
Mayaman ako at noong isang taon nakipagtalimpuso ako sa isang babaeng
napakaganda,napakabait at ito ay udyok ng isang wagas na pag-ibig. May kahong lagi
niyang sinususian sa kanyang maliit na mesang panahian.Nagsimulang guluhin ang aking
katahimikan ng naturang kahon lalo pa nga’t malimit kong napapansin na ang susi ay
hindi niya iniiwan kahit kailan at hindi iniiwanang bukas. Anong lihim mayroon ang
kahon na iyon? Sinunog ng panibugho ang aking puso at ipinalagay kong panlilinlang ang
matatamis niyang halik at magigiliw na yakap. Isang araw ay dumating ang kondesa at
inaya ang aking maybahay sa kanyang tahanan. Nangako akong susundan ko siya roon
bandang hapon.Kaaalis pa lamang ng karwahe ay sinimulan ko ng buksan ang kahon.Sa
paghahalungkat ko ay nakita ko ang isang balumbon ng mga liham na unang malas pa

Pahina 5
lamang ay makikilala nang liham ng pag-ibig. Isiniwalat doon ang kataksilang hindi
mapapatawad.Nagbuhat ang liham sa isa kong matalik na kaibigan. Ang mga iyon ay
isinulat pagkatapos ng aming kasal.Pagkatapos ay isinauli ko sa kahon at isinusi. Iyon na
marahil ang pinakamalagim na sandali ng buhay ko Umuwi ang aking maybahay. Buong
katuwaan niya akong niyakap at hinagkan. Hindi ako nagpahalata ng anumang
pagbabago. Nagkwentuhan kami, nagsalo ng hapunan at nagtungo sa silid. Niyari ko sa
sarili ko ang isang balak na pagbabayarin siya sa kanyang kataksilan. Pinagmasdan ko
siyang natutulog at naisip kong mandaraya ang kalikasan sa pagkakaloob ng kagandahan
sa isang babaeng makasalanan. Marahan kong ipinatong ang aking kanang kamay sa
kanyang leeg at buong diin ko siyang sinakal. Sumandali siyang nagmulat, tiningnan
akong waring gulat pagkatapos pumikit nang muli at namatay. Wala siyang anumang
ginawang pagtatanggol. Isang patak ng dugo ang dumaloy sa kanyang mga labi at
lumagpak sa kanan kong kamay. Nalalaman mo na kung saang bahagi ito doktor. Hindi
ako nakadama ng anumang pag-uusig ng budhi. Iyon ang nararapat sa katulad niyang
taksil. Nailibing siyang walang alingasngas. Nang sapitin ko ang aming tahanan ay siya
namang pagdating ng kondesa.Tila hindi siya mapakali. Wari’y takot na takot at labis na
nabigla sa balitang pagkamatay ng aking maybahay. Sinabi ng kondesa na may
ipinagkatiwala siyang isang balumbon ng liham sa yumao kong asawa.Hindi niya
maaaring maitago ang mga iyon dahil sa uri ng mga naturang liham. Sinabi niya kung
maaaring isauli sa kanya ang mga liham. Nanlamig ako. Nagkunwari akong mahinahon at
tinanong ko siya kung ano ang nilalaman ng liham. At sinabi niyang “Ang iyong namatay
na asawa ang pinakamatapat na babaeng nakilala ko, ni minsan hindi niya itinanong sa
akin ang nilalaman ng mga liham na iyon.” Kinuha ko ang balumbon ng liham at iniabot
sa kanya. Nagmadali niyang kinuha ito at umalis. Hindi ako nakapagtaas ng paningin
sapagkat natatakot akong may mabasa siya sa aking mga mata. Husto isang Linggo
pagkatapos ng libing,naramdaman ko ang isang matinding kirot na nanunuot hanggang
buto sa bahaging nalagpakan ng dugo ng aking maybahay. Nalalaman mo na ang iba
pang pangyayari. Nalaman kong ang nagaganap sa akin ay sariling hinagap ko lamang
ngunit wala akong kakayahang gamutin ang aking sarili. Parusa sa akin ito sa ginawa
kong malupit at pabigla-biglang pagkitil sa buhay ng walang kasalanan at kaibig-ibig kong
maybahay.Susunod na ako sa kanyang kinaroroonan at pagpipilitan kong makamit ang
kanyang kapatawaran. Nalalaman kong ako’y kanyang patatawarin at muling mamahalin
katulad ng pagmamahal niya sa akin noong nabubuhay pa siya. Salamat sa iyo doktor at
sa lahat ng tulong mo sa akin.

Pahina 6
Sanggunian: https://qdoc.tips/ang-sugat-na-hindi-nakikita-pdf-free.html

Pahina 7

You might also like