You are on page 1of 1

Oh! Bakit nakatingin kayong lahat sa akin? Ikaw! Ha? Ano?

Sasabihin niyo na
namang, "Tama na yan. Magiging maayos din ang lahat." Bakit? May alam ba
kayo? Walang silbi 'yang mga tingin na ibinabato ninyo sa akin dahil hindi niyo rin
naman maiintindihan. Hindi niyo alam ang pakiramdam ng maiwan. Alam niyo
kung bakit? Kasi sarili niyo lang naman ang inyong iniisip.
Alam niyo ba ang pakiramdam ng mawalan ng isang ama? Alam niyo ba kung
gaano kasakit makita ang ina mong nagkukumahog sa pag-iyak dahil ang lalaking
pinaglaban at minahal niya ng sobra ay basta basta na lang babawiin sa kanya?
Alam niyo ba kung gaano kahirap? Hindi!
Ako! Ako alam ko. Araw-araw kong nararanasan. Minuminuto kong dinadamdam
ang pagkamatay ng aking ama. Siguro nga'y napakabata ko pa noon pero sa bawat
taon at araw na lumilipas, unti-unti kong napupuna ang kakulangan ng isang
padre de pamilya. Walang araw na dumadaan na hindi sumasagi sa aking isip kung
bakit ang aga? Bakit siya pa?
Gustuhin ko mang kalimutan ang sakit pero mapagbiro ang tadhana. Gumagawa
siya ng paraan para harapin ko ang aking kinakakatakutan.
"Sige na. Sabihin mo na lahat ng gusto mong sabihin sa kanya para pagkatapos
nito, malaya ka na." Naalala kong sambit ng aking kaibigan noong nasa puntod
kami ng aking ama.
Masakit? Hindi. Napakasakit. Isipin niyo nga, sa loob ng maraming taon ni minsan
sa aking panaginip ay hindi siya nagpakita. Iisa lang ang hiling ko sa Diyos na
sana... sana... kahit limang segundo magpakita siya kahit sa panaginip. Masilayan
ko man lang ang kanyang mukha sa hiling pagkakataon. Kahit isa lang, ok na ako.
Masabi ko lang sa kanya na mahal na mahal ko siya.
Imposible ba? Wala eh. Kapag mahal mo, magbabaka sakali ka talaga.

You might also like