You are on page 1of 19

7-17 Para sa oras at petsang

hinding-hindi makalilimutan

Arthur Bandolin Jr.


2022
7-17 ©2022. Karapatang-ari ng awtor.

Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang anumang


bahagi ng zine na ito ang maaaring gamitin nang
walang pahintulot mula sa may hawak ng
karapatang-ari.

Arthur Bandolin Jr.


Awtor
PAUNA NG PARATING HULI
May sumpa yata ang biyernes sa ikatlong hanay ng
buwan ng hulyo sa kalendaryo. O hindi kaya'y ang kaarawan
ko ang may sumpa? Limang taon na ang nakalilipas nang
matapos ang una kong pagibig - Ika-14 ng Hulyo, biyernes,
umuulan, alas-seis ng gabi, isang buwan bago ang aking
kaarawan. Malinaw pa rin sa alaala ko kung paano ko sinira
ang kasiyahan sa bahay ng matalik kong kaibigan. Sa halip
na magsaya kami sa kaniyang kaarawan, puso kong wasak ang
naging sentro ng kwentuhan. Hindi lang pala ako sadboi
noon, agaw-atensyon din, sa okasyon pa ng iba!

Dalawang taon naman ang nakalilipas nang magwakas ang


ikalawa kong pagibig - Ika-17 ng Hulyo, biyernes,
umaambon, alas-siyete ng gabi, isang buwan bago ang aking
kaarawan. Hindi yan ang opisyal na petsa ng aming
paghihiwalay. Nagpadala kasi siya ng mensahe sa akin
makalipas ang ilang araw na bigyan ko siya ng oras na
magisip. Ika-21 ng hulyo nang ayain niya akong makipagkita
kinabukasan. Akala ko balikan na. Inayos ko pa naman ang
kuwarto ko sa pagasang muli kaming tatambay doon at
manonood ng mga pelikula. Pero hindi. Ika-22 ng Hulyo,
mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-onse ko siya
pinilit na makipagbalikan, sa loob ng milk tea shop. Pero
wala na talaga kaya humingi na lang ako ng huling pabor,
na hayaan niya akong yakapin siya hanggang alas-dose ng
tanghali. Napakadrama ko, parang tanga. Pero ayon, wala na
talaga. Sa labis kong pagkabigo, tinakbo ko ang apat na
kilometrong distansya ng aming tagpuan pauwi sa aming
bahay, sa tanghaling tapat! Hindi kinaya ng init at hilo
ang sakit na nararamdaman ng puso.
Ang pagtatapos ng pagibig na iyon ang simula ng aking
kalbaryo, ng mahigit isang taon na pag-iyak gabi-gabi at
paggising sa umagang tila may nakadagan na mabigat na
bagay sa dibdib. May mga linggo rin na tubig lang ang
nagpapagana sa katawan. Kahit ang paborito kong pagkain,
hindi umuubra sa puso kong nangungulila. Ang pagtatapos ng
pagibig na iyon ang simula ng pagkawala ko ng sarili at ng
paglalakbay upang muli kong mahanap. Walang humpay na
pagiisip hanggang sa mapagtanto ang lahat ng pagkakamali
ko sa nakaraan. Hindi ko inaasahan na kahit mahigit isang
taon na ang nakalipas, may mga bagay pa rin akong
natututunan at napagtatanto mula sa pagkabigong iyon.

Kaya kahit na ganoon ang nangyari, malaki ang


pasasalamat ko sa ikalawa kong pagibig (Ito ba yung sa
tiktok? Wala na kami bro, pero pasalamat pa rin ako sa
kanya kasi kahit sa konting panahon, I was genuinely
happy). Marami man akong nasayang na pagkakataon at
oportunidad dahil sa pagkawala ko ng sarili at tagal ng
pagbangon, ibang ako naman ang aking natagpuan. Ngayon,
sigurado na ako na kaya ko nang maging "better" para sa
susunod na taong iibigin at aalayan ko ng mga tula. Sa
susunod kong kasintahan, huwag kang magselos dahil sa zine
na ito ha, naisulat ang mga tulang ito sa kasagsagan ng
pagka-sadboi ko. Isa kasi akong sadboi pero hindi
manipulative na makata. Oh 'di ba! wala pa, defensive na
'ko. Ganiyan ako magbigay ng assurance! Seeeesh!

Ayun na nga! Marahil yung iba sa inyo nabasa na ang


mga tulang nakapaloob dito dahil na-post ko na noon sa
Facebook at yung iba'y ginawan ko pa ng video. Napagtripan
ko lang talaga 'to i-compile at gawing poetry zine. Sayang
naman kasi kung puro lang ako kadramahan at walang mabubuo
na tulad nito. Naglalaman nga pala ang zine na ito ng 17
na tula. Syempre alam niyo na kung bakit.
Iiwas na talaga ako sa tampuhan o 'di kaya'y doble kayod
sa panunuyo sa tuwing sasapit ang buwan ng Hulyo. Lalo na
sa kapag pumatak na ang oras na alas-seis ng gabi sa araw
ng biyernes. Tiyak kong may sumpa ang oras, araw, at buwan
na iyan sa lovelife ko!

-Arthur, Art, Arturo, Turo, Awtor


Walang sintamis ang paglimot ng
pait ng mga alaala
HULING YAKAP
Tinanong kita kung puwede pa
at iling lang ang 'yong tugon
Tinanong kita kung bakit
at naging mailap ang pagkakataon
Katahimikan mo ang naging sagot
sa bawat kong tanong
Kaya't humiling na lang ako
ng huling alaalang mababaon
Huling yakap na mahigpit
na dama ko hanggang ngayon
Kalakip ang sakit ng alaala
ng 'yong paglayo't 'di na paglingon

7-17 | 1
KULUNGAN
Nagtapos tayo nang walang babala
ni hindi man lamang ako nakapaghanda
sa sakit na maaari kong maramdaman
sa oras ng 'yong pagkawala
Ibinigay ko sayo ang kandado ng aking puso
ang susi ng aking mga alaala
Pumayag akong maging preso
ng mga halik mo at yakap
binilanggo ko ang sarili
sa ating mga pangarap
Mahirap pala ang lumaya
mula sa bilangguang
ikaw mismo ang lumikha
Ngayon, wala ka na
at ang 'yong mga alaala
ang bumubuo sa mga rehas
na palagi kong hinihimas
umaasang ikaw na mismo
at hindi ang nakaraan
ang susunod na dadalaw
sa susunod na pagsikat ng araw
sana matanaw kita
Dahil narito pa rin ako
hindi alam kung paano makakalaya

7-17 | 2
TAGAY
At naalala sa huling tagay
ang unang mga salita
Pinipilit na ‘di masabay
sa paglunok ang pag-antala
ng kaniyang imahe na kumulay
nasa isip kahit siya’y wala
Ang inakalang panghabambuhay
natigil sa ‘di na tama
Ang pait ay naging tunay
kung kaya’t nasamid bigla
Luha’y naging alalay
sa muling pananahimik ng diwa

7-17 | 3
AWITIN
Napakinggan kong muli
ang paborito nating kanta
Ngunit ang pagkandili
ay 'di na madama
'Di na tulad pa ng dati
'pagkat pagibig ay wala na
Dama ang hapdi
sa kahit anong linya
ng awitin na pinili
na yumakap sa alaala
ng pag-ibig na nanatili
para sa taong lumisan na

7-17 | 4
GAYUN DIN NAMAN AKO
Masyado ka nang naging abala
gayun din naman ako
Nahumaling ka na sa mga pelikula
gayun din naman ako
Napabayaan ka na sa kusina
gayun din naman ako
Ngunit may pagkakaiba pala
'pagkat ako'y nasa sa 'yo
Panay save pa rin ng mga pelikula
umaasang muling manonood tayo
Kaya't tutungo na lang muli sa kusina
upang hilamusan ang mga luha
mula sa mga mata kong namumugto

7-17 | 5
HAYAAN MO MUNA
Kung ang kahulugan ng pagiging akin mo'y
pagkawala mo ng sarili
hindi na kita pipilitin pang manatili
Hahayaan kitang lumisan
nang walang halong pagsisisi
Hanapin mo ang 'yong sarili
at hayaan mo muna ako ritong manatili,
Umaasang matagpuan mo
ang bawat mong bahagi
At ako'y babalik muna
sa ating mga sandali

Ayaw kitang lumisan


na may baon na pag-aalala

Hindi kita gagambalain


ngunit hayaan mo muna akong
alalahanin ka.

7-17 | 6
LARAWAN
Lumipas na ang mga buwan
na ang oras 'di namalayan
kumupas na ang larawan
ngunit nanatiling tangan-tangan
ang pagibig na sinubukang
kalimutan nang dahan-dahan
Ngunit walang pasintabi ang panahon
na nagpakaripas ng takbo
ng pagasang babalikan
Nagkandarapa sa paghabol
ngunit naiwanang sugatan
Nagpahinga at tinanggap
na wala na ang 'yong yakap
ngunit hawak pa rin ang 'yong larawan
na minsan pang kinakausap
Hindi ko magawang itapon
sapagkat hindi ko pa rin mahanap
kung saan banda ka nakabaon
sa puso kong naging mailap
at nakalimutan nang maghilom
dahil ikaw pa rin ang hinahagilap

Kailan ko ba mabibitawan
itong hawak kong larawan
Baka naman puwedeng ikaw na ang kumuha
at sabihing hindi ko na kailangan
na yumakap sa wala
sapagkat babalik ka na
Ngunit habang wala ka pa
tanging sa larawan na lang muna

7-17 | 7
KUNG KAILAN KA NAWALA
Bakit kung kailan ka nawala
do'n pa kita palaging nakasama?
Sa anyo ng kape sa umaga
Sa init ng maghapon
Sa lamig ng gabi
Maging sa panaginip 'di makabangon
Wala akong takas sa'yong mga alaala
na para bang nangyari lang ang lahat kahapon
Makalilimutan pa ba kita?
kung niyayakap pa rin ako
ng iyong mga alaala
Magkasamang nakatawa
nakapikit ma'y nakikita
Pinaghahalo ang ngiti
sa 'di mapigilan ko na luha
Hindi na malaman ang nadarama
Panay tanong kung bakit nga ba
kung kailan ka nawala
do'n pa kita palaging nakasama
ngunit masakit
dahil sa anyo na lang ng alaala

7-17 | 8
PIZZA
Wala akong alam sa mga kainan
Kung mayroon man
hindi rin kita madadala
Hindi rin kasi ako mayaman
kaya pahirapan maski ang pagiisip
ng ililibre ko sayong meryenda

Naalala ko lang bigla


nang minsan kasi akong lumabas
tinanong ako ng isang manong,
"Bakit hindi ka na bumibili sa'kin ng Pizza?"
Hindi ko alam ang itutugon
"Ah, sige balik ka na lang
kapag bumalik na siya."

Napaibig tuloy akong bumili


dahil kahit papaano,
naging bahagi pala si manong
sa natapos nating kuwento

7-17 | 9
ULAN
Noong bata ako
iniiyakan ko pa si Inay
para lamang makaligo sa ulan
Masaya kasi ang maglaro
sa kalsada't makipaghabulan

Noong nagbinata ako


nananatili na lang ako sa bahay
sa tuwing uulan
Masaya kasi ang manood
hanggang makatulog
sa mahabang upuan

Noong makilala kita


sinasadya kong iwanan
ang payong sa bahay sa tuwing umuulan
Masaya kasing makasalo ka
sa iisang payong
habang naglalakad sa daan

Pero nang lumisan ka


naging malungkot na ang tag-ulan
masaya naman ako dati
kahit dumidilim na ang kalangitan

Hindi ko na siguro maibabalik


ang dating pakiramdam
dahil niyakap na ng alaala mo
at ng lungkot
ang bawat patak ng ulan

7-17 | 10
KAILANGAN KONG MAMANHID
Wala akong masiyadong trip sa buhay
kaya nakamamangha ang mga araw
na nagkakaroon ng kulay
sa maghapon lamang na pag-upo
habang magkayakap ang mga kamay
o nakadantay sa hita ng isa't isa
na kahit ramdam na ang manhid
hindi magawang magreklamo

Hinahanap-hanap ko ngayon
ang pakiramdam na pamamanhid
Bahala na sa kung paanong paraan
kung sa pagdantay mo nang maghapon
o sa pagdepensa na lamang ng katawan
Sa sakit na dulot ng kahapon

Bahala na
Basta kailangan kong mamanhid

7-17 | 11
HINDI NA
Tapos na tayo sa mga paru-paro
Nagsawa na sa metapora sa araw buwan at mga tala
Hindi na rin naniniwala sa mahika ng mga bulalakaw
At wala na rin ang pagibig sa mga tula

Hindi na napapansin ang mga dumarating


Hindi na rin nalilingon ang mga lumilisan
Hindi na singsakit ng dati ang nasa dibdib
Pero hindi na rin singsaya ng noon ang buhay

7-17 | 12
SUMPA
Paano kung ang sumpa ko'y
umibig ng taong hindi mananatili?
Ang sumugal sa pag-ibig
at paulit-ulit na magapi
Paano kung maubos
at mapagod ang sarili?
Paano kung siklo lang ito ng pag-ibig
at paglisan sa huli?

Paano ba makiusap sa tadhana?


Sanay naman na akong mag-isa
Pero wala atang taong nasasanay
Sa pag-ibig na biglaang nawawala

7-17 | 13

You might also like